Chapter 14: Pabebe Boy
Malamang na hindi lang si Gregory Troye ang writer sa balat ng lupa na nagdi-dissociate ang personality at utak tuwing nagsusulat o nagbabasa. Para mapanindigan ang character, dapat ilagay ang sarili sa character. Para maramdaman ang emosyon ng character, dapat una nang maramdaman iyon ng writer. Emotion, connection, at relevance ang ilan sa mga hinahanap niya sa mga entry na kailangang i-judge, at naghihintay pa rin siya ng entry ni Eunice matapos matanggap ang kay Althea Doe.
Nakailang daan na siya sa conference room para i-check ang ibang judges ng writing contest nila kung ano ang tingin nito sa mga entry na ipinasa sa last day of audition round. May maghapon pa naman para maghintay sa iba pang hahabol. Ilang beses na rin siyang nagbigay ng tips sa judging dahil sinabi niyang baka walang makasunod sa criteria sa mga nagpasa.
Kapag buo ang emotion at naramdaman habang nagbabasa, puntos.
Kapag maganda at malinis ang execution, puntos.
Kapag maayos ang syntax at grammar, puntos.
Kapag na-hit ang criteria, puntos.
Late na siyang nakalabas para sa lunch at twelve fifteen ang huling silip niya sa oras nang matapat sa Sun Mall. Nakasalubong pa niya sina Yeng na kagagaling lang sa isang stall at bumili ng milk tea.
"Kuya Vincent, ngayon ka pa lang magla-lunch?" tanong ni Yeng habang nasa malayo pa.
Ngumiti naman siya at tumango. "Yes. Aakyat na kayo?"
"Oo, Kuya."
Tumango na naman siya, at bago pa makalampas ay nagpahabol pa ng tanong si Yeng.
"Kuya, nag-utos ba sa 'yo si Ate Niz?"
Napahinto tuloy siya at napaisip.
Hindi naman siya napadaan sa cubicle nito. Hindi rin naman siya tinawag para puntahan niya dahil abala siya sa judging ng remaining entries.
"Bakit?" usisa niya.
"Hindi kasi 'yon bumaba kanina para bumiling lunch. Hindi kasi siya nag-utos sa 'min. Ayaw n'ong sumabay sa lunch time kasi mahaba raw ang pila."
"Oh." Napatango tuloy siya at napatingin sa kung saan habang nag-iisip. "Ako na lang ang bibili ng lunch niya."
"Sure ka, Kuya?"
"Yeah." Matipid siyang ngumiti at tumango na naman. "Sabihin n'yo na lang kapag nagtanong."
"Sure! Una na kami, Kuya Vincent!"
Kumaway na lang siya sa dalawa at nagpatuloy na rin sa paglakad papunta sa kabilang kalsada.
Hindi siya napadpad sa cubicle ni Eunice dahil noong lunch time nila, nasa conference room siya at nag-a-assist. Kung alam lang niyang hindi pa ito kumakain, inaya na sana niya ito sa bilihan ng masarap na tapa para mag-lunch. O-order siya ng Tapa King at Tapa Queen naman para kay Eunice.
Naisip tuloy niyang napaka-genius ng nakaisip ng menu ng resto na iyon.
Chicken sana ang ibibili niya kay Eunice pagkaharap na pagkaharap niya sa pila sa isang sikat na fast food chain na may mascot na pulang bubuyog. Ang kaso, nainggit siya sa kaharap na umorder ng spaghetti kaya ito na lang ang binili niya kasi mabango. Lumabas tuloy siya ng fast food restaurant na spaghetti, coke, at burger ang dala imbes na disenteng lunch. May coffee break naman sila, magbibigay na lang siya ng dessert kay Eunice.
May nakita pa siyang higit sa sampung bote ng red tea sa ref ng pantry. Pakiramdam niya, inorganic red tea na ang dumadaloy sa mga ugat niya at hindi na dugo. Pero sayang naman kasi kung walang iinom.
Pabalik na siya sa office nang DCE nang makasabay sa elevator ang dalawang QA specialist ni Carmela.
"Bakla, eto talaga 'yong book?" tanong ng babaeng kulot. "Iba talaga ang name?"
"'Te, may pirma pa 'yan," pagmamalaki naman ng babaeng may kalusugan ang katawan.
