Story #6: She Exists


Kanina pa nakatutok ang mga mata ni Fatima sa harap ng laptop. Kung ilang oras na siya sa ganoong estado ay hindi na niya alam. Kanina pa kasi niya pinag-iisipang mabuti ang balangkas ng kuwentong balak niyang ipasa sa isang publishing company. Mayroon na siyang banghay, pananaw, tema, at tagpuan. Maging ang personalidad ng mga pangunahing karakter ay naidikdik na niya sa utak.

Kung saan siya nahihirapan ay sa paglikha ng pangalan ng mga karakter, at iyon nga ang pinag-iisipan niya ngayon.

"Ano kaya kung..." Inilagay niya ang hintuturo at hinlalaki ng kanang kamay sa baba. "...Empress."

Napahinuhod siya sa pangalang iyon. Sunod niyang pinag-isipan ay ang apelyido.

"Bahala na ’to. Napupurol na ang utak ko sa kaiisip." Nag-open siya ng new tab at nagtipa sa Google search bar. Most common last names in Ecuador ang inilagay niya.

Habang naglo-loading ang screen ay ipinikit niya nang mariin ang mga mata.

"Kung ano ang unang apelyidong makita ko, iyon ang gagamitin ko."

Bumilang muna siya ng tatlo bago niya unti-unting binuksan ang mga mata.

"Salazar." Lumawig ang ngiti niya sa mukha nang iyon ang bumungad sa kaniya. Hindi pa nakuntento ay dinagdagan pa niya ng ikalawang pangalan ang piksyunal na karakter sa kuwentong kaniyang bubuuhin.

"Joanne. Dahil favorite ko si Lady Gaga, iyon ang gagamitin kong pangalawang pangalan. So, Empress Joanne Salazar."

Dahil may plot nang naiisip, tuloy-tuloy na ang daloy ng ideya ni Fatima kaya tipa na lang siya nang tipa. Walang lugar sa kaniya ang prokrastinasyon dahil may deadline siyang hinahabol. One month. Iyan lang ang ibinigay sa kaniyang palugit ng publishing company.

Si Empress Joanne Salazar na kaniyang nilikha ay isang independent woman na wala sa isip ang pag-aasawa. Kahit ganoon ay gusto pa rin niyang magkaanak kaya sumailalim siya sa IVF procedure. Ang balak niya sana ay set of twins lamang ngunit dahil sa human error ay nonuplets pala ang kaniyang dinadala. Iyon ang dahilan kaya hinirang siya ng Guinness bilang babae na may pinakamaraming anak sa isang pagbubuntis.

Dahil doon ay maraming nagkainteres sa buhay nina Empress at ng kaniyang mga anak. Dumating sa puntong maraming umaali-aligid sa kanilang bahay gabi-gabi. Ang ikinahihindik ng babae ay ang pagsulpot ng grupo ng mga taong nakasuot ng itim na roba na may nakapulupot na tali sa baywang. Isang araw ay naglaho na lang na parang bula ang mag-iina. Paniniwala ng kapitbahay ay kinuha ang mga ito ng kulto upang ialay sa sinasambang likha ng dilim.

Ang kuwento ni Fatima ay magtatapos sa isang bukas na tanong. Hinahayaan nito ang mga mambabasa na mag-espikula ng wakas ng nobela.

Napangiti si Fatima. Isang linggo bago ang deadline ay natapos na niya ang manuskrito. Naglaan pa siya ng dalawang araw para pasadahan ang bawat kabanata upang itama ang ilang maliliit na pagkakamali. Ang anumang hindi niya maayos ay ipagkakatiwala na lang niya sa editor at proofreader ng publikasyon.

Naging matagumpay ang akda ni Fatima. Mula sa inaasahang limanlibong kopya ay naging limampung libo ito. Dahil doon ay nabigyan siya ng pagkakataong magkaroon ng espasyo para mag-booksigning sa taunang MIBF sa MOA.

Pagkatapos niyang maipaimprinta ang The Woman and Her Nine Nonuplets Who Vanished–ang librong pinagbibidahan ni Empress ay maraming pinto ng oportunidad ang nagbukas para sa kaniya. Matapos nga ang apat na taon ay dalawampu’t dalawang nobela na ang naipalimbag niya.

