Chapter 20: Concept of . . .
Magandang araw iyon para kay Vincent pero hindi siya sigurado kung maganda nga ba para sa crush niya, lalo na kung nagsasalubong ang kilay nito at mukhang mananaksak na ng kahit sino.
Quarter past eleven nang makarating sila sa Garden of Peace Memorial Park. Mas malawak ang lugar kaysa inaasahan niya pero mas interesado pa rin ang view sa Tierra Santa sa Maysan. Malalayo ang musoleum, nakahiwalay ang lawn lots. Gusto sana niyang magtanong sa main office na nadaanan pero mukhang uunahin muna niya sa Tierra Santa kompara doon dahil mas madali ang access sa daan. Ipapasyal muna niya ang crush niya at nang mahimasmasan ito mula sa init ng ulo.
Nag-park siya nang may kalayuan sa main office. Doon sa lugar na hindi sila masisita at mukhang bibisita lang.
Hindi niya matantiya si Eunice. Baka biglang sumigaw, maririnig sa buong sementeryo. Nag-aalangan siyang kulitin, baka hulihin sila.
Pagbaba nilang dalawa, nagdere-deretso siya ng lakad papunta sa gitnang damuhan, inobserbahan ang lawak ng paligid. Malamig, puwede na. Mangilan-ngilan lang ang puno. Kung sakali mang bibili siya ng lote, baka doon siya bumili sa may lilim.
Kaunti lang ang taong bumibisita, halatang hindi pa gaanong occupied ang buong lugar. Puwede na rin. Kaya pala mababa ang bentahan ng lawn lot.
Huminto siya nang may tamang layo sa pinag-parking-an. Tamang puwesto para makapagkuwentuhan sila ni Eunice na kahit sumigaw ito ay hindi sila agad mahuhuli kapag sinita sila. Tamang layo para kapag nagkahulihan, makakatakbo pa sila at hindi agad maidederetso sa main office para ireklamo.
Nag-indian sit siya roon at hindi na inintindi ang iba pa.
At dahil kailangan niya talagang mag-conceptualize para sa The F— Buddies, kailangan muna niyang isantabi ang paglalandi at magseseryoso muna siya nang kaunti. Hindi kasi talaga niya alam kung ano ba ang ilalaman sa project nila ni Althea Doe.
"Mangangawit ka diyan, Eunice," sita niya rito dahil nakatayo lang sa tabi niya. "Umupo ka muna."
May time talaga na kailangan niyang i-dissociate ang sarili sa Earth para lang makabuo ng concept. Maulap naman pero masakit sa mata ang liwanag. Iba talaga ang hangin sa sementeryo gawa ng malawak na lugar kaya lalo tuloy lumalamig. Kaya kahit naka-long-sleeve siya, dama niya ang ihip ng hangin.
Napaisip siya. Maganda naman ang happy ending, pero mukhang ayaw ni Althea Doe sa happy ending.
Naisip niya, paano kung gawin niya kayang tragic? Puwede rin naman. Siguro, papatayin niya si main lead, mga ganoong tipo. Kaso ayaw niya ng may pinapatay na character. Puwede pang may papataying old self pero hindi physical self. Hindi niya gusto ang resolution na may namamatay dahil ang killjoy.
Napatingin tuloy siya sa hinintuan nilang puntod. Margarette S. San Diego. 1990 ang birthday, namatay noong 2015. Bata pa. Sayang naman.
"You know what, may mga writer na niro-romanticize ang kamatayan," paliwanag niya. "May mga story na ginagawang resolution ang death. Na death equals happy ending, lalo na kung deserve ng isang tauhan ang mamatay para sa mambabasa. Pero death equals tragedy naman talaga kahit pa paikot-ikutin ang paliwanag mo. Papatay at papatay ka pa rin kahit pa sabihin mong kontrabida siya ng kuwento."
Saglit niyang nakita sa dulo ng mata si Eunice na sinilip ang mukha niya tapos ang puntod.
"Madali kasing tapusin ang kuwento kapag may namamatay na characters," sagot pa nito, at mahinahon nang kausap. Mukhang puwede nang pag-trip-an.