Nanlaki ang mga mata ni Vincent habang nakatitig sa librong inuusisa ng katabi.
Tumunog ang elevator bell.
"Sige, bakla, babasa—"
Paglabas na paglabas nila ng elevator, bigla niyang inagaw ang libro sa may hawak nito at tinitigan iyon nang maigi. Bahagyang may lukot ang book cover nito. Pansin din ang mga dog ear sa ilang pages.
"Ay, pota—Ay, hi, Sir GT, OMG!" nahihiyang bati ng babaeng kulot habang tinatakip-takipan ang bibig matapos magmura.
"Magkano 'to?" tanong niya, ipinakikita ang libro sa dalawa.
"Sir?" nagtatakang tanong ng may-ari ng libro.
"Bibilhin ko sa original price, how much?"
"Pero, sir, luma na—"
"Kahit doble ng original price."
Nagtaka naman ang dalawang babae dahil nakikipagtawaran siya ng presyo sa isang luma at hindi naman gaanong sikat na libro.
"Sir, mura lang 'yan, e."
"Five hundred pesos," desidido niyang pagtawad.
"Pero, Sir GT, hindi po 'yan for sale."
"One thousand."
Napuno naman ng pagkalito ang may-ari ng libro.
"Sir, one thou—"
"Five thousand?" nakangiwi na niyang tanong
"Ha?" Napaatras ang dalawa sa presyong iyon. "Pero, sir—"
"Name your price. Ten thousand? Fifty? One hundred thousand?"
Pinanlakihan ng mata ng dalawang staff ang halagang sinasabi niya.
One hundred thousand para sa isang lumang libro.
"Sir, inyo na lang po." Iyon na lang ang nasabi ng may-ari ng libro sa kanya habang nakangiwi. "Mukhang kailangan n'yo, e—"
"Sure?" putol niya. "Sure na ba? I can pay for this book."
Alanganin na lang itong tumango sa kanya. Mukha kasing wala na itong magagawa kundi umoo na lang.
"Yes, sir."
"Oh! Thank you so much!" Niyakap niya nang mahigpit ang babae. Nakanganga lang sa kanila ang kasama nito dahil sa pagkagulat. "I owe you big time, darling. Thank you!"
Dali-dali siyang pumunta sa office at dumeretso sa pantry.
Gusto pa sana niyang busisiin ang libro kaso baka nagugutom na ang crush niya. Mamaya na siya magbabasa, lalandi muna siya.
Itinago niya sa dulong cabinet sa itaas ng countertop ang libro at saka niya kinuha ang isang bote ng red tea sa loob ng ref bago pinuntahan si Eunice.
Mukhang hindi pa nga ito nagla-lunch kahit alas-dose y medya na. Nakatutok pa rin sa monitor at mukhang iyon at iyon pa rin ang ginagawa sa mga manuscript.
"Babe, 'musta?" Deretso siya sa pag-upo sa kaharap nitong upuan pagdating niya sa cubicle nito. "Naghintay ako ng email sa 'yo kagabi." Inihain na niya sa mesa ang lunch ng crush niyang binili pa niya sa kabilang street. "I was expecting an entry from you. G na G pa naman akong magbasa ng gawa mo."
Inurong niya ang mga report sa mesa nito at inilapag roon ang isang regular-sized coke at ang order niyang spaghetti. Ipinatong niya rin doon ang dalang red tea.
"Tinitingnan ko kung nagta-type ka ng para sa entry mo kanina pero nag-approve-and-reject ka lang," kuwento niya at inaalisan na ng balot ang burger niya. "Karen told me that you wrote before. Ano'ng genre?"
Nag-abang siya ng sagot kay Eunice habang pasulyap-sulyap dito.
"Detective fiction, fantasy, action, sci-fi," sagot nito sa bored na boses.
Natawa tuloy siya sa isinagot nito. "Headaches, in short."
"May thrill kasing isulat. Hindi gaya ng romance."
Hindi siya sumagot. Ayaw niyang pag-awayan na naman nila ang genre niya dahil lang hindi ito pasok sa panlasa ng lead editor ng DCE. Tiningnan niya si Eunice nang taimtim habang abala sa pag-alis ng balot sa burger niya.
"May dalawang published book ka raw," pagbabago niya ng topic at sinimulan nang kainin ang burger. Makaiwas man lang sa paparating na init ng ulo. "What happened? Parang wala naman akong nakikita sa bookstore. Sold out? Hindi na nag-reprint?"
