Chapter 21: Flex


Alam ni Vincent na may katigasan ang ulo ni Eunice at mukha ngang ayaw nito sa makulit at nagseseryoso lang sa seryoso kausap. Kaya kung hindi siya seryosong kausap para dito, malamang na kakausapin nito si GT.

Sumandal siya sa kinauupuan, pinagkrus ang mga braso, seryoso ang tingin, naghihintay ng ikukuwento ni Eunice sa kanya.

"His name is Justin," panimula nito at nag-iwas ng tingin. "Late na akong nakapag-college. Nineteen na ako nakabalik sa school. Freshman ako. Graduating naman siya at that time. Business program."

Nahahalata niya sa reaksiyon nito na hindi nito gusto ang ikinukuwento. Mukha ngang malaki ang problema sa love life.

"Nanligaw siya dahil sa pustahan. May mga gaguhang moment naman palagi sa school. Payabangan kung gaano karami ang magiging syota. Lalaki ka, malamang alam mo 'yan. Trophy 'yan ng mga gaya n'yo."

Akma sana siyang sasagot pero baka maputol ang momentum, hindi na lang niya itinuloy ang pagtatangka. Madaldal pa naman siya.

Pero hindi siya sang-ayon sa sinabi nito. Sa tanang buhay niya, never siyang nag-ipon ng babae. Alam niyang guwapo siya pero hindi siya babaero. Loyal nga siya sa crush niya nang tatlong taon, unrequited pa iyon, at ang dami pang naghahabol sa kanya na hindi niya pinapansin.

"Marami akong magagandang classmate," pagpapatuloy nito. "Hindi ko lang maintindihan at that time kung bakit ako pa ang napili niyang pormahan."

Gusto na naman niyang sumagot sa sinabi nito. Kasi kung siya lang ang tatanungin, pipiliin din niya ang crush niya.

Pero hindi pa kasi time para umentrada. Itatabi muna niya ang mga tanong.

"Nanligaw siya, suyo-suyo," dagdag ni Eunice. "Three days din 'yon. Pero hindi naman ako tanga para hindi malaman ang trip ng barkada niya kaya sinagot ko siya agad."

"Kaya kayong dalawa ngayon?" hindi niya napigilang tanong.

Umiling ito at sinimulan nang kainin ang spaghetti na hindi pa nagagalaw. "Binawi ko rin. May so-called breakup after ng three days. Para lang masabing nanalo siya sa pustahan. After naman n'on, hindi na kami nagpansinan. Hindi na siya nagparamdam."

"Paano naging kayo uli?" tanong na naman niya.

Nagkibit ito at pinagtuunan ng pansin ang spaghetti. "Nag-OJT ako sa PLDT. Graduating year ko. Doon ko uli siya nakita sa company. Chat support siya na buyer ng binebenta ko." Ibinato nito ang tingin sa kanya, mukhang napapalalim ang kuwento. "Na-experience kong maging tindera noong college kahit maykaya kami para lang sa courses ko. Hindi ko kasi talaga matanggap na taga-photocopy lang ang duty ko roon."

"Um-hmm." Tumango naman siya at pinanood na naman itong ibalik ang atensiyon sa kinakaing pasta.

Mukhang hindi introvert ang crush niya, ma-attitude lang talaga. Hindi takot sa ibang tao. Mukhang ang ibang tao ang takot dito.

"24 na ako noong nag-start kami as dating. After two years, ni-legal niya 'ko sa parents ko. Aware naman ang parents niya sa 'kin kaso nasa abroad kasi kaya hindi ko rin makikita nang personal." Sinulyapan na naman siya nito para lang alamin kung nakikinig pa siya. "May kinakapatid siya, si Jericho. Nakilala ko noong isinama ako ni Justin sa Dasma noong nag-swimming sila. Last 2017 lang."

Sinusubukan niyang i-plot ang kuwento nito pero ang tagal ng exposition, hindi niya nakukuha ang romantic picture. Hindi niya pa magawan ng mabilisang concept.

