Chapter 3: Ultimate Fan of All Time

"Sir, wala na po sa inventory namin 'yong book. You can check po sa ibang branch, baka available sa kanila."

Wala na siyang ibang nagawa kundi bumuga na lang ng hangin at ngitian nang matipid ang store attendant. "Thank you, miss."

Isa na namang biguang pagtalikod sa customer service section at tiningnan niya ang kabuoan ng NBS branch sa SM North. Kompara sa ibang branch, di-hamak na mas malaki at mas malawak iyon, at nilibot niya ang kabuoan ng malaking lugar para lang sa nag-iisang libro.

Sinilip niya ang relo. Pasado alas-dose na ng tanghali. Sumaglit lang siya sa DCE dahil may gagawin pa siya pag-uwi. Kailangan niyang habulin ang portfolio niyang hindi niya matapos-tapos dahil tinatamad siyang simulan.

"Wala pa ring update," bulong niya habang tsine-check ang FB page. Nag-announce na siya dati kung sino ang may copy ng libro ni Althea Doe. Apat na taon na nga halos, pero wala pa rin siyang natatanggap na balita.

Lumingon-lingon siya sa paligid para maghanap ng exit. Nakita niya sa kanang panig, katabi ng cashier, ang isa sa daan palabas. Wala pa mang ilang hakbang mula sa pinanggalingan, dahan-dahan niyang binagalan ang lakad nang may mapansin sa katabing stall ng Sheaffer na batang babaeng pamilyar ang itsura.

O hindi bata.

"Miss, gaano katagal magpa-engrave?"

Huminto siya sa stall ng Parker pen at nagkunwaring tumitingin din ng mga fountain pen.

Paano nga ba niya malilimutan ang mukhang iyon?

Umayos siya ng puwesto. Ipinatong ang braso sa glass cover ng mga mamahaling pen at pagilid na humarap sa direksiyon ng babaeng maliit. Mukha itong batang namimili ng candy sa stall ng sobrang mamahal na mga panulat.

Saglit na kumunot ang noo niya habang alanganing nakangiti sa tinitingnan. Para kasing hindi iyon tumatanda. Mukha pa ring bata kaya kahit walang makeup, cute pa rin.

Tumindig pa siya nang maayos at nag-pose. Baka lang sakaling lingunin siya nito at makita siya. Pansinin pa naman ang mukha niya. Malay ba ng pagkakataon kung biglang ma-love at first sight ito sa kanya kahit na ilang beses na niya itong nakikita.

"Sir, pakitanggal ng braso. Bawal pong patungan 'yang glass."

"Ay, sorry." Napaayos tuloy siya ng tayo nang pagsabihan siya ng babaeng naka-uniform. May dala iyong asul na fountain pen na mukhang binili ng babaeng tinitingnan niya.

Around Fairview niya nakikita nang madalas ang babaeng iyon pero napadpad sa SM North. Na-curious tuloy siya kung bakit.

Pasimple siyang lumapit dito habang kunwaring inaayos ang salamin sa mata—matakpan lang nang bahagya ang mukha dahil baka makilala siya. Panay lang ang tingin nito sa mga sign pen na nagkakahalaga ng dalawang libo mahigit.

Hindi niya maipaliwanag ang pakiramdam. Parang may kumukulong kung ano sa sikmura niya. Parang gusto niyang kumain . . . tapos aayain niya ng lunch ang sinusundan.

"Miss, sa SM Fairview ko kasi nabili yung pen," sabi nito sa babaeng nag-a-assist sa pen section. "Walang nag-e-engrave doon? Dito kasi ako pinapunta, e ang layo."

Napangiti na lang siya. Narinig na naman niya ang boses nitong parang chipmunk. Naku-cute-an na talaga siya rito. Bakit nga ba hindi niya kausapin?

"Um, ehem." Tumikhim siya nang kaunti saka ngumiti. "Miss, maganda ba siya?" tanong niya rito habang itinuturo ang isang black sign pen sa loob ng glass cover.

"Tanungin mo sa kanya," sagot nito sabay turo sa babaeng stall assistant. Ni hindi man lang siya nagawang tingnan. "Mukha ba 'kong tindera dito?"

Medyo masungit.

Bumuga siya ng hininga at saka ngumiti. Sinunod naman niya ang sinabi nito.

"Miss, maganda ba siya?" At saka niya itinuro ang katabing sinusundan.

"Ang alin, sir?"

Sabay pa ang dalawang babae sa pagtingin sa kanya.

"I mean, yung binili niya. Maganda ba?" pagturo niya ulit sa katabi.

"Yes, sir. Kaso wala po kaming stock dito. Pero may magandang pen din po kaming available na puwede n'yong i-check."

Naglungkot-lungkutan siya. Pero deep inside, ayos lang na wala kasi wala rin naman siyang balak bumili.

"Sayang." Itinuro pa rin niya ang katabi. "Gusto ko kasi siya e—I mean, yung pen na bili niya."

Hindi naman mawari sa mukha ng assistant kung ngingiti o pagdududahan siya. "Sa ibang branch, sir. Si ma'am, nakabili po sa SM Fairview. You can check po doon."

"Oooh, sure." Pinanood na lang niyang ipakita ng assistant ang fountain pen na may engraved name na sa katawan nito.

Eunice Riodova

"Thank you!" pagpapasalamat ng babaeng maliit nang maibalik sa mahabang kahon ang panulat. Ibinalik nito sa backpack ang box at saka naglakad palabas ng bookstore.

Sinundan na lang niya ito ng tingin habang nakangiti. "Ang cute niya, 'no?" sabi niya sa stall assistant.