"Masaya ba ang writer kapag may pinapatay silang characters?" tanong niya rito.
"Ikaw?" pagbabalik nito sa kanya ng tanong. "Masaya ka ba kapag pumapatay ka ng characters?"
Hindi siya sumagot. Pumatay rin naman siya ng mga minor character pero hindi main characters. Ginawa lang niyang disturbance ang death ng mga minor character para sa character development. Maliban doon, wala na siyang ibang pinatay pa dahil nililimitahan niya ang maaaring ipabago ng EIC nila. Demanding pa naman sa Grey Feather Press pagdating sa content.
Lalo tuloy siyang napaisip sa content ng isusulat. Tinanaw niya ang malawak na lugar. May naiisip na siyang storyline.
"At the age of 21, nag-asawa na 'ko," kuwento niya para sa isang summary na nasa utak niya. "She was a nursing student. I was working for an insurance company at that time. Nag-live-in kami for more than a year tapos nagpakasal after kong malamang buntis siya sa triplets namin."
Nag-isip pa siya ng magandang pangalan para sa mga minor character.
"We named them . . ." Napansin niya ang engraved angel sa puntod. Nakaisip na naman siya ng mga pangalan. "Gabriel, Rafael, and Michael."
Napatango-tango pa siya dahil magandang combination iyon ng pangalan.
"Ayaw sa akin ng parents niya . . ." pagpapatuloy niya sa naiisip na kuwento. "And imagine the situation na gusto ko siyang alagaan habang nagbubuntis siya pero kinuha siya ng family niya sa 'kin. I have nothing aside from my love for her."
Napabuga siya ng hininga. Ang lungkot na siguro niyon para sa conflict ng first act. Pero may mas ilalala pa siguro iyon para sa character development.
At gusto pa niya ng mas malala pa roon.
"Seven months na ang mga baby namin after we learned na patay na ang isa sa loob ng tiyan niya. They had no other option but to force my wife to give birth para hindi malason ang dalawa." Saglit siyang napaisip sa pitong buwan. "Sobrang premature pa ng seven months."
"Aw . . ." narinig niyang reaction ni Eunice. Napatango-tango naman siya. Mukhang okay naman pala kay Eunice ang naiisip niya. Baka kayanin nilang maitawid iyon. Pero kulang pa rin sa resolution kaya dapat dagdagan.
"Unfortunately, nagkaroon ng epileptic shock ang wife ko habang pinipilit paanakin. Nahirapan silang magbigay ng gamot. And I was waiting outside the hospital at that time dahil hindi talaga ako hinayaang makapasok sa loob. The brother of my wife blocked the entrance and showed me his gun."
Saglit siyang huminto sa pagkukuwento. Pang-telenovela na kasi ang formula na naiisip niya, baka lalo lang ma-corny-han si Eunice kapag ganoon ang ginawa niya. Napabuntonghininga siya para mag-isip ng maganda-ganda nang closing kundi magiging overdo ang result ng plot niya.
Bigla naman siyang hinawakan sa balikat ng crush niya. Pagtingin niya rito, matipid lang itong nakangiti sa kanya. Hinagod nito ang balikat niya sa hindi niya malamang dahilan. Iyon lang, nasa mata nito na gusto pa nitong magkuwento siya.
Mukhang okay lang pala kay Eunice ang idea niya. Puwede na niyang ituloy ang main conflict dahil hindi pa ito bumabanat ng malutong-lutong na "Yuck!"
"Pinapili sila: my wife or the remaining babies. Pinili nila ang mga baby kasi hindi na raw kakayanin ng asawa ko."
Huminto na naman siya para isipin kung ano ba ang mas magandang piliin for plot development tutal maa-achieve na niya ang explanation niya tungkol sa death as tragedy.
Ano ba'ng magandang option dito? tanong niya
Napailing siyang saglit. Wala na siyang mahugot. Pagbuga niya ng hininga, sumabay rin si Eunice. Medyo nauubusan na kasi siya ng idea. Ewan lang niya sa katabi niya. Hindi kasi nagre-react sa mga sinasabi niya.
