Chapter 13 Good Mood
(A/N: play n'yo yung video para feel hahaha)
***
Hindi siya nakatulog nang maayos kaiisip sa nangyari.
Nagparamdam na si Althea Doe. Iyon naman talaga ang matagal na niyang gustong maganap. Pero hindi niya maipaliwanag kung bakit hindi siya masaya. O kaya naman niyang ipaliwanag dahil naghihintay lang talaga siya ng entry kay Eunice.
Gabing-gabi na siyang nadapuan ng antok at sobrang aga pa niyang magising. Nakapag-exercise pa siya at nakapag-jogging sa business park pagsapit ng alas-singko ng madaling-araw.
Panay ang silip niya sa phone kung may email na ba galing kay Eunice, pero umabot na ng alas-siyete ng umaga, wala pa rin kahit 'K' lang mula rito. Hindi na rin siya nag-abalang magpaguwapo sa crush niyang hinihintay niya ang entry. Gray na T-shirt lang na pambahay ang suot niya, tipong pamunas na lang dapat iyon ng mesa pero isinuot pa niya. Tattered jeans na lang din ang ipinares niya at black na running shoes para solid ang rugged theme ng outfit of the day niya. Ayos lang naman sa kanya kahit pumasok siyang nakahubad. Paki ba nila sa ayos niya?
"Good morning, Sir GT!" pagbati sa kanya ng mga tao sa office ng DCE. Sir GT na ang tawag ng mga ito sa kanya magmula nang malaman nilang siya si Gregory Troye. Sanay na ang GFP na tawagin siyang GT pati sa halos lahat ng social media accounts ni Gregory Troye kaya malamang na ito na ang nakasanayan ng karamihan.
Natatawa pa siya sa dahilan ng iba na kaya pala GT ang tawag sa kanya ni Karen. Akala nila ay "Jitty" ang palayaw niya dahil magkatunog naman.
Kompara sa nakasanayan nilang aura niya, halatang wala siya sa mood nang umagang iyon, at napansin iyon ng lahat.
Hindi siya masaya, puyat pero hindi naman mukhang puyat. Mas mukhang pagod at binabagabag. Kaya pag-upo niya sa desk niya, hindi naiwasang mag-usisa ni Yeng.
"Kuya Vincent, ays ka lang?"
Agad ang buga niya ng hininga at naghawi ng mahaba-habang buhok na hindi pa niya nalalagyan ng wax. Kaya nga nagbaon na lang siya para sa opisina na mag-ayos dahil nakatamaran na rin bago umalis.
"Okay lang," tinatamad niyang sagot at saka matamlay na nag-setup ng computer.
"Napuyat ka ba, Kuya?"
Hikab lang ang isinagot niya kay Yeng at hindi na rin ito nag-usisa pa.
Gusto niyang tanungin si Eunice kung magpapasa ba ito kasi kahit sa spam mail, wala itong message. Nabasa na niya ang entry ni Althea Doe at maganda iyon. Di-hamak na mas matino kompara sa mga nauna niyang nabasa. Ang kaso, masyadong bitter ang entry. Tragic ang ending at naka-highlight pa ang temang hindi lahat ng nagmamahal, masaya. At hindi lahat ng mag-asawa na, magsasama pa rin habambuhay.
Hindi niya alam kung ma-o-offend ba siya dahil parang pinatatamaan siya nito sa ipinasang entry o baka talagang bitter lang talaga si Althea Doe.
Para sa kanya, pasado na ito kung ang pagbabasehan ay ang estilo sa pagsulat. Halatang sanay na sanay sa ginagawa. Pero kung pagbabasehan ang criteria niya tungkol sa romantic story na may happy ending, isa rin ito sa mga hindi pumasa. Hindi na nga romantic ang story, hindi pa happy ending.
Iyon pa lang sa criteria, dismayado na siya.
Tamad na tamad siyang nag-edit ng mga kailangang i-edit. Nangako pa naman siya kay Karen na ido-double time niya ang mga pending manuscript para lang sa napaka-specific niyang mechanics ng contest nila.
