CHAPTER 001 - Hattie Marie Cansas
ONE YEAR AGO...
Napa-atras sa pagpasok sa parlor si Hattie nang mula sa salaming pintoay pabulusok na lumabas ni Elmer; ang bagong kinakasama ng kaniyang inang siHannah. Salubong ang mga kilay na gumilid siya sa daan upang hindi masagi niElmer na pawisan at tila natataranta.
Hindi na niya kailangang hulaan kung ano ang nangyayari. Napaka-pamilyar ng ganitong eksena para sa kaniya. Alam na niya kung ano ang kasunod na tagpo.
Mula sa pinto ay nakita niya ang kaniyang ina na lumabas, bitbit sa kanang kamay ang gunting na ginagamit nito sa paggugupit ng buhok ng mga customers, habang nasa kaliwang kamay naman ay ang walis na ang hawakan ay gawa sa kahoy.
"H'wag ka nang magpapakita sa amin kung ayaw mong magpulot ng mga ngipin mo sa kalsada! Napaka-pangit mo na'y napaka-babaero pa!"
Sabi ko na nga ba, eh, bulong ni Hattie sa sarili sabay iling.
Si Hannah, na hindi napansin ang anak na nakatayo sa gilid ng entrance ng maliit nilang parlor, ay lumabas at akmang hahabulin si Elmer na mabilis na lumayo. Ang mga tambay sa katapat na tindahan ng parlor ay naghiyawan at nagtawanan; kahit sa mga ito'y pamilyar na ang ganoong eksena.
Dahil ano pa nga ba? Hindi iyon ang unang beses na nag-away ang dalawa, at hindi rin iyon ang unang beses na pinagtabuyan ng ina niya sa harap ng parlor ang kinasakasama. Sa loob ng tatlong taong pagsasama ng mga ito ay hindi na mabilang ang pagkakataong nangyari ang ganoong eksena sa harapan niya.
"Umuwi ka sa bahay at magbalot na ng mga damit mo!" sigaw pa ng inay niya. Ang blond nitong buhok na nanuyo na sa patung-patong na hair dye ay naka-ipit sa malaking clam at ang isang strap ng suot nitong sexy top ay lumaylay sa isang balikat.
"Honey naman," panunuyo ni Elmer na nag-akmang lalapit subalit nahinto nang itaas ng kaniyang inay ang hawak na gunting. Napakamot ito. "Hindi ko pinatulan si Jelay. Tinulungan ko lang magbuhat ng maleta, eh."
Umikot paitaas ang mga mata niya nang marinig ang pangalang binanggit ni Elmer. Si Jelay ay dati niyang ka-klase sa high school. Nang magtapos sila ng high school ay pumunta ito sa Maynila upang maghanap ng trabaho, hanggang sa nabalitaan na lang nilang nag-Japan. Nang muling bumalik sa bayan nila'y may asawa nang Hapon at patung-patong ang retoke sa mukha't katawan.
So, umuwi na naman pala ang babaeng iyon?
Malapit lang sa parlor na pag-aari ng inay niya sa bayan ang apartment na binili ni Jelay, at dalawang beses sa isang taon ito umuuwi roon upang magbakasyon. Noong nakaraang pasko ay umuwi ito at nakita mismo ng sarili niyang mga mata na magkasamang pumasok sa sinehan sina Jelay ay si Elmer. Siyempre pa, hindi niya sinabi sa inay niya iyon dahil ayaw niyang makulong ang ina sa salang murder. Alam niya kung ano ang kaya nitong gawin kapag naloloko.
Hindi rin naman niya masisi si Jelay kung patulan nito si Elmer. Sampung taon ang tanda ng inay niya rito, at pitong taon lang ang tanda sa kaniya. Dati itong seaman at nang huling bumaba sa barko ay hindi na sumakay pang muli. Hayon, sa kandungan na ng nanay niya sumakay.
Gwapo naman daw ito—well, hindi para sa kaniya. Hindi siya mahilig sa ragged-looking na lalaki. Semi-kalbo, laging naka-puting sando, may tattoo na bungo sa kaliwang balikat habang ang nasa kaliwa naman ay malaking dragon. Maskulado ito—paano, laging nakatambay sa gym. Tutal ay wala naman itong trabaho kaya roon nagsasayang ng oras. Matangkad din ito at malakas daw ang appeal sabi ng mga Marites sa kalye nila.
