Chapter 23: Ex and Wife

Sobrang gamit na gamit ang tadhana gaming sa mga romantic story. Na magkakakilala ang dalawang tao dahil sa tadhana. Magkakahiwalay dahil sa tadhana. Magkakaproblema dahil sa tadhana. Magkakalapit na naman nang dahil sa tadhana. Na para bang tuwang-tuwa ang tadhanang paglaruan ang buhay ng tao para lang masabing may twist ang mga buhay nila.

Madalas gamitin ni Gregory Troye ang ganoong trope sa mga nobela niya, pero iyon din ang dahilan kaya ayaw niyang maniwala sa tadhana—dahil hindi ito naging mabuti para sa kanya.

Alas-nuwebe pasado at mag-isang kumakain si Vincent -isa sa dining area ng bahay niya. Nakalapag ang phone sa kanan at laptop naman sa kaliwa. Kulang ang hinapunan niya sa fast food kaya napabili na naman siya ng rice meal sa convenience store bilang panibagong hapunan. Napakalungkot ng paligid. Madilim sa sala hanggang sa kuwarto sa itaas. Ang ilaw lang ay sa parteng kusina kung nasaan siya.

Kakaibang-kakaiba ang aura sa loob ng bahay niya kompara sa personalidad niya sa labas ng bahay na iyon. Sa sobrang daldal niyang tao, walang mag-aakalang ganoon katahimik ang bahay niya.

"Hawakan mo ang aking kamay . . ."

Hindi na niya pinatapos ang ringtone. Sinagot na niya agad ang tumatawag habang naka-loudspeaker at nakalapag lang ang phone sa mesa.

"Carl John speaking," tinatamad niyang sagot sa kabilang linya.

"Hi, Carl!" masayang bati ng kausap. Inurong niya ang phone at sinilip kung sino iyon. Walang pangalan. Unknown number pero babae.

"Yes?" sagot niya. "Who's this?"

"Kathleen! Remember me? Ako yung isa sa mga PA na nag-assist sa 'yo sa wardrobe sa pictorial last time. 'Yong sinabihan mong kamukha ni Jolina Magdangal. Nakuha ko ang number mo kay Jonah."

"Oh. Okay?" Napahinto siya sa pagkain. "What can I do for you?"

"Uh, ano kasi, itatanong ko lang kung available ka ng Friday o kaya Saturday? Nire-request ka ng boss ko for endorsement. No need for portfolio na. Nakita niya kasi 'yong banner ng red tea sa press con yesterday."

"Jonah asked me for a favor last time kaya ako nag-agree sa pictorial," sagot ni Vincent. "Hindi na talaga ako nag-a-ad."

"Pero kasi talagang ikaw ang gusto ng boss ko."

"Si Miss Chi ba ang boss mo?" tanong niya bago sumandal sa kinauupuan.

"Ay, hindi! Familiar ka kay Fatima Gomez ng LVG Ad Com?"

Napahugot siya ng hininga. Natulala siyang bigla sa mesa.

Tinantiya niya ang sarili. Naghanap ng galit. Naghanap ng tuwa. Naghanap ng kahit anong pakiramdam.

Ngunit iyon ang dahilan ng panibago niyang pagmumuni-muni. Wala siyang maramdamang kahit na ano maliban sa napakalaking blangkong pakiramdam.

"Carl? Hello? 'Diyan ka pa?"

"Bakit ako?" tanong niya, halatang walang gana. "Did she tell you anything?"

"Ay, 'yon lang. Ang request lang na nakarating sa akin is to contact you for appointment. If medyo busy, you can sched naman kung kailan ka free. I'll inform my boss right away."

"Sure ba siyang ako ang gusto niyang makausap?"

"Yes."

Tumango siya. "Pakitanong sa boss mo kung natatandaan pa niya ang date of effectivity ng restraining order ko bago niya ako kausapin."

"Date of . . . ha? Wait, kuha lang ako ng pen, i-take note ko lang."

"Huwag na. Kathleen, right?"

"Yes—"

"Can you do me a favor?"

"Yes, ano 'yon?"

"Paki-conference call nitong tawag sa kanya."

"Ha?"

"Do it, please."

"Pero kasi—"

"Ngayon ako sasagot."

"Busy kasi—"

"If you can't do it, take my no. I'll drop this call—"

"Ay, wait! Sige, wait. Wait lang, ito na."

Narinig pa niya sa background na may kausap si Kathleen. At mukhang hindi na kailangan ng conference call dahil magkasama pa yata ang dalawa.

Ilang saglit pa, narinig na niya ang panibagong boses.

"Long time no talk, 'Dy."

Napalunok siya. Ibinalagbag niya ang pagkakaupo at tiningala ang LED light ng dining area. Lalong nablangko ang pakiramdam niya.

'Dy. Nakuha pa siyang tawagin niyon ng dati niyang asawa.

"Ano'ng meron?" matigas niyang tanong sa babae.

"Saw you sa ad. Nagmo-modelling ka uli?"

Naninibago siya sa boses ng kabilang linya. Naiinis siya dahil ang ganda pa rin ng boses nito. Bumabalik na naman ang pakiramdam niya noong una niya itong marinig. Parang bago sa tenga pero pamilyar na pamilyar. Malambing, tunog mabait, tunog inosente, tunog hindi siya sasaktan.

"May five days pa. Ang aga mo namang magparamdam," aniya sa kausap.

