Chapter 16: The Personal Driver
Walang interes si Vincent sa mga sign at paghingi ng mga ganito sa hindi makitang entity dahil naniniwala siyang tao ang gumagawa ng kapalaran nila. Kaya naman para sa isang taong hindi naniniwala, gaano nga ba kalaki ang impact kung isang araw na lang, biglang nangyari ang sign na hiningi niya?
Kung posibleng makita ang mga lumulutang-lutang na puso sa hangin, malamang ay pinalilibutan na siya niyon. Hindi na nawala ang ngiti niya. Nakapatong ang pisngi niya sa mga kamao habang nakatukod ang siko sa glass partition ni Eunice. Para siyang batang nangangarap habang nakatingin sa nakasimangot na babae sa kabilang cubicle.
Pagkalipas ng apat na taon, nakita na niya ang librong hinahanap niya. Hindi lang iyon, nakita pa niya nang personal si Althea Doe. At ang pinakamatindi sa lahat, ang crush niya pala ang pina-fan boy niya magmula pa noon.
Kung alam lang ni Eunice kung ilang bookstore na ang ginalugad niya sa loob ng apat na taon. Kahit saang lugar siya mamasyal, basta makakita siya ng book store, nagtatanong siya. Hindi biro ang paulit-ulit na paghahanap ng isang bagay na alam naman niyang nag-e-exist pero hindi niya mahanap-hanap. Hindi niya talaga inaasahang sa Dream Catchers pa niya makikita ang tao at librong matagal na niyang gustong makita.
Pinanonood lang niya si Eunice na mag-asikaso ng mga papel na nasa mesa nito. Napakatahimik na sa opisina ng DCE dahil naabutan na sila ng overtime. Alas-otso pasado na ng gabi. Nakapatay na rin ang karamihan ng ilaw at nakauwi na rin si Karen. May ilang naiwan pa na hindi naman lalagpas sa pito. Lalong lumamig sa loob ng opisina nila. Tanaw na sa glass window ang nagkikislapang liwanag ng urban Manila. Patapos na si Eunice nang huminto sa ginagawa at tiningnan siya nang masama.
"Kapag ikaw, nahipan ng masamang hangin, ewan ko na lang sa 'yo." Inirapan na naman siya nito at ipinatong sa mesa ang pula nitong handbag.
"Ang cute mo pala sa personal, Althea Doe," nakangiti niyang sabi. "Mukha kang masungit na version ni Maui Taylor."
"Wha—" Napaurong tuloy ito habang nakangiwi. "Yuck!"
Lalo lang siyang ngumisi at ipinilig ang ulo sa kanan habang nagbu-beautiful eyes.
Tiningnan tuloy siya ni Eunice nang nakangiwi at hindi nito alam kung tatawa ba sa ginagawa niya dahil mukha siyang timang o maiinis dahil mukha talaga siyang timang.
At dahil bati na sila, ngayon na niya aayain ang crush niya pauwi.
"Can I walk you home, Althea Doe?"
Lalo itong nagtaray. "Mag-walk ka mag-isa mo! Taga-north ako!"
"E, di hatid na lang kita sa inyo, Althea Doe."
"Stop . . . saying that name. Please! Utang na loob." Inipon nito ang mga folder at ibinagsak sa tabi ng monitor dahil sa inis.
"Why?" Nagtaka naman siya kasi sobrang flattering sa feeling na, sa wakas, nakita na rin niya ang idol niya. "Know what, I'm a huge fan of Althea Doe." Inilapat niya ang kanang palad sa dibdib, matipid na ngumiti, at saka tumango para papaniwalain si Eunice sa sinasabi niya.
Hindi siya nito pinansin at umirap na naman. Nagpatay na ito ng PC.
Nagpatuloy pa siya sa drama niya. "No'ng nabasa ko nga ang novel niya, sabi ko sa sarili ko, I will see her someday and will ask her to marry me, and we'll make a beautiful family—"
Mabilis pa sa alas-kuwatro ang paglingon nito sa kanya nang marinig iyon. "Ulol!"
Napahakbang siya paatras at napatakip ng bibig dahil sa gulat.
"Babe!" Malutong pa sa chicharon kung magmura ang crush niya. Red flag para sa kanya. "Hindi maganda sa babae ang nagmumura!"
"Who the hell cares?!"
Umayos na naman siya ng tayo at tumango. "I care, babe."
