Chapter 12: The Search is Over

Kung makakilos ang buong DCE sa mga oras na iyon, parang may national emergency na nagaganap, at dahil lang naman iyon sa kagagawan ni Vincent.

Nagpa-emergency meeting si Karen sa bawat team at pinapunta agad sa conference room ang lahat. Magmula sa editorial department, sa creative department, sa finance and accounting department, sa production department, sa marketing and sales department, sa logistics, hanggang sa digital production department. Tig-iisang member ang naroon, handpicked ni Karen para kausapin sa isang medyo masamang balita.

"Okay, guys, bad news. Nag-back out si Eunice as judge sa writing contest natin," panimula ni Karen sa lahat.

Tumayo na lang si Vincent at si Karen kasama ang dalawa sa logistics. Sampu lang ang kayang i-occupy ng table at katorse silang naroon.

Nagtaka naman ang lahat kung ano ang kinalaman nila sa kasalukuyang pa-contest ng DCE.

"Boss, kasama talaga kami?" tanong ni Ja, isa sa graphic artist sa creatives. "Di ba dapat, editorial team lang ang nandito?"

"That's the point," dugtong ni Karen. "Gusto kong maging fair ang laban. Sasali kasi si Eunice sa audition. I want you to judge the remaining entries."

"What?"

"Huh?"

"Seryoso, boss?"

"What happened?"

"Boss, totoo?"

Nagsunod-sunod ang ingay. Kailangan nang patahimikin ang lahat.

"Ssshh! Wait, guys!" pagpapatahimik ni Karen, itinaas ang kanang kamay. "Sino'ng nakakakilala kay Gregory Troye?"

Nagkatinginan ang bawat isa.

"Si Gregory Troye ng Grey Feather?"

"Yung author ng Shackles and Roses?"

"Kanya rin yung Wait For Me, Daisy, di ba? Ang ganda n'on."

"Fan ako, Boss Ayen!"

"Sikat 'yon, besh, gagi."

"Boss, magdya-judge din ba siya?"

"Ssshh!" pagpapatahimik na naman ni Karen sa lahat. "Personally, do you know him? Anyone?"

Sabay-sabay na nag-ilingan ang lahat.

"Boss, di ba, hindi pa naman siya nagpe-face reveal ever?"

"Naka-pseudonym lang siya, ang alam ko."

Sa ganoong pagkakataon, normal na lang kay Vincent ang mga nangyayari.

"Okay!" Lumapit na kay Vincent si Karen at tinapik ang lalaki sa balikat. "Kung ano man ang malaman dito, dito lang. Are we clear?"

"Yes, boss," sabay-sabay na sagot ng lahat.

"Vincent is Gregory Troye," pakilala ni Karen sa kanya habang tinatapik-tapik siya nito sa balikat. "At siya ang isa sa organizers ng writing contest natin ngayon."

Sabay-sabay na nagulat ang lahat. May napatakip ng bibig, may mga nakanganga, may mga nanlaki ang mga mata, may mga napasandal sa kinauupuan, at may muntik nang tumili ngunit pinigilan lang.

"Since nag-back out si Niz sa judging, kailangan ko ng another set of judges. Kayo ang napili ko to judge all remaining entries including our lead editor's entry. At para fair ang laban, gagawing anonymous ang bawat file for you to evaluate. No need to be technical. I want you to read the entries sa kung anong quality ng books ang nire-release natin. Tomorrow is the deadline kaya magra-rush tayong lahat para magbasa."

Saglit na natahimik ang mga naroon. Hindi alam kung saan pa magugulat sa lahat ng sinabi ni Karen.

Nakatitig lang sila kay Vincent na parang nakakita ng artista kahit kanina pa siya naroon sa loob. Pinagkrus niya ang mga braso at bumulong kay Karen.

"You know I can choose your lead editor right away, di ba?" paalala niya kay Karen.

"GT, sayang ang effort ng mga sumali," bulong din ni Karen sa kanya.

"I'll read pa rin the entries. But tell you what? I already made my decision. I'll take Eunice as my collab partner."

"Akala ko ba, may hinahanap ka?"

