Story #10: Aksidente
Tatlumpung minuto na ang lumipas mula nang lisanin nina Desiree at Danica ang ospital na kanilang pinagtatrabahuhan. Katatapos lang ng shift nila at ngayo’y nasa daan na sila pauwi.
“Ang ganda ng wheels mo. Lagi mo na ba itong dadalhin pagpasok?” usisa ni Danica sa katabing nagda-drive.
“Depende. And correction..." Binalingan ni Desiree ang katrabaho. "...wheels ito ni kuya. Pinahiram lang niya sa akin.”
“Himala, ah? Akala ko ba, sinabi mong maramot ’yon?”
“He’s still maramot. Tiniyempo ko lang na nandoon ’yong girlfriend niya sa bahay nang hiramin ko ’tong kotse niya. You know what happened next."
“Can’t believe you’re that smart.”
Napatawa ang dalawa sa tinakbo ng kanilang usapan. Nang humupa ay sumunod ang katahimikan. Katahimikan na bunsod ng kanilang maghapong kapaguran.
Napapapikit na si Danica dahil nakararamdam na rin siya ng antok. Papikit na sana siya nang may isang puting sasakyan ang humaharurot at nag-overtake sa sasakyan nila. Bumunggo iyon sa isang kotseng ilang metro ang layo sa mga dalaga.
May ilang kotse pa ang nadamay. Nagkaroon na ng karambola na sinundan ng impit na mga sigaw at palahaw na sa tingin ng mga nakasaksi ay mula sa may-ari ng mga sasakyang nadamay.
Lahat ng iyon ay kitang-kita nina Danica at Desiree. Parehas silang hindi nakaumang nang ilang saglit dahil sa gulat at bilis ng mga pangyayari.
Maraming sasakyan ang nagsipagtigilan. Ang ilang sakay noon ay nagsipagbabaan upang tumulong at ang ilan naman ay makikiusyuso lamang. Sa puntong iyon ay natauhan ang dalawang dalagang nurse at napagpasyahan nilang rumesponde sa mga naaksidente.
Bitbit ang emergency kit ay isa-isang dinaluhan nina Danica ang mga nandoon. Kitang-kita ng kanilang dalawang mga mata ang mga biktima. May wala nang buhay, mayroon namang may kaunti lang gasgas. May mangilan-ngilang buhay pa ngunit sa palagay nila ay hindi na magtatagal pa ang buhay.
Nang dumating na ang rescuers ay saka lang nakapahi-pahinga ang dalawang dalaga. Nang tuluyan nang madala sa ospital ang mga nalalabing sugatan ay noon lang nakabalik sa kotse ang dalawa.
"Kumain muna tayo bago tayo pumunta sa presinto para mag-file ng police report. Nagutom ako,” ani Desiree na hinilot-hilot ang sentido.
Hanggang restawran ay iyon pa rin ang paksa ng dalawa. Nang matapos sa pagkain ay wala na silang pinalipas na sandali. Dumiretso na sila sa pinakamalapit na presinto.
"Miss? Anong aksidente ang sinasabi n’yo?”
Nagkatinginan sina Desiree at Danica sa itinanong ng hepe ng pulisya.
Si Danica ang nagpasyang magsalita. “Yung aksidente po sa may Nicanor Highway na involved ang dalawang van, pitong kotse, at dalawang motorsiklo. Apat po ang patay at may labindalawang sugatan.”
“Nicanor highway...” Nagtipa sa keyboard ang naturang hepe. Nakakunot ang noo nito. “Mga anong oras nangyari ang aksidenteng ’yan?"
“Ala una po ng hapon.”
Muling nag-type ang hepe. Mayamaya ay niyakag niya ang dalawang dalaga na tingnan ang screen. “Ito ang Nicanor highway kaninang ala una. Sandali, dodoblehin ko pa ang bilis ng video.”
Malinis na highway ang makikita sa video. Wala man lang ni isang bakas ng aksidente roon.
“Pero imposible. Tumulong pa kami sa paglalapat ng first aid sa mga biktima, tsip,” paliwanag ng nagugulumihanang si Danica.
Nagpakawala ng magkasunod na paghinga ang hepe. Kinuha niya ang awditibo sa ’di kalayuan upang pumindot ng ilang numero.
“Hello, Salvador. May aksidente ba riyan sa lugar mo kanina?”
“Wala man, tsip.” sagot ng kausap na mukhang isa ring pulis na nakadestino sa Nicanor highway. Naka-speaker ang phone ng hepe kaya dinig nina Danica at Desiree ang sinasabi ng nasa kabilang linya.
Nang matapos ang tawag ay nagkatinginan na lamang ang tatlo.
Laglag ang mga balikat nina Danica at Desiree nang lumabas sila sa presinto. Hindi sila mapakali. Nang makabalik sa sasakyan ay tinawagan naman nila ang rescue team na nakatulong nila sa pagsasagip kanina. Wala raw nirerespondehan na aksidente ang mga ito.
Na-check na rin ng mga dalaga ang social media. Wala ni isang post ang nagbabanggit tungkol sa aksidente.
Muling binalikan ng dalawang nurse ang pinangyarihan ng karambola. Parehas nilang nasabunot ang mga buhok sa prustrasyon nang makitang napakalinis ng daan. Wala na ang mga yupi at sirang kotseng kanina ay nababahiran ng mga dugo. Wala ni isa.
Paanong ang aksidenteng iyon ay wala man lang kabakas-bakas? Kapwa pa nila nararamdaman ang balat ng mga taong ginamot nila, pati na rin ang mukha ng mga biktimang nais pang mabuhay pero pinaglaruan na ni kamatayan?
Hindi nila alam.
Isang buwan na hindi nakapasok si Danica dahil sa labis na pag-iisip sa nangyari. Si Desiree naman ay hindi na kinaya. Nag-resign siya sa trabaho at nagpakalayo-layo sa lugar.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top