Chapter 18: Broken Letters

Inisip niyang magandang idea ang ihatid ang crush niya sa bahay nito. Magandang idea nga hanggang sa makaisip na siya ng hindi magagandang bagay. Sinusubukan niyang alisin ang masasamang naiisip habang kinakausap ang crush niyang nakahiga at nakatalukbong ng unan ang buong ulo.

Alas-onse na ng gabi at nagliligpit siya ng kitchen counter na sobra talagang kalat—o hindi naman talaga kalat ang mga naroon. Magulo lang at hindi organized. Hindi puwede sa kanya ang ganoon.

Inayos niya ang mga ream ng copy paper at pinagpatong-patong sa dulo ng counter na dalawang dipa ang haba. Binuksan niya ang drawer na mas magulo pa at inilabas ang lahat ng laman niyon. Pinagsama-sama niya ang mga writing pen, technical pen, pencils, markers, highlighters, at brushes. Gumawa na rin siya ng do-it-yourself organizer gamit ang mga putol-putol na illustration board na kalat din ng counter at saka inayos ang laman ng drawer.

Habang nagliligpit, ang dami niyang nakitang draft. May mga story outline din na hindi tinapos.

"Hi, love. Happy fourth anniversary. Looking forward to spending another year with you. Eunice . . ." pagbasa niya sa isang nilukot na papel—mukhang DIY greeting card.

Napatingin siya sa crush niyang tahimik at mukhang nakatulog na.

Taken nga talaga ang crush niya. Pero . . . may pero.

Itinapon niya iyon sa trash bin na inilapit niya sa puwesto para mas mabilis magtapon ng basura.

May nakita na naman siyang nilukot na papel.

"Bakit may mga pagod na ayaw mawala kahit idaan mo pa sa maghapong paghiga?"

Napataas siya ng kilay dahil doon. Pagtingin niya sa likuran ng papel. May nakasulat pa rin.

"Hi, love. Happy fourth anniversary. Looking forward to spending another year with you. Eunice . . ."

Ang gastos sa special paper ng crush niya. Ang mahal pa naman ng vellum board.

Isinalansan niya sa isang wooden basket ang mga string nito—na malamang ay ginagamit nito sa paggawa ng mga dream catcher.

May nakita na naman siyang nilukot na papel at binasa ang laman.

"Hi, love. Happy fourth anniversary. Looking forward to spending another year with you. Eunice . . ."

Napabuga na lang siya ng hininga at napaisip kung ilang greeting cards ba dapat ang kailangang gawin ng crush niya para sa "Love" nito. Paglipat niya ng tingin sa likod ng papel . . .

Ikaw ba ang pinili?

Mahal ka ba?

Masaya ka ba?

Hindi niya nakukuha ang mga laman ng kalat na iyon. Itinapon na naman niya ang nilukot na papel at nagligpit.

Pagkaayos niya ng mga scented paper sa organizer, may nakita na naman siyang kulumpon ng mga papel pero hindi lukot. Naka-stack lang at binura nang bahagya ang pagbati gamit ang ballpen.

"Hi, love. Happy fourth anniversary. Looking forward to spending another year with you. Eunice . . ."

Pagtingin niya sa likod ng unang card:

Ikaw ang nandiyan pero hindi ikaw ang kailangan.

Sa pangalawa:

Hindi ka naman talaga minahal. Nagkataon lang na ikaw ang nandiyan.

Sa pangatlo:

Darating din ang araw na hindi na kita mahal.

Sa pang-apat:

Minsan, kahit ibinigay mo na lahat, kulang pa rin.

Sa huling card:

N'ong kinanta ni Moira yung "Pasensiya na kung papatulugin na muna ang pusong napagod kakahintay." I fucking felt that.

Naiinis na siya sa mga nilukot na papel. Tinatanong na niya ang sarili kung sino ba itong "Love" ni Eunice at hinayaan nitong pagastusin ng napakaraming special paper ang crush niya para lang magdrama? Kung puwede lang sapakin ang taong iyon gamit ang imagination, ginawa na niya.

Padabog na rin niyang ibinato ang draft sa basurahan.