Natitigan tuloy siyang maigi ni Karen. Hindi siya agad nakasagot. Napahugot siya ng hininga at napatingin sa kung saan.

Hinahanap niya si Althea Doe pero deadline na bukas. Wala siyang na-receive na file mula rito. Alam naman niyang may pagka-imposibleng makita pa uli niya ito sa isang writing contest. Kung hindi man ito magparamdam, at least, naroon si Eunice para sumalo sa hinahanap niyang tao. Kahit sino naman ang makita niyang deserving, ayos lang.

Pero siyempre, iba pa rin kung si Althea Doe ang makikita niya. Humingi pa naman siya ng sign na kapag nagpakita uli ito after six years, pipiliin niya ang DCE kaysa GFP.

Imposibleng magpakita si Althea Doe kaya malamang na babagsak pa rin siya sa Grey Feather pagkatapos ng contest. Iyon lang ang sigurado siya. Pero susubukan pa rin niya kung papasa ba si Eunice matapos ang paghahamon niya rito matapos nitong laitin ang genre niya.

"Gusto ko lang i-announce. Magmi-meeting uli tayo bukas for final evaluation and judging," paalala ni Karen. "That's all. You may go."

Lumabas na si Karen ng conference room at sumunod naman siya rito.

"May ginawa ka ba sa kanya, Vincent?" nagtatakang tanong ni Karen sa kanya pagkaupong-pagkaupo nito sa sariling desk.

Nangalumbaba siya sa mesa nito at dismayadong tiningnan ang compiled reports na naroon. "Ang sabi niya, walang special sa genre ko. Nobody dares to tell me that."

"Oh." Nagusot nang kaunti ang magkabilang dulo ng labi ni Karen at saka tumango. "Hinamon mo."

Umayos na siya ng upo at kunot-noong tiningnan ang labas ng cubicle. "Not me. Alam mong ayokong minamaliit ang genre ko. You know how I tried to justify that to everybody. She should know that it wasn't as easy as everybody thought. Romance 'yon. Hindi romance 'lang'."

Pilit na ngiti na naman mula kay Karen at tinanguan ang sinabi niya habang nakatingin sa monitor nito. "Ang tagal nang hindi nagsusulat ni Niz. At hindi niya genre ang genre mo."

"And what's with that?"

"She could write, no doubt about that. Pero, GT, mahihirapan siya sa mechanics mo."

"Dapat lang," walang kaabog-abog niyang sagot na ikinagulat ni Karen. Parang kahapon lang, kilig na kilig pa siya kay Eunice, pero ngayon, parang bigla siyang nawalan ng amor dito.

"Ang alam ko, may dalawang book si Eunice na nailabas," kuwento ni Karen.

Nanatili ang tingin ni Vincent sa labas ng cubicle. Tumango lang siya sa sinabi ni Karen.

"Ayokong i-underestimate mo siya dahil hindi niya genre ang genre mo. Pero ayoko ring i-overestimate mo siya dahil alam niya kung paano magsusulat ng siguradong papasa sa 'yo."

"Then just prove herself to me," maangas niyang hamon kay Karen nang lingunin ito. "Kung kaya niyang isulat ang genre ko, babawiin ko ang lahat ng sinabi ko sa kanya. Problema ba 'yon?"

Nagbuntonghininga na lang si Karen at napailing sa kanya. "She really hit a nerve."



♥♥♥



Bumalik na si Vincent sa desk niya kasama sina Ayra. Pagsilip niya sa kabilang cubicle, wala roon si Eunice. Hindi tuloy niya alam kung umuwi na ba ito o hindi dahil pumasok itong mukhang kagigising lang at walang ibang dala. Ang laki naman ng ngiti ni Yeng sa kanya dahil sa nalaman nito.

"Kuya Vincent, ikaw talaga si GT?" na-e-excite na usisa nito sa mahinang boses. Halatang tuwang-tuwa sa nalaman kaso hindi makasigaw.

"Fan ka ba, Arlen?" tanong niya habang prenteng nakaupo sa upuan.

"Kuya! Alamat ka kaya!"

Matipid ang naging tawa niya at saka umiling. "That's overrating."

