Chapter 9: Class
Wala pa mang sinasabi ang mga anak ni Leo ay parang alam na niya ang problema nang harapin siya n'ong dalawa. Kargakarga ni Luan ang anak sa isang braso at isa na rin siya sa masama ang tingin sa hawak na baril ni LA.
"Sino'ng bumili niyan?" tanong ni Leo, namamaywang na.
"I did," pag-amin ni Eugene sa mababang boses.
"Kailan ko kayo binilhan ng toy gun?" naghahamong tanong ni Leo sa dalawang anak na lalaki.
"I'm accountable for that gun," paliwanag ni Eugene at gamit na ang istrikto niyang boses, nagtataas na ng depensa niya. "It was intentionally bought kasi may request ang asawa ko—"
"Na toy gun?" tanong pa ni Leo.
"She wanted the real gun, but we can't, and I won't buy anything real for her when it comes to guns, so I resorted to buying that fake gun. Hindi siya pellet gun, may sound lang siya at umiilaw kapag kinalabit ang trigger. That was all. No bullets, just lights and sound kaya siguro nagustuhan ni LA."
"Para saan ang baril?" seryoso nang tanong ni Leo nang mabanggit na ang dahilan kaya may baril sa kamay ng apo niya.
Anong lalim ng buntonghininga ni Eugene at hindi agad nasagot ang tanong ni Leo.
"Ano na namang naisip ng asawa mo?" sunod na tanong ng daddy niya.
"Gusto niya 'kong maging kidnapper," pagsuko ni Eugene.
"Bullshit," walang salitang sinabi ni Luan para hindi marinig ng anak niya ang mura niya, pero kitang-kita iyon ni Leo sa paggalaw pa lang ng bibig niya. Tumalikod agad siya tangay ang anak at bumalik sa bear bed, pinipilit makipag-deal sa unica hija niya ng baril kapalit ng plushie.
Hindi makatingin nang deretso si Eugene sa daddy niyang hinuhusgahan na ang mga desisyon niya sa buhay.
"I have my options, but you chose the best," sumbat ni Eugene at nagtaas pa ng mga kamay. "All I know is naghintay ako ng kasal; I love Divine like how you love my mom; and everything is beyond my control."
"At pumayag kang maging kidnapper?" hamon ni Leo.
"Pumayag akong bumili ng toy gun. How can I kidnap my wife? We're living under the same roof? Dada, come on."
"Hindi mo man lang pinagsabihan?"
"Tell me, Dada, kailangan pa bang pagsabihan ni Divine if she already knows what she's doing?" Namaywang din siya gaya ng daddy niya.
Kung hindi lang malaki ang agwat ng edad nila, mapagkakamalan talaga silang nananalamin lang sa isa't isa.
"Haay, naku! Mga bata kayo. Nagsipagtandaan na lang kayo't lahat, puro pa rin kayo sakit ng ulo," pagsuko ni Leo dahil hindi rin niya alam kung ano ba ang dapat gawin sa asawa ng panganay niya.
Ayaw niyang sisihin si Eugene dahil kung tutuusin, silang lahat naman ang namili kay Divine at naghintay lang ang anak niya ng desisyon nila.
Pinagmamakaawan na ni Luan na isuko ni LA ang baril sa kanya pero ayaw talaga nitong pakawalan ang bagong laruan.
Kahit si Leo ay nangako nang dadalhin sa toy store kinabukasan ang apo para mawala sa baril ang atensiyon nito. Hindi kahit kailan binilhan ni Leo ng toy gun ang dalawang anak niyang lalaki. Isa iyon sa pinakainiiwasan niyang laruan para sa mga ito. Idagdag pa na puro baril ang nakapaligid sa kanila noong nasa bahay siya ng mga Brias. Naabutan ni Eugene ang mga baril ng lola nito kay Kyline. Pinalayo na nila si Luan dahil mukhang mas malaki ang tsansang ito ang makamana ng dugong Brias ni Kyline. Pero nagkagulo-gulo na ang lahat ng dapat pagmanahan.