Marahil nga ay gwapo ito, pero hindi niya masabi kasi iba ang standard niya pagdating sa salitang iyon. Para sa kaniya ay kutong-lupa lang si Elmer kung iko-kompara sa standard niya ng salitang gwapo.
Nalipat ang tingin niya sa inay niyang patuloy sa pagtatalak kay Elmer na ayaw paawat sa panunuyo. Napa-iling siya.
Disi-seis pa lang ang inay niya nang mabuntis ito ng tatay niya. Hindi nagustuhan ng mga magulang nito ang nangyari kaya pinalayas ang inay niya at nakipagtanan sa tatay niya na noo'y disi-otso lang. Nagsama ang mga ito; ang tatay niya ay nakahanap ng trabaho bilang tricycle driver at ang nanay naman niya'y naging manikurista. Pitong taong gulang siya nang maaksidente ang tatay niya nang mabunggo ng truck ang pinapasadang trayk. Ilang araw itong naratay sa ospital hanggang sa bawian ng buhay. Nang mangyari iyon ay hindi alam ng inay niya kung papaano umusad; nakatira lang sila noon sa isang maliit na bahay na nire-rentahan nila. May monthly medical expenses pa siya dahil noong mga panahong iyon ay may sakit siya sa puso at kailangang maoperahan.
May kakaunti nang ipon ang itay niya bago ito lumisan pero hindi pa sapat. Hindi rin sasapat ang kinikita ng inay niya sa pagmamanicure sa mga bahay-bahay at pagta-trabaho sa maliit na salon sa bayan nila bilang hairdresser. Kaya nagpasiya itong mangibang bansa. Walong taon siya nang iwan siya nito kay Agnes del Miranda. Matandang dalaga iyon na suki ng inay niya sa mani-ped. Isa ito sa mga mayayamang nakatira sa bayan nila, at hindi ito nagdalawang-isip na pansamantala siyang ampunin habang nasa Singapore ang inay niya upang mamasukan. Maliban sa wala namang mapagkakatiwalaang kaibigan ang inay niya'y si Agnes lang ang kilala nitong may mabuting puso, kaya hindi ito nagdalawang-isip na iwan siya sa matandang-dalaga.
Naging mabuti ang pakikitungo sa kaniya ng Tita Agnes niya, itinuring siyang tunay na pamangkin. Binihisan siya nang maayos, pinakain nang masasarap, inalagaan.
Wala itong naging asawa at anak dahil matagal itong nagtrabaho bilang isang head nurse sa Germany, kaya ang buong atensyon nito'y natuon sa kaniya. Ang buong pamilya nito'y nakatira sa Maynila at isang beses sa isang buwan ay dumadalaw roon ang kakambal nitong si Tita Angeline. Isang beses na dumalaw roon si Angeline ay may kasa-kasama itong binatang lalaki, at ayon sa Tita Agnes niya ay nag-iisang anak daw iyon ng kambal nito.
Matangkad at gwapong lalaki ang anak ni Angeline del Miranda-Sandiego. Pero noon ay kay bata pa niya para maintindihan kung ano ang ibig sabihin ng salitang gwapo, kaya hindi niya gaanong ni-intindi ang presensya ng lalaki. Isa pa'y supladito iyon at hindi namamansin. Hindi ito nagmana sa ina na sobrang malambing at mabait.
Ang naalala niya'y katatapos lang ng lalaki sa pag-aaral sa kolehiyo at kinakailangang lumipad sa Amerika upang doon magpatuloy sa pagsasanay sa kursong tinapos nang dumalaw ito sa bayan nila kasama ang ina. Mahigit sampung taon ang tanda nito sa kaniya at mukhang mamang-mama na. Sa loob ng isang araw at isang gabing naroon ang lalaki'y ni hindi man lang siya nito binati o kinausap. Tila ba siya hangin na hindi nito nakikita at napapansin.
Sa kabila niyon ay hindi niya napigilan ang sarili noon na suyurin ito ng tingin sa tuwing siya'y may pagkakataon. Malinis itong manamit, matangkad, maayos ang pagkakasuklay ng makapal na buhok, at mabango.
