Chapter 28: Headache


Hindi siya santo. Hindi siya perpekto. May sarili siyang ambag ng mga kasalanan na maaaring gamitin laban sa kanya. Sa nagdaang mga taon ng buhay niya, tinuruan siya ng mundo tungkol sa mga bagay na hindi niya kahit kailan gugustuhing matutuhan. May mga bagay na kailangang itago. May mga bagay na hindi naman kailangang itago pero hindi rin naman kailangang ibunyag. At may mga bagay na kailangang ibunyag para maitago ang dapat itago.

Pagkatapos ng hotel adventure nila, tumahimik na lang siya at hindi muna inimik si Eunice. Paminsan-minsan, dumadako sa isip na putulin ang kamay pag-uwi. Paminsan-minsan, gustong pasalamatan ang kamay dahil sa ginawa.

Madalas din niyang naiisip ang laging katwiran ng mga lalaki na kaya sila nakagagawa ng kasalanan ay dahil lalaki lang sila at may pangangailangan lang sila. Ramdam din naman niya ang pangangailangang iyon. Pero ni minsan sa buhay niya, hindi niya naisip na magloko. Maharot siya sa mga kakilalang ligtas harutin, makulit kung makulit, pero alam niyang hindi siya babaero. Sweet siya sa lahat pero hindi niya ugaling manloko. Kahit ang ex-wife niyang si Fatima ay kayang patunayan iyon.

Alam niyang puwede siyang maghanap ng iba noon at kaya niyang palitan si Fatima pagkatapos ng annulment case nila. Alam niyang makukuha niya ang sinumang babae na gusto niya dahil taglay niya ang kakayahang gawin iyon. Pero sa tuwing naaalala niya ang sinasabi noon ng tiyahin niyang nagpalaki sa kanya, lagi niyang iniisip ang paalala nitong, "Ang tunay na nagmamahal, wala 'yang hinihinging kapalit. At kung masaktan ka man ng iba, wala ka pa ring karapatang manakit."

Isang dekada na ang nakalipas, nakalimutan niya na halos kung paano magmahal. Muntik na niyang makalimutan kung paano maging matino. Sinabi ng doktor na hindi siya sapat para makasama ang kanyang asawa. Sinabi ng batas na hindi siya dapat lumapit kay Fatima sa loob ng isang daang metrong distansiya o kung hindi ay ikukulong siya.

Hindi madaling kalimutan ang minamahal lalo na kung halos buong buhay niya ay inalay niya rito. Masakit ang naging pagkatuto niya. Hindi por que mahal mo ay mahal ka na. At hindi dahil sinasabi nitong mahal ka, mahal ka nga talaga, lalo na kung iba ang sinasabi nito sa ginagawa.

May kani-kanilang pinakamadidilim na mga lihim ang bawat tao, at nataon lang na mas madilim ang ibang sekreto niya kaysa sa inaakala nila. Gusto lang niyang bumawi ngayon habang hindi pa huli ang lahat sa buhay niya.

Pero biglang dumating sa buhay niya ang isang babaeng hindi niya inaasahang bibihag sa puso niya—babaeng ni hindi niya alam ang tunay na pangalan o kung sino ba talaga sa likod ng pen name nito.

Sa dami ng pinangarap niya tungkol kay Althea Doe, hindi lang niya inasahang napakalayo nito sa kung ano ba ang mga imaheng nabuo sa isipan niya mula noong mga nagdaang taon.

Wala siyang magagawa. Hindi lahat ng pangarap ay talagang nangyayari sa totoong buhay. Kailangan nilang ipagpatuloy ang collaboration nila ni Eunice. Sobrang tagal nila sa kalsada dahil sa traffic. Napatambay sila sa Welcome Rotonda pagdating ng alas-otso ng gabi.

Nakokonsiyensiya pa rin siya sa ginawa niya pero bigla iyong nawala dahil halos tatlong oras nang nakasimangot si Eunice. Kahit hindi nito sabihin, alam niyang isang tao lang ang may gawa niyon at hindi siya iyon o ang ginawa niya ang dahilan. Malamang na ang boyfriend nito ang salarin.

Gusto sana niyang dalhin si Eunice sa Tomas Morato o kaya sa Timog Avenue para sa bar-hopping nila. Pero masyado kasing mausok doon at siksikan. Ayaw niyang ma-culture shock ang crush niya.

