Chapter 10: Cookie Monster
Umagang-umaga pa lang, pasipol-sipol na si Vincent habang namimili ng isusuot na damit. May sapat naman siyang salapi para magkaroon ng walk-in closet sa bahay gawa ng kailangan niya ng paglalagyan ng maraming damit at gamit. Halos lahat ng gamit niya ay sponsored at regalo ng mga beki at cougar na nagkakainteres sa kanya. Hindi niya naranasang manligaw dahil siya ang nililigawan, pero iba na ngayon.
Kahit gustuhin man niyang mag-formal attire, hindi puwede dahil magmumukha siyang matanda para sa crush niya. At isa na yata sa pinakamahirap gawin ay ang mamili ng damit para lalo pa siyang maging guwapo sa paningin ni Eunice.
Kung puwede nga lang na i-expose niya ang katawang maganda ang cuts at kurba ng muscles, malamang na papasok siyang topless, mapansin lang ng crush niya. Kaso hindi puwede iyon dahil baka punahin na siya ng ibang babae bago pa siya mapansin ni Eunice.
Nagsuot na lang siya ng simpleng gray T-shirt na sponsored ng F&H at sikat na brand ng jeans. Susuotin sana uli niya ang salamin para cool kaso magmumukha siyang propesor na manenermon ng estudyante. Mapipilitan tuloy siyang mag-contact lens para lang magmukhang bata kapag katabi ang crush niya.
Alas-siyete pa lang ng umaga, bumiyahe na siya. Hindi siya dumaraan sa Commonwealth dahil alam niyang masakit sa ulo ang traffic doon. Umiikot pa siya sa Muñoz para lang hindi maabutan ng mabigat na daloy ng trapiko.
"Hawakan mo ang aking kamay—"
Sinagot niya agad ang tawag sa phone habang nakatutok ang atensiyon sa kalsada.
"GT, I heard you're working now with Dream Catchers."
Humugot siya ng hininga at saka ngumiti nang pilit sa kausap. "Good morning, Boss Migs," masayang bati niya sa CEO ng Grey Feather Press kahit alam niyang hindi good ang magiging usapan nila para sa kanya. "Nag-uusap lang kami ni Karen about some stuff."
"Planning to transfer with them?"
Ipinaling-paling niya ang ulo sa magkabilang gilid. Hindi rin kasi siya sigurado. Maliban na lang kung magpapakita si Althea Doe, malamang na pipiliin nga niya ang DCE.
"Not certain about that, boss. But I'm doing my mentee a favor. That's not stated naman sa contract ko with GFP."
"Okay then. When can we meet? I need to talk to you in person."
"Um . . ." Hindi siya makasagot agad. Hindi rin siya sigurado sa schedule niya. "I'll keep in touch, boss. May project kasi ako ngayon."
"With DCE?"
"Um . . ." Hindi siya puwedeng umoo. Bawal kasi sa kontrata niyang hindi pa natatapos. "Not really sa DCE. I'll check pa, boss. Ako pa lang naman ang nag-aasikaso."
"We can work that out sa GFP. We can provide everything you need regarding publishing assistance. You can renew any time, GT."
Mabilis ang buga niya ng paghinga pagliko niya sa Kanlaon Street. "Pag-iisipan ko pa, boss. I'll contact you agad once may decision na 'ko."
"Just think about it, GT. Very carefully."
"Okay, boss." Tumango na lang siya kahit hindi nito makikita. "I will."
Hindi naman sa wala siyang utang na loob sa Grey Feather Press, pero may mga bagay na kailangan muna niyang bigyan ng panahon para isipin. Lalo na ngayon.
Pagka-park na pagka-park niya sa malapit na mall at pagbayad ng parking fee, malayo pa lang ay natanaw na niya ang crush niya. Ang ikinatataka niya ay kung bakit maliit naman ito pero mabilis niyang makita, samantalang siya na pagkalaki-laki ay hindi nito napapansin.
Napahinto siya nang akmang lalapitan ito.
Mukha itong haggard. Magulo ang nakapusod na buhok, naka-tokong at sandals lang. Walang pagbabago dahil naka-T shirt pa rin. Parang nakipagsabunutan muna sa loob ng van bago pababain ng driver.
