Chapter 17: Mortal Sin
Hindi iyon ang unang beses na maghatid si Vincent ng babae sa bahay nito, pero iyon ang unang beses na ihahatid niya sa bahay ang crush niya kaya kailangan niyang magpalakas nang kaunti sa parents nito.
Baka lang kasi magbago ang ihip ng hangin, malay niya.
Ang kaso, mukhang ayaw talaga ni Eunice sa ideang magpapakilala siya sa parents nito. Ilang mura at warning na rin ang natanggap niya bago pa man sila makarating sa location ng bahay ng crush niya.
"Vincent kasi!" pigil na sigaw nito at nahampas na naman siya sa braso.
"Babe, mapanakit ka na, ha?" reklamo niya habang himas-himas ang braso niyang namumula na. "Magpapakilala lang naman ako."
"Dahil?"
"Dahil hindi nila ako kilala, malamang. What kind of question was that?"
Nagpapadyak pa ito habang nilalakad niya ang maliit na pathway papasok sa bahay ng magulang ni Eunice. Mukha na naman itong iiyak dahil kanina pa niya pinipilosopo ng sagot.
Iba ang atmosphere sa Casa Milan kapag gabi. Sa dami ng pine trees sa lugar, alam na pulos maykaya at mayayaman ang nakatira doon. Kulay puti ang pintura ng buong bahay at halos doble ng taas niya ang taas nito. Malaki na masyado para sa isang bungalow. Cute ang bakod na kulay puti rin, parang bakuran sa ibang bansa. Planks at madaling talunin, halatang hindi takot sa magnanakaw ang mag-ari ng bahay. May maliit na flower garden sa kanan at may swing at mga upuan sa kabila para sa mga bisita.
"Vincent, isa," binilangan na siya ni Eunice.
"Dalawa," pagpapatuloy niya sa bilang nito.
"Vincent kasi!"
Tinawanan na niya ito habang binubuksan ang munting gate ng bakod. "If you'll earn a penny for every 'Vincent kasi!', babe, may pang-lunch ka na bukas."
Hindi naman sa makapal ang mukha niya . . . pero oo, ganoon na nga. Nagtuloy-tuloy kasi ang pasok niya sa lote ng parents ni Eunice at kumatok sa mahogany door.
"I hate you!" pigil na sermon sa kanya ni Eunice at kinurot na siya.
"Babe!" naiinis na reklamo niya at sumimangot na habang hinihimas ang brasong nasaktan. "Ikaw, bad ka talaga. Isusumbong kita sa daddy mo."
Hindi bumukas ang pinto kaya pinaglaruan na lang niya ang wind chime na nakasabit dito para sabihin sa mga tao sa loob ng bahay na may tao.
"Tigilan mo nga 'yan!" Umamba na naman ng hampas si Eunice pero sinalo agad niya ang kamay nito.
"Babe, isang palo mo pa sa 'kin, ako na papalo sa 'yo. Lilipad ka talaga hanggang kabilang kanto, sige ka."
Biglang bumukas ang pinto at bumungad sa kanila ang isang may-edad na lalaking nakasuot ng pulang T-shirt na maluwang at shorts na pambahay. Nakasuot ito ng salamin at mukhang mabait. Malago pa ang magkahalong itim at pilak na buhok nitong hindi naman lumampas sa tenga ang haba dahil malinis ang gupit. Hanggang ilalim lang ng tenga ni Vincent ang taas nito at hindi ganoon katakot-takot tingnan.
"Good evening po!" bati niya bago pa tuluyang bawiin ni Eunice ang kamay nito.
"Si Eunice na ba 'yan!" sigaw ng ginang sa loob. At dahil sa taas niya, nakita pa niya ang nagsalita. Di-hamak na mukhang mas matanda ang may-edad na babae dahil sa wrinkles nito sa mukha. Puting-puti na ang mga buhok nito pero mahahalata sa itsurang maykaya nga dahil maputi at naalagaan ang kutis. Ngayon, alam na niya kung kanino nagmana si Eunice dahil maliit din ito. Nakasuot ang ginang ng gold and red robe habang may hawak-hawak na plastic hanger.