Noong mid-20s niya, tipikal na sa kanya ang night life. Bar dito, bar doon. Nagawa pa niyang sumubok na gumamit ng droga para lang masabing in siya. For experience, sabi nga niya. Pero hanggang doon lang dahil alam din niya ang kaakibat na kabayaran oras na malulong siya sa bisyo.

Marunong siyang manigarilyo. Marunong siyang uminom. Bakit ba hindi? Buhay niya iyon. Buhay rin iyon ng mga kaibigan niya noon. Hanggang sa makita niya talaga kung gaano kahirap ang buhay.

Lahat-lahat ng pinagdaanan niya ay parte na lang ng nakaraan niyang pilit niyang binabago para sa mas maayos na kasalukuyan. Nahirapan na siya noon at ayaw niyang mahirapan din ang iba ngayon gaya ng paghihirap na naranasan niya, lalo kung nakikita niya rin si Eunice sa kaparehong sitwasyon.

Bago sila mag-park, sinabi na agad niya kay Eunice na: "Look around, observe, and narrate everything." Ang kaso mukhang walang pakialam ang crush niya roon dahil nga mainit ang ulo.

May kadiliman sa resto bar na pinuntahan nila. Japanese din ang theme pero hindi kagaya sa atmosphere ng hotel na pinuntahan nila. Puro naman dilaw sa paligid—ilaw, paper lanterns, bintana, mesa, upuan. Puro pa bonsai at Chinese bamboo sa bawat kanto. Maganda ang ambience, amoy-tsaa sa labas dahil sa humidifier na ginamit. Amoy-alak naman at sigarilyo sa loob dahil sa mga customer. Open iyon at may second floor. Naghahalo ang mga kumakain at nag-iinuman. May banda ring tumutugtog sa may podium.

First time niyang pupunta roon dahil nakita lang naman niya sa daan bago sila tumuloy sa Rotonda. Sinubukan niyang maghanap ng parteng malapit sa ilaw. Ayaw niyang maramdaman ni Eunice na hindi ito ligtas sa paligid. Alam niya kung anong vibe ang mayroon sa bawat bar—liberated, delikado, thrilling, hindi pambata. Puwedeng mag-cause ng anxiety sa mga taong hindi sanay.

Maraming tao pagdating nila. Inakbayan niya agad si Eunice dahil masyadong focus sa phone nito. Siya na ang nag-guide dito dahil baka madapa habang naglalakad sila.

Pagkaupo nila sa dulong table na malapit sa paper lantern na kulay dilaw, nilapagan sila ng waiter ng menu. Mabilis siyang pumili ng oorderin at saka lang binalikan si Eunice. Hindi na rin niya inabalang tanungin kung ano ang gusto nitong kainin dahil alam na niya kapag bad mood ito.

"Babe, do you have a problem?" tanong niya pagkaalis ng waiter. "You look mad."

Pagtingin sa kanya nito, mukha na namang mambubulyaw. Pero hindi naman itinuloy, sa halip ay nag-iwas lang ng tingin.

Una nang inilapag sa mesa nila ang dalawang drinking glass at isang cocktail tower na four seasons ang flavor. Umiinom naman siya at kayang-kaya niyang ubusing mag-isa ang isang litrong cocktail na in-order. Gusto lang naman niyang patikim si Eunice para alam nito ang lasa.

"Babe?"

Hindi sumagot si Eunice. Ibinalibag nito ang phone sa mesa at bumibigat na naman ang paghinga habang nakatingin sa labas. Mukhang galit na galit. Nakapatay ang phone nito, na-curious tuloy siya kung ano na naman ang ginawa ni Justin kaya nagagalit na naman ito.

"Babe, huy?"

Sinalubong niya ang masamang tingin nito. Kinakabahan na tuloy siya. Hindi pa naman kasi niya nakita si Eunice na ganoon kagalit. Nagagalit o naiinis pero kaya pa niyang pakalmahin kakaasar, pero iba ngayon. Parang kapag inasar niya, magkakalimutan na sila.

"Iinom na ako, ha?" sabi nito na parang naghahamon ng away kahit nagtatanong lang naman. "Nauuhaw na 'ko."