Napansin niya ang pagbuga nito ng hininga at bahagyang pag-iling. "Nai-release ang isa. Tapos ang isa . . ."
Bigla itong natulala sa mesa. Parang hinigop niyon ang lahat ng laman ng isipan nito.
Doon pa lang, mukhang alam na niya ang problema. Gaya ng problema ng mga baguhang author noong panahon niya. "Nasa iyo ang copyright?"
Umiling ito para sabihing hindi. "Deed of sale ang pinirmahan ko."
"Oh." Hindi na siya nagsalita pa. Tama nga ang hinala niya.
Tipikal na problema at bangungot ng mga manunulat para sa mga pangarap nila. Ibinenta ang istorya, wala nang habol pa sa sariling gawa. Kung ano man ang libro ni Eunice Riodova, nanghihinayang na siya sa nangyari dito.
"So, why did you audition?" pagbabago na naman niya ng usapan. Halos nakalahati na niya ang kinakaing burger. Mukhang ayaw nang pag-usapan ni Eunice ang malungkot na nangyari sa libro nito. Hindi na rin naman niya ipipilit dahil alam niyang masakit sa damdamin ang ganoong pangyayari bilang manunulat. "Na-challenge ka kasi sinabi kong hindi mo kayang magsulat ng romantic story?"
Nginisihan niya ito para maghamon. Pero imbes na sigawan siya, tumingin lang ito sa kaliwa habang kinakamot pa yata ang ngipin gamit ang dila. Hindi tuloy niya alam kung nagpipigil na naman ba ito ng attitude o nagtitinga lang.
"Wala naman kasing special sa isang love story," biglang sagot nito at sumandal sa upuan habang sinusukat siya ng tingin.
"Naranasan mo na bang ma-in love?" casual na tanong niya at kumagat na naman sa kinakain.
Tiningnan siya ni Eunice na parang may sinabi siyang nakadidiring bagay.
"Alam mo bang sa record ng Dream Catchers sa isang sikat na online writing platform, mayroong twenty thousand plus stories sa romance, teen fiction, chick lit, and general fiction categories na 'yan mismo ang opening line ng story description, prologue, teaser, logline, and chapter one? Imagine kung gaano ka-cliché ang line na 'yan para itanong sa 'kin na nagbabasa at nagsi-scan ng minimum of twenty stories per day sa loob ng six years."
Tinitigan niya si Eunice habang nakangiwi. Nasasagot naman ang tanong niya ng oo o hindi. Ang ikinatataka niya ay kung bakit ang layo ng paliwanag nito sa ipinupunto niya.
"'Know what's your problem?" tanong ni Vincent, kunot ang noo at inubos na ang burger. "Hindi mo pa pinatatapos ang kuwento, hinuhusgahan mo na agad." Nilukot na niya ang balot ng pinagkainan bago ibalik sa paper bag nito.
"Similar lang naman ang outline ng bawat story," depensa ni Eunice. "Exposition ng mga character. Magkakakilala ang dalawang tao. Rising action. Magkakaroon ng reason para magkakilala pa nang lubos ang dalawang tao kasabay ng mga kontrabida sa buhay nila. Climax. Magkakaroon ng conflict sa pagitan ng dalawang tao. Falling action. Susubukang i-overcome ang challenges ng dalawang tao. Resolution. Kapag na-overcome nila ang challenges, either happy ending o tragic."
Napailing siya. Ibinato na lang niya ang paper bag sa trash bin sa kanto ng cubicle ni Eunice at saka uminom. Hindi niya ito maintindihan kung bakit sumasagot ito sa mga tanong na hindi naman niya itinatanong.
"Nakabasa ka na ba ng novel ko?" tanong na lang niya, na alam naman niya ang sagot. Kung natatandaan siya ni Eunice, dapat sa mga oras na iyon, nakilala na siya nito.
Hindi ito nakasagot sa kanya. Pero alam niyang nagulat ito sa tanong base na rin sa naging reaksiyon nito.
Umayos ito ng upo at inirapan siya bago sumagot. "Mayroon akong kopya ng tatlo. Pero nabasa ko na lahat." Ipinaikot nito ang mata at saka bumuga ng hangin. Mahahalata sa tono ang bahagyang pagbaba ng napakataas nitong pride. "Maganda naman." Sabay irap habang nakataas ang kaliwang kilay.