"I'm Carl John Gregorio, Daddy," pakilala niya at nag-alok ng pakikipagkamay sa ama ni Eunice. "Call me Vincent na lang po. Puwedeng pumasok?"
"Ah," iyon lang ang nasabi ng ama ni Eunice at nakipagkamay rin. "Vincent." Inalok nito ang loob ng bahay. "Pasok ka muna, hijo."
Binigyan niya ng papanaluning ngiti si Eunice na kagat-kagat ang labi at pinanggigigilan na naman siyang paluin.
Malamig sa loob. Naka-AC ang bahay. Simple lang ang setup ng sala pero malawak. Cream-colored ang interior na may designs na gold and white, lalo na sa mga furniture. Nakagagaan sa pakiramdam ang lugar at amoy-sampaguita na may halong Katinko sa paligid.
Pinaupo siya sa mala-ulap na rollback sofa at saka niya nginitian ang mga may-ari ng bahay.
Mukhang alam na rin niya kung kanino nagmana ng kasungitan si Eunice dahil mukhang sa kanya ipapalo ng ina nito ang hanger na hawak. Hindi naman siya kinakabahan, pero hindi naman kasi siya prepared. May display na Chinese bamboo sa tabi niya, puwede na siguro iyong ipangganti kung sakali mang magkapaluan nga at kailangan niyang makipag-one-on-one hampasan.
"Sino ka?" tanong ng ginang at pinagtaasan siya ng mukha. Eunice na Eunice, wala nang duda.
"Carl John Gregorio, Mommy. Vincent for short," pakilala na naman niya at idinaan na lang sa ngiti ang sitwasyon. Saglit niyang sinilip si Eunice na galing sa kanang pintuan. Natanaw niya roon na umiinom ito ng tubig. Parang gusto na rin niyang makihingi, nanuyot bigla ang lalamunan niya. "Ka-work po ako ni Eunice sa production."
Ilang saglit pa'y binalikan na sila ng crush niya at mukhang pagtutulungan pa siya ng tatlo. Mga nakatayo pa naman at inuusig siya ng tingin.
Saglit na nagbulungan ang mag-asawang Riodova. Tiningnan siya ni Eunice habang pinaniningkitan siya nito ng mata. Halatang inis na inis sa ginagawa niya sa mga sandaling iyon.
Binalikan na naman siya ng ginang para tanungin. "Ano nga uli ang trabaho mo?"
Confidence is the key to success kaya kailangang chill lang at ready sa pagdampot ng kahit ano kapag inamba na sa kanya ang hanger. "Production manager po, Mommy."
"Bakit ginabi na kayo?"
"Kasi po, Mommy, hindi namin mapipigilan ang paglubog ng araw."
Napansin niya ang pagtampal ni Eunice sa noo. Bigla itong tumalikod at napansin niya itong umiling.
Tama naman ang isinagot niya. Hindi naman sila gagabihin kung hindi lumulubog ang araw. Ang crush lang naman niya ang nag-react. Kalmado pa rin ang ginang na kausap niya. Wala pang dahilan para bunutin ang manipis na kawayan sa gilid.
"Saan kayo galing?" tanong nito sa kanya.
"Sa labas po."
"Saan sa labas?"
Saglit siyang nag-isip. "Do you want me to draw a map and trace where we went? Magaling akong mag-sketch, Mommy! Best in Arts po ako noong Grade 5!"
"Hindi na kailangan, hijo," mahinahong tugon ng ama ni Eunice. "Magkatrabaho kayo ni Eunice?"
"Yes, Dad!" proud niyang sagot habang nakaderetso ang upo. "She's under my team!"
"Hoy—" Agad na nalipat ang tingin nila kay Eunice na biglang sumigaw. Bigla itong ngumiwi nang makita ang reaksiyon ng mga magulang. "Yeah!" Pilit ang mahinang tawa nito at saka siya itinuro. "Under . . . ng team niya."
Pinandilatan pa siya nito at pasimpleng kinuyom ang kamao para magbanta ng sapak.
"Ano'ng trabaho ng anak ko?" tanong na naman ng ina ni Eunice.
Napangiti naman siya sa tanong na iyon. "Secretary ko po siya, Mommy."