Itinaas niya ang kamay para pigilan ito habang nagsasalin nang punong-puno sa hawak na baso.

"Uh—babe?" Naasiwa tuloy siya kasi sobrang dami ng ininom nito samantalang hindi naman juice ang nasa tower.

"Ang sarap nito, ha?" Nagsalin na naman ito nang punong-puno sa baso.

"O, sige, babe, that's enough." Inawat na niya ito dahil dalawang punong baso na ang naiinom samantalang tikim nga lang dapat ang gagawin nito.

Nagpapigil naman ito at pinagbuntunan na naman ng inis ang phone. Nilapagan na sila ng pagkain at lahat-lahat, naka-focus pa rin ito sa phone.

Habang kumakain, kulang na lang ay singhalan nito ang hawak. Ilang sandali pa, ibinalibag na naman sa mesa ang gamit.

Nag-aalala na tuloy siya rito. "Babe?" Nagtagpo na naman ang tingin nilang dalawa. "What's happening?"

Umaasa siyang sisigawan siya nito. O biglang magwawala at sasabihing "Hoy, Vincent Gregorio, huwag mo 'kong kausapin, naiinis ako. Tumahimik ka diyan."

Pero hindi. Pumikit lang si Eunice, kinagat ang labi, huminga nang malalim habang umiiling. Mukhang nagpipigil ng galit. Lalo lang tuloy siyang kinakabahan.

Dinampot lang nito ang phone sa mesa at matapos ang ilang segundo ay ipinakita sa kanya.

"Shot this afternoon. Phone 'yan ng boyfriend ko."

Kinuha niya ang phone nito at tiningnan ang tatlong photo.

Maganda ang lugar, mukhang nasa bundok. Kung hindi siya nagkakamali, mukhang Rizal ang area. Parang napuntahan na niya noon. Ilang scroll pa at nakita na niya ang isang comment sa photo na parang loob ng isang hotel room.

Rara Bhiie

Bhie credits mo naman sa kumuha haha miss u na agad

Bigla siyang naningkit. Kung siya lang ay hindi niya iyon papansinin. Pero kasi babae si Eunice, at alam niya kung paano mag-isip ang mga babaeng taken. Mukhang nagseselos ang crush niya.

"Did he—uh . . ." Alangan siyang magsalita. Napapaling tuloy ang ulo niya sa kanan. Hindi niya alam kung saan lulugar. "Did he say he's going on vacation?"

"No," agad na sagot nito at kumuha na naman ng isang punong baso ng cocktail.

"Baka work-related, babe," pakunswelo na lang niya para hindi na lalong sumama ang loob nitong kanina pa naman masama.

Pumikit na naman ito at mukhang lalo lang na-bad trip sa sinabi niya. "May stock exchange ba sa bundok, ha?" kuwestiyon nito sa kanya. "Anong ko-compute-in niya r'on? Population ng mga unggoy?"

"Do you trust your boyfriend, babe?"

"YES!" sigaw nito at itinaas pa ang magkabilang kamay. "Kaya nga hinahayaan ko siyang gawin ang gusto niya!"

"And . . . you are mad about it."

"Puwede siyang mamundok any time!"

"And he did."

"Nang may kasamang ibang babae? Yes, he did!"

"Babe, don't shout," awat niya habang nakataas ang mga kamay. "Easy."

Lalo lang itong hiningal at nagsalin na naman sa baso nito. Halos nangalahati na ang laman ng tower. Inilapag na niya ang phone ni Eunice sa mesa na kinuha rin naman agad nito.

"Babe—"

"GT, I trust Justin, okay?" putol nito sa kanya at tumango pa.

Nakitango na lang din siya para damayan ito sa sinasabi nito.

"Pero wala akong tiwala sa mga babae sa paligid niya."

Iyon lang. At naiintindihan niya ang part na iyon ni Eunice. Pero sa side niya bilang lalaki, hindi niya puwedeng husgahan ang boyfriend nito agad-agad. Dahil unang-una, kung may kasama mang iba si Justin, okay lang naman siguro lalo pa't may iba rin namang kasama si Eunice na lalaki sa mga sandaling iyon. Patas lang naman. Pangalawa, kung talagang mahal ni Justin si Eunice, hindi iyon magloloko dahil ganoon ang paniniwala niya bilang lalaki.