Si Eugene ang napadpad sa gun and alcohol industry ng mga Brias at Chua noong mid-20s nito at naging isa pa ito sa heads ng operations bago ito ikasal. Na-focus naman sa graphic arts at freelancing ang bunso niyang mas piniling hindi na magtapos ng pag-aaral sa kolehiyo kahit may pang-tuition naman anumang oras nito gustuhing mag-aral ulit.
Tinitingnan pa lang ni Leo si LA na tuwang-tuwa sa hawak nitong baril, ipinagdarasal na niyang huwag itong saniban ng Lola Belinda nito kahit nasa ibang bansa na iyon nakatira nang magretiro.
Mas maraming grocery ang inuwi ni Leo. Siya na ang namili para sa dalawang anak niyang lalaki. Mas marami nga lang na lulutuin pa para kay Luan na may asawang chef at mas maraming stock at ready-to-eat para kay Eugene na nag-aaral pa lang magluto nang maayos.
Lulugo-lugo si Divine nang bumaba sa second floor. Nakayakap lang siya kay Eugene mula sa gilid at halatang inaantok pa.
"Uwi na kayo?" tanong pa ni Leo.
"Yes, Dada," sagot ni Eugene.
"Hindi na kayo maghahapunan?"
"Maybe next time."
"Sige, ingat kayo sa biyahe."
"Thanks, Dada."
"Ba-bye, Papa," matamlay na paalam ni Divine at kay Leo lang siya nagpaalam kahit pa nandoon din sa sala si Luan at ang anak nito.
Antok na antok pa rin si Divine kahit nasa biyahe na sila ni Eugene. Hindi pa siya nakakainom ng gamot kaya titiisin pa rin niya ang hapding meron ang katawan hanggang bago matulog.
Pag-uwi, kumain muna sila ng binili ni Eugene na readyto-eal rice meal bago siya nagdere-deretso sa pagtulog kahit sobrang aga pa naman. May pasok na kinabukasan at ipinagdarasal na ni Eugene na nagbago na ang isip ng asawa niyang balak siyang gawing kidnapper nang buong linggo.
♥♥♥
Routine na nina Eugene at Divine na hindi sabay na pumapasok sa school. Aasikasuhin ni Eugene ang asawa dahil susunduin ito ni Miss Van, habang mag-isa naman siyang bibiyahe gamit ang sasakyan. Noon ay bike ang gamit niya tuwing pumapasok sa school. Nagbago lang noong nag-asawa na siya dahil pagdating ng lunch time (depende pa sa araw), siya ang nagsusundo rito.
Lunes, may 7 a.m. class si Divine. 7:30 a.m. naman ang earliest class ni Eugene. Mamaya pang 9 a.m. ang klase niya sa subject na meron ang asawa niya at 11 a.m. naman ang last class na meron silang pareho. Nakainom naman ito ng gamot kaya umaasa na siyang hapon pa ito magiging masiyahin.
Naka-uniform ang asawa niya nang umalis, hindi gaya ng plano nitong suspicious hoodie. Ipagpapasalamat na niya iyon. Sigurado siyang may malalim na namang iniisip ang asawa niya at hindi nito alam kung paano ilalabas ang iniisip nito kaya kung ano-ano na naman ang pinaggagagawa.
Pagdating niya sa faculty room ng CBA, tsismisan na agad ang bumungad sa kanya sa kumpulan ng mga prof malapit sa pintuan.
"May tinatawagan na raw si Sir Bry. Recommendation ni Lee."
Nakitambay muna si Eugene sa kumpulan ng mga babaeng professor para makinig. "What's the news?"
"Ay, sir! Narinig mo na ba ang latest?" tsismis sa kanya ni Ma'am Eden.
"What's the latest?" tanong ni Eugene sa kanila.
"Estudyante mo si Lee, di ba?"
"Mary Divine?" tanong pa niya.
"Oo, siya."