"Wha—? How dare—"
Kinindatan niya ang crush niyang nilulukot ang hangin gamit ang magkabilang kamay dahil sa panggigigil sa kanya.
"Ngayon lang ako nakakita ng boss na hinahatid ang sekretarya niya sa bahay."
"Ganoon po talaga kapag one of a kind, Mommy. Rare kaming mababait." Tiningnan niya si Eunice habang nakangiti. "Di ba, babe?"
"Babe?"
Nagulat tuloy ang mag-asawa sa itinawag niya sa crush niya. Napatingin tuloy sila kay Eunice.
Gusto na niyang matawa kasi napapikit na si Eunice at kagat-kagat ang labi. Halatang gusto na siyang sakalin.
"Short for 'baby girl' po yung, babe, Mommy," pambawi na lang niya kahit na siya lang naman ang tumatawag ditong baby girl. "Bunso po kasi siya sa office."
"Ay, aba'y linawin, ha?"
"Saan ka nakatira, hijo?" usisa na naman ng ama ni Eunice.
"Forbes, Dad," pagsisinungaling niya.
Nagkatinginan ang mag-asawa. Hindi naman sa nagpapaka-judgmental siya pero iba kasi talaga ang impression ng mga maykaya sa lugar na iyon. At mukhang sapat na iyon para pakalmahin ang mga magulang ng crush niya.
"Gumagabi na, hijo. Ingat ka pauwi," kalmado nang sabi ng ginang at pumunta sa direksiyon ng kitchen ng bahay.
Mukhang tapos na ang initiation rites niya sa magulang ng crush niya. Tumayo na rin siya at nakipagkamay uli sa ama ni Eunice.
Inakbayan siya nito at binulungan habang iginigiya siya palabas ng bahay.
"Daddy, kailangan ba talagang may hawak na hanger si Mommy?" tanong niya kasi talagang ready to counterattack din siya kanina gamit ang kawayang katabi.
"Ay, kay Eunice kasi 'yon, anak. Kanina pa kasi hindi umuuwi. Kahapon kasi, hindi rin umuwi nang maaga."
Nagtaka agad siya. "Pinapalo pa rin si Eunice?"
"Hayaan mo na, 'nak. Sanay namang nasasaktan 'yang batang 'yan."
"Ay, may hugot ka doon, Daddy, ha?"
Paglabas nila ng bakuran, napansin agad ng matandang Riodova ang sasakyang nakaparada sa harap ng bahay nila.
"Daddy, baka sunduin ko uli bukas ng umaga ang anak n'yo. Hindi kasi pumapasok sa opisina kung kailan kailangan."
"Hindi ka ba maaabala, 'nak? Malayo ka rito."
"Hindi naman, Dad. May property naman ako rito sa Fairview."
"Ikaw ang bahala." Tinapik nito ang balikat niya at huminto na hanggang sa sidewalk. "Mag-ingat ka, 'nak," paalala pa nito sa kanya.
"Ba't ako mag-iingat?" sabad agad ni Eunice na nakasunod sa kanila paglabas.
"Hindi ikaw ang kausap ko, Eunice. Umuwi ka na rin at matulog na."
Halatang nagulat naman ang crush niya at napahawak sa dibdib nito. Hindi yata matanggap na hindi ito ang pinaalalahanan ng ama.
Napangiti na lang tuloy siya. Mabait naman pala ang parents ng crush niya, madaling kausap. Mukha lang mapanakit, pero hindi naman.
"Alam mo, ang galing mong gumawa ng kuwento," naiinis na sabi ni Eunice sa kanya.
Proud pa siyang namulsa. "I know. Bestseller ako, babe."
"Letse!" sigaw nito at nagmartsa papunta sa katabing bahay ng mga Riodova.
"Ang ganda dito sa inyo, parang rest house," bati niya at sinundan ang crush niya. Akala niya, nakatira lang sa iisang bahay ang crush niya at ang parents nito. May sarili pala itong lugar.
Pinanood lang niya itong susian ang isang metal door na may design na roses. Hindi iyon kataasan. Tama lang para maitawid pa niya ang braso sa kabilang panig.
"Umuwi ka na!" sermon nito. Pagbukas na pagbukas ng gate, nagtuloy-tuloy siya ng pasok at doon naman siya manggugulo sa sariling bahay nito.