May pakiramdam siyang nang dahil dito ay tumaas ang standard niya pagdating sa mga lalaki.
No, actually... that man became her standard.
Tuloy, hindi pumapasa sa panlasa niya ang mga tulad ng tipo ng inay niya. Tulad ni Elmer.
Tatlong taon ang naging kontrata ng inay niya sa ibang bansa noong panahong iyon, kaya tatlong taon din siyang nanatili sa poder ni Agnes del Miranda. Buwan-buwan ay nagpapadala ang inay niya upang siguraduhing nabibili niya ang mga gamot na kakailanganin niya. Pero sa halip na galawin ng Tita Agnes niya ang perang pinadadala ng inay niya ay iniipon nito iyon at ito na mismo ang bumibili ng mga kakailanganin niyang gamot gamit ang sariling pera. Dinala rin siya nito sa kilala nitong doktor sa kabilang bayan upang buwanang matingnan ang kaniyang lagay.
Nakaipon ang inay niya nang sapat para sa operasyon niya, at nang umuwi ay may kasamang Insik; si Uncle Peng. Binigyan nito ng negosyo ang inay niya, ang parlor. Ito rin ang gumastos para sa operasyon niya, kaya ang perang naipon ng inay niya ay itinago nito sa bangko niya upang magamit niya sa pagpasok sa kolehiyo.
Nalungkot man ang Tita Agnes niya ay hindi ito nagmatigas na ibalik siya sa kaniyang inay. Alam nitong darating ang araw na kailangan na siya nitong ibalik. Napalapit na ito nang husto sa kaniya, kaya hindi naging madali rito ang paghihiwalay nila. Magkaganoon man ay madalas pa rin siyang dumalaw sa matanda. Tuwing Sabado at Linggo ay naroon siya sa bahay nito, lalo kung abala ang inay niya sa bagong tayong parlor.
Hanggang sa isang araw ay nagpaalam na aalis ang Tita Agnes niya; nagtungo ito sa Maynila upang doon manirahan kasama ang mga kapatid. Buwan-buwan ay nagkakausap sila nito sa telepono, hanggang sa nahinto iyon nang lumipad patungong Estados Unidos ang matanda kasama ang buong pamilya.
Simula noon ay hindi na silang muli nagkausap pa.
Limang taong nagsama ang inay niya at si Uncle Peng, hanggang sa natagpuan ng legal na asawa ng insik ang lugar nila at ginulo ang pagsasama ng dalawa. Ang sunod na lang niyang nalaman ay naghiwalay ang inay niya at si Uncle Peng. Makalipas ang ilang taon ay nakilala ng inay niya si Elmer, and the rest was history.
Ngayon ay bente dos anyos na siya at nakapagtapos na ng kolehiyo. Dapat ay noong nakaraang taon pa siya nakapagtapos kung naituloy niya ang unang kursong kinuha. She took a Criminology course, pero dahil sa history ng pagkakaroon niya ng sakit sa puso ay bumagsak siya sa medical exam at pinaglipat ng ibang kurso. Eh 'di hayon, wala siyang napiling maganda kaya napilitan siyang mag-aral sa kursong Culinary Arts.
Juswaaa, hindi naman siya marunong magluto! Kahit pritong itlog nga na ulam niya'y lagi pang sunog! Pero kahit papaano naman, sa apat na taon sa kursong iyon ay natuto rin siya. Pero napagtanto niyang mahirap palang mag-aral sa kursong hindi mo gusto. Kasi, kahit gaano pa ka-dali ang mga lessons, kung wala naman doon ang interes ng tao ay hirap matuto.
Hindi nga niya alam kung papaano niya naipasa ang kurso niya kahit na lagapak siya lagi sa ilang exams. Tingin niya'y may crush ang matandang binata niyang teacher sa inay niya kaya ganoon...
Sa katunayan ay galing siya sa kabilang bayan at nag-apply ng trabaho sa bagong tayong resort doon, pero dahil freshly graduate siya at wala pang experience maliban sa tatlong buwang OJT niya sa maliit na motel sa bayan nila ay hindi siya natanggap. Iyon na ang pangatlong resort na ni-applyan niya at wala siyang napala. Hindi na rin siya umaasang may mapapala, alam niya sa kaniyang sarili na wala siyang silbi sa kusina. Kahit ang mga niluto niyang putahe noon ay pasang-awa ng mga prof niya. Baka kapag naging cook siya sa isang kainan ay malason niya ang mga customers. Ayaw niyang sumugal.
