Gondola

Kailan ko nga ba huling nakitang ganito kasaya si Leo? Hindi ko na maalala.

Pinagmasdan ko siyang humarurot patungo sa Roller Coaster. Tila isang paslit na ngayon lamang nakalabas ng kanilang mansyon. Ang mata niyang kulay tsokolate. Ang ngiti niyang kasing puti ng nyebe. Ang buhok niyang kasing dilim ng kalawakan.

"Ang saya!" bulalas ni Leo habang nakataas ang kanyang kamay sa ere. Para siyang isang bata na umaapaw sa tuwa habang panay taas at baba ang kanilang sinasakyan.

Sunod nilang sinubukan ang isa pang nakakagitlang atraksyon sa Amusement Park. Nakaupo sila sa higanteng plato habang bumabalentong sa hangin. Nagliliparan ang mga sapatos ng mga nakasakay dahil sa tulin ng pag-ikot nito.

"Anne! Isunod natin iyon," yaya ni Leo sa dalagang kanyang kasama.

Maganda si Anne, mayaman, matalino, at akmang-akma para sa binatang tagapagmana ng pinakamalaking pagawaan ng alak sa mundo.

"Dalawa lamang po ang puwede sa isang gondola!" bulyaw ng tagapamahala ng Ferris Wheel. Si Leo na kanina ay nagtatalon ay biglang natulala.

"Gondola?" bulong ni Leo. Paalis na sana ako nang marinig ko ang pagtawag niya sa akin. "Ghon?"

Kailan niya nga ba huling binigkas ang pangalan ko? Hindi na rin kasi niya ako naaalala.

Dalawang taon matapos ang aksidente, binura ako ng kanyang pamilya sa buhay niya. Sinamantala nila ang pagkawala ng alaala ng aking nobyo at agad na hinahapan ito ng babaeng pakakasalan. Isang babaeng maipagpapatuloy ang kanilang lahi. Hindi gaya ko na isang ring lalaki.

Nasa malapit lamang ako, matiyaga siyang pinagmamasdan. Nais ko man siyang kausapin ngunit hindi na maari. Umikot pataas ang Ferris Wheel. Nakatitig lamang si Leo sa langit. Nasaksihan ko ang pagragasa ng kanyang luha kasabay ng pag-alaala sa aking pangalan. Pangalan ng kanyang kasintahang namayapa na.

"Paalam, pag-ibig," sambit ko. Hinalikan ko siya bago ako nagtungo sa liwanag. 

Wakas

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top