Napangiti siya. Hindi lang iyon maganda. Sobrang ganda pa. Tipong sapat na ang ganda para makipag-agawan sa kanya sa sarili niyang libro at sigaw-sigawan siya sa harap ng kahera, mabili lang ang huling kopyang iyon.
"Cliché lang din naman ang mga gawa ko," nakangisi niyang sagot at ipinatong ang kanang siko sa mesa para asarin ang crush niya. "Kung hindi magandang genre ang romance, dapat isang libro lang, tumigil ka na."
Umirap na naman ito at saka naidako ang tingin sa spaghetti na nasa mesa nito. Kanina pa, hindi pa rin ito kumakain. Inaasahan pa naman niyang sabay silang kakain habang nagkukuwentuhan.
"Magaling ka naman kasing magsulat," tugon nito sabay layo ng tingin sa mesa.
"O baka judgmental ka lang talaga then selective ka sa binabasa. Wala naman ang lesson sa umpisa ng kuwento, palaging nasa dulo." Napangiti na lang siya at umayos na ng pagkakaupo. Alam na niyang ginugutom ang crush niya, dinadaldal pa niya.
"Ano'ng point mo?" masungit na tanong nito at mukhang tatarayan na naman siya.
"Ang point ko, kapag ako ang nag-exert ng effort, ayoko ng hindi ina-appreciate ang effort ko. Lalo na kung tumawid pa ako sa kabilang kanto para bumili ng lunch mo."
Sinalubong nito ang tingin niya.
Ilang saglit ding nagtagal ang ngiti sa mga labi niya habang nakatitig sa mga mata nito. Unti-unti, bigla iyong nawala.
Saka lang niya napunang mas light pala ang eye color nito sa malapitan. Ang ganda lang pagmasdan. Napalunok tuloy siya.
Dahan-dahang dumako ang tingin niya sa mapulang labi nito—na nakangiti.
Nakangiti . . .
Nakangiti.
Nakangiti!
Gumapang ang kilabot mula sa likod niya papuntang braso hanggang batok. Napahugot siya ng hininga at pinutol ang pagtitig kay Eunice. Tinuktok niya ang mesa at tumayo na. Baka kung ano pa ang magawa niya roon, mahirap na. Itinuro na lang niya ang spaghetti sa mesa.
"Masarap 'yan," paalala niya sabay ngiti at kindat. "Pero mas masarap ang bumili."
Hindi na niya hinintay pa ang sagot ni Eunice. Dali-dali siyang lumabas ng cubicle nito at nilakad ang aisle.
Biglang bumigat ang paghinga niya at dinibdiban nang mahina ang sarili. Nanginginig ang tuhod niya at parang gusto na lang niyang tumalon mula sa mataas na lugar. Kagat-kagat niya ang labi para pigilan ang napipintong pagsigaw. Hindi niya alam kung paano sesermunan ang pusong panay ang kabog.
"Sir GT, ayos ka lang?" tanong ng nakasalubong niyang tao ni Mae sa workforce. "Namumula ka, may lagnat ka ba?"
Mabilis siyang umiling at tinungo ang restroom.
Unang beses—sa loob ng tatlong taon, unang beses siya nitong nginitian.
Pagdating niya sa restroom, ini-lock niya agad ang pinto at napasandal sa pintuan.
Ipinikit niyang saglit ang mga mata at hindi mawala sa isip niya ang ngiti ni Eunice.
Lalong lumakas sa pandinig at pakiramdam ang tibok ng puso niya. Hindi niya inaasahan. Hindi na rin niya matandaan kung kailan niya iyon huling naramdaman.
Inisip niyang sana sinagot na lang ni Eunice ang tanong niya kanina kung naranasan na ba nitong ma-in love. Kasi kung ibabalik niya sa kanya ang sariling tanong, hindi na siya mag-aatubiling umoo sa pagsagot.
♥♥♥
THIS IS UNDER EDITING. WALA AKO MASYADONG TIME PARA MAG-EDIT DAHIL NAGTATRABAHO AKO PARA MABUHAY KAYA EASY-HAN N'YO LANG. IMU-MUTE KO LAHAT NG MAGTATANONG KUNG NAG-A-UPDATE PA BA ITO. SENGKYU (^u^)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top