"Na-miss ka lang."

Natawa siya nang mapait. "Tell me a better lie other than that."

"You look good sa banners. Saw the ad. Kung alam ko lang na ikaw ang model, inagahan ko sana ang punta sa studio. Kami kasi ang sumunod na gumamit. Ang laki nga raw ng itinipid nila sa 'yo. Coffee tayo sa Saturday?"

Tawang mapait na naman mula kay Vincent at saka umiling. "We both know na wala ka nang asawang mababalikan sa 'kin."

"I'm just asking you for a coffee and a small talk."

Umayos na siya ng upo nang marinig ang chat notification sound. Naka-minimize ang FB tab niya kaya nang silipin iyon, nakita niyang si Eunice ang lumalabas sa blinking notification ng tab.

Eu:

Hoy, GT. Gising ka pa?

Pagtingin niya sa oras, quarter to ten na. Nag-type na lang siya ng reply.

Vincent:

Eating dinner, babe. Nakauwi ka na?

Eu:

Yeah.

Vincent:

Good.

"Hey, Carl? Still there?"

Hindi na niya nasundan ang sagot sa chat, sa halip ay kinausap na lang si Fatima. "Not free this coming weekend. May outing kami ng asawa ko."

"Oh. Akala ko, wala ka pang asawang iba. Nasaan siya?"

"Ikaw, akala ko nga, may asawa kang iba. Nasaan siya?"

Natahimik naman ang kabilang linya. Ayaw pa naman niya ng hinahamon siya ng diskusyunan. Hindi siya mauubusan ng salitang pambato sa kausap.

Lumabas ang chat box ni Eunice.

Eu:

Inayos mo pala ang kitchen counter ko.

Naalala niya ang ginawa kagabi sa makalat na kusina nito. Nag-iwan naman siya ng note doon.

Vincent:

Did you miss something?

Ang bilis ng reply nito.

Eu:

Wala naman. Thank you sa pag-ayos.

Vincent:

You're welcome.

"So, it's a no," sabi ng kausap ni Vincent sa phone.

"Don't expect a yes from me, Fatima. Ikaw ang tumapos ng sinimulan nating dalawa. Sana hindi mo 'yan nakakalimutan."

"Carl, will you please let me—"

Siya na ang nagpatay ng tawag. Wala na silang dapat pag-usapan. Kung may dapat siyang kausap, ito ang nasa Messenger at nauna siyang i-chat.

Binasa niya uli ang replies niya kay Eunice.

Napahilamos siya kasi ang dry ng replies niya. Nakonsiyensiya tuloy siya. Sinisi pa niya si Fatima kung bakit ang cold ng response niya kay Eunice.

Nabablangko siya. Hindi na niya alam kung paano re-reply-an nang maayos ang crush niya. Nag-selfie na lang siya. Nakatutok ang kutsara sa bibig at nakangiti—na pinilit niyang maging natural para kay Eunice. Gusto na lang niyang biruin, baka lang sakaling matuwa ito . . . o siya. Kahit sino sa kanilang dalawa.

Vincent:

Sarap, 'no?

Sana mapansin ng crush niya ang smile niyang pilit na pilit pa. Para kay Eunice, ngingiti siya kahit wala siya sa mood. Kung alam lang nito.

Eu:

Baliw. Kapag ba kumakain, kailangang nakahubad?

"Hahaha! Oh, Lord. Babe, what's wrong with you?" Natawa tuloy siya.

Hindi naman katawan niya ang focus ng picture kundi ang mukha niya. Kung bakit ba naman sa dinami-rami ng papansinin ni Eunice, ang katawan pa niya. Biniro na lang din niya para sakyan ang napansin nito. Bumalik na naman ang ngiti niyang nawala kanina.

Vincent:

Paano mo kakainin kung hindi

Uminom siya at hinintay ang reply nito.

Eu:

Siraulo! Ang manyak mo!

"Hahaha! Babe, ang cute mo talaga," aniya habang natatawang nag-type ng palusot.

Vincent:

Kung hindi luto ang pagkain.

Hinihintay kasi dapat ang period sa dulo ng sentence, Babe.

Incomplete pa ang thought, nagre-react ka agad.

Editor ka, hindi mo 'yan alam?

Kagat-kagat niya ang kutsara habang hinihintay ang reply nito. Si Eunice na lang talaga ang nagpapasaya ng araw niya. Sirain na ng kahit sino ang araw niya pero mabubuo at mabubuo pa rin iyon ng crush niya.

Eu:

Gago ka talaga. Wala namang connect sa tanong ko yung sagot mo, baliw.

Kumain ka na nga lang diyan!

Mukhang bored ang crush niya. Ito pa ang unang nag-chat. Na-miss siya siguro. Alukin nga niya ng midnight snack sa labas. Hindi pa naman sila nakapag-mall kanina dahil sa boyfriend nito.

Vincent:

Hahaha!

May ginagawa ka pa, babe? Tara, brainstorm tayo.

Eu:

Brainstorm ka diyan. Gabi na!

Inaasahan na niyang hindi ito papayag. Pero sayang naman. Mukhang susugurin na lang niya ito sa bahay tutal alam naman na niya kung saan ito nakatira.

Ilang saglit pa, tumunog na naman ang notification niya.

Eu:

Saan?

Lalong lumapad ang ngiti niya.

Napakarupok naman pala talaga ng crush niya, oo.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top