Story #9: Time Glitch
Naglalakad sina Kevin, Lyndon, Marvin, Jed, at Bon patungo sa gymnasium ng kanilang unibersidad. Katatapos lang nilang magpalipas ng oras sa computer shop kalalaro ng DoTA.
Kung tutuusin ay wala nang pasok sina Jed, Marvin, at Kevin pero dahil wala rin naman silang gagawin sa boarding house ay napagpasyahan na lang nilang hintaying matapos ang klase nina Bon at Lyndon. Nagkasundo silang muling itutuloy ang pagko-kompyuter sa sandaling matapos ang subject ng mga ito.
Magkaklase sina Bon at Lyndon. May huling subject pa silang papasukan na tatagal ng dalawang oras.
“Ano mga ’tol, una na muna kami?” paalam ni Bon.
“Ge. Magsa-soundtrip na lang kami habang naghihintay para hindi kami mainip,” ani Marvin na inilalabas mula sa bag ang isang portable speaker.
“Oks. Intayin n’yo kami.” Inakbayan ni Bon ang katabing si Lyndon at naglakad na palayo.
Nagkasundo ang tatlong naiwan na cellphone ni Jed ang gagamitin sa pagpapatugtog. Iyon na lang kasi ang full charge sa kanila. Nakapag-charge kasi ang binata kanina sa computer shop.
Gumawa ng ingay ang tatlo habang sinasaliwan ang kanta ni Loonie. Tumayo pa si Kevin at nagkunwang nagra-rap.
"Mali ba na magkamali ang isang tulad ko. Ako ay tao lang din naman na tulad mo..."
"Pasensiya na tao lang... Pasensya na..."
Matatapos palang ang kanta nang may mapansin si Marvin sa bungad ng gym. “Oh, nandiyan na sina Bon.”
Sinalubong nila ng tingin ang mga kaibigan habang papalapit ang mga ito sa puwesto nila. Si Jed ang unang pumuna sa dalawa.
“Ang bilis n’yo namang bumalik. Wala kayong prof?"
“Meron, ah. Nagpa-surprise long quiz pa nga si sir,” sagot ni Bon.
“Di lang surprise long quiz. Pati recitation din.” si Lyndon naman ang nagsalita.
Gumuhit ang kalituhan sa mukha nina Marvin, Kevin, at Jed. Nagkatinginan sila. Tila magkakabit ang kanilang mga utak.
Unang nag-iwas ng tingin si Kevin. Kinuha niya ang cellphone para tingnan ang oras. Sunod-sunod na paglunok ang kaniyang ginawa dahilan para mapatingin din doon sina Marvin at Jed.
Sabay-sabay silang napasinghap nang makitang sampung minuto na makalipas ang alas siyete ng gabi. Ibig sabihin noon ay dalawang oras na nga ang lumipas mula nang humiwalay sa kanila sina Bon at Lyndon para pumasok.
Ngunit paanong dalawang oras agad ang lumipas gayong isang kanta pa lamang ang napakikinggan nila mula nang pumasok ang kanilang mga kaibigan?
Sinubukan nilang ikuwento iyon kina Bon at Lyndon ngunit pinagtawanan lamang sila ng mga ito. Hindi na pinilit pa nina Kevin na paniwalaan sila ng dalawa. Hindi na rin nila muli pang binuksan ang paksang iyon kapag magkakasama silang lima. Iyon nga lang, kapag sila-silang tatlo na lamang ang naiiwan ay hindi nila maiwasang i-bring up muli ang kakaibang pangyayaring iyon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top