Hawak-hawak niya ang dalang red tea at napainom siya nang wala sa oras dahil parang ang sama ng umaga ng crush niya.
"Excuse me po," sabi ng babae sa tabi niya. Nginitian naman niya ito at saka inalam kung ano ang kailangan. "Saan po rito ang sakayan pa-Mayon?"
Tumalikod siya at itinuro ang daan sa katabing fast food restaurant. "May BPI diyan, miss. 'Yong unang street, may terminal ng jeep doon. May sakayan doon papuntang Mayon."
"Sige po. Thank you, Kuya."
Nginitian naman niya ito at sinundan ng tingin kung nakasunod ba ito sa instruction niya.
"Oh, shoot!" Naalerto lang siya nang maalalang hahabulin pa pala niya si Eunice.
Dali-dali ang pagtakbo niya sa loob ng building para mahabol ito.
"Good morning, Boss Paul!" masayang bati niya sa guard habang malayo pa at tinakbo nang mabilisan ang papuntang elevator.
"Good morning, Sir Vincent! Late ka na ba? Maaga pa, a."
Nakangiti lang siya at hindi na pinansin ang guard. Pasara na ang elevator nang mapigilan pa niya iyon gamit ang bote ng tsaa.
'Whooh! Umabot!'
Dahan-dahang bumukas uli ang elevator at lalong lumapad ang ngiti niya dahil nakaabot pa siya. Ang ganda na ng umaga niya dahil naabutan niya si Eunice na sobrang sama ng tingin sa kanya at mukhang papatay na ng tao anumang oras.
"Good morning, babe!" masayang bati niya rito at tinaasan na lang siya ng kilay bilang sagot.
'Sungit naman ni crush. Parang di nag-heart react sa post ko kagabi.
Kinikilig siyang tumayo sa kaliwang tabi nito. Panay ang hagod niya sa naka-wax na buhok. Maayos naman na, pero wala lang, trip lang niyang ayusin pa rin.
"Hi," bati niya uli. Kaso nga lang, walang response.
Ngumiti siya nang matipid at napatingin sa kaliwa. Na-snob siya ng crush niya umagang-umaga.
"Good morning uli," bati na naman niya. At hindi na naman siya nito pinansin. Napatingin na naman siya sa kaliwa para mag-isip ng sasabihin.
"Guwapo ba—" Hindi na niya naituloy ang sinasabi dahil bumukas na ang elevator at mabilis pa sa alas-kuwatro itong lumabas at naglakad.
Natulala na lang siya at nablangko sa loob ng ilang sandali. Ngumiti na lang siya sa sarili at saka tumango.
Baka bad hair day lang si crush—literally and figuratively.
Hindi na niya ito hinabol. In-enjoy na lang niya ang paglalakad sa hallway habang binabato-bato sa ere ang bote ng red tea.
Hindi napansin ni Eunice ang ayos niya. Hindi pa rin siya guwapo. Sayang ang effort mag-ayos. O baka hindi siya mabango? Kailangan na siguro niyang palitan ang body spray niya.
Pagliko niya, pagbukas ng pinto ng office, bumungad na naman ang maaliwalas na opisina ng Dream Catchers dahil sa asul na fiber glass ceiling. Doon pa lang, may nabubuo nang image ng setting sa utak niya. Kung sakali mang isusulat niya ang The F— Buddies, gusto niyang DCE office ang isa sa setting.
Natatanaw niya si Eunice na huminto sa area ng mga editor. Para itong batang nawawala at nagtatanong kung nasaan ang nanay nito kung titingnan mula sa malayo. Sumandal siya sa tabi ng water dispenser at tinanong ang babaeng empleyadong nagtitimpla roon ng kape.
"Mabuti't nakakapasok siya nang ganiyan dito," aniya habang itinuturo si Eunice.
"Sino, Sir Vincent?" tanong nito at tiningnan ang itinuturo niya. "Si Boss Niz?"
"Bad mood yata siya ngayon."
