Story #2: Naudlot na Plano
Unti-unti kong iminulat ang aking mga mata. Sarado man ang lahat ng bintana sa aking kuwarto ay sigurado akong umaga na. Bahagya ko kasing naririnig ang tunog ng morning talkshow na paboritong panoorin ni mama.
Bahagya akong napangiti. Ito na kasi ang huling beses na madirinig ko ang pamilyar na tunog na iyon...
...dahil plano kong wakasan ang aking buhay sa araw na ito.
Pinilit ko ang aking sarili na bumangon. Kinuha ko ang marker na kulay pula at lumapit ako sa kalendaryong nakasabit sa dingding. Ika-25 ngayon ng Hulyo. Ito na ang takdang panahon.
Kung paanong humantong ako sa desisyong ito ay masasabi ng iba na masyadong mababaw lang na dahilan. Bakit? Dahil gusto ko lang mawala.
Sabi nga ng iba, halos perpekto na ang buhay ko. Totoo naman 'yon. Kailanma'y hindi nagkulang sina mama at papa sa pag-aaruga sa akin. Hindi pa namin hinihiling, ibinibigay na nila agad. At kahit pa parehas silang may trabaho ay hindi naging hadlang iyon para iparamdam nila ang kanilang pagmamahal sa akin at sa dalawang nakababata kong kapatid.
Pinalad din naman ako sa pagkakaroon ng mga kaibigan. Pito kami sa magkakabarkada — sina Keishia, Lavender, Connie, Mira, Suzy, Giselle, at ako ang bumubuo sa Wonder Girls. Elementarya pa lamang kami ay magkakasama na kami, at kailanma'y hindi nila ipinaramdam na hindi ako kabilang sa grupo.
Kaya’t kung paano ako humantong sa desisyong ito ay hindi ko rin alam. Natagpuan ko na lang ang sarili kong gumising isang araw na may hindi maipaliwanag na kalungkutan. Akala ko nga, sinusumpong lang ako at lilipas lang din iyon pero mali ako. Mas lalong lumalala ang lungkot na iyon habang dumaraan ang mga araw.
Hindi ako naglilihim sa mga magulang ko kaya naman sinabi ko iyon sa kanila. Tila ba iisa ang naiisip nila kaya dinala nila ako sa espesyalista para humingi ng psychiatric help. Nag-leave din sila ng isang linggo sa trabaho para makapagbakasyon kami sa iba't ibang panig ng Luzon.
Muli akong bumalik sa dati sa tulong ng gamot na inireseta sa akin ng doktor at ng suporta ng aking mga magulang, pati na rin ng aking mga kaibigan na mas lalong napalapit sa akin nang malaman nila ang kondisyon ko.
Akala ko magiging ayos na ang lahat ngunit mali ako. Nagsimula iyon isang araw na nakaligtaan kong uminom ng gamot. Nanumbalik muli ako sa dati. Ang pamilyar na lungkot ay muli kong naramdaman at sa pagkakataong ito ay mas malala, na umaabot sa puntong hindi ko na makontrol ang sarili ko.
Nagsimula na akong maglihim sa aking mga magulang at kaibigan. Kapag kaharap nila ako ay nagkukunwari akong mabuti ang lagay ngunit sa sandaling mag-isa na lamang ako sa kuwarto ay doon ko sinasarili ang paghihinagpis at lungkot na walang kapares, hanggang sa eto nga, dumating sa punto na naisip kong mawala na lang ako sa mundo.
Ayokong mamatay—ang gusto ko lang ay mag-unexist. Mahirap ipaliwanag. Ang hirap makipaglaban sa kalabang hindi mo nakikita. Ayoko ng ganito. Gusto kong makawala.
Kaya sa loob ng tatlumpung araw ay pinagplanuhan kong mabuti ang lahat. Ang iPad na ipinagdaramot ko kay Chelsea na aking nakababatang kapatid ay tuluyan ko nang ibinigay sa kaniya. Pinagbuti ko rin ang pag-aaral para naman bago ako mawala sa mundo ay napasaya ko naman ang aking mga magulang.
Inilibre ko rin ang mga kaibigan ko gamit ang perang mula sa aking ipon. Nagtataka pa nga sila, eh. Hindi ko naman kasi ginagawa iyon. Nagdahilan na lang ako na selebrasyon ko iyon dahil tuluyan na akong gumaling sa karamdamang aking iniinda.