"Stop calling me babe! Isang-isa pa, ha? Isang-isa na lang." Hinablot nito sa upuan ang handbag at nag-walkout.
Gusto niya talagang ihatid ang crush niya kaya pipilitin niya ito hanggang pumayag itong ihatid niya.
"Sabay na tayong bumaba, Althea Doe."
"Shut up."
"I love Negin and Grisaia, so much."
Sinubukan niyang huwag unahan si Eunice dahil alam niyang ang dalawang hakbang niya ay apat na hakbang na nito.
"You write so gracefully in Filipino. I looove that. Ang ganda mong managalog."
Paghinto nila sa tapat ng elevator, siya na ang pumindot bago pa nito mahawakan ang down button.
"I know how to write in Taglish. English kasi talaga ang sinusulat ko. I don't write in pure Filipino talaga. I can, actually, but not as clean and as lovely as you can. Mahina kasi ako sa grammar ng Filipino saka plain lang ang alam kong words."
Umariba na naman ang kadaldalan niya, ni hindi na siya nito pinapansin. Deretso lang ang tingin at mukhang walang naririnig.
Pagbukas ng elevator, sinulit na niya ang pagkakataong kausapin ito.
"Late na, Althea Doe. Gusto mong mag-dinner bago umuwi?" alok niya at sinilip ang mukha nitong parang maninipa na ng makulit na Carl John Vincent Gregorio. "Pag-usapan natin ang future natin—" Mabilis siyang umiling para baguhin ang sinabi niya. "I mean, future project natin."
Nagtaas ito ng kamay at akala niya ay sasampalin siya. Bahagya tuloy siyang umatras dahil baka nga sampalin siya. Pero hindi naman nito ginawa, sa halip ay ipinahid lang ang palad mula sa tuktok ng ulo pababa sa buhok nitong hanggang dibdib ang haba.
"Babe, may kotse ako!" pilit na naman niya dahil mukhang ayaw nitong mag-dinner kasama siya. "Gusto mong sumabay? Tagasaan ka? Taga-Brittany ako. Sa likod ng SMF, across Casa Milan. Familiar ka ro'n? Saan ka sa North? Bulacan? Lampas ng NLEX? Taga-Baguio ka ba? Tara, Baguio tayo, all-expense ko."
Pagbukas ng elevator, huminto ito paglabas at saka bumuga ng hangin.
Huminto rin siya at sinilip ang mukha nitong parang nasi-stress. Kagat-kagat nito ang labi at halatang nag-iisip.
Lalo tuloy lumapad ang ngisi niya. "Siyempre, yes na 'yan."
Mukhang o-oo na ang crush niya, kaunting push na lang.
"Babe, gabi na. Mahirap humanap ng sasakyan sa E. Rod. Tapos maghihintay ka sa terminal. What if may mang-holdap sa 'yo? Ang dami pa namang batang hamog do'n. What if kidnap-in ka? 'Liit mo pa naman, ang dali mong isako—"
Napatingin ito sa kanya. "Putang ina."
Naglaho agad ang ngiti niya at nagtatakang nagtanong. "Ba't ang hilig mong magmura?"
"Wala kang pake."
"Pero payag ka, hatid kita?" Nagbalik na naman ang kakulitan niya. "Yiieee, payag na 'yan. Sabi ni Karen, idol mo si Gregory Troye, e." Tinusok-tusok pa niya ang balikat nito.
Mukha namang marupok ang crush niya kahit masungit. Kinain nga nito ang lunch na binili niya. Inirapan na naman siya nito at dere-deretsong pumunta sa front desk.
"Kuya Buds, uuwi na ako, ha?" padabog na paalam nito.
"Yes, ma'am, ingat!"
Bigla siya nitong dinuro na ikinahinto niya. "Sasabay ako rito sa kapreng 'to. Kapag na-report ako as missing person, ito una n'yong hanapin, ha? 'Yan ang primary suspect."
Biglang lapad ng ngisi niya dahil pumayag nga itong ihatid niya pauwi. Nakasimpleng suntok siya sa hangin para magdiwang.
"Yes, Ma'am Niz. Ingat kayo ni Sir Vincent!"
Nagmartsa na naman ito paalis. Pagdako ng tingin niya sa guard . . .
"Bakit palaging masungit 'yon?" tanong niya sa guard.