"What's with her?"
"Dumayo raw yung bata sa office ni President. Nagre-recommend na ng experts para sa mga bagong prof. At kilala niya lahat, personally, ang nire-recommend niya. Grabe sa connections."
Sumabad si Ma'am Roselle. "Ang chika sa amin, baka hindi na kami bigyan ng units next sem kasi may ipapalit na. May COO at CEO pa nga raw na inaalok. Hindi raw nag-no kaya baka tanggapin nga next sem."
Kinalabit ng isa pang may-edad na propesora si Eugene. "Galingan mo sa pagturo, 'nak. Baka ikaw ang sunod na targetin n'ong estudyante mo. Nasampolan na si Sir Jakob. Ineffectual daw. Ay, naku! Sure na, padala talaga 'yan ni Chairman para mag-eval dito. One month pa lang, may report na sa opisina."
"Ay, kaya siguro ilang beses tinanggihan yung position, ma'am, ano?" dugtong pa ng isa. "Baka kinuha ni Chairman sa kabilang school, para mag-check talaga ng sesesantehin next sem."
Hindi alam ni Eugene ang mararamdaman. Pinagtsitsismisan na ang asawa niyang padala raw ng chairman para magmanman kung gaano ka-efficient silang mga professor.
Umpisa pa lang, naghihinala na ang mga kasama niyang prof kay Divine dahil estudyante nga raw ang gustong pasukin kahit may credentials naman para magturo sa college. Ngayon, mas lumala pa ang hinala ng mga ito matapos magpasa ng reklamo, a.k.a. "report" ang asawa niya sa Office of the President ng university.
Hindi niya naman itatanggi na sobrang higpit ng asawa niya pagdating sa klase. Para nga raw may nakaupong panel arawaraw sa klase nila na gigisahin sila anumang oras. At hindi siya exempted sa panggigisa nito. Kung tutuusin, mas malala pa ang inaabot niya kay Divine kompara sa ibang prof, pero nagagawa naman niyang sagutin ito kahit paano lalo kapag hindi niya alam ang teknikal na isasagot dito. Marunong namang tumanggap ng sagot na, "Sorry, that's beyond my expertise," si Divine at ayos na sa kanya iyon.
"Good morning, class."
Pagpasok niya sa klase ng mga third year, nakita niya agad si Divine na nagsusulat sa notebook nito. Tahimik lang ang asawa niya, at kung titingnan ito sa gitna ng mga kaklase nito, para talaga itong may sariling mundo. Sa perspective niya bilang prof, talagang mapagkakamalan nga niya itong na-hire para sa secret evaluation dahil mabilis umangat ang asawa niya sa gitna ng nagtatawanang mga estudyante. Seryoso lang kasi itong nagsusulat, deretso ang katawan sa pagkakaupo, at para bang ang dami-daming binabasa kahit wala pa namang simula ng klase nila.
"May short quiz ngayon, mag-review, ha?" paalala niya sa lahat.
"Sir, guwapo ka naman, sa Wednesday na lang!"
"Oo nga, sir. Nag-quiz na kami sa first subject, e."
"Yiieee, payag na 'yan si sir. Wala nang quiz, sir!"
"Ang fresh mo ngayon, sir! Ma-stress ka lang kapag nagpaquiz ka!"
Nagpaparinig na ang ibang estudyante niya na huwag na raw siyang magpa-quiz, pero busy pa rin ang asawa niya sa sinusulat nito. Ang dami pa nitong hawak na papel at hindi na niya napigilang lapitan ito dahil para talaga itong may sariling mundo sa upuan.
"Miss Lee," sita niya pagtabi rito. Bahagya pa siyang naupo sa kanto ng mahabang mesa kung nasaan ito nakaupo.
"Hmm?"
"Magpapa-quiz ako o hindi?"
"Magpa-quiz ka na," sagot ni Divine na abala sa sinusulat at binabasa.
"Parang busy ka. Hindi ba kita maaabala kapag nagpa-quiz ako?"