"Doon ko rin nakilala sa swimming na 'yon si Shanaya." Bigla siya nitong tiningnan na parang bilib na bilib ito sa taong nabanggit. "Ang ganda niya, sobra." Bigla itong tumingin sa itaas na parang nangangarap tungkol sa ikinukuwento. "Alam mo 'yong ang tangkad niya, baka nga magkasing-height lang kayo. Nasa 5'10" o parang six-footer ang height niya. Tapos ang kinis ng balat niya, parang walang balahibo. Tapos ang slim niya. Tapos ang aura niya, pang-beauty queen." Umayos ito ng upo at inayos ang posture ng katawan para gayahin ang ikinukuwento nito. "Alam mo 'yon? 'Yong chin up siya palagi, tapos ganito ang posture; na tatambay lang siya, mukha pa siyang magpi-pictorial. Noong nagtabi nga kami, parang bunsong kapatid lang niya 'ko."

Una na niyang napansin ang pagbabago ng timbre ng boses nito mula sa pagiging malungkot. Napaisip tuloy siya tungkol sa "love life" ng crush niya. Biglang taas ng energy nito pagdating sa Shanaya part. Mukhang ito ang conflict nito sa buhay. Kumunot tuloy ang noo niya. Magbibida na lang, hindi pa sarili nito.

"Lagi nga niyang niyayakap si Justin kapag nag-jo-joke siya tapos walang kuwenta. Sinasalo naman siya ni Justin." Bigla na naman itong kumuba ng upo at nalungkot na naman.

Confirmed, si Shanaya ang issue nito.

"Sobrang close silang dalawa. Disappointed ako sa sarili ko kasi at that time nakikita ko si Justin na tumatawa dahil sa kanya. Nagtago na lang ako somewhere sa resort kasi ayokong makita 'yon, pero ayoko rin namang putulin ang enjoyment ng boyfriend ko."

Napabuga siya ng hangin sa kuwento ni Eunice. Hindi iyon ang gusto niyang marinig. Malayo sa gusto niyang marinig.

"Nagalit nga noon si Justin sa 'kin. Akala nawawala na 'ko kasi lumayo ako sa kanila. Kaya nga mula noon, hindi na ako sumama sa mga gala niya kasi talagang naa-out of place ako—"

"Wait!" Pinutol na niya ang kuwento nito. "Babe, ang sabi ko, love story mo. Hindi mga drama mo." Umurong na siya palapit sa mesa at ipinatong doon ang magkakrus na mga braso. "Hindi nakaka-in love ang story mo at ng boyfriend mo."

Umirap na naman ito at pinagkrus na rin ang mga braso.

"Ano'ng sasabihin ko sa 'yo? E, kapag lumalabas lang naman kami ni Justin, madalas, kain-lakad lang. Sa bahay ko naman, natutulog lang siya."

Napangiwi siya na parang may sinabi itong napakapangit sa pandinig. "'Yon na ang quality time n'yo?"

Tumango naman ito. "Oo."

Hindi siya agad nakapagsalita. Tinantiya pa niya ng tingin si Eunice kung may ipagmamalaki pa ito tungkol kay "Justin."

Wala nang binanggit pa. Mukhang hanggang doon na lang ang kaya nitong sabihin sa kanya. Sobrang disappointed siya sa lahat ng sinabi ng crush niya. Wala man lang ka-thrill-thrill at excitement sa kahit anong lumabas sa bibig nito.

Kinuha na lang niya ang phone at balak kausapin si Karen. Itatanong niya kung puwede na ba siyang mang-agaw ng girlfriend ng iba.

"Ipu-pull out mo na ba 'ko?" malungkot na tanong nito.

Sinulyapan niya ito. Napasimangot siya kasi sumandok ito ng yelo at isinubo ang isang malaki-laking tipak na nasa baso nito ng iced tea.

"Why are you eating ice, babe?" tanong niya habang sinusundan ito ng tingin. "Hindi ka ba nangingilo?"

Sinulyapan lang siya nito pero itinuloy pa rin. Ang mas ikinalaki ng mata niya ay ang pagnguya nito ng yelo. Dinig na dinig niya ang lutong ng kinakagat nito.