Mas light ang kulay ng wooden door nito kompara sa kabilang bahay nila. Hindi iyon naka-lock kaya nabuksan niya agad. Pagpasok niya sa loob, unang dumapo ang tingin niya sa napakakalat na parte sa right side ng bahay.
"Ganiyan ba talaga 'yan?" tanong niya habang itinuturo ang isang counter—na mukhang pinakakusina ng bahay pero puro mga papel, plastik, covers, mga sinulid, cutters, at kung ano-ano pa ang naroon nakatambak.
May pagka-burara din pala ang crush niya.
"Sabi na kasing umuwi ka na!" sermon na naman nito. Sinundan lang niya ito ng tingin habang naglalakad sa kaliwang panig ng bahay. Mas malinis naman sa parteng iyon at organized.
Tumungo si Eunice sa isang wooden cabinet sa bandang kabila ng kama malayo sa pintuan at humatak doon ng drawer para kumuha ng damit. Pati paghatak nito ng damit, padabog pa. Pagsara ng drawer, ibinagsak pa. Halatang inis na inis sa buhay nito.
Napasandal na lang tuloy siya sa pinto nito dahil panay ang dabog nito. Kawawa naman ang damit na kinuha nito, mukhang iiyak na rin kung nakapagsasalita lang.
Bahagya siyang napababa ng mukha at napataas ang magkabilang kilay nang bigla itong magtaas ng damit at akmang maghuhubad na.
"Ehem," pigil niya bago pa umabot sa hindi niya pa dapat makita ang ipinakita nito.
Tumigil nga ito at napabitiw sa pagkakahawak sa laylayan ng suot na turtleneck.
"Sige, babe, tuloy mo lang," alok niya at saka nag-iwas ng tingin sabay sipol.
Nauntog siya sa pinto nang mapaatras dahil nasapul siya sa mukha ng unan.
"Sabi nang—"
Pagsalo niya sa pink na unan, bumungad ang gigil na gigil na mukha ng crush niya at dinuduro siya.
"Labas," utos nito.
Ngumisi na naman siya. "Mamaya na."
"Labas sabiii."
"Later, babe." Ngumisi siya at niyakap-yakap ang mabango nitong unan na amoy shampoo.
Naroon na naman ang panggigigil nito at padabog na namang kinuha ang damit saka tumungo sa banyo ng bahay na nasa likod lang ng cabinet ang direksiyon.
Natawa na lang siya. Mukha kasing stressed na sa kanya ang crush niya pero panay pa rin ang kulit niya rito.
Saka lang niya inusisa ang kabuoan ng bahay. Sinlaki lang ng kuwarto niya. Magkasama na ang kama nitong rainbow pastel ang kulay ng mattress. Magkahalo ang purple at pink na mga unan. Sa gilid ng pinto, organized naman ang working table nito. Doon lang talaga sa kitchen counter nito ang magulo.
Umupo siya sa swivel chair nito at bahagyang inikot-ikot doon ang sarili. wala siyang nakikitang senyales na taken ang crush niya.
Walang mga naka-frame na photo sa paligid. Kung may display man, puro dream catchers na iba-iba ang size at color. Mukhang fan talaga ng dream catcher ang crush niya.
At dahil kinapalan na niya ang mukha niya, bakit nga ba hindi na niya sasagarin?
Nagbukas siya ng "personal computer" nito at mabilis iyong nag-boot. Walang password para makapag-log in kaya nabuksan niya agad ang window nito.
Hinanda na niya ang sarili sa makikita—na baka kayakap nito ang boyfriend as wallpaper o mga ganoong tipo. Pero logo lang ng Dream Catchers Edition ang wallpaper nito.
Taken ba talaga 'to si crush?
Nag-check siya ng network access. May WiFi sa bahay. Nagbukas siya ng Chrome tab at dumeretso sa Facebook. At ang bilis ng internet access, in all fairness sa bahay ng crush niya.
Napakagat na naman siya ng labi habang excited na bumungad ang Facebook account ng crush niya. Nagbukas na lang din siya ng isa pang incognito tab para buksan naman ang account niya.
I-a-add niya ang Carl John account niya sa account ng crush niya kasi mukhang hindi siya nito balak i-accept.