Sumigaw agad ang isa sa mga estudyante niya. "Sir, nakakahiya kay Divine! Iniistorbo mo! Huwag ka nang magpa-quiz!"
"Oo nga, sir! Magalit sa 'yo 'yan, balakajan."
Natawa nang mahina si Eugene at itinutok ang hintuturo sa tapat ng bibig para patahimikin ang mga estudyante niya. Napapangiti niyang sinilip ang ginagawa ni Divine. Ledger lang pala iyon na binubuklat nito para i-check.
"Para saan 'yan?" usisa pa niya.
"Magtrabaho ka na lang kung magtatrabaho ka, Mr. Scott."
"Ayan na, sir, ginalit mo na," buyo ng isang estudyante sa kanya.
Iba talaga ang ugali ng asawa niya kapag nakakainom ng gamot bago pumasok. Maghihintay pa tuloy siya hanggang hapon para manumbalik ang pagkaligalig nito.
"Magpapa-quiz ako pero 1 to 5 lang. Baka magalit sa 'tin si Miss Lee, naiistorbo natin, e." Kinurot pa ni Eugene ang pisngi ng asawa niya. Pagtingala nito sa kanya, ang sama agad ng tingin nito.
"Really, hmm?" sarcastic at naiinis na tanong ni Divine.
"Hahaha! O, sige na, get ¼ sheet of pad paper," natatawang sabi ni Eugene at bumalik sa mesa niya sa gitna sa harapan.
Isa si Eugene sa mga prof na may pinakamadali ang exam o quiz. Mas malaki ang percentage ng grades niya sa recitation kaysa sa exams. At madalas, ang exams niya ay oral din para masanay ang mga estudyante niya sa public speaking. Madalas lang siyang magpa-quiz na hindi lalagpas sa 10 items para lang sundin ang grading system ng university. Iyon ang kabisado nilang ginagawa niya sa bawat klase.
Tahimik si Divine sa ginagawa nito—kung ano man iyon.
Natapos ang quiz nila at umalis siya ng room para sa susunod niyang course about Business Mathematics sa mga second year naman.
Pagkatapos ng Business Math niya, hindi na siya umalis ng room na ginamit at hinintay ang asawa niyang papasok sa marketing subject nito na siya ang professor.
May sariling uniform ang mga third year. White long sleeves at navy blue coat, ipinares iyon sa pencil-cut skirt na hanggang ilalim ng tuhod dapat pero hanggang itaas ng tuhod ang cut ng sa asawa niya. Ang uniform ng mga second year na kasama nito, white and navy blue short-sleeved blouse at navy blue pleated skirt.
Hindi suot ni Divine ang frog backpack nito. Designer's shoulder bag ang dala nito sa araw na iyon na ibinagay sa uniform nito. Kapag ganoong marunong na itong mamili ng gamit, alam na niyang malakas ang tama ng gamot nito.
Nakasunod lang ang tingin niya rito pagpasok, lumakad pa sa gitna at dinaanan ang mesa niya, saka umupo sa blangkong upuan na nasa bandang gitna ng aisle. Hindi man lang siya nito pinansin.
Nagsimula na ang klase niya na pang-second year at nakipagkulitan na naman siya sa mga estudyante niyang makukulit din.
Numanakaw na lang siya ng sulyap sa asawa niyang busy sa sinusulat nito at sa ledger na kanina pa binabasa.
"What is the purpose of marketing mix? Miss Lee?" pagkuha niya ng atensiyon ni Divine.
"To promote a product or service to generate revenue for a company," sagot ni Divine na tutok pa rin sa sinusulat.
Saglit na natahimik si Eugene. Mukha namang nakikinig ang asawa niya dahil nakasagot, pero hindi siya sanay na may iba itong pinagtutuunan ng pansin habang nagtuturo siya.
Naupo si Eugene sa kanto ng teacher's table niya at nagsalikop ng mga kamay para ipatong sa kaliwang hita.
