Story #3: No Mask
Nagawa ko na ang usual morning routine ko at handa na akong umalis sa bahay papunta sa trabaho. Bitbit ko na ang work laptop ko pati na rin ang aking lunch box.
Akma akong hahakbang palabas nang may maalala ako...
Nakalimutan kong magsuot ng facemask.
Sandali ko munang inilapag ang mga bitbit ko at lakad-takbo kong inakyat ang aking kuwarto. Kailangan kong mag-mask, hindi puwedeng hindi.
Nakailang halungkat na ako sa drawer ngunit ni bakas ng facemask ay hindi ko mahanap. Sigurado akong dito ko iniwan sa kanang drawer ang isang kahon nito na kabibili ko lang kahapon kaya laking pagtataka ko na hindi ko iyon makita. Ilang minuto pa ang pinalipas ko bago ako sumuko. Wala akong choice kundi bumili na lang sa labas. Male-late na ako kapag nagtagal pa ako sa bahay.
"Aling Pasing, pabili ho ng facemask," tawag ko sa matandang may tindahan sa tapat ng inuupahan kong apartment.
"Ha? Anong facemask, neng?"
Napatigil ako sa pagkalikot sa wallet kong tangan sabay napakunot ng noo.
"Yun hong ganito, 'nay." Kinuha ko ang cellphone ko at nag-search sa Google. Pinakita ko sa kaniya ang medical facemask na kulay asul ang kabila at puti naman ang isang bahagi.
Tumango-tango ang tindera. "Ahh, iyan ba kamo? Eh, sa Mercury Drug mayroon niyan, ineng. Wala kami niyan dito."
Mas lalong nadagdagan ang pagtataka ko sa kaniyang tinuran. Sa aking pagkakaalam ay hindi nawawalan ng tindang facemask ang tindahan mula nang magkapandemya.
Ipinagkibit-balikat ko na lang iyon. Baka naman kasi naubusan lang sila ng stock kaya ganoon.
Dumiretso na ako sa kanto kung saan nakatayo ang pinakamalapit na Mercury Drug Store sa aming bahay. Hindi naman ako nagtagal doon dahil wala namang pila sa cashier. Ilang piraso muna ang binili ko. Sigurado naman akong nasa bahay lang ’yong isang box ng facemask, baka na-misplace ko lang kaya hindi ko makita kanina.
Isinuot ko na ang nabili kong facemask sabay dumiretso na ako sa tabing-kalsada para maghintay ng jeep. Isang minuto palang ako nakakatayo ay may dumating agad na ang signage ay patungo sa katabing-lungsod kung saan ako nagtatrabaho.
Nang ako ay makaupo ay saka ko napansin ang panaka-nakang pagsulyap sa akin ng mga nakasakay. May kasabay na panghuhusga ang mga titig nilang iyon na tila ba may nakahahawa akong sakit. Hinayaan ko na lamang at itinuon ko ang aking tingin sa labas ng jeep.
Sa aking paniningin ay saka ko napansin ang isang bagay. Bakit walang suot na facemask ang mga tao? Hindi ba sila natatakot mahuli? Malaki pa naman ang multa ng offenders.
Napatingin akong muli sa loob ng jeep. Noon ko napagtantong ni isa sa mga pasahero ay wala ring suot na facemask. Kaya ba siguro nila pinagtitinginan eh dahil ako lang ang naiiba sa kanila? Eh, bakit? Kung tutuusin, sa aming posisyon eh ako ang dapat na manghusga. Maaari silang makahawa ng COVID-19 nang hindi nila nalalaman!
Ipinagwalang-bahala ko na lang ang kaisipang iyon. Isinantabi ko muna ang pagkailang dahil malapit naman na ako sa company namin.
"Magandang umaga, ma'am," bati sa akin ng guard na tinutusok-tusok ng stick ang dala kong bag.
"Magandang umaga rin po, Mang Rob—" Napaawang ang bibig ko nang makitang hindi siya nakasuot ng paborito niyang black facemask. Bakit ganoon? Eh, siya pa naman ang numero unong istrikto sa pag-iimplementa ng No Mask, No Entry Policy ngunit siya ngayon ang mismong lumalabag nito.
Muli, hindi na ako nag-usisa pero lalong lumalaki ang kaguluhan sa utak ko.
Dire-diretso na akong umakyat sa ikalabing-isang palapag kung saan naroon ang aming opisina. Nang tuluyan akong makapasok, ang unang bagay na pinagtuunan ko ng pansin ay kung may facemask bang suot o wala ang mga katrabaho ko.
To my shock, wala rin silang suot!
Pumintig ang isang bahagi ng ulo ko. Hindi ko maunawaan kung ano ang nangyayari. May balita ba akong nakaligtaan? Inanunsiyo na ba na puwede nang hindi magsuot ng facemask sa publiko? Parang wala naman.
Naupo na ako sa istasyon ko. Hindi pa naman simula ng trabaho kaya nagkalikot muna ako ng cellphone ko.
No results found. Iyan ang bumungad sa akin nang i-search ko ang Is facemask no longer required in the Philippines? sa Google. Hindi pa ako nakuntento. Ang sunod ko namang hinanap ay COVID-19. Natilihan ako nang no results found din ang lumabas.
Paanong nangyari iyon? Malinaw na malinaw pa sa aking memorya ang lahat ng nangyari nang kasagsagan ng pandemiya. Kung paanong kumuha ako ng quarantine pass sa barangay, ang pagsusuot ng face shield, ang lockdown, pagtulong sa pagdi-distribute ng ayuda, at iba pa.
Pinilit kong magtrabaho kahit gulong-gulo ang utak ko. Nang hindi ko na makayanan ay nagpaalam ako sa supervisor ko para mag-undertime.
Agad akong dumiretso sa bahay at nagyupyop sa kumot. Nakatulugan ko na lang ang malalim na iniisip ko.
Kinabukasan na ako nagising. Nang magliwanag ang diwa ko ay una kong pinuntahan ang drawer. Sa aking gulat ay naroong muli ang isang box ng facemask na binili ko. Hindi pa ako nakuntento dahil lumabas pa ako. Dumiretso ako sa tindahan ni Aling Pasing at doon ko nakita na mayroon na ulit siyang facemask. Tinanong ko siya kung na-out of stock siya kahapon. Hindi naman daw.
Bumalik muli ang lahat sa dati. Nakasuot nang muli ng facemask ang lahat ng tao sa paligid kabilang ang mga katrabaho ko.
Sa tuwing ikinikuwento ko ang kakatwang pangyayaring iyon sa mga kakilala ko ay hati ang kanilang opinyon. May naniniwala at nagsasabing glitch daw iyon, na ako raw ay maaaring nakapunta sa parallel universe. Mayroon namang nagsabi na maaaring nananaginip lang ako. May nagbiro pa na bakit daw bumalik pa ako sa tunay na mundo. Eh, jackpot na raw ako sa mundo kung saan walang pandemya.
Kung anuman ang nangyari sa akin sa araw na iyon ay hindi ko mahanapan ng paliwanag. Basta, ang alam ko sa sarili ko, hindi panaginip ang isang araw na iyon. Tunay na nangyari iyon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top