Napatingin siya sa parlor ng nanay niya.
Hannah's Beauty Salon and Spa.
Magtrabaho na lang kaya siya sa parlor ng nanay niya?
"Seryoso ako, Elmer! Lumayas ka na sa buhay ko! Inaasahan kong wala na ang mga gamit mo sa cabinet pag-uwi ko mamayang gabi!"
Ibinalik niya ang tingin sa inay at nakita kung papaano nitong ibinato ang hawak na walis kay Elmer na kaagad na nakaiwas. Tumalikod ang kaniyang inay at akmang hahakbang pabalik sa loob ng parlor nang makita siya.
Ang anyo nito'y lumambot. Nawala ang simangot nito nang umunat ang mga labi nito sa pagngiti.
"LQ na naman kayo?" balewala niyang tanong dito.
Umismid ito at lumapit sa kaniya. Umangat ang isang kamay nito sa kaniyang pisngi at bago pa siya nakaiwas ay pinupog siya nito ng halik na tila ba bata pa rin siya.
"'Nay, ang lipstick n'yo!" kunwari ay reklamo niya, pero ang totoo ay nakagagaan ng loob para sa kaniya kapag ginagawa iyon ng ina. Tila ba nawawala ang pagod niya sa tuwing lalambingin siya ng kaniyang inay.
"Kuu, ang arte nitong si Romualdo Jr. ko. Simula nang ni-regla ka'y ayaw mo nang pahalik kay Nanay ah?"
Napahagikhik na lang siya at hindi na nagsalita pa. Romualdo Jr. ang tawag nito sa kaniya dahil kamukhang-kamukha raw niya ang namayapa niyang ama.
Hinawakan siya nito sa braso at ini-giya papasok sa loob ng parlor kung saan naroon ang dalawa nitong assistants na sina Mamu Lulu na may nire-rebond na customer, at si Ashanty na may nililinisan ng kuko. Inisara ng nanay niya ang sliding door at pumasok sa counter hila-hila siya.
"May inilakong meryenda rito anak. Binilhan kita ng paborito mong suman."
Inilapag niya ang bag sa ibabaw ng counter at hinarap ang ina. "Pang-ilang pagpapalayas n'yo na iyon kay Elmer, ah? Mamaya ay sweet-sweet-an na naman kayo sa bahay."
"Ano pa nga baaaa," pakantang sabat ni Mamu Lulu na matanda lang ng dalawang taon sa inay niya. Binabae ito at may partner na nagtatrabaho bilang guard sa banko sa bayan.
Napanguso ang inay niya at naupo sa stool nito. Kinuha nito ang plastic sa sulok ng counter kung saan nakasilid ang biniling suman saka inabot sa kaniya. Matapos iyon ay niyuko nito ang mga nakafold na perang kita ng parlor sa araw na iyon
"Seryoso na ako ngayon, anak. Makikipaghiwalay na ako sa kaniya."
Gusto niyang sabihin sa inay na lagi namang ganoon ang sinasabi nito at sa huli'y makikipagbalikan din naman. Pero natigilan siya nang makita ang kaseryosohan sa anyo ng ina. Si Mamu Lulu at si Ashanty ay hindi narinig ang sinabi nito dahil natuon ang pansin sa telenovela na ipinapalabas sa flatscreen TV na nakasabit sa pader.
Kinunutan siya ng noo at ibinalik ang pansin sa ina.
"Seryoso na kayo?"
Tumango ito at inabala ang sarili sa pagbibilang ng kita. "Kailangan kong bumalik sa Singapore. Kailangan ako ng Uncle Peng mo roon."
Lalo siyang nawalan ng sasabihin.
Kailangan ni Uncle Peng?
Iiwan na naman siya ng inay niya?
***
PLEASE BE INFORMED THAT THIS STORY WILL BE EXCLUSIVELY POSTED ON MY VIP GROUP. THE FIRST 10 CHAPTERS WILL BE POSTED HERE ON WATTPAD. xx
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top