"Naka-survive ang isang baby," naisip niya. "Pero after three days, he passed away. And . . . I didn't have a chance to visit them, kahit sa funeral man lang."
Hindi na niya alam kung ano ba'ng magandang kasunod. Hindi rin niya alam kung ano ba'ng magandang ending. Mukhang kailangan na niyang magtanong kay Eunice kung paano ba ang magandang ending sa ganoong storyline.
"Is that sad?" tanong niya sa katabi.
Matipid itong ngumiti sa kanya at tumango.
"Good. Kaka-conceptualize ko lang niyan ngayon," pagmamalaki niya sa naisip. "Workable naman for our novel, di ba?"
Hindi pa rin ito umimik pero natigil ang kamay nito sa balikat niya habang nakatitig sa kanya—ang klase pa naman ng titig nito, parang kinukuwestiyon kung nagbibiro ba siya o ano.
"So, yung kuwento mo . . ." sabi nito at alanganing sumimangot, "hindi talaga totoong nangyari sa 'yo, ha?"
"Nah, of course, not. I'm just showing you how death works for plot development." Iyon na naman siya sa ngiti niya. Napaisip siya kung inakala ba ng crush niyang totoong nangyari sa kanya iyon. Lalo lang tuloy siyang natawa nang mahina. "Mas masarap mag-conceptualize sa tahimik na lugar, 'no? Ang bilis ng flow ng idea."
Inalis agad nito ang kamay sa balikat niya at saka iyon ikinuyom. Mukhang nainis kasi nabentahan ng concept niya.
Mukha naman palang effective, puwede nang gamitin sa content.
"Writing tip, babe," sabi niya sabay taas ng hintuturo. "Helpful ang peaceful place para makapag-isip kasi lalabanan ng utak ang katahimikan. The quieter the environment, the more your brain thinks about something. May inner voice inside our heads na sobrang daldal. That alone can help you think about something, whether you like it or not."
Nainis itong nagtanong. "Habit mo bang magpunta sa sementeryo para magsulat?"
Natawa na naman siya at tumayo na. Nagpagpag siya pantalon at hinawakan si Eunice sa magkabilang balikat para itayo nang kusa. "Minsan lang naman. Sobrang tahimik din naman kasi sa bahay ko kaya hindi na 'ko gaanong lumalabas."
Sinimangutan siya nito. "E, sino 'to?" tanong nito habang itinuturo ang puntod.
Nagkibit siya. "I don't know. We just needed a good place to sit na hindi tayo sisitahin ng guards at makakatakbo ako kapag bigla kang sumigaw out of the blue."
Mukhang hindi talaga makapaniwala ang crush niya sa trip niya sa buhay. Siguro, next time, doon na lang talaga siya pupunta sa Tierra Santa.
♥♥♥
Half past twelve nang tunguhin nila ang pinakamalapit na fast-food restaurant para mag-lunch. Hindi naman niya alam na matakaw pala ang crush niya dahil two-piece chicken na nga ang in-order, nag-spaghetti na, nag-sundae pa. At dahil Coke lang daw at Sarsi ang available drinks—na hindi niya gusto ang lasa—napa-iced tea na naman siya kahit sawang-sawa na siya sa inorganic na tsaa.
Halatang nainitan ang crush niya, nagtirintas na ng buhok. Ayos lang naman, lalong nagmukhang cute. Halatang mahilig sa braids.
Nasa tabi nito ang phone na panay ang silip doon kada minuto kahit wala namang notification na dumarating. Hindi na niya naiwasang magtanong tungkol sa love life nito.
"Babe, naranasan mo na bang ma-in love?" tanong niya habang nakatitig dito.
Mataray itong sumagot. "May boyfriend ako."
Nginitian lang niya ito. "Babe, it's a yes-or-no question."
"Tsk!" Inirapan na naman siya nito. "Malamang!" singhal nito at naiinis na sumubo ng kinakain.