"Babe, if he really loves you, he'll be faithful."

"Faithful?" Ibinagsak na naman nito ang kaawa-awang phone sa mesa. "No response, no reply, naka-airplane mode—faithful?"

"Babe, I hope you're getting the idea of being faithful. He's with someone else—"

"Yes, he is!"

"And so are you."

Inilapit nito ang sarili sa mesa at dinuro ang dibdib. "GT, alam ko sa sarili kong wala akong ginagawang masama. I am working with you, and you fucking know that."

Sinubukan niyang kalmahan ang lahat ng sasabihin dahil ayaw niyang salubungin ang init ng ulo ni Eunice. "What if he did the same?"

"Did what? Work? Sa bundok? May research din ba siya sa Antipolo with someone else kahit na office work ang trabaho niya? Na dapat nasa bahay na siya before five kasi wala naman na siyang dapat gawin sa labas?"

"But we just went sa hotel and nothing happened." Nagbigay pa siya ng emphasis sa mga sumunod na sinabi. "Like what both adults without any label aside from co-workers or friends would do."

"Hoy, Vincent Gregorio." Dinuro na siya nito. Ito na nga ang kanina pa niyang inaasahan. "Nag-brainstorm din ba sila sa hotel? Ano'ng gagawin nila do'n? Ide-describe din ba nila ang lamig ng air con? Yung itsura ng pader? Yung laki ng kama? Magtititigan lang ba sila hanggang makapagsulat sila ng draft? He will narrate everything din ba? Gano'n ba 'yon, ha?!"

Nagtaas na lang siya ng kamay para sumuko.

Base sa mukha ni Eunice, galit na galit na talaga ito. Wala nang ibang laman ang isip kundi nagloloko nga talaga ang boyfriend nito. Ni hindi man lang hinayaang magpaliwanag.

Malay ba nila kung nagpapahangin lang. O baka namamasyal. O baka nagpapalamig. Who knows? Puwede naman kasing hintaying mag-explain ng side kaya sana willing to wait si Eunice.

"Paranoid ka, babe," iyon na lang ang nasabi niya rito.

Nagtaas ito ng magkabilang kamao at mukhang may balak na lukutin ang mukha niya. Pero imbes na sugurin siya, uminom na naman ito ng cocktail.

"Babe, are you drinking alcoholic beverages?"

"No."

"Then stop drinking that. That's vodka." Kinuha niya ang baso nito para pigilan sa pag-inom, halos ito na lang ang umubos ng order niya.

"Wala akong pakialam kahit na lason pa 'yan. Akin na 'yang baso ko."

"Nope." Inilayo na nito ang baso. "I don't think mataas ang alcohol tolerance mo, babe."

Pinanliitan lang siya nito ng mata dahil sa inis. Pero bago pa siya makapag-react, kinuha na nito ang basong ininuman niya at nagsalin na naman ng alak.

"Babe, naman—"

Ayaw talaga papigil. Dinuro na siya nito para pagbantaan.

"Huwag mo 'kong pipigilan, bubuhusan kita ng tubig."

Babawiin na sana niya ang baso nito pero dinuro na naman siya habang umiinom ito.

Napahilamos na lang siya ng mukha at ibinaba na ang hawak na baso sa mesa. Hindi na niya alam kung paano pipigilan si Eunice.

Kinuha na naman nito ang phone sa mesa at may tinawagan na naman.

"Dad?"

Naalerto agad siya dahil tinawagan na ang ama nito.

"Did Justin say na may lakad siya today?"

Agad na pinahid ni Eunice ang mga mata. Hindi niya alam kung umiiyak na ba o pinagpapawisan lang. "No, Dad. Ano lang . . ." Napailing ito at lumungkot na ang tono. Hindi na galit. Hindi na naiinis. "Baka kasi wala pa siya sa bahay."

Umamba siya ng paghawak dito dahil bigla na lang itong humagulhol.

"Daddyyy . . . si Justiiin . . ."

Inagaw niya agad ang phone nito para kausapin ang nasa kabilang linya.

"Hi, Daddy," kinakabahang pagbati niya.

"Vincent? Nasaan kayo?"

"Sorry po, Eunice is . . ."

"Uminom ba 'yang batang 'yan? Bawal 'yan ng alak, ha?"