Naiinis siya.

Naiinis siya sa taong hindi niya kilala.

Naubos na niya ang kalat sa counter, at ang huling kalat ay isang scented paper naman pero hindi lukot. May hand-painted flowers ito at calligraphy. Ang nakalagay:

"Happy fourth anniversary, love."

May date na 08.18.19

Kailan lang.

Sa likod niyon, puro na scribbles. May drawing ng sad faces. May drawing ng malulungkot na anime eyes. May realistic eyes ding umiiyak naman. May mga nakasulat pa sa ibaba na:

"I got tired of waiting. Wondering if you were ever coming around."

"Sana friend mo na lang ako para ako naman ang unahin mo."

"Akala ko, natandaan mong anniversary natin. Sinungaling."

"Alam kong huli na. Alam kong hindi na nga mahal."

Bumigat ang paghinga niya at naibagsak ang kamay. Siya na ang lumukot nito at panay ang hinga niya nang malalim.

Kakaibang inis ang nararamdaman niya sa mga sandaling iyon.

Sa dami ng draft na iyon, sa dami ng espesyal na papel na nasayang para lang sa simpleng pagbati, sa dami ng salitang paulit-ulit niyang nabasa, bakit parang hindi iyon natanggap ng dapat tatanggap dito?

Nilapitan niya si Eunice para gisingin. Gusto niyang kuwestiyunin kung nakarating ba ang card na gawa nito sa "Love" na tinutukoy nito. Gusto niyang magalit kasi bakit sa likod ng sweet message sa harap, ang bigat ng mensaheng nasa likod? Nagbabara ang lalamunan niya, gusto niyang manapak.

Paglapit niya kay Eunice, inalis niya ang unan sa mukha nito.

"Eun—" Bigla siyang natigilan. Inilapit pa niya ang mukha niya rito dahil may nakikita siyang hindi niya gustong makita.

Napahugot siya ng hininga nang makitang kunot na kunot ang noo nito habang gumagapang sa dulo ng mata ang patak ng luha patawid sa matangos nitong ilong.

Dahan-dahan siyang napaupo sa sahig habang nakatitig sa mukha nitong mukhang ang laki ng bigat na dinadala at idinaan na lang sa tulog para saglit na makalimot.

Muling paghugot ng mas mabigat na paghinga at napatingala siyang saglit dahil biglang nangilid ang luha niya. Hindi niya alam kung gaano kabigat ang nararamdaman nito para kahit sa pagtulog ay nakukuha pa nitong umiyak.

Lalo pa niyang nilukot ang hawak na papel at ibinato hanggang sa sumakto sa nakabukas na basurahan dahil sa inis. Bahagya siyang umiling at inisip na hindi puwede sa kanya ang ganoon.

Inayos niya ang puwesto at lumuhod sa gilid ng kama. Dahan-dahan niyang pinunasan ang luha ni Eunice gamit ang kaliwang hinlalaki.

Ang cute-cute ng crush niya tapos pinaiiyak lang ng iba.

Hinagod niya ang buhok nito habang pinanonood itong matulog.

Bakas na bakas sa mukha nito ang pagod at lungkot. Mukha lang mataray at masungit si Eunice. Inisip niyang baka defense mechanism na lang nito ang attitude para huwag ipakita sa lahat na mahina talaga ito.

Ilang saglit pa ay napansin na niyang kumalma na ang mukha nito at hindi na nakasimangot. Marahil ay nakatulong ang paghagod niya sa buhok nito.

"Babe . . . ?" tawag niya rito, baka lang sakaling gising pa. Hindi naman ito sumagot. Ngumiti na lang siya nang matipid dito. "Uuwi na 'ko," mahina niyang paalam dito. Lumapit pa siya para halikan sana ito sa noo pero pinigilan niya ang sarili.

Hindi pa puwede.

"I'll see you tomorrow, babe." Nginitian na lang uli niya ito nang matipid at saka kinumutan nang maayos. "Hintay ka lang nang kaunti, papalitan ko 'yang nagpapaiyak sa 'yo ngayon."


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top