Napasimangot tuloy siya. "Bakit bitter ka?" Napangisi siya at mukhang tama ang hinala niya base sa mga lukot na greeting card kagabi. "Hindi ka masaya sa boyfriend mo, 'no?"
Lalong nagusot ang mukha nito. Kahit hindi ito magsabi, mukhang alam na niya ang sagot.
Malaking HINDI.
"Ever since I met you, I haven't seen you smile—'yong smile na blooming," puna niya sa parating mood nito. "'Yong in love na in love ka."
Lalo itong sumimangot at binilisan ang pagsubo. Halatang ayaw nang nasesermunan.
"I read you entry. Technically, you didn't pass the criteria."
Napahinto ito sa pagsubo. Tiningnan siya kung nagsasabi ba siya nang totoo.
"But I was looking for the style and technique. Obviously, Althea Doe knew what she was doing. However, I couldn't adjust based on syntax alone. Nuance and essence ang focus natin for basics, and you have an issue sa part na 'yan."
Umirap na naman ito at bumuga ng hangin. Inilayo agad sa kanya ang tingin.
"Babe, we will write a romantic story, and I want you to write what needs to be written. Hindi puwedeng bitter ang writer na kasama ko."
Ibinagsak nito ang kutsara sa platong kinakainan at padabog na sumandal sa inuupuan. Halatang nainis sa kanya at sa lahat ng sinabi niya. Mataas nga talaga ang pride, ayaw ng sinasaling. "Ano'ng gusto mong gawin ko, ha? Magpakaplastik sa sarili ko?"
Napangiti tuloy siya. "Babe."
"I love my boyfriend, and that's enough."
Doon siya hindi naniniwala. Matapos ang lahat ng nabasa niya kagabi, mahirap na talagang maniwala. "You don't trust him."
"How did you know? Kilala mo ba, ha?"
"You don't trust yourself. You don't have faith in him. In denial ka pa. I didn't even see you smile kapag hawak mo ang phone mo. O kung excited ka bang hawakan ang phone mo. Parang kada tingin ko sa 'yo, pati phone mo, babatuhin mo na rin ng manuscript, e."
"So, ano ka na ngayon? Love guru?"
"Babe."
"You know what? Wala kang alam, so shut your mouth."
May mga pagkakataon talagang magaling pumitik ng ugat si Eunice Riodova. Napakabihira niyang mainis, at kaunti na lang, bibilib na siya dahil nakakarami na ito sa kanya.
Wala siyang alam—
Matapos mabasa ang mga letter nito kagabi?
Matapos niyang makita itong umiyak habang tulog?
Matapos niyang malaman ang dahilan kung bakit wala itong kaibigan?
Matapos niyang malaman ang pangalan ng "Love" nitong mukhang hindi na love ang crush niya?
"May I ask you favor?" tanong niya na ikinataas lang ng kilay nito. "Tell me your love story with your guy. After that, I'll give you a critique," hamon na naman niya rito—at pangalawang beses na ito sa loob lang ng isang linggo. "Convince me that you are really in love. At kapag hindi ako na-satisfy sa story mo, I'll ask Karen to pull you out on this project and go for the other option."
Naalerto agad ito dahil sa sinabi niya. "You can't do that!"
"I can, babe. This is my project, and you're talking to Gregory Troye. Let's stop playing games and do our business, okay? Now talk."
Kung hindi kayang seryosohin ni Eunice si Vincent Gregorio, malamang na seseryosohin nito si Gregory Troye. At kung panggigipit lang naman ang usapan, hindi naman masamang patikimin nang kaunti ang isang taong hindi niya masukat ang taas ng pride kahit na masyado nang visible ang pinakamalaki nitong kahinaan.
At oras na magpakita ito ng senyales na hindi ito kontento sa kuwento nito, hindi niya ito susukuan hangga't hindi ito nagiging masaya. Dahil kung hindi ito kayang pasayahin ng iba, willing siyang ibigay ang lahat ng oras at pagkakataong mayroon siya, makita lang itong nakangiti dahil sa kanya.
Pero bago iyon, kailangan muna niyang alamin kung sino ba itong karibal niya sa buhay ng crush niya.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top