Hinanap niya agad ang sariling profile at nag-confirm ng friend request.
At dahil mission accomplished na siya—sa ngayon—nag-close na siya ng tab nang marinig na bumukas na ang pinto sa banyo.
Hindi siya puwedeng tumili sa bahay ng crush niya kaya kailangang i-contain ang lahat habang kaya pa ng kapangyarihang mortal niya.
"'Lakas ng Wi-Fi n'yo rito, babe," masayang sabi niya. "Dito na lang kaya ako tumira?"
"Kasiiiii, Vincent, naman. Ayoko na kasi!"
Saka lang niya ito nilingon.
"Babe, sabihin mo 'yan kapag may ginagawa na ako sa 'yo, ha?" pang-asar niya rito.
"Tarantado ka ba?"
"Hindi."
Nagdabog na naman ito. Gusto na talaga niyang tumawa kung hindi lang talaga sobrang tahimik sa lugar nila. Sarap na sarap siyang pikunin ito dahil ang bilis-bilis nitong mairita.
Paglingon niya rito, nasa gilid na niya ito at tumatawag sa phone na hawak.
"Boss, si Vincent, ginugulo ako!" reklamo agad nito sa kausap.
Nagsusumbong na naman kay Karen ang crush niya. Mabuti kung matutulungan ito ni Karen. Magtulong pa ang dalawa sa kanya, walang makakapigil sa kalokohan niya.
"Boss! Hnnngg!" Nagpapadyak na naman si Eunice habang nasa tabi niya.
"Hi, Karen!" masayang bati niya sa kabilang linya. Bigla tuloy siyang sinipa ni Eunice.
"Tumigil ka nga! Nakakainis ka na!" singhal nito at mukhang iiyak na talaga. "Boss, nandito sa bahay ko! What?!"
Ibinalik na lang niya ang atensiyon sa computer. "Wala kang games? Kahit Pop Cap man lang?" sabi niya habang nagbubukas ng mga file. Pati file manager nito, hindi naka-manage nang maayos. Napakakalat.
"Vincent kasi!"
Inikot niya ang upuan at nginisihan si Eunice habang nakapatong ang kanang braso niya sa armrest. "Babe . . ."
Saka lang niya ito natitigan nang maayos. Nakasuot lang ito ng pagkalaki-laking T-shirt na kulay itim. Hanggang ibabaw ng tuhod nito ang haba ng laylayan at hanggang siko naman sa manggas. Wala na itong makeup at mukhang nakapaghilamos na rin. May naiisip siyang napakasamang bagay na gusto niyang iwaksi sa isip dahil hindi niya puwedeng gawin sa mga oras na iyon.
"Naiinis na 'ko," warning nito at umamba na naman ng palo.
Saka lang siya sumeryoso. "Babe, isang palo mo pa, hindi ka na makakaimik sa susunod."
Ayaw niyang daanin siya sa dahas ang crush niya sa mga oras na iyon. Kapag kasi pinatulan niya ito, baka malaman ni Eunice kung gaano siya karahas kapag siya na ang gumanti.
"Umuwi ka na lang kasi," naiiritang sagot nito.
"Mamaya." Umurong na siya paatras dito. Gusto niyang panatilihin ang distansiya niya kahit isang metro lang. Baka kasi kapag lumapit pa si Eunice, hatakin niya agad ito palapit sa kanya. Wala pa naman itong laban sa kanya, at kapag pinatulan niya ang inis nito, baka kung ano pa ang magawa niya.
Mukhang napagod na ito. Nakipagtitigan na lang sa kanya.
May umiikot talaga sa isipan niyang ayaw niyang i-entertain dahil alam niyang makagagawa siya ng kasalanan. Siya na ang nag-iwas ng tingin. Nagwawala ang sistema niya at hindi siya makagalaw nang maayos. Ayaw niya munang tumayo sa kinauupuan. Kapag kasi ginawa niya, baka hindi na niya mapigilan ang sarili, pagsisihan pa niya ang susunod na magaganap.
"Lumayas ka na rito, ha?" utos ni Eunice at ibinagsak ang sarili sa kama bago nagtalukbong ng unan sa ulo.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top