"Gano'n talaga si Ma'am Niz, ser. Mabait naman 'yan, Huwag mo lang kukulitin."
Ang kaso, iyon nga ang ginagawa niya. Nagpaalam na siya kay Kuya Buds at hinabol si Eunice. Agad ang akbay niya rito dahil balak pa yatang pumunta sa kung saan. Iginiya niya ito sa kaliwa para paharapin sa direksiyon ng mall.
"Dito kasi 'yon, babe. Marunong ka pa sa magda-drive, e."
Binitiwan niya rin ito dahil lalo siyang nangilabot.
Oh my goodness, nahawakan ko si crush.
Titig na titig siya sa kamay at inisip na hindi na muna niya babasain iyon dahil first-time niya itong mahawakan nang ganoon kalapit. Kulang na lang ay ipahid niya sa pisngi ang kamay habang ine-enjoy ang idea na lumapat ang kamay niya sa katawan nito.
Dahil ayaw talaga ng crush niyang mag-dinner sila sa labas, nag-takeout na lang sila ng hotdog sa isang fast food chain.
Pagbalik nila sa parking lot ng Sun Mall, huminto siya sa tapat ng isang asul na sedan at pinagbuksan si Eunice ng pinto ng sasakyan.
Mukhang buong gabi na ang tuwa niya dahil iuuwi niya ang crush niya. Kung puwede nga lang talagang iuwi ito, iuuwi niya ito sa bahay niya.
Pagsakay niya sa driver's seat, nagtanong agad ito.
"Ano'ng pabango mo?" takang tanong nito.
"Drakkar Noir," sagot niya, inilalapag ang dala sa dashboard bago buksan ang interior light. "Why?"
"Amoy mayamang malanding lalaki."
Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi nito. "Wow, babe. So specific naman!" Hindi niya tuloy alam kung matatawa o magtataka sa sinabi nito. "Mabango o mabaho lang naman ang amoy na puwedeng sabihin."
"Hindi naman kasi mabaho."
Nag-start na siya ng kotse at nakipagtalo na naman. "E, di mabango nga."
"Pero naman kasi—"
Hindi na nito itinuloy ang sinasabi pero mukhang ayaw pala ng crush niya ang bago niyang pabango. Akala pa naman niya ay maaakit ito sa amoy ng perfume niya dahil for seduction talaga iyon. Mukhang babalik na naman siya sa Axe body spray.
Napapansin niyang masama ang tingin sa kanya ng crush niya. Kaya para naman feeling secure ito, nagbukas na siya ng Waze dahil hindi sila dadaan ng main road.
"You can check the road, babe," aniya at itinuro ang phone sa dashboard. "Just to make sure na alam mo ang way natin kasi hindi tayo dadaan ng Commonwealth."
Tinaasan lang siya nito ng kilay at saka siya inirapan.
'Sungit naman talaga ni crush. Mas mataas pa ang pride kaysa height.
Ilang minuto pa lang silang bumibiyahe at hindi pa rin nagagalaw ang binili niya. Panay lang ang higop nito sa hawak na Sprite. Tipid na tipid pa sa pag-inom. Hindi tuloy siya sigurado kung nahihiya lang ba itong kumain o nahihiya lang talaga sa kanya.
"Why don't you try to eat?" tanong niya habang pasulyap-sulyap dito. "Masarap 'yan."
Inalok na niya ang paper bag kay Eunice para ito na ang kumuha ng pagkain nito.
"Tapos ano? Mas masarap pa rin yung bumili? Tse!"
Pinigil niya ang tawa, baka hampasin kasi siya nito, nagda-drive pa naman siya. Mabuti na lang at kinuha na rin nito ang alok niya at nagsimula nang kumain.
Binili naman niya talaga iyon para sa crush niya kaya mas lalo siyang magdaramdam kapag pati pagkain ay tatanggihan nito.
"Saan ka nakatira, Althea Doe?" tanong na naman niya habang naka-focus sa daan.
Mukhang gutom nga ito. Tutok na tutok sa kinakain. "Tigilan mo nga 'yang kakatawag mo sa 'king Althea Doe." Humarap pa ito sa ibang direksiyon, halatang ayaw magpakitang kumakain ito. "Ibaba mo 'ko sa Gate 2 ng Casa Milan."
Nagulat naman siya sa narinig. "Taga-Casa Milan ka?"
