Story #4: Gatas
Kanina pa napapahagalpak katatawa si Rita habang nanonood ng Tiktok. Wala siyang partikular na account na tinatambayan. Kung anong video lang ang dumaan sa FYP niya ay iyon lamang ang kaniyang pinanonood.
Prente siyang nakaupo sa harap ng kanilang bahay kung saan mayroong dalawang upuan at isang bilugang lamesa. Medyo mainit ang panahon pero hindi naman niya iniinda dahil panaka-naka ang pag-ihip ng hanging bahagyang may kalamigan.
Kung tutuusin ay puwede naman siyang tumambay sa loob ng kuwarto niya. Mas komportable roon dahil may aircon. Iyon nga lang, may parcel siyang hinihintay sa Shopee na out for delivery na kaya nasa may labas siya. May pagkakataon kasing hindi siya matawagan dahil walang signal sa loob ng kuwarto niya.
Tinusok niya ang almusal na pilipit gamit ang tinidor at pagkatapos ay humigop siya ng gatas sa basong pinaglalagyan. Akma na niyang ilalapag iyon sa lamesa nang walang ano-ano'y sumampa sa hita niya ang kaniyang alagang si Muning na gustong magpalambing. Dahil bahagyang nagulat si Rita ay aksidente niyang naitumba ang baso kaya kumalat ang gatas sa ibabaw ng lamesa.
"Awwww. Dito ka lang, Muning. Kukuha muna ako ng pamunas." Ipinatong niya ang pusa sa tuyong bahagi ng lamesa at pagkatapos noo'y pumasok na siya sa loob ng bahay.
Pahimig-himig pa siya ng kantang Pink Venom habang hawak ang mop at pinaglumaang damit nang paglabas niya ay nakita niyang wala nang natapong gatas sa sahig at sa lamesa. Ang unang naisip niya ay dinilaan ni Muning ang mga natapon pero nanggilalas siya nang makita niyang muling nagkaroon ng laman ang basong hawak niya kanina!
Binitiwan niya ang hawak na lampaso at basahan. Sinuri niya ang lugar. Wala talagang senyales na may natapon mang anong likido roon.
Nasa malalim siyang pag-iisip nang may sumigaw sa labas ng tarangkahan.
"Shopee delivery po!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top