Inaantok siya sa ginagawa at halos maubos ang isang bote ng red tea sa iilang lagukan lang. Nakailang hikab na rin siya at punas sa mata dahil talagang wala siya sa mood magtrabaho. Hindi niya alam kung gawa ba ng kakulangan sa tulog o talagang wala siya sa mood kaya hindi siya makapag-concentrate.
O baka wala pa siya sa mood at baka maya-maya lang ay ganahan na siyang magtrabaho kapag dumating na ang dahilan niya para sipagin.
Hindi na siya nag-edit. Tumambay lang siya sa email at naghintay ng entry kay Eunice.
Inubos niya ang dalawang oras sa pagtambay sa social media at umalis lang sa upuan nang tawagin ng kalikasan.
Pagdating niya sa tahimik na restroom, umagad siya ng hilamos para magising ang diwa. Halos paliguan na niya ang sarili at binasa ang buhok para lumamig-lamig ang mood.
Hindi siya mukhang puyat pero mukha nga siyang wala sa mood. Bagsak ang mata, wala ang blooming aura na ikinatutuwa ng mga taga-DCE araw-araw. Inilabas na lang niya ang wax na baon at inayos ang wavy na buhok na panay ang bagsak sa mukha niya. Hindi pa siya nakakapagpagupit dahil plano niyang magpahaba ng buhok. Kailangan tuloy niyang magtiis kaka-wax para hindi siya panay ang hawi rito.
Pagkalabas niya ng restroom, dumeretso siya sa pantry sa kabilang panig ng daan para maghanap ng inumin. Pagbukas niya ng ref, existing pa ang mga stock na red tea na supply niya sa DCE. Iyon na lang ang kinuha niya at saka nilakad ang hallway pabalik sa floor.
Pero naroon pa lang siya sa kanto ng pantry, napahinto na siya.
Parang nag-automatic play ang imaginary background music niyang "True" ng Spandau Ballet at nag-slow-mo pa ang lahat.
Hindi na niya namalayang nakangiti na pala siya. Natatanaw niya kasi sa entrance ang crush niya. At ang kakaiba, hindi ito naka-T shirt. Hinagod niya ito ng tingin mula ulo hanggang paa habang nakakrus ang mga braso nito at kausap si Karen.
Nakasuot ito ng black stiletto na sapat na ang taas para umabot ito hanggang ibaba ng leeg niya. Fitted na black slacks ang ipinares nito sa sleeveless turtleneck na black din. Ngayon lang niya ito nakitang naglugay ng buhok na maayos ang pagkakabagsak. Higit sa lahat, marunong pala itong mag-makeup. Hindi na ito mukhang bata.
Nagpaparamdam na naman ang mga kalabog sa dibdib niya. Bigla siyang kinilabutan at nilamig kahit wala namang nagbago sa temperatura sa floor ng DCE. Bigla tuloy siyang nahiya. Kung kailan hindi siya nakaayos at nakaporma nang matino, saka naman nag-formal ang crush niya.
Dadaanin na lang niya sa confidence.
Kapag naman daw alam mong guwapo ka, guwapo ka na talaga, period.
Bumuga siya ng hangin at idineretso ang tindig.
Guwapo ka, Carl John. Repeat after me, guwapo ka, Carl John.
Paglapit niya sa entrance, binati niya agad si Eunice.
"Good morning, babe." Sinabayan pa niya ng inom ng red tea para cool and clean. "You look gorgeous," pahabol niya sabay kindat bago dumeretso sa area ng editorial team.
Paglagpas na paglagpas niya, napakagat agad siya ng labi dahil mas maganda pala ang crush niya sa malapitan kaysa inaasahan niya. Hindi rin siya nito sinungitan. Nakita pa niyang ngumiti ito nang kaunti. Doon pa lang, nabuo na ang araw niya.
"Kuya Vincent, mukhang okay ka na, a," bati sa kanya ni Yeng pag-upo niya sa sariling desk. "'Lapad ng smile. May good news ba?"
Hindi nga nawala ang ngiti niya, napa-post tuloy siya ng status sa Carl John account niya ng:
Nag-smile sa akin si crush♥ Ang ganda niya ngayon. -feeling loved.
♥♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top