"Malapit lang ako do'n. Lalakarin ko na lang."
Hindi iyon puwede sa kanya. Palalakarin pa niya ang crush niya, gabi na. "Idederetso na kita sa bahay n'yo."
"Hindi puwede," putol agad nito. Halata sa tonong ayaw ng suggestion niya.
"Why? Magagalit parents mo kasi late ka na umuwi?" Natawa tuloy siya. "Hala, si baby girl, naabutan ng curfew. Ay, kawawa naman."
"Fuck you!"
Napasimangot tuloy siya. "Ang hilig mong magmura. Bad kaya 'yan."
Umirap na naman ito. "Di rin. Letse!"
May pagkamaldita talaga ang crush niya. Mabuti't hindi ito nahihilo kakapaikot ng mata.
"Babe," nag-alok na naman siya ng kalokohan dito, "hatid kita sa inyo 'tapos papakilala ako sa parents mo."
Natigilan ito sa pagsubo ng kinakain at tiningnan siya para magtanong kung tama ba ito ng narinig mula sa kanya.
Nginitian na lang tuloy niya si Eunice at itinuro ng tingin ang kinakain nito. "Isubo mo na yung hotdog ko, babe. Masarap 'yan."
"Anong hotdog mo?!" tili nito sabay hapuras sa braso niya.
Napaurong tuloy siya kasi pinisikal na siya ni Eunice.
Palaban si crush!
"Ako kaya yung bumili!" katwiran pa niya. "If you bought that, ang sasabihin ko: hotdog mo."
Sinimangutan na lang siya nito at mababasa sa buong mukha nito ang mga salitang, "Baliw ka na ba?"
Mabilis na lang tuloy nitong inubos ang kinakain at ibinalik sa paper bag ang pinaglagyan ng hotdog. Inubos na rin nito ang iniinom para isama roon.
Nagbukas muna siya ng music player nang saglit na tumigil ang sasakyan sa may crossing pa-Sauyo. Mahilig siyang makinig ng mga instrumental cover dahil mas nakakakalma iyon sa pandinig at mas mabilis siyang nakakaisip ng concept kapag nagsusulat. Mas nakakaantok nga lang. Para kung sakaling inaantok ang crush niya, masarap ang magiging tulog nito sa biyahe. Nagpatay na rin siya ng interior lights.
Hindi na siya nag-ingay. Tahimik lang din si Eunice nang magbukas ito ng phone.
Pasimple niya itong sinilip sa dulo ng mata. Nagbabasa ito ng message at seryoso lang.
Napaisip tuloy siya sa sinabi ni Karen na boyfriend nito. Siguro, iyon ang nag-text o nag-chat o nag-send ng message. Pero kung iyon nga, ang lungkot naman ng crush niya.
Hindi na naman niya naiwasang isipin kung may boyfriend ba talaga ito. O kung mayroon man, LDR ba ang dalawa?
Nagkaroon siya ng chance na ihatid ang crush niya. Kung siya ang boyfriend nito, kahit araw-arawin niya itong ihatid at sunduin, gagawin niya. Ang layo pa naman ng Regalado sa Manila.
Sa sumunod na pagsilip niya pagtigil sa stoplight, nakatingin na lang ito sa mga photo. Group photo pagsilip niya. Hindi naman lalaki. Pero mas lalo itong nalungkot nang silipin niya ang mukha nito. Nagpatay na lang ito ng phone at tumingin sa labas ng bintana.
Bigla siyang kinabahan. Mukhang malungkot talaga ang crush niya pagtingin nito sa phone.
Baka nagpapasundo ito sa boyfriend nito pero hindi available ang lalaki. Ang saklap naman sa side ng crush niya.
"Babe?" tawag niya rito.
"Hmm?"
"Seryoso, ihahatid kita sa inyo, ha?" alok na lang niya kasi naaawa na siya sa itsura ni Eunice.
Sinulyapan siya nitong saglit bago ibinalik ang tingin sa labas ng bintana. "Bahala ka."
Napahugot siya ng hininga. Hindi nga okay ang crush niya. Kasi kung okay ito, kanina pa sana siya nito minura-mura para pigilan siya sa gusto niya.
Kung may boyfriend nga ito at hindi nito nagagampanan ang role nito sa buhay ng crush niya, kahit maging driver na lang nito araw-araw, papayag na siya.
♥ ♥ ♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top