"Busy ka ba, Miss Lee?" tanong niya rito.
"I sure am."
Palipat-lipat ang tingin ng mga estudyante ni Eugene sa kanya at sa kaklase nilang abala sa sinusulat nito.
"Saan ka magla-lunch mamaya, Miss Lee?" nakangiting tanong ni Eugene.
"Ayiieee!" buyo ng buong klase niya.
"Sir, landi mo na, sir, ha!"
Nakasimangot lang si Divine nang mag-angat sa kanya ng tingin. "Hindi ka ba magpapa-quiz?"
"Hwoy! Quiz na naman!" reklamo ng kaklase ni Divine.
"Hahaha!" Natawa tuloy si Eugene. "Walang quiz ngayon. May tse-check-an pa nga 'ko sa mga third year ko."
"Sir, walang quiz, ha! Wala 'kong papel!"
Sunod-sunod na naman ang reklamo kay Eugene dahil ayaw ngang magpa-quiz siya.
Natatawa siya sa buong klase niya pero hindi niya maiwasang isipin ang tungkol sa ginagawa ng asawa niya.
"Busy si Miss Lee, ayaw sagutin kung saan siya maglalunch," biro ni Eugene.
"Ako, sir, tanungin mo 'ko kung saan ako magla-lunch," gatong ng isa sa mga bading na estudyante niya.
"Saan ka magla-lunch, Georgie?"
"Sa steakhouse sa intersection, sir! Masarap yung sisig nila do'n!" kinikilig na pagturo ng estudyante sa labas ng room nila.
"Masarap ba do'n? Parang mahal yata do'n, a," nakangiting tugon ni Eugene.
"Kapag kasama kita, sir, hindi 'yon mahal!"
"Kapag kasama mo 'ko, mas mahal na."
"Ay, sir, kapag kasama kita, mas mahal na talaga! Kita! Charot! Aaahh! Ang wafu mo, sir! Pa-kiss nga!" Tumayo pa si Georgie at humakbang palapit sa harapan pero mabilis ding bumalik sa upuan dahil nahihiya. Pinagtutulak tuloy siya ng mga katabi niyang babae na tawang-tawa sa kaharutan niya.
"Sshh! Pagalitan tayo ni Ma'am Tine, baka dumaan na naman," natatawang sita ni Eugene sa ingay ng mga second year niya. "Masarap ba do'n sa sinasabi mo, Georgie?"
"Ay, yes, sir! Sa sobrang sarap, titirik talaga mata mo, sir!"
"Huy!" sita ni Eugene nang ituro ang estudyante niyang kakulitan. "Libre mo 'ko, Georgie. Kain tayo sa labas."
"Sir, ikaw nga dapat manlilibre, e!"
"Wala pang sahod," natatawang sabi ni Eugene at inaayos na ang mga reading material niya.
"Sangla mo relo mo, sir!"
"Hahaha! Mahal ba 'to?" nakangiting tanong ni Eugene nang itaas ang braso niya para ipakita ang relo niyang six digits ang halaga. "Bigay lang 'to sa 'kin, e. Wala pa 'kong pera. Mahirap lang ako."
"Weeeh???" ayaw maniwalang buyo sa kanya ng klase niya.
"Kilala namin pamilya mo, ser! 'Wag kami, uy!"
"Hahaha!" Idinaan na lang ni Eugene sa pagtawa ang biruan nila ng klase niya. "Bigyan ko na lang kayo ng pointers. May recit tayo tomorrow."
Nakikipagkulitan na si Eugene sa mga estudyante niya pero kahit naglalabasan na ang mga second year niya sa room ay hindi pa rin tumitigil si Divine sa sinusulat nito. Gusto sana niyang itanong kung bakit hindi pa ito nagliligpit ng gamit para sana sabay na silang mag-lunch. Sumaglit siya ng tingin sa bintanang nakasara. Paghawi niya ng kurtinang asul, pumapatak na pala ang ulan mula sa kanina'y makulimlim lang na langit.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top