Chapter 11: Ang Humamon!

Lalong naging tahimik sa floor ng DCE, at alam ng lahat ang dahilan. Para makaiwas sa malalang pagkasira ng araw, pinili nilang manahimik para hindi masampolan ng matindi-tinding sermon mula kay Eunice.

Mukhang alam na ni Vincent kung paano mapapansin ng crush niya. Susungitan na lang niya ito para kapag napansin nitong hindi siya mukhang easy to get, ito naman ang maghabol. Mukhang ayaw sa mabait ng crush niya. Magpapaka-bad boy naman siya ngayon.

Ang kaso, dahil may agreement sila ni Karen, mamaya na muna siya lalandi. Uunahin muna niya ang paghahanap kay Althea Doe—ang long time crush niya bago si Eunice. Hindi naman niya balak pagsabayin ang dalawa, pero iba ang amor na mayroon siya kay Althea Doe at sa attraction na nararamdaman niya kay Eunice.

Napagbigyan naman siya ni Karen sa trip niya tungkol sa pa-writing contest nila. Pag-check niya pa lang sa mga pangalan ng mga sumali, doon pa lang sa kinseng entry, ni-reject na niya. Walang Althea Doe sa kanila kaya wala siyang tatanggapin. Binasa pa niya ang mga iyon para patas at hindi masabing may pinapaboran siya . . . kahit na mayroon naman talaga.

"Your not my husband!"

"How there you talk to me like that!"

Nang biglang nag walkout siya at sumakay ng taxi bago bumaba sa pinanggaling apartment nang biglang nakita niya si Chantele at sabay biglang nagulat siya sa nakita kasi hindi niya ito inaasahang makita nang biglang dumating si Frederikson at niyakap niya ito habang umiiyak nang biglang nagpakita si Trevor at sinuntok si Frederikson at nagsuntukan ang dalawa.

Napasinghap siya para maghabol ng hangin. Agad ang taas ng magkabilang kilay niya at tinulalaan ang monitor. Napapikit-pikit pa siya at napaisip nang malalim.

Ano raw?

Hindi niya alam na may ganoong tao palang nag-e-exist sa mundo na kayang makapagsulat ng fifty-seven words sa iisang sentence lang.

Nag-check pa siya ng iba, baka lang sakaling may matinong entry pero hindi na siya sigurado kung magpapasalamat siyang wala.

Hindi rin naman siya nadismaya kasi wala naman talaga siyang napili kahit wala pa siyang nababasa, pero sayang naman ang effort ng mga nagpasa.

Alas-onse na at nagtiyaga siyang magbasa ng mga entry na masasakit sa ulo. Para lang maging patas kahit wala pa siyang napipili.

"Ate Niz, mag-e-edit ka?" narinig niyang tanong ni Ayra. Sinulyapan niya si Eunice na nakaayos na ang nakapusod na buhok at umupo sa katapat niyang mesa.

Gusto sana niyang magpapansin sa crush niya kaso naaawa siya sa mga entry ng writing contest kuno niya. Saka na muna siya lalandi. Uunahin muna niya ang project niya para sa DCE.

"Sino'ng active ngayon?" tanong ni Eunice sa kalmadong tono. Mukhang hindi na bad mood.

Nagtaas lang siya ng kamay bilang sagot habang seryosong inaayos ang feedback sa mga entry.

"I invited you, guys, to edit the manuscript ni Pichi," utos nito. Pagbukas niya ng email, nakita niya ang invitation to edit. Napabukas tuloy siya ng panibagong tab for online document.

"Flag all error na makikita n'yo sa story premise. Forty thousand words lang naman 'to."

Mapipilitan tuloy siyang mag-multitask. Binigyan na siya ng trabaho ng lead editor nila. Nakita naman niyang mag-flag si Eunice, at nakakatakot itong mag-flag, kaya inaasahan na niya ang masasakit na comment mula rito.