"Seyoso, Kuya! Bestseller kaya lahat ng books mo!"

Nagkibit siya. "I'm just lucky."

"Twenty-six na best-selling book, lucky? Kuya, pa-autograph bukas, ha? Dadalhin ko lahat ng copy ko ng book mo!" Nginitian naman siya nito habang nakadaop ang mga palad.

"Sure," matipid na sagot niya, tumango nang kaunti, at napatingin sa skyview ng DCE. Nangungulay kahel na ang papalubog na araw. Gusto sana niyang ayain si Eunice pauwi kaso may silent war nga pala sila. Magpasa muna ito ng audition entry saka niya ito aayain kahit mag-dinner man lang.

And speaking of Eunice, dere-deretso ang lakad nito sa aisle papunta sa cubicle ni Karen. Walang pinansin, walang hinintuan.

"Uuwi na yata si Ate Niz," sabi ni Yeng. "Bakit kaya siya sumali?"

Napabuga ng hininga si Vincent dahil sa tanong na iyon. Hindi pa rin siya nakakabawi sa pangmamaliit ng crush niya sa genre niya—na parang ganoon lang kadaling magsulat at maging bestseller sa libo-libong kakumpitensiya sa buong bansa.

"Mag-update kayo sa email ng status ng changes kanina, ha?" pambungad nito sa kanila nang matapat ito sa kanila.

"Yes, Ate Niz. Ingat."

"Ingat din pag-uwi," tugon nito at idinako ang tingin sa kanya. Lalong tumaray ang mukha nito at kulang na lang ay ipagsigawang, "Humanda ka, pagbabayaran mo ang lahat."

Napangiti tuloy siya. Mukhang masama pa rin ang loob nito.

Kinanti rin naman siya, malamang na gaganti siya. At kung matigas talaga si Eunice Riodova, magkakasukatan sila ngayon ng tigas at tatag ng loob. Tingnan lang niya kung sino ang unang bibigay.

Umalis na rin ito at pakiramdam ng lahat ay gumaan na ang buong aura ng DCE.

Nakahinga nang maluwag sina Yeng at Ayra at nakapagsalita na rin nang normal ang boses.

"Dapat talaga home-based na lang 'yan si Ate Niz, e," reklamo ni Ayra.

"Wala ba siyang friend dito?" tanong niya sa kanila.

"Si Boss Ayen saka si Boss Armie lang ang kumakausap sa kanya nang normal," kuwento ni Yeng. "I mean, 'yong parang friendly tone talaga siya. The rest, sinusungitan niya."

Nagusot ang labi ni Vincent at saka tumango. "That is sad. Walang nag-try kausapin siya? Or befriended her?"

"Kuya, mahirap kausap si Ate Niz kapag usapang friendship. Kausapin mo siya about editing or story-related matter, doon lang siya sasagot."

"May boyfriend ba siya?" paninigurado niya, baka lang gawa-gawa ni Karen ang sinabi nitong taken ang crush niya.

"Ang alam ko, Kuya, meron. Kaso parang hindi naman sila okay. Wala ngang bakas sa FB niya na may BF siya."

"Agree," pagsang-ayon niya.

"Kung ako rin naman ang boyfriend niya, hindi rin ako magiging masaya," gatong ni Ayra.



♥♥♥



Pagdating sa mga babae, hindi si Vincent ang tipo ng lalaking nag-iipon ng babaeng paglalaruan. Palagi siyang nabibigyan ng impression na kapag good-looking, dapat babaero. Kaso tuwing naiisip niya ang Tita Mamu niyang nabuhay nang walang asawa, na-realize niyang may mga babaeng kayang mabuhay sa mundo nang walang lalaki sa buhay nila.

At hindi malungkot ang Tita Mamu niya. Sa katunayan, masaya ito hanggang sa pumanaw nang dahil sa atake sa puso kakakain ng lechon. Natatandaan pa niya ang huling paalala nito bago siya kunin ng mga kamag-anak ng ama niya. Kung mamimili raw siya ng babae, dapat iyong kayang tumayo sa sariling mga paa. Dahil kapag nawalan siya, mawawalan na rin siya ng pakinabang sa babaeng palaging umaasa sa yaman ng iba.

