Story #7: Lapida

“Oh, 'yong kaldero na may adobo, ibaba n'yo na," utos ni Aling Janet sa kaniyang mga anak. Bitbit niya ang isang tupperware na may lamang isa pang putahe.

"Sige, Nay. Ako na rito," presenta ni Maynard na akmang patungo sa likod para kuhanin ang naturang ulam.

"Hay naku. Masyadong mabigat ’yan, 'nak. Kagagaling mo lang sa asthma, ah. 'Yong paper cups and plates na lang ang dalhin mo," pagpigil ng ginang sa binata. Binalingan nito ang nakatatandang anak na si Delfin. "Nak, ikaw na ang magbitbit no'n."

Kakamot-kamot naman sa batok ang tinawag. "Si nanay naman, para namang sobrang bigat ng adobo, ay. Masyado n'yo nang bine-baby 'yang mokong na ’yan."

Inismiran siya ng ina. "Alam mo namang mahina ang baga niyang kapatid mong ’yan nang ipanganak."

Nag-make face si Maynard na nasa likod ni Aling Janet. Inaasar nito ang kuya. Wala rin namang nagawa ang naiinis na si Delfin. Siya pa rin ang nagbuhat ng kalderong may adobo.

Nasa sementeryo sila ngayon. Pasampung taong anibersaryo ng kamatayan ni Mang Rodolfo, ang asawa ni Aling Janet at ama nina Maynard at Delfin. Namayapa na ito dahil sa komplikasyon dulot ng sakit na diabetes.

Balak nilang manatili buong maghapon sa sementeryo kaya naman napakarami nilang dalang pagkain. Paniniwala kasi ni Aling Janet ay kasama pa rin nila si Mang Rodolfo sa tuwing kakain sila kaya nagbubukod talaga sila ng ekstrang pagkain sa tuwing dumadalaw sila.

Pagkapananghalian ay nagpasya si Maynard na maglakad-lakad. Nakagawian na niya ito. Gusto lang niyang usisain kung aling nitso ang bago. Minsan pa nga, kapag dala ng boredom ay kinakalkula niya ang edad ng namayapa para malaman kung anong edad ito namatay.

"Ang bata pa niya. Four years old palang siya nang bawian ng buhay," pahayag ni Maynard habang nakatunghay sa isang maliit na nitso na halatang kasesemento palang.

Tuloy-tuloy pa rin siya sa pagtingin ng mga lapida. Medyo napapalayo na siya sa gawi ng ina at kapatid pero hindi niya iyon alintana. Katwiran niya ay pare-parehas naman silang nasa iisang sementeryo.

Nakarating siya sa isang parte na bago sa kaniyang paningin. Dati kasi’y bakanteng lote lang iyon na may nagtataasang mga damo pero ngayon ay may tatlong nitso roon na magkakatabi. Dala ng kyuryosidad ay tinungo niya ang mga iyon.

"Janet Dela Cr— Teka, kapangalan ni nanay ito, ah?" may pagtataka niyang sabi. Tiningnan niya ang birthday na nakasaad sa lapida at kaparehong-kapareho ng kaniyang ina.

Natatakot man ay binasa niya ang death date na nakasaad doon. August 12, 2052. Napahinga nang maluwag si Maynard. Kung dulot man ng kung anong mahika ang pagkakakita niya sa mga ganito ay nagpapasalamat pa rin siya. Kung totoong iyon ang death date ng ina ay matagal-tagal pa nilang makakasama ito.

Sunod na nitso naman ay nakapangalan sa kuya niya. Pareho rin ang birthday. Ang death date naman na naroon ay December 07, 2078. Muli ay napahinga nang maluwag si Maynard. Kahit naman inaasar niya ang kuya ay mahal niya ito. Masaya rin siyang malaman na makakasama niya nang matagal na panahon ang kuya pagkatapos pumanaw ng kanilang ina— kung totoo man ang ipinakikita ng lapida.

At ang ikatlo naman, sa kaniyang hinuha ay kaniya. Bagama’t takot siyang tingnan ang nakalagay roon ay mas nanaig sa kaniya ang kasabikan. Gusto niyang malaman kung kailan siya mawawala. Gagawin niyang mantra ang live life to the fullest.

Dahan-dahan niyang sinilip ang lapida. Hindi nga siya nagkakamali. Para nga sa kaniya iyon. Parehong pangalan at pareho ang kaarawan.

Hindi na niya pinalipas pa ang saglit. Binasa na niya ang sumunod na linya.

"Death date... June 18, 2022. Hey, wait. ’Yan ang date ngayon, ah?"

Nagtaasan ang lahat ng balahibo ng binata. Dahan-dahan siyang humakbang nang paatras habang hindi inaalis ang paningin sa lapida.

"H-Hindi. Hindi ako puwedeng mamatay ngayon. M-Marami pa akong pangarap." Unti-unting nanikip ang dibdib ng binatilyo. Muli na naman siyang inaatake ng asthma.

Hirap man ay hinanap ng kaniyang mga kamay ang inhaler sa loob ng sling bag. Ilang halungkat na ang nagawa niya pero hindi niya pa rin iyon mahagilap.

Namumutla na siya at tinatagaktakan ng malalaking butil ng pawis. Gusto na niyang takbuhin ang direksiyon ng ina at kapatid pero wala siyang lakas. Mas nananaig ang idinadaing na sakit ng kaniyang dibdib.

Nanghihina man ay nagawa pang sumandal ng binata sa pinakamalapit na nitso upang doon niya salubungin ang kaniyang kamatayan.

"Oy, mokong. Naiwan mo 'yong inhal— M-Maynard?" Napatigalgal si Delfin nang masaksihan ang kalunos-lunos na hitsura ng kapatid. Halos magkulay ube na ang mukha nito, dilat na dilat ang mga mata at nakanganga ang bibig.

"Hindi!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top