Lima silang magiging editor ng manuscript, hindi niya kilala ang isa at wala roon. Hindi pa man nag-iinit si Eunice sa upuan nito, umagad na ito ng inline comment.

Niz

It's a bit disorienting when characters teleport.

Niz

Sa part na ito, dapat stated na kahit paano ang reason kung bakit inasikaso ng dean agad ang case niya. Bakit? Kasi sponsor ang parents niya?

Niz:

Is this necessary? How lenient should we be right now?

Tingin niya, kaya naman niyang sabayan.

Vincent:

Kapag ibi-visualize mo ang scene, naghahawian ang mga estudyante habang naglalakad sila, right? So, if we're gonna follow the actions, masyado nang obvious ang tatlo sa hallway para mabunggo pa, lalo na't nakasalamin ang nakabunggo.

We need an enough reason ng pagtapon ng juice sa rational na paraan.

May options ka:

1. Gawin mong may likuan ang path nina Jerry. They're gonna turn sa ganitong path, then sinalubong siya ng estudyante. Parehas silang hindi aware sa lagay na ito na magkakasalubong sila.

2. Bigyan ng eksena si Eyeglass Boy. Maybe, magkakaproblema sa salamin niya kaya hindi niya makikita si Jerry. You can put a scene like his eyeglasses fell before he bumped into him or natalisod ito at bumangga kay Jerry before the juice spills. Sasaluhin siyang saglit ni Jerry then itutulak, or something like that, o hahayaan na lang siyang matumba. It was a little bit harsh for Eyeglass Boy but, at least, firm ang reason for Jerry to humiliate the boy. Magpuputol ka nga lang ng eksena.

Inubos niya ang oras sa pagsunod sa mga inline comment ni Eunice. May pagkakataong umaayon siya sa comment nito pero kailangan niyang suportahan sa mabait na paraan ang kasungitan nito. Kapag may tanong ito, siya na ang sumasagot. O kung madali lang namang ayusin, ine-edit na niya at binubura ang comment tutal iyon naman ang trabaho nila.

Pero nabigla siya sa productivity nito. Hindi naman niya inaasahang ganoon ito kabilis magtrabaho. Nakasama na rin naman niya sina Ayra para mag-edit nitong mga nakaraang araw at napansin niyang mabilis man ang mga ito sa trabaho pero bihirang pumuna ng mali. Madalas, sinasalo pa niya ang nalalagpasan ng mga ito.

Alanganin siya sa ganoon na may nalalampasang dapat pinupuna rin para sa ikagaganda ng magiging libro. Ngayon, alam na niya kung bakit nga ba si Eunice ang lead editor ng DCE. Kaya nitong sabayan ang pacing niya. Wala nang duda.

"Kuya Vincent, lunch na kami ni Yeng, sama ka?" bulong ni Ayra sa kanya.

Ngumiti siya rito at tumango pero tumanggi pa rin. "Una na kayo. Later na 'ko." Nginitian na lang din siya nito at saka tumayo para magpaalam kay Eunice.

"Ate Niz—" Hindi na nito naituloy pa ang sinasabi. Iminuwestra lang ni Eunice ang kamay para sabihing lumayas na lang sila kung gusto nila dahil ayaw nitong maistorbo.

Masyadong seryoso si Eunice sa trabaho. Gusto na rin niyang ayain itong mag-lunch pero mukhang hindi nito tatantanan ang ginagawa hangga't hindi natatapos.

At isa pa, nagpapaka-bad boy and snob pala siya para pansinin siya nito. Mukha namang effective.

Hindi niya naman talaga career ang editing pero kayang-kaya niyang gawin ang trabaho at hindi maitatanggi ang credentials niya para tanggapin ang trabahong ipinakikiusap sa kanya ni Karen. Bihira nga lang siyang bigyan ng editor sa GFP kasi alam na ng mga itong one-man team na siya. Ang laki tuloy ng tipid ng Grey Feather sa kanya kapag may book release siya.