Isang normal na umaga ang dumating para kay Fatima. Nagluto siya ng kinatatakamang hotcake at nagtimpla lamang ng black coffee. Kinuha niya ang remote at naglipat-lipat ng channel upang humanap ng mapanonood.

Nang walang mapili ay pumirmi na lang siya sa isang morning news program.

Iniayos niya ang pag-upo habang nanonood.

"Para sa ating international news, tatlo ang patay nang may nag-amok na lalaki sa Florida...."

"Ano ba naman ’yan. Ang aga-aga, ito agad ang bubungad. Nakaka-stress."

Akma niyang pipindutin ang channel nang mapukaw ang pansin niya ng sumunod na balita.

"Samantala, sa isang bayan sa Mexico,  isang ginang ang nanganak ng nonuplets at ngayon nga'y ginawaran siya ng parangal ng Guinness Book World of Records. Ang ginang ay nagngangalang Empress Joanne Salazar."

Naudlot ang pag-inom ni Fatima ng kape dahil sa nasasaksihan. Lumakas ang kabog ng puso niya na kulang na lang ay talunin noon ang ingay na nagmumula sa telebisyon.

Tapos na ang balita ngunit nanatili pa ring nakatutok ang atensiyon ng dalaga sa TV.

"Paanong? Teka... Anong—"

Hindi nagtagal ay nagsunod-sunod ang notification sa kaniyang cellphone. Maaaring nakarating na rin sa mga mambabasa niya ang balita. May mangilan-ngilang nagpahayag ng galit dahil umano'y may babae pala talagang nag-e-exist na Empress Joanne Salazar ang pangalan. May mga nagulat at inihalintulad pa nga si Fatima kay Edgar Allan Poe, na isang nobelistang sumulat ng kuwento tungkol sa apat na taong nakaranas ng shipwreck. Nang maubusan sila ng pagkain ay kinain nila ang cabin boy na nagngangalang Richard Parker. Apatnapu't anim na taon ang lumipas, ay nangyari ang tinatawag na When life imitates art. Nangyari ang parehong nakasaad sa kuwento ni Edgar Allan Poe at ang nakasisindak, Robert Parker din ang ngalan ng  cabin boy.

Kung anuman ang paliwanag ay hindi pa masagot ni Fatima. Iisa ang naiisip niya at ng mga mambabasa niya. Nasa panganib ang buhay ng mag-iina kaya dali-daling kumontak ang dalaga sa FBI para pabantayan ang mag-iina. Sa una ay skeptical pa ang mga ito. Pinaghinalaan pa nga nila si Fatima. Napahinuhod lang sila nang padalhan ng dalaga ang FBI ng kopya ng kaniyang obra maestra in English version.

Agad nagpadala ng taskforce ang FBI para pabantayan sina Empress. Pinatunayan din ng mga bantay na may mga tila kultong nais lumapit sa bahay ng mag-iina na bigla-bigla na lang naglaho sa kadiliman ng gabi.

Ang nangyari ay tinutukan ng buong mundo. Iisa ang sigaw ng mga tao— ang gawan ni Fatima ng book 2 ang kuwento kung saan ilalahad niyang mawawala sa landas ang mga kulto. Hindi na nagdalawang-isip si Fatima. Matapos ang mabilisang pagbabalangkas ng kuwento ay agad niyang isinagawa ang ikalawang bugso ng aklat kung saan ipinahayag niyang ligtas ang mag-iina.

Dumaan ang mga taon. Maraming tao ang bumili ng libro ni Fatima. Nawala na rin ang mga nagtatangka sa buhay nina Empress kaya inalisan na rin sila ng mga bantay.

"Why don't you write a book 3 wherein it is stated that I won the lottery?" biro ni Empress kay Fatima nang minsang magkausap sila sa ZOOM. Oo, naging malapit na rin sila sa isa't isa.

"I wish I could but I don't plan to write any sequel anymore. It gives me chills."

Nagpatuloy pa rin sa pagsusulat si Fatima. Nagsilbing inspirasyon niya ang nangyari kaya nag-shift siya mula romance into mystery.

Kung ano ang kakaibang nangyari sa kanila ni Empress ay hindi na niya inimbestigahan pa. Gusto niya ng peace of mind.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top