"Lagi namang bad mood 'yan kapag pumapasok. Manenermon lang 'yan dito," anito sabay tawa nang mahina. "Pumupunta lang naman 'yan sa office kapag may problema siya sa kanila. Dito naglalabas ng stress. Wala kasing kaibigan kaya ayan. Maldita kasi." Nang sulyapan siya nito ay biglang nawala ang tawa dahil nakasimangot na siya sa narinig mula sa empleyado.
"You don't talk like that behind people's backs," sermon niya at sobrang nadismaya sa impression ng empleyado sa crush niya. "That's bad."
Nahiya na lang itong ngumiti at saka umalis doon habang humihigop ng kape.
Biglang sumama ang loob niya dahil sa narinig. Pumapasok lang pala si Eunice sa trabaho kapag may problema ito sa bahay. Ginagawang park ang opisina para lang magpahangin at magpalamig ng ulo.
Saka lang siya umalis sa tabi ng dispenser nang makapasok na si Eunice sa sariling workspace.
Nginitian niya ang lahat at binati ng good morning ang mga nadaraanan. Nabawi naman niya ng ngiti ang seryosong mukha ng mga ito kaya nakarating siya sa desk nang may ngiti ang lahat ng nasa unahang bahagi ng floor.
"Hi, Kuya Vincent," pabulong na bati ni Yeng sa kanya.
Napaatras tuloy siya sa pagkakaupo dahil ang tahimik pati pagbati ng mga kasama.
"Bakit kayo bumubulong?" bulong din niya kay Yeng.
"Bad mood si Ate Niz," mahinang sagot nito at saka yumuko para doon sila sa ilalim ng desk makapag-usap. Nakiyuko na rin siya para makausap si Yeng kahit hindi niya alam kung bakit sila kailangang magtago.
"What will happen kung bad mood siya?" usisa niya.
"Maninigaw na 'yan mamaya."
"Bakit naman siya maninigaw?"
"Wala lang. Gusto lang niya. Kapag bad mood 'yan, ayaw niya ng iniingay siya. Mabilis kasi siyang mairita. Ingat ka na lang, Kuya, baka batuhin ka niya ng manuscript. Maingay ka pa naman." At umayos na rin ito ng upo.
Nanlaki naman ang mga mata niya sa huling sinabi nito.
Maingay raw siya? Kailan pa?
Umayos na rin siya ng upo, at imbes na sundin si Yeng ay tumambay pa siya sa glass wall ni Eunice na hanggang dibdib lang niya ang taas.
"Kuya Vincent!" pabulong na tawag sa kanya ni Yeng. Kinakabahan na ito dahil maiistorbo ang halimaw sa kabilang cubicle.
Lahat tuloy ng mga nakakakita at nakatayo sa floor ay napahinto at nagtawag pa ng audience para makita ang susunod na magaganap. Natanaw na ang bagong salta sa floor ng DCE, mukhang babanggain ang halimaw nila.
Pinanood ni Vincent si Eunice habang may tinitingnan ito sa monitor. Nakasimangot ito at parang may kaaway sa email na nakabukas. Saglit itong huminto at napansin na yata siya pagtingin nito sa reflection mula sa screen. Paglingon sa kanya nito, isang mabigat na tanong ang binitiwan nito sa kanya.
"What's your problem?"
Napangiwi siya sa itsura nito. "Sa kalye ka ba natulog?"
Sobrang gulo ng buhok nito at nagkusang kulot na dahil sa mahigpit na pagkakatali noong nakita niya kanina. Nakasalpak na sa mesa nito ang kaninang suot na panali at hindi man lang nag-abalang mag-ayos kahit kaunti.
Hindi siya natutuwa.
"May question pala ako. Sobrang importante," sabi ni Vincent at itinaas ang kanang hintuturo. "Do you have any idea about this tool that was traced in Egypt 5,000 years ago and was used to fix strands of hair?"
Tumaas ang kilay nito at saglit na nag-isip. "A comb?"
Pumalakpak naman siya at nginitian itong saglit. "Bingo! Gumagamit ka ba n'on?"
Imbes na matuwa ay lalo lang itong nainis at sumimangot.
"Ano ba'ng paki mo kung ayokong magsuklay?"