Ang lakas din ng trip ng crush niya. Hindi marunong mangilo. Sumandal siya sa inuupuan at kinunan na naman ito ng picture habang sumasandok ng yelo sa basong hawak. May nalaman na naman siyang weird fact tungkol dito. At may bago na naman siyang photo.

"Alam mo, never kong nakita na nag-post ng photo namin si Justin sa FB niya," kuwento ni Eunice at mukhang nalungkot lalo sa idea.

Sinulyapan niya ito habang inaayos niya ang classic filter ng picture na bagong kuha niya.

"Parang nahihiya siya sa 'kin," pagpapatuloy nito at sumimangot. "Siguro kasi hindi ako maganda."

At hindi siya agree doon. "Maganda ka naman, a," proud niyang sagot, gaya sa kahapong ayos nito. "Occasionally nga lang. Pero maganda ka pa rin."

Inirapan naman siya nito. "Hmp! Huwag mo 'kong paasahin!"

Napapailing na siya sa ikinikilos at kung paano tingnan ni Eunice ang sitwasyon. "Insecure ka, babe. Umaangat sa kuwento mo."

"Hindi kaya, hmp!" Bumalik na naman ito sa paglalaro ng yelo.

"Insecure ka na, kulang ka pa sa tiwala, in denial ka pa," sermon din niya. "Sabi ko, love story. You told me your insecurities. Hindi ba kayo nag-uusap ng boyfriend mo?"

"Nag-cha-chat siya o kaya text."

"Then? Gaano siya kadalas pumunta sa inyo?"

"Once a week, kapag day off niya o kung kailan niya gusto." Tumingin ito sa labas, naghanap doon ng isasagot. "Kaso, nitong mga nakaraang buwan, hindi na siya nakakapunta nang sobrang dalas. Nag-cha-chat na lang kami o kaya nagte-text siya. For me, okay na 'yon. At least he exerted an effort to check up on me every day. 'Yon lang, alam kong mahal pa rin niya 'ko."

Agad ang taas niya ng kilay sa sinabi nito. Kailan pa naging effort ang sinabi nito sa kanya?

Tinantanan muna niya ang pag-aayos ng filter ng photo sa phone at nag-send ng message sa chat.

"Babe, never naging effort ang i-chat o i-text ka," sermon niya kay Eunice.

Biglang tumunog ang phone nito at madali nitong dinampot iyon.

Ang mas ikinakunot ng noo niya ay ang galit na mukha nito nang damputin ang gamit. Mukha ngang may kanina pang hinihintay. At mukha ring may aawaying kausap.

Vincent:

Babe, I love you.

Nabasa niya ang inis sa mukha nito nang tingnan siya. "Nanti-trip ka ba, ha?"

Ngayon alam na niya kung bakit bitter ang crush niya. Nagse-settle sa less deserving person.

"Did I exert some effort?" tanong niya kay Eunice. "'Yong effort na deserve mo bilang girlfriend?"

Susuko siya kay Eunice kung nakikita niyang masaya ito. Pero kung ganoon na kung kumilos ito na halatang nagtitiis lang ito sa lungkot—kung sino man ang Justin na iyon, mali ito ng babaeng tine-take for granted.

"If I message you like that every day without doing anything, does that mean you know I love you? Is that right?" tanong niya rito. Kasi kung ganito lang din pala ang gusto ng crush niya, kahit minu-minuto siyang mag-I love you sa chat, gagawin niya.

Wala itong inimik. Ibinalik na lang niya ang tingin sa sariling phone at in-add ang account nitong Eu Niz sa Vincent Gregorio account niya. "Add me. For professional purposes. I'm going to tag you for our project updates."

"Tsk." Inirapan na naman siya nito. Pero in-add na siya—sa wakas. Smooth lang. Sana pala, matagal na niyang ginawa.

"Suggestion lang, babe," sabi niya habang nagta-type ng caption.

"Ano na naman?" sagot pa nito.