Hindi niya lubusang naintindihan ang tungkol doon hanggang sa maranasan na niya.

Nasanay rin naman siyang pinalilibutan ng babae, pero madalas kasi siyang magpaka-weirdo noon kaya may mga pagkakataong partygoer siya, may pagkakataong nagmumukmok siya sa loob ng bahay. Depende kung balak magpaka-extrovert o maging introvert bigla.

May sapat na pera siyang naipon para pantustos sa araw-araw noong pumapasok pa siya sa kolehiyo. Mga may-edad na babaeng may gusto sa kanya ang nagpaaral sa kanya sa college. Sa edad na twenty-three, may lisensiya na siya bilang engineer. Sa edad na twenty-five, hindi niya napanindigan ang kurso dahil mas madalas pa siyang kunin bilang model sa trabaho kaysa bilang inhinyero. Tatlong taon makalipas, sa trabaho niya nakilala si Fatima. Twenty-three pa lang ito at twenty-eight siya. Sobrang ganda ni Fatima at hindi na siya nagtataka kung bakit maraming nagkakagusto rito dahil sa modeling din niya ito nakilala.

May pagkakataon talagang maiisip ng lalaki na nakita na nila ang babaeng makakasama nila habambuhay. Iyon ang naisip niya kay Fatima kaya niya ito inaya ng kasal. Pumayag naman ito. Guwapo at may pera nga kasi siya kahit paano. Hindi na rin lugi.

Maganda si Fatima. Guwapo siya. Pero hindi dahil magandang kombinasyon, maganda na ring pagsamahin.

Hindi niya masasabing mayaman sila noong mga panahong iyon. Kaya niyang kumita ng treynta mil kada project sa isang buwan. Pero ang gastos ni Fatima. Pabili ng ganito, pabili ng ganiyan. Sinunod niya ang luho nito. Gusto ng designer's bag, bili. Gusto ng expensive stiletto, bili. Gusto ng mamahaling dress, bili. Gusto ng alahas, bili.

Naubos ang ipon niya kabibili ng luho ng asawa. Umabot siya sa puntong said na said na siya at hindi na niya alam ang gagawin noong nanghingi na ito ng pera dahil gusto nitong magbakasyon sa Maldives.

Wala pa silang isang taon noon bilang mag-asawa at nasa condo pa sila sa Redwoods nakatira.

Ibinigay naman niya ang lahat kay Fatima pero parang kulang pa rin ang lahat. Hanggang sa nagrereklamo na ito. Pinagsasabihan na siya na wala siyang kuwentang asawa. Na minsan na lang daw itong humingi sa kanya, hindi pa niya mapagbigyan. Ayaw niya namang manumbat dahil para sa kanya, obligasyon niya bilang asawa ang ibigay ang lahat ng gusto nito.

Hanggang sa wala na siyang magawa kundi magmukmok sa bahay. Natatakot na siyang lumabas dahil hahabulin siya ng mga pinagkautangan niya pambili ng luho ng asawa. Nagkukulong na lang siya sa kuwarto, tinatamad kumilos, natuto na siyang manigarilyo dahil kumakalma siya sa lamig nito sa lalamunan.

Hindi na niya alam kung ano na ang nangyayari sa labas. Nilalamon na siya ng takot. May mga pagkakataong gusto na lang niyang mamatay para matapos na ang lahat—para makatakas sa lahat.

Isang araw, sinabi ni Fatima na may bago na itong trabaho. Hindi niya inintindi iyon. Ilang buwan din siyang nakakulong sa bahay. Ayaw na niyang lumabas dahil kapag may nakakita sa kanya, baka habulin siya at singilin sa mga hindi naman niya napakinabangang pera.

"Ano? Palamunin ka na lang? Hindi ka na magtatrabaho?"

Kada araw na dumaraan, iyan ang naririnig niya sa bibig ng asawa. Na parang kasalanan pa niyang nagmahal lang naman siya. Na parang kasalanan pa niyang sinunod niya ang luho nito. Na parang kasalanan pa niyang naging mahina siya. Na natatakot siya. Na nagkaganoon siya dahil nagipit lang naman siya.