Hindi maistorbo si Eunice sa monitor nito. Pasimple niyang kinuha ang phone at kinunan ito ng picture habang seryosong nakatutok sa trabaho.

Ngiting-ngiti siya habang nakatingin sa stolen picture ni Eunice na tinatarayan ang monitor. Akala naman, may inaaway ito sa screen.

Pero para sa kanya, crush pa rin niya si Eunice at may dagdag photo na siya ng crush niyang naka-save sa sariling phone.

Nakabalik na sina Ayra mula sa lunch at may dala pang pasalubong.

"Ate Niz, palabok," sabi ni Yeng at nilapagan si Eunice ng pagkaing nasa styrofoam clamshell container at isang bote ng mineral water. Napansin agad niyang naglatag muna roon si Eunice ng scratch paper bilang patungan sa mesa bago ipatong ang styrofoam.

"Kuya Vincent, wala nang ibang tinda sa canteen, palabok ka na lang din, ha?" sabi ni Ayra at nilapagan din siya ng kung ano ang ibinigay ni Yeng kay Eunice maliban sa inumin dahil may stock pa siya ng red tea roon.

Sinulyapan ni Vincent ang crush niya na paunti-unting kumakain habang nagtatrabaho. Kumain na rin siya at naubos nila ni Eunice ang dalawa't kalahating oras sa pag-e-edit.

Mabait naman pala ang crush niya kapag nagtatrabaho. Sana palagi.

"Guys, what happened?" tanong ni Eunice. "Comments?"

"Wait lang, Atee Niz, nasa chapter four pa lang ako," sagot ni Ayra.

"Same." Pati rin si Yeng.

Inubos ni Vincent ang natitirang laman ng red tea niya. Mukhang mauubos niya ang stock ng inumin sa ref ng DCE kahit wala pang one year. Sana lang ay hindi masira ang kidney niya kakainom ng hindi organic na tsaa.

"Finish that within the day, guys. Magtse-check ako mamaya ng flags." Tumayo na si Eunice—na parang hindi naman halatang nakatayo na pala—at itinuro siya. "Hoy, Vincent Gregorio."

Yes, babe? Miss mo 'ko? sagot niya sa loob ng utak habang nagpapa-cute. Pero naalala niyang snob mode dapat siya at effective iyon kaya paninindigan na muna niya.

Tiningnan lang niya ito nang matiim at kunwaring seryosong nag-aabang ng sasabihin nito.

"Sa post ko." Itinuro ng ulo nito ang kabilang cubicle para pasunurin siya.

Ayun, o! Napansin din, sa wakas!

Napangisi tuloy siya. Kailangan lang palang hindi siya mag-effort, pinahirapan pa niya ang sarili niya.

Sumunod siya kay Eunice at umupo sa upuang kaharap ng table nito. Tuwang-tuwa siya kasi tinawag siya nito nang hindi siya nagpapapansin.

"So, what now, babe?" tanong niya habang ngising-ngisi.

"Will you stop calling me babe, ha? Utang na loob," malutong na sagot nito.

Ito na naman sila. Ayaw pala nito ng call sign na babe, pero kapag sinasabi niya iyon, pinupuna siya nito. At dahil doon, naisip niyang kung itutuloy niya, malamang na hindi ito magsasawang pulisin at pansinin siya.

Perfect.

Sumandal siya sa upuan at sinungitan din ang timpla ng mukha para maangas kunwari.

"I call babe naman lahat ng girls," mayabang niyang sabi at kunwaring nagsusungit pa. "Don't feel so special about that."

Kahit na gusto niyang sabihing, "Ikaw lang ang babe ng buhay ko, crush. Just so you know."

"Head ako ng editorial department ng DCE," mahinahon nitong sabi sa kanya kahit na mukhang handa na nitong tusukin siya ng sign pen sa mata.

Ngumisi lang siya at natatawa sa ikinikilos ni Eunice, halatang nanggigigil sa call sign niya rito.