"Makipag-cool off ka muna sa boyfriend mo tapos hanapin mo muna ang sarili mo. Kasi, alam mo, toxic for you ang ginagawa mo at nata-transfer 'yon sa boyfriend mo. Nilalason ng insecurities mo ang isip mo. You pointed out what lacks in you instead of bringing up what's good and unique. And makikipagpustahan ako, you're that paranoid girlfriend na may makausap lang na babae ang boyfriend niya, nagseselos na agad at ginagawang assurance ang threats para lang masabing mahal pa rin siya."

"Namemersonal ka ba? Ano namang connect n'on sa project natin, ha?"

Napahinto siya sa tina-type at tiningnan si Eunice. "I don't want a weak character. I want a strong lead. I want my readers to be inspired, and I don't have any plans na buhatin ka sa novel na 'to just because bitter ka sa love life mo at wala kang tiwala sa sarili mo na enough ka."

Sinalubong nito ang tingin niya. "I can do dream-like characters."

Umiling siya. "Nah. It's a no for me. Create characters na makaka-relate ang marami. Hindi lahat ng characters kailangan ng 36-24-36 na vital stats. Hindi kailangang matangkad, slim, and beauty queen figure. Hindi lahat kailangang makinis at maputi. Hindi kailangang anak ng business mogul or heiress. You need to characterize each character realistically. Ayoko ng Mary Sue. Lahat ng tauhan, may flaw, dahil tao lang din sila sa dimension nila. I'm aiming not for the 'Sana ganito ako' but for the 'Parang ako 'to' feedback."

Kilala niya si Eunice na babatuhin at babatuhin siya ng sagot hangga't hindi ito nananalo. Kung matalo man, maghahanap agad ito ng kakampi—na walang iba kundi si Karen.

Pero hindi ito makakatawag kay Karen sa mga oras na iyon. Tumahimik lang ito, nagmuni-muni sa labas ng kinakainan. Nag-isip-isip.

At siya? Kausap si Karen.

Ayen:

GT, sinasaltik ka ba?

Vincent:

She's sad, Karen.

Ayen:

But that doesn't give you any license to steal somebody else's girl. Marupok 'yan, boi.

Vincent:

Oh, really? Thanks for the tip, Karen!

Ayen:

Vincent Gregorio, you're crazy af.

"Maghahanap siya ng iba kapag hiniwalayan ko siya," biglang sabi ni Eunice out of the blue.

Umiling siya habang nakatutok pa rin ang atensiyon sa chat. "Kung mahal ka ng tao, hindi 'yon magloloko. At kung sasabihin mo sa kanyang maghintay siya hanggang maayos ka, maghihintay siya kasi mahal ka niya. May mga taong willing to wait kahit gaano pa katagal kasi gano'n ang tunay na nagmamahal."

"E, hindi siya gano'n."

Saka lang niya binitiwan ang tingin sa phone niya. Naghalo na ang gulat, pagtataka, at ngiwi sa sagot ni Eunice.

"Then why stay?" sarkastikong tanong niya kasi hindi niya nakukuha ang logic ni Eunice. "If you don't trust him, why did he stay for how many years dealing with your drama? Why did you stay? What's the point of all of this?"

"First boyfriend ko siya. At four years na kami." Ipinakita pa nito ang apat na daliri sa kanya. "Four years, okay?"

"Four years, and you settle for less?" Ipinilig niya ang ulo sa kanan para hamunin ito ng tingin. "Cool-off nga lang ang suggestion ko. Give yourself at least a month for soul-searching." O kaya ako ang soul na i-search mo.

Ang lalim ng buntonghininga nito nang tumanaw na naman sa labas, doon sa may kalsada.

"Bigyan mo siya ng space," dagdag ni Vincent sa sinasabi. "Bigyan mo ang sarili mo ng space—saka ka mag-decide. If you're not amenable to that, then love yourself first. Know your worth."

Ibinalik na naman niya ang atensiyon sa phone.

"Nagre-reflect ang visions mo sa isusulat at isinusulat mo. Your characters are a part of yourself. Ayoko ng bitter. Ayoko ng niro-romanticize ng readers ang self-harm and toxic relationships dahil lang iniisip nilang kailangan nila ng love life para lang mabuo. Kung love life ang dumudurog sa 'yo, magmamahal ka pa ba? Magsi-stay ka pa ba kahit nasasaktan ka na niya?"