"Bukas na ako uuwi. May meeting kami ng boss ko. Kailangan kong mag-overtime."

Tatlong beses sa isang linggo niya iyong naririnig kay Fatima. Na bakit sobra pa sa walong oras ang duty nito sa trabaho? At ano nga ba ang tunay na trabaho nito? Wala itong sinasabi. Kung tanungin man niya, ang ibabalik lang sa kanya ay "Huwag kang magreklamo kung palamunin ka lang."

Habang tumatagal, lalo lang siyang nalulubog sa hukay na siya rin mismo ang gumawa.

Hindi na nga niya napansin ang araw, nabigla na lang siya nang sabihin ng asawa niyang magpa-file na ito ng annulment at ang ground ay "the other party was psychologically incapacitated to comply with the essential marital obligations of marriage at the time of the celebration of the marriage." At siya ang psychologically incapacitated.

Ang laki ng gastos sa annulment. Sa korte lang niya nalaman na may bagong lalaki na pala ang asawa niya. Mayaman at ito pa ang sumagot sa three hundred thousand annulment expenses, maghiwalay lang sila ni Fatima. Ito na rin ang kumuha ng psychiatrist at napatunayang may clinical depression siya. Lalong bumigat ang ground para maghiwalay sila.

Hindi niya malimutan ang mukha noon ni Fatima—ang maamong mukha nitong akala niya ay mag-aahon sa kanya sa kalungkutan.

Wala siyang ibang magawa kundi pumayag sa annulment. Talo na siya. Nakuha na ng iba ang asawa niya.

Binigyan siya ng mga gamot na hindi na niya matandaan kung para saan. At hindi na rin naman niya babalakin pang tandaan.

Kung ano man ang nangyari sa kanila ni Fatima, nagpapasalamat pa rin siya dahil ito ang dahilan ng muli niyang pag-asa.

Ang istorya nila ang nagbigay sa kanya ng oportunidad para maging kung ano siya ngayon.

Hindi dahil mapait ang buhay niya ay mapait na rin dapat ang mga kuwento niya. Gusto lang niyang ipakita sa lahat na hindi sapat na guwapo lang ang tauhan sa bawat istorya. Dahil may mga taong pakinabang sa buhay ang pinagbabatayan para lang masabing sapat na sila.

Naalala niya, may mga kuwento pa siyang dapat abangan, lalo na sa contest na pasimuno siya. Nag-refresh siya ng email habang tumitingin ng updates sa sariling page at sa mga audition entry.

Napaayos siya ng upo at naibaba ang yakap na throw pillow nang makita ang isang email na may subject na: Libertad by Althea Doe.

Napahugot siya ng malalim na hininga habang nakatitig lang sa screen. Naroon na naman ang malakas na kalabog sa dibdib niya.

Nagpasa siya.

Halos tulalaan lang niya ang monitor habang binabasa ang body ng email.

To: Dream Catchers Edition

Good day! I am Althea, a writer on an online writing platform. I saw the social media advertisement for the Dream Catchers Edition for the Collaborative Project with the Legend, and I am interested in trying my experience concentrating on fiction writing.

I would be delighted to submit a sample of my audition at your request. Please see the attached file for the necessary document. Thank you for reading, and I look forward to hearing from you.

All the best,

Althea Doe

Hindi niya inaasahan. Alam kasi niyang maliit ang tsansa.

Hindi siya nakasigaw sa tuwa.

Hindi siya nakatili.

Hindi siya halos nakakilos.

Hindi niya alam ang gagawin.

Hindi niya maipaliwanag pero parang hindi siya natutuwa.

Kinakabahan siya pero iba ang dahilan.

Nagpunta siya sa Facebook. Gusto sana niyang i-announce na nahanap na niya ang matagal na niyang hinahanap, pero may iba pa siyang hinahanap at doon lang niya nalaman ang sagot.

Imbes na mag-post, nag-message na lang siya kay Eunice Riodova.

Vincent:

I'm waiting.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top