Nginitian lang din siya nito habang nahihiya.

♥♥♥

Kalahati ng araw niya, nasa labas siya ng bahay. Kalahati ng araw, nasa loob naman siya. And he didn't want anyone to enter his house every time he was there.

Hindi naman sa ayaw niya ng bisita, pero doon lang siya nakakapag-isip para sa mga bagong kuwento niya.

Mas tahimik, mas mabilis ang writing pace, at ayaw niya ng naiistorbo. If he spent his day outside, the people around him should have known that that was his time allotted for them. Kapag nasa bahay niya, that was the time he allotted for himself.

Laging tinatanong sa kanya, bakit hindi pa siya nag-aasawa? For a 38-year-old man, good-looking, at may pera, imposibleng walang babae sa buhay niya.

Pero hindi kasi ganoon kadali iyon para sa kanya. Dahil unang-una, ayaw niya ng iniistorbo siya kapag nagsusulat. Makukulit ang mga babae lalo na kapag kinakausap. Pangalawa, tama nang nagkamali siya kay Fatima, ang una niyang asawa. Pero higit sa lahat, may hinahanap kasi siyang babaeng ni hindi niya nakilala kung sino ba talaga magmula nang makadaupang-palad niya.

It might sound crazy to the others pero naging loyal ang atensiyon niya sa isang hindi sikat na writer na nakilala niya sa isang online writing contest.

"Bakit ka nagsusulat?"

Sa tanong niyang iyon, sa 125 contestants na nagmula sa buong Pilipinas, hindi na bago ang:

Kasi dream kong maging writer.

Kasi passion ko ito.

Kasi gusto kong sundan ang yapak ng idol kong writer.

Kasi hobby ko at masaya ako rito.

Hanggang sa mabasa niya ang isang sagot na namumukod-tangi sa lahat.

I'm lost. I want to be found.

He read the whole novel in its raw form. The original draft. The far-from-perfect manuscript.

The whole novel was unexpected. It was a fantasy story written in pure Filipino, pero English ang title. He was not a fan of fantasy. Sobrang hirap kasing i-execute para sa kanya ng mga eksena nang hindi nagkakamali. Nagwo-word vomit pa siya. Mas lalo na ang Filipino. Nasanay kasi siya sa mga English pocketbook kaya limitado lang ang style na alam niya sa lengguwahe.

That was the first time na naka-encounter siya ng ganoong story from an aspiring writer na sumali sa contest. That time, alam niya sa sariling hindi newbie ang nagsulat niyon.

Sinubukan niyang hingin ang details ni Althea Doe sa organizer ng contest pero hindi siya pinayagan. Nirespeto niya ang desisyon ng mga organizer kung hindi talaga puwede dahil sa security reasons.

Then nawala na sa sistema niya ang tungkol doon. Inaya lang naman siyang maging judge. Hindi lang niya ine-expect na gagawin palang libro ang winning entry.

Two years later lang niya nalaman na may nailabas palang libro si Althea Doe. Ang kaso, sobrang limitado lang ang inilabas na kopya ng libro. Umaasa pa naman siyang makikita sa copyright page ang tunay na pangalan ng writer sa likod ng pangalang iyon.

Sobrang dilim sa kuwarto niya at monitor lang ang tanging may ilaw. Katatapos lang niyang hanapin ang libro ni Althea Doe, at naisipang hanapin ang profile ng nakita niya sa bookstore.

"Hmm . . . Eunice Riodova." At nagpapaka-stalker na naman siya. Iniisip na baka iyon nga ang pangalan ng cute na babaeng ilang beses na siyang sinungitan.

Walang lumabas sa suggestion mula sa search bar na Eunice Riodova. Pero may lumabas sa top search na "Eu Niz" at nakita niya ang display photo nito.

"Gotcha, baby girl." Lumawak ang ngiti niya at niyakap ang ladybug throw pillow habang tinitingnan ang wall nito. Puro shared memes lang. Wala ngang kalaman-laman ang About Me.

"Single ba 'to?" sabi pa niya habang kinukunutan ng noo ang mga public post nito. Puro memes. Pagtingin niya sa photo albums, puro selfie nito na nagpapa-cute. Kung hindi naka-peace sign, nakakrus naman ang mga braso. Wala siyang nakitang photo na nakalugay ito, palaging nakatali. At wala rin siyang nakitang photo nito na may kasamang lalaki.

"Hawakan mo ang aking kamay . . ."

Sinagot niya agad ang tumatawag pagkarinig ng ring tone. "Good evening, Carl John speaking."

"Vinceeeeent!"

Inilayo niya agad ang phone sa tainga. Kahit hindi na niya tingnan ang screen, alam na niya kung sino ang kausap.

"Carmela, wala na bang ilalakas 'yan?" Naghinunuli pa siya dahil parang gumuhit sa loob ng eardrums ang sigaw nito.

"May project ka raw sa DCE? Totoo? Hindi fake news?"

"Yeah," walang ganang tugon niya habang dina-download ang ibang picture ni Eunice. "Why?"

"May writing contest palang plano si Ayen. Gusto mong mag-judge?"

Natigilan siya sa pagda-download at tinitigan ang picture ni Eunice na nakangiti at naka-pogi pose.

Biglang may nag-pop up na idea sa utak niya pagkarinig doon.

Kung mag-o-organize sila ng writing contest, baka sakaling sumali si Althea Doe!

"Vincent? You there? Hello?"

"Yeah . . . yes! Why not?" Naibato niya ang throw pillow sa likod at lalong naisip na magandang idea ang naisip niya.

"G ka? Sure na ba?"

"I want a collaboration!" With her.

"A . . . what?"


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top