"Boss mo 'ko at under kita," dagdag pa nito.

"Pero client ako," biro sana niya para mamilosopo. "Legally, one of the bosses ako. And, technically, under kita," sagot niya sabay turo pa sa kausap. "Ano ulit ang sinasabi mo?"

Napansin niyang lumukot ang bibig nito, mukhang nagpipigil ng inis at mukhang iiyak. Saglit nitong itinuon ang tingin sa monitor at nag-type nang kaunti bago ibalik ang atensiyon sa kanya.

Ang kaninang mataray na mukha nito, para nang batang inagawan ng candy at paiyak na. Pigil na pigil ang halakhak niya dahil ang cute talaga ng crush niya kapag nabubuwisit. Parang magsusumbong sa nanay anumang oras.

"Babe, okay ka lang? Mukha kang iiyak, a." Sinilip niya nang bahagya ang monitor nito. "Magsusumbong ka na naman kay Karen?"

Hindi ito sumagot. Mukha na ngang iiyak! Kinagat pa ang labi habang kuyom-kuyom ang kamao na nakasimangot sa kanya.

Siyempre, hindi niya paiiyakin ang crush niya dahil halatang sumosobra na siya sa pang-aalaska rito. Baka siya naman ang ma-brokenheart kung sakali. Wala tuloy siyang pagpipilian kundi baguhin ang topic.

"Anyway, I received your response pala sa audition entries. Wala rin palang pumasa sa 'yo," sabi na lang niya at saka ito nginitian.

"Cliché naman kasi," sagot nito at bumalik na naman sa pagkamataray. "Erotic-romance ba 'yon?"

Umiling siya. "Nope."

"Hindi ba 'yon The Fuck Buddies na naka-censor lang ang Fuck?"

Biglang lumapad ang ngisi niya kasi hindi iyon ang unang beses na sinabi iyon sa kanya. Mukhang effective ang style na ginamit niya para sa title.

"Sige, subukan mong tumawa talaga, itong monitor ang ibabato ko sa 'yo,"

"The F stands for Forever sana," biro niya na lalo lang nitong ikinasimangot.

"Ano 'yon? Lifetime friendship ba dapat 'tong story? No offense sa category mo pero ang corny ng title! Si GT ka ba talaga?"

"Kaya nga em dash ang kasunod ng F."

"Pero kasi, ang impression sa readers, parang censored Fuck Buddies."

Lalo lang siyang ngumisi kasi ganyan din ang impression ng halos lahat sa title niya.

"Huwag mo 'kong ngisihan, di ako natutuwa."

"Mataas ang traffic ng erotic novel ngayon sa market," katwiran niya kay Eunice. "Kapag na-pitch ng readers na Rated-18 ang story, automatically, they will read that, kahit pa underage ang readers. Hindi ka ba nakaka-relate?"

Saglit na natigilan si Eunice at sinukat siya ng tingin. Umangat ang mukha nito bago nagsalita.

"Word play? Misdirection? Misinterpretation?" sunod-sunod na sinabi nito at itinuloy ang pagtango na para bang may naintindihan ito agad.

Sa katunayan, nakuha ni Vincent ang title sa wedding photo na natanggap niya noong nakaraang linggo. The F&F Buddies sana iyon na galing sa Felicidad at Francisco, para lang mapagbigyan ang request ng may-ari ng wedding photo na gawing character ang asawa nitong fan niya. Pero wala siyang idea sa story ng babae para gawan niya ng story kaya nag-improvise na lang siya at sa title na lang bumawi. Iyon nga lang, hindi niya alam kung paano iyon ipaliliwanag kay Eunice.

"May issue ka pa sa title?" tanong niya rito.

"Plot idea?" panibagong tanong ni Eunice at hindi siya sinagot tungkol sa pamagat ng project nila.

"Dalawang character, magmi-meet, ma-i-in love sa isa't isa, magiging sila sa ending."