Patay. "I said it po already, but she didn't listen."

"Uminom nga?"

"She's—"

"Lasing na?"

"Opo."

"Umuwi na kayo, ha?"

"Opo."

"Patulog na kami. Huwag mo na lang munang katukin ang bahay, baka magising si Mommy niya. Pagdating n'yo, baka pagalitan na naman 'yan. Iuwi mo na 'yan, hijo."

"I'll take her home po. I do apologize for this one."

"Bukas ko na kayo kakausapin. Umuwi na kayo at mag-ingat."

"Thank you, Dad. Bye."

"GT . . . pinagpapalit na 'ko ng boyfriend ko sa ibaaa . . ."

"Babe . . ."

Patuloy lang ito sa pag-iyak. "Cute naman ako, di baaaa?"

"Bab—" Bigla nitong isinubsob ang mukha sa mesa at pinalo-palo ang tabi ng plato nito. "Oh my Lord."

Bumangon na naman ito at iniyakan na naman siya. "GT . . . bakeeet . . . ?"

"That's enough alcohol for you, babe." Itinaas niya ang kamay para magtawag ng waiter sa counter. Ang kaso, bigla nitong hinatak ang braso niya. "Babe, Huwag kang magulo. Waiter."

"Iiwan na niya 'kooo . . . wala na 'kong boyfriend . . ."

Patuloy lang ito sa pag-iyak at paghatak sa kanya.

"Vincent Gregoriooo, makinig ka!" Bigla siya nitong hinampas at muntik nang matamaan ang mukha niya. Napandilatan tuloy niya ito nang wala sa oras. "Wala na 'kong boyfriend!"

Napangiwi na lang tuloy siya dahil masyado nang sinapian ng alak si Eunice at nakakapanakit na.

Paglapit sa kanila ng waiter, biglang hinatak ni Eunice ang suot nitong apron at doon naman umiyak.

"Kuya Apron, wala na 'kong boyfriend!"

Napahimas tuloy siya ng sentido at pinabitiw na ito sa apron ng lalaking dumalo sa kanila.

"I'm sorry, she's drunk," paumanhin niya sa waiter.

"GT!" Yumuko na naman ito sa mesa at doon na umiyak nang malakas.

Pagbigay sa kanila ng bill, nag-abot na lang siya ng dalawang libo at hindi na hinintay pa ang resibo. "Keep the change."

Tumayo na siya at inakay si Eunice. "Come on, babe. I'll take you home."

Hindi ito nagpatinag sa pagkakaupo. "Hihintayin ko si Justin ditooo!"

"Babe, walang Justin na susundo sa 'yo, okay?" sermon niya rito.

"Wala na si Justiiin . . . bakeeet?" Lalo lang lumakas ang iyak nito at halos pagtinginan na silang dalawa ng mga nasa kabilang mesa.

"I can't believe this." Napailing siya at napabuga ng hininga. "Oh Lord."

Wala na siyang magagawa. Hindi siya puwedeng magpatawag ng bouncer para lang paalisin si Eunice doon.

"Babe, tara na." Kinuha na niya ang mga gamit nito at siya na ang nagdala.

"GT . . . wala na yung boyfriend kooo!"

Ang lalim ng ibinuga niyang hangin at binuhat na si Eunice.

Mukhang una at huling beses na niya iyong pupunta sa resto bar na iyon.

"GT! Wala na si Justin . . ."

Medyo awkward na hindi niya ito mabuhat na parang baby dahil nagwawala ito. Naalanganin siya dahil baka biglang tumalon sa braso niya at mag-landing sa lupa. Binuhat na lang niya ito na parang sako ng bigas hanggang sa madala niya sa parking lot.

Patuloy pa rin ito sa pag-iyak nang maipasok na niya sa loob ng kotse.

Paglapag niya ng bag nito sa back seat, pinakialaman na niya ang phone ni Eunice na mabuti at walang password lock. Nagpunta siya sa SMS, tadtad ng message kay Justin.

At walang reply ni isa.

Pagtingin niya sa call log, tadtad na rin ng missed call kay Justin.

At walang answered call sa kabilang linya.

Sinubukan niyang tawagan si Justin, baka lang makausap na niya. Ang kaso, babae ang sumagot sa kabilang linya.