Napaluha ako habang tinititigan ang huling petsang aking binilugan. Eto na iyon. Wala nang atrasan pa.
Iprinepara ko na ang bath tub na isa sa magiging saksi ng huli kong paghinga. Nang ayos na ang bula ay hinubad ko na ang lahat ng saplot sa aking katawan at pagkatapos ay tumubog na.
Ah, napakasarap sa pakiramdam. Ganito ba talaga kapag mamamatay na?
Lumingon ako sa kanan. Nahagip ng aking tingin ang cellphone ko. Kinuha ko iyon gamit ang tuyo kong kamay para patugtugin ang playlist na kinapalolooban ng mga paborito kong kanta.
Tuluyan na rin akong umupo para naman abutin ang kopita na may lamang alak. Hindi lang iyon ordinaryong alak dahil hinaluan ko iyon ng lason para masiguro ang aking kamatayan.
Napangiwi ako nang malasahan ko ang unang bugso ng alak. Mapait. Halos masuka ako pero tiniis ko. Nandito na, eh. Aatras pa ba ako?
Halos napangalahati ko ang alak. Ibinaba ko ang wala nang laman na kopita at pagkatapos ay kinuha ko naman ang kutsilyo sa katabi noon.
Napabuntong-hininga ako nang makatatlong beses bago simulang laslasin ang aking leeg.
Walang kapares na sakit ang aking naramdaman. Sinabayan iyon ng pagpulandit ng dugo na walang ampat ang pagdanak. Unti-unti iyong dumadaloy sa tubig na may bula na aking kinaroroonan. Mayamaya pa nga ay tuluyan na iyong naging pula.
Nanlalabo na ang aking kamalayan at mayamaya pa ay nabitiwan ko na ang kutsilyong hindi ko alam kung saan nahulog. The next thing I knew, everything went black.
Napakagaan ng pakiramdam ko. Para bang kagigising ko lang mula sa isang magandang panaginip. Gising na ako pero nakapikit pa ang mga mata ko.
Nasa langit na ba ako? Hindi. Imposible. Ang isang tulad kong nagpakamatay ay walang puwang doon.
Pero nasaan ako at bakit may kamalayan pa ako?
Unti-unti kong iminulat ang mga mata ko. Halos panawan ako ng ulirat sa bumungad sa aking senaryo.
Nasa harap ko ang aking katawan sa bath tub, walang buhay, mulat ang mga mata, at binubulwakan ng dugo ang bibig.
Nakakita na ako ng videos ng mga taong kamamatay lang sa kalunos-lunos na paraan ngunit kakaiba ngayon, dahil sarili ko mismo ang nakikita ko.
Sa isang kisap ay bigla akong nanumbalik sa bath tub. Habol-habol ko ang aking paghinga na tila ba galing ako sa malalim na pagtulog. Napatingin ako sa isa kong kamay. Hawak-hawak ko pa ang kopita na may lamang alak at lason. Hindi pa iyon nababawasan.
Dali-dali akong tumayo sa bathtub at walang sabi-sabi kong ini-flush ang aking hawak sa bowl.
Wala na ang alak na may lason ngunit nanatili pa rin akong nakatitig doon habang tinatagaktakan ng malalamig na pawis. Nang makahuma ay dali-dali akong nagbihis at pinuntahan si mama. Niyakap ko siya nang napakahigpit na sinabayan ng pagpalahaw ng iyak.
Dahil sa pangitaing iyon ay nagbago ang lahat ng aking plano. Ayoko nang mamatay. Hindi. Hindi ako puwedeng mamatay.
Muli kong ipinagpatuloy ang pagpapatingin sa doktor at sinisiguro ko ring hindi na ako nakaliliban sa pag-inom ng aking gamot. Sinimulan ko rin ang pagiging aktibo sa gawaing pa simbahan sa aming lugar at masasabi kong napakalaking tulong noon sa aking paghilom.
Naging tagapagtaguyod na rin ako ng Anti-Suicide movement kung saan ibinabahagi ko ang aking karanasan sa mga kapwa ko may suicidal tendencies.
•••
Hopeline is a 24/7 suicide prevention and crisis support helpline in the Philippines.
PLDT: (02) 804-4673
Globe: (0917) 558-4673
Toll-free for Globe/TM: 2919
The National Center for Mental Health Crisis Hotline offers 24-hour service to people in the Philippines who are depressed or at risk of suicide.
Tel: (02) 989-8727(telephone)
Tel: (0917) 899-8727 (cellphone)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top