Napahimas ng noo si Eunice habang pinandidilatan ang mesa. Mukhang may nasabi siyang hindi nito nagustuhan. "I don't want to offend you, ha? Pero wala na bang mas cliché pa diyan? May competition ba ngayon ng ultimate cliché plot of all time? Bakit ginagalingan ng lahat?"

Doon lang sa mga sandaling iyon may napitik na ugat sa kanya. At kahit na crush niya ang nagsabi, hindi pa rin niya ito palalampasin.

"Love itself is cliché, babe," dismayado niyang sagot dito.

"Yuck!"

Saglit siyang nandilat at napaatras nang kaunti sa inuupuan dahil sa malakas na pagtanggi nito. Para bang kadiri-diri ang genre na sinusulat niya.

"Pinaglihi ka ba sa kapeng barako?" nagtataka niyang tanong dahil sobrang bitter na nito, hindi na niya kinakaya. Kung may boyfriend nga ito gaya ng sabi ni Karen, talagang hindi na siya naniniwala.

"Alam mo, overrated ang love, ha? Hindi lahat ng nagmamahal, masaya. Walang forever. At walang papasa sa mga auditionee kung paulit-ulit lang na plot ang gagamitin nila."

"Nakapagsulat ka na ba ng romantic story?"

"No! That's common! Napakadaling isulat! Di na kailangang pag-isipan! Walang kakaiba! Walang bago! Formulaic!"

Kung may card na makapagpapabago ng isip niya para ma-turn off sa crush niya, malamang iyan na iyon.

Sungitan na nito ang lahat, huwag lang ang forte niya. Dahil kahit crush niya si Eunice, siya pa rin si Gregory Troye. At ayaw na ayaw niyang minamaliit ang dahilan kung bakit siya nakaahon sa mundong minsan na siyang nilamon nang buhay.

"Pero hindi ka pa nakakapagsulat," seryoso na niyang sabi rito dahil biglang umikli ang pasensiya niya sa kasungitan ni Eunice.

"Dahil ayoko!"

"You can't write."

"Who told you so?"

Napangisi siya pero mas lalong nadismaya sa natatanggap na sagot kay Eunice—klase ng sagot na mga sarado lang ang utak ang kayang makapagbigay.

"If you never tried to write anything na under ng category ko, you don't have any right to judge it," depensa niya. Laitin na nito ang kahit na anong genre, huwag lang ang genre niya. "Madali lang palang magsulat ng romantic story pero di ka pa nakakagawa? Oh, please."

Kung diskurso lang naman ang hihingin nito sa kanya, hindi siya mangingiming ilaan ang buong maghapon, mapatunayan lang kay Eunice na hindi madaling genre ang isinusulat niya.

"Baka kaya di ka makagawa kasi nahihirapan ka." Tumayo na siya at lumabas ng cubicle na iyon na sobrang dismayado sa pinatunguhan ng usapan nila. Pero bago pa man siya makalayo, nagpahabol pa siya ng salita. "You can't intimidate me with your attitude. Hindi ka nakakatakot."

Siya naman ang umirap at umiling sa lahat ng sinabi at inasta ni Eunice sa kanya.

Siya si Gregory Troye at sasabihan siyang madali lang isulat ang isinusulat niya?

Hindi niya kahit kailan matatanggap na lalaitin ang genre niya ng mga taong hindi pa nakapagsulat ng kuwentong madaling mararamdaman ng lahat. Isa iyon sa pinakamahihirap gawin lalo na kung alam sa sarili ng writer na wala naman talagang happy ending sa tunay na buhay.

At kung magalit man sa kanya ang crush niya, wala na muna siyang pakialam. Patunayan muna nito sa kanyang madali nga ang genre niya saka niya lulunukin ang lahat ng sinabi niya rito.

Pero hangga't wala itong ibinibigay na patunay at pruweba na madali lang maging writer ng mga romance na nobela, break muna sila . . . kahit hindi naman sila. 


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top