"The subscriber cannot be reached, please try—"

Inisip niyang baka wala lang signal. O low battery. O kahit anong rason na katanggap-tanggap naman para sabihin kay Eunice na wala itong dapat na ipag-alala at nag-o-overthink lang ito.

Alam niyang gusto niya si Eunice—sobra. Pero sa kaso nila, ayaw niyang mag-take advantage kahit na paminsan-minsan ay lumalampas na siya sa boundary. Alam pa rin naman niya kung saan siya lulugar.

At kailangan na niyang iuwi si Eunice.

Sanay naman siyang nag-uuwi ng lasing na babae sa mga bahay nito, lalo kung wala itong mga kasama. Sa tingin niya ay iyon naman talaga ang dapat na gawin kaysa mapahamak pa sila. Lasing ang babae kaya iiuwi niya . . . sa bahay nito, hindi sa bahay niya.

Iuuwi niya sila nang ligtas at sasabihan ang pamilya o mga kasama nito sa bahay kung kinakailangan. Makikiusap siyang asikasuhin ito dahil nga lasing at wala sa tamang huwisyo.

Pero sa mga nobelang ginagawa niya, malayo ang mga iyon sa nangyayari.

Dapat malasing ang female lead. Magiging pagkakataon iyon sa male lead. Mag-e-enjoy sila sa isang gabi ng kasalanan.

Pero ibang usapan kasi ang fiction sa reality. Hindi niya kayang gawin kay Eunice ang mga isinusulat lang niya sa nobela.

Maaaring kaya niya pero hindi niya magagawa kahit pa babae ang mag-initiate. Hindi niya kayang tawirin ang parteng iyon na sigurado siyang siya lang ang mag-e-enjoy at hindi ang babae.

Inuwi niya si Eunice na iyak nang iyak at hatinggabi na sila nakarating sa bahay nito. Kinalkal niya ang bag nito para makakuha ng susi ng gate. At kumuha rin siya ng duplicate key, in case of emergency. Kung mapansin man ni Eunice na nawawala, kaya naman niyang mag-explain.

Binuksan muna niya ang gate at ang pinto ng bahay nito bago niya ito binuhat nang matino.

Naiinis siya at naaawa sa nangyayari dito. Ang kaso, wala siyang ibang magawa kundi manood na lang at ma-highblood.

Pagkalapag na pagkalapag niya sa kama nito, bigla na naman itong umiyak nang mahina.

"GT . . ." mahinang tawag nito sa pangalan niya.

"Babe?" Hinawi niya ang buhok nitong dumikit sa namumulang mukha dahil sa pawis at luha.

Hindi niya alam kung gising pa ba ito o naalimpungatan lang.

Siya na ang nanlalagkit para dito. Gusto sana niyang bihisan kaso mas gusto na lang niyang manlagkit ito kaysa maulit na naman ang kalokohang nagawa niya sa hotel.

Pumunta na lang siya sa cabinet nito at nagkalkal doon. Naghanap siya ng face towel para hilamusan ito.

Masyado na niyang bine-baby ang crush niya. Pero kasalanan naman kasi niya kaya ito nalasing kaya feeling niya ay responsabilidad niya ang alagaan ito.

Binasa niya ang tuwalya sa banyo nito at binalikan si Eunice para hilamusan.

"Eunice, bangon ka muna," mahina niyang sinabi at pinaupo ito. Siya na ang nagkusang magbangon dito at pinasandal muna sa balikat niya.

"Hmm . . ." Ungol lang ang narinig niya rito. Mukhang nakatulog na. Ang kaso, bigla siyang niyakap.

Napahugot tuloy siya ng hininga. Naroon na naman ang puso niyang walang cooperation dahil nagpa-party na naman.

"GT . . ."

"Babe?" Napaka-wrong timing na sa buong maghapon nilang magkasama, doon pa siya tinamaan ng pagiging si Vincent Gregorio niya. Parang gusto na lang niyang bumalik sa Gregory Troye mode at balewalain ang crush niyang papansin din kung minsan.

Bigla itong umatras at malungkot siyang tiningnan.

Hindi pa ito tulog.

"Wala na 'kong boyfriend," malungkot nitong sinabi habang nakatitig sa mga mata niya.