"Napuyat ka ba? Alam mo, kaya hindi ka lumalaki, e."
Nilukot nito ang mga manuscript at report na nasa mesa at saka tumayo sabay sampal sa kanya.
"Get lost!" malakas na sigaw nito.
Lalo tuloy nagtayuan ang iba pang empleyado para makinood sa umagang sigawan.
"Kuya Vincent!" pabulong na pagtawag nina Ayra sa kanya para awatin siya. Hinahaltak na rin ni Yeng ang laylayan ng T-shirt niya para lang palayuin siya roon.
Napahalakhak tuloy siya kasi gigil na gigil sa kanya ang crush niya umagang-umaga. Mas cute pa itong tingnan kapag mukhang nagwawalang kindergarten pupil.
Sa wakas! Napansin din siya nito.
Kailangan lang palang asarin. Ngayon, alam na niya ang gagawin kung gusto niyang magpapansin.
"Short-tempered ka, 'no?" biro niya rito. "Akala ko, height mo lang ang short."
"Fuck you! Leave me alone!" Pulang-pula na ang mukha nito, nanggigigil na kagat ang labi.
Kahit ayaw tumawa ni Vincent, natatawa pa rin siya dahil ang tapang ng pagkaka-blush ng pisngi ni Eunice gawa ng galit. Hindi niya alam na mas maganda pala ito kapag nabubuwisit.
Hindi naman niya gustong magalit ito pero hindi lang talaga niya naiwasang mamikon ng cute na crush.
"Hey, hey, hey! What's happening here?"
Napalingon tuloy siya sa kanan at nakita si Karen na mukhang aawatin pa siya sa trip niya. Kinawayan lang niya ito nang matipid habang nakangiti.
"Palayasin mo nga 'yan, boss!" tili ni Eunice. Pagtingin niya rito, dinuduro na siya. "Kanina pa 'ko niyan iniinis, e!"
Hindi huminto si Karen. Sinundan lang niya ito ng tingin at napansing nakikiusap ang tingin nito.
"Vincent, pagpasensiyahan mo na, bunso 'yan."
Napakunot tuloy siya ng noo dahil doon. "What . . . ?" mahinang tanong niya gawa ng pagkalito.
"Boss!" sigaw na naman ni Eunice na parang pinagtutulungan ito maging ni Karen.
"Niz, if you have a problem right now, di ba, ang usapan, huwag dadalhin sa office?"
Tuloy-tuloy lang ang lakad ni Karen papasok sa sariling cubicle. Sumunod naman si Eunice dito para magreklamo.
"Si Kuya Vincent, di mapakiusapan," reklamo tuloy ni Ayra. Napalingon agad siya rito. "Magagalit lang lalo si Ate Niz niyan."
"What's your problem with her?" tanong niya sa kanila.
"Manenermon lang 'yan dito, e," sagot ni Ayra, halatang naiinis dahil naroon si Eunice sa opisina.
"She has the right to do that," paalala niya sa kanila.
"Papasok para manermon? Kung may issue siya sa kanila, dapat doon siya manermon, hindi dito," sabi nito at dinabugan ang computer.
"Do you hate her?" tanong niya kina Yeng. "I mean, you look like you really hate her."
"Di naman sa gano'n, Kuya," depensa agad ni Yeng sa kanya. "VIP na nga siya rito tapos imbes na i-encourage kami—" Pinutol siya ni Ayra.
"Lalo lang niya kaming binibigyan ng dahilan para masira ang araw. Ang ganda nga ng ambience sa DCE, siya naman ang makikita mo, wala rin," anito sabay irap.
Napabuga tuloy siya ng hininga. Sa tono ng mga ito, halatang ayaw rin ng mga kasama niyang naroon ang lead editor nila.
Mukhang malaki pala talaga ang issue ng crush niya sa opisina. Napapaisip tuloy siya kung paanong remedyo ang gagawin dito.
"Layuan mo na lang, Kuya Vincent. Baka kasi madamay kami," paalala ni Ayra.
At sa bagay na iyon, hindi siya makapapayag. Lalayuan niya ang kahit sino pero hindi ang crush niya.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top