Ipinagpatuloy niya ang pakikipag-usap kay Karen habang tahimik pa ang crush niya.

Vincent:

Friends na pala kami sa FB.

So much win!

Ayen:

Tuwa ka na niyan?

Vincent:

Of course! Nagde-date na nga kami.

Right now haha. Nag-I love you na nga ako.

Yiiee.

/finger heart/ ♥♥

Ayen:

Vincent, what the hell are you doing?

"Paano kung nakipag-cool-off ako tapos nakahanap siya ng iba?"

Sinulyapan na naman niya ito. "If he really loves you, he will wait for you until you find yourself. At kung maghanap man siya ng iba, hindi mo kasalanan 'yon, kasalanan niya. Kung marunong siyang makontento, hindi niya kailangang maghanap ng bago habang inaayos mo ang sarili mo. Para naman sa inyo 'yong dalawa, hindi lang para sa 'yo."

Vincent:

Hindi raw siya pine-flex ng BF niya.

Flex ko nga siya sa account ko haha.

Ayen:

WTF Vincent! Are you out of your mind?

What if makita 'yan ng BF ni Niz?

Vincent:

Much better.

Para malaman niyang may bago nang

boyfriend ang girlfriend niya LOL.

"Paano kung bigla niya 'kong ipagpalit?" tanong ni Eunice sa kanya. "Siya na lang ang meron ako."

Doon naman siya napangiti at pinindot ang "Post" button mula sa kanina pa niyang status na tina-type.

"Paano mo nasabi, ha?" tanong niya. "Tumingin ka na ba sa paligid mo para masabing siya na lang ang meron ka?"

Lumabas agad sa newsfeed ang picture ni Eunice na naglalaro ng yelo at may caption na:

Flex ko lang ang cutie na ka-date ko ngayon.

#DatingTheIcePrincess lol

#NewNovelSoon

#IdolKoTo

#ADxGT

#SadSiyaBibilhanKoNaBaNgIceCream

#SinoBaBFNitoAagawinKoNa

#SarapIbulsa

Pinanlakihan nito ng mata ang screen ng phone sabay tingin sa kanya. "Baliw ka na ba?!"

Nginitian lang niya ito nang pagkatamis-tamis. "Hindi naman kailangang boyfriend mo lang ang puwedeng mag-flex sa 'yo, babe."

"Talagang p-in-ost mo sa account mo?"

"Ang cute mo kaya diyan," sabi niya sabay inom sa natitira niyang iced tea.

"Pero talagang ipinangalandakan mo ang mukha ko sa wall mo?"

"Promotion 'yan, babe," palusot niya habang nakangisi sabay kindat.

"Hindi ka ba nahihiya?" napapailing na tanong nito habang nakangiwi. "Mukha ko 'to? Ang pangit-pangit ko."

Napaurong siya paatras at sumimangot nang kaunti. "Sino'ng may sabing pangit ka? Aawayin ko para sa 'yo."

"Mukha mo," sabi nito pero mukhang hindi na nainis. Mukha pang nagpipigil ng ngiti.

"Babe, hindi ka naman dapat ikahiya. Kung ako ang boyfriend mo, idi-DP pa kita. Gusto mo ngayon na, e."

"Letse!"

Pero sa mga sandaling iyon, alam niyang napangiti niya ang crush niya, at masaya siya dahil doon. Marupok nga ang crush niya, kailangan lang ng kaunting landi, mukhang madaling bumigay.

"Hala, ang dami agad reacts! GT!" gulat sa sabi nito nang sunod-sunod na mag-ingay ang notification.

"That's fine, babe. Masasanay ka rin." At inaya na niya ito para umalis. "Tara, mall tayo. Ipapasyal kita."

Hindi naman niya kailangang umaming nagpapaka-boyfriend siya rito kahit hindi nito halata. Kahit man lang dito, mapangiti niya ang crush niyang pipili na lang ng lalaki, doon pa sa hindi ito masaya.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top