Kung siya lang ang tatanungin, io-offer na niya ang sarili niya. Iyon na ang much-awaited moment niya at sobrang open na ng opportunity na up-for-grab na lang para sa kanya.

Pero . . .

"Hindi pa kayo break, babe," sabi na lang niya at inurong ito para mahilamusan. "Hayaan mo munang mag-explain ang boyfriend mo."

"Mahal pa kaya niya 'ko . . . ?" malungkot nitong tanong sa kanya habang marahan niyang pinapasadahan ng basang tuwalya ang noo at pisngi nito.

"Babe . . . mahal ka pa n'on," malungkot niyang nasabi at saka nagbuntonghininga. May aray din sa parte niya na kailangan niyang pumanig sa boyfriend nito para lang maisalba pa ang relasyon ng dalawa.

"Bakit wala siya ngayon . . . ?"

Napahinto siya sa pagpupunas ng mukha nito saka niya tinitigan ang malungkot nitong mga mata.

Gusto na niyang manapak ng tao dahil ang matalim at masungit na matang nakasanayan niya ay hindi na niya makita ngayon dahil lang sa isang taong hindi niya pa puwedeng palitan.

"Nandito naman ako, babe," mahina niyang sinabi at saka napayuko.

Naiinis siya. Nalulungkot. Nagagalit. Dahil harap-harapan niyang nakikitang malungkot ang crush niya at wala siyang ibang magawa kundi manood lang.

Gaya nga ng sabi nila, hindi niya makukuha lahat. May mga bagay na kahit abot-kamay niya ay hindi niya puwedeng kunin dahil hindi kanya.

"Bakit nandito ka . . . ?" malungkot na tanong ni Eunice.

Buntonghininga na naman mula sa kanya.

"Kasi aalagaan pa kita," sabi niya at itinuloy ang pagpunas sa mukha nito.

"E, di sana ikaw na lang ang boyfriend ko," sabi nito at mukhang nagrereklamo pa base sa tono.

Hindi niya alam kung ngingiti ba siya o ano. "Babe, kung puwede lang." Tinapos na niya ang paghilamos dito at sinuklay niya ang buhok nito gamit ang daliri. "Pahinga ka na, ha? Last na inom mo na 'to."

"Dapat ikaw na lang boyfriend ko, e," reklamo na naman nito sa kanya at umiyak na naman na parang bata.

Masaya naman siya sa naririnig niya kay Eunice, pero nasa katinuan pa siya para hindi samantalahin ang pagkakataon.

Nginitian na lang niya ito at pinunasan ang pisngi nitong natuluan na naman ng luha. "Don't cry, okay? You'll be fine soon."

"Huwag mo 'ko iiwan, ha?"

Napahugot siya ng hininga. Mangangako pa talaga siya kay Eunice kung kailan lasing ito?

"Kasi si Justin iniwan na 'ko."

Napabuga siya ng hangin at saka tumango. "I'll never leave you. I will always be here."

Dahan-dahan na niya itong inihiga at kinumutan.

"Aalis ka na . . . ?" malungkot na tanong nito.

Lalo tuloy siyang naalangang sumagot. Kailangan na kasi niyang umuwi. "Um . . ."

Nagusot ang dulo ng mga labi nito at akmang iiyak na naman.

"Okay." Pilit na lang siyang ngumiti at pinagpag ang tabi ng kama. "Dito lang muna ako. I'll stay with you."

Hinawakan na agad nito ang manggas ng damit niya para maniguro. "Huwag kang aalis, ha?"

Isa na namang pilit na ngiti at saka siya tumango. "Hindi. Hindi ako aalis."

Gusto na niyang magpahinga nang maayos pero mukhang pati iyon ay hindi rin mangyayari. Puro adjust na lang para kay Eunice ang ginawa niya buong araw.

Pagod na ang katawan niya kaya nakihiga muna siya sa tabi nito. At mukhang kailangan niyang isiksik ang sarili sa kama nitong hindi naman kalakihan.

"Uh, babe . . . my sleeve. Can you . . . ?"

Imbes na bitiwan siya, lalo lang nitong hinigpitan ang pagkakahawak sa damit niya.

Mukhang maling idea ang ginawa niya. At mapapadasal na naman siya nang taimtim dahil nag-iipon na naman siya ng kasalanan sa katawan.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top