Story #5: Tulong kay Kapitbahay
Katatapos lang mananghalian nina Andrew nang makatanggap siya ng tawag mula sa kapitbahay niyang si Ralph.
"O, tol. Napatawag ka?"
"Oy, tol. Libre ka ba ngayon? Saglit ka nga muna sa bahay. Papatulong lang sana akong magbuhat ng gamit sa kuwarto ni ermats," mahabang paliwanag ni Ralph.
"Sige. Papatunaw lang ako ng kinain. Punta agad ako riyan."
Ganoon nga ang ginawa ni Andrew. Makalipas ang labinlimang minuto ay pumunta na agad siya sa bahay ng kapitbahay niya. Doon ay nadatnan niya si Fr. Crisologo na nakatatandang kapatid ni Ralph. Tutulong din ito sa pag-aakyat ng mga gamit.
Una nilang pinagtulong-tulongang buhatin ang may kakapalang mattress. Idiniretso agad nila iyon sa kuwarto ng ina ni Ralph. Bago bumaba ay inilibot muna ni Andrew ang tingin sa buong kuwarto. Nang makabawi ng lakas ay bumaba rin siya.
Sumunod na binuhat nila ay ang maliliit na mga gamit. Pinahuli nila ang piano dahil malaki-laki iyon.
"Eto na ang pinaka-challenging sa lahat." Ini-stretch stretch ni Andrew ang mga braso bilang paghahanda sa pagbubuhat. Binalingan niya sina Ralph at Fr. Crisologo. "Ako na rito sa may baba, ’tol, father. Medyo batak naman akong sa gym. Ako na ang sasalo ng bigat."
Wala namang pagtutol ang dalawa. Sinimulan na nga nilang buhatin ang piano na kinuha nila sa isang truck na nakasara. Dalawa kasi iyon. Ang isa ay pinaglagyan ng mga gamit na pinagbubuhat na nila kanina.
Sa una ay pare-parehas silang nahirapan. Hindi naman kasi nila akalaing napakabigat noon. Sa huli ay nakapagbalanse naman sila kaya itinuloy-tuloy na nila ang pag-akyat sa hagdan.
Labing-isa ang baitang ng tinatahak nila. Aapak pa lamang sa pang-anim na baitang si Andrew nang matalisod siya.
"Shit!"
Napakabilis ng mga sumunod na pangyayari. Nabitiwan nina Fr. Crisologo at Ralph ang piano. Kasabay noon ay ang pagbulusok ni Andrew pababa sa hagdan. Unang napatama ang ulo niya sa sementadong sahig at ang kalunos-lunos na sumunod na nangyari ay nabagsakan siya ng napakabigat na piano.
Sa puntong iyon ay alam na ni Andrew ang kalagayan niya. Pagkatapos ay dumilim ang lahat.
Naalimpungatan si Andrew dahil sa pagtunog ng kaniyang cellphone. May tumatawag– si Ralph. Nagtataka man ay sinagot niya ang tawag.
"O, tol. Napatawag ka?"
"Oy, tol. Libre ka ba ngayon? Saglit ka nga muna sa bahay. Papatulong lang sana akong magbuhat ng gamit sa kuwarto ni ermats."
Napanganga si Andrew. Ang sinabi kasi ni Ralph ay katulad na katulad din ng narinig niya bago niya ito puntahan sa bahay.
"Tol? Nandiyan ka pa?"
"O-Oo. S-Sige. Pupunta ako riyan."
Hindi na nagpatunaw ng kinain si Andrew. Dumiretso na agad siya kina Ralph. Bungad palang ay kita na niya ang dalawang nakaparadang truck sa labas. Lalong lumakas ang pangamba niya.
"Tol, salamat sa pagpunta."
"Wala ’yon, tol. Tutulong ako pero pass ako sa pagbubuhat ng piano, ha?"
Nagkatinginan sina Ralph at Fr. Crisologo sa sinabi ni Andrew. Naburdahan ng pagtataka ang kanilang mukha.
"Paano mo nalamang my piano kami?"
Noon sinimulang isinalaysay ni Andrew ang karanasan dalawampung minuto ang nakaraan. Sa una ay hindi naniniwala sa kaniya ang dalawa ngunit nang sinimulang ilarawan ni Andrew ang itsura ng kuwarto ng ina ng magkapatid ay doon nagulumihanan sina Ralph. Hindi pa nakaaakyat si Andrew sa naturang kuwarto kahit kailan!
Sa huli ay napagpasyahang ilagay na lang sa salas ang piano. Natapos ang pagtulong ni Andrew at nakauwi siya nang ligtas at buhay pa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top