CHAPTER 1
Chapter 1: Disaster
AWTOMATIKO kong naimulat ang mga mata matapos mangibabaw sa buong bahay ang tunog ng takureng isinalang ni nanay sa kusina. Agad akong napabangon, hudyat na 'yon para gumawa ng mga siremonyas sa umaga.
Isa-isa kong niligpit ang mga unan at tinupi nang maayos ang banig saka binuksan ang bintanang gawa sa kahoy na nasa tapat ng higaan.
Binati ako ng malamig na hangin sa nanggaling sa labas kahalo ang mabangong niluluto ni nanay na isinalang na niya
Ano kaya ang ulam ngayon? Sa amoy pa lang ay mas lalong kumakalam ang sikmura ko. Wala sa sariling napahawak ako sa tiyan.
Pagkababa ay nadatnan ko ang nakatalikod kong ina at abala sa kung anong niluluto niya. Marahan akong humakbang para huwag niyang mapansin. Malapad na ngisi ang nakadikit sa mukha ko at hindi mawala-wala.
"Good morning sa maganda kong nanay na maputi ang hita at puwet!" masiglang bati ko at agad kong ipinulupot ang dalawang kamay sa bewang niya.
Napaigtad siya sa gulat ngunit hindi iyon naging dahilan para mapabitaw ako sa pagkakaakap sa kan'ya.
"Susmaryosep na batang ito, oh! Ang aga-aga, e, nanggugulat ka! Alisin mo nga itong kamay mo, Day-day, at ako ay nagluluto. Hala sige at baka mapaso ka riyan. Day-day!" gulat ngunit pasermong aniya.
Naramdaman ko pang hinahagod nito ang dibdib sa ginagawa kong pangugulat sa kan'ya dahil gumagalaw 'yong damit niya.
Napahagikhik ako dahil hindi naman ito ang unang beses na ganitohin ko siya.
"Si nanay hindi man lang bumati sa maganda nitong anak. Tinatakwil mo na ba ako, 'nay?! Hindi ko matanggap na itatakwil mo ako sa taglay kong magandang mukha!" Nakalas ko ang pagkakayakap sa kaniya at nagkunwaring naiiyak.
Agad kong inabot 'yong manggas ng t-shirt ko at ginawang tissue. Suminga ako at may pa hikbi pang idinagdag.
"Kakaputok lang ng liwanag at hayan ka na naman, Day-day. Puro ka kalokohan, oo. Umupo ka na nga roon at baka maging sahog pa kita ritong bata ka," aniya at tinuro ang upuan gamit ang sandok.
"Pantelebisyon ang gandang 'to! Ano ba 'yan! Anak mo ba talaga ako, 'nay? Suportahan mo naman ang talent ng anak mo," nakangusong saad ko sa harap niya.
Bigla niya akong inambahan ng sandok na gawa sa kahoy kaya agad akong napatakbo sa mesa hawak-hawak ang ulo dahil baka madale ako ng humahagibis na sandok ni Pasita.
"Anak ka ng kalabaw, Day-day, hindi ako ang nanay mo. Napulot lang kita, nakasabit ka sa puno ng kamatis," tanggi niya pa.
Natawa ako sa sinabi niya. "Puno ba 'yong kamatis, 'nay? At saka, kung anak ako ng kalabaw, halatang-halata talaga ang pinanggalingan ko, oh," sabi ko at sinuring mabuti si nanay mula ulo hanggang sa patay nitong kuko.
Napansin niyang sa kaniya ako nakatingin kaya inambahan na naman ulit ako ng sandok na hawak.
"Sinasabi mo bang ako 'yong kalabaw na pinanggalingan mo, Day-day? Aba't!"
"Oy! 'Nay hindi, ah! Sa bibig mo na mismo nanggaling iyan. Inosente ako! I invoke my rights, nanay!"
"Tigil-tigilan mo ako sa kabaliwan mong iyan, Day-day. Kumain ka na nga at baka ma-late ka pa."
Binelatan ko siya. Tumawa lang ako sa kaniya at kumain na sa sinalansang pagkain. Agad akong nagpaalam matapos ang lahat at humalik sa pisngi niya.
"Mag-ingat ka, Day-day, huwag puro kabardagulan ang sa isip. Patitigilin talaga kita at isasabit sa puno ng kamatis!" paalala nito na nagpakunot sa noo ko.
"Grabe ka naman 'nay sa kabardagulan! Wala naman akong ginagawa!" reklamo ko pa.
Kabardagulan talaga? Ang bait-bait ko kaya.
Kumaway sa lang ako sa kaniya at tumakbo na. Gusto ko lang tumakbo, e. Exercise na rin. Ilang minuto lang ay bigla kong naalala ang cellphone kong nabuhay pa yata sa kapanahunan ng hapon.
Na saan na ba iyon? Halos mabaliktad ko na lahat ng laman ng bag ko pero wala pa rin. Unti-unting nauubos ang pasensya ko sapagkat hindi ko iyon mahagilap.
Nahihiya yatang magpakita ang cellphone ko sa magandang dilag na nagmamay-ari sa kanya. Ako na ang magpepresintang mahiya sa kanya.
Napatigil ako sa paghahalungkat ng marinig ng sunod-sunod na sipol ng mga lalaki.
"Ang gandang araw naman ngayon mga pare at nakakita tayo ng magandang binibini," sabi ng mukhang unggoy na mama na pinaglihi sa sapatos. Kahiya naman, ngumisi ito kaya biglang nagpakita ang naninilaw na ngipin nito.
Yuck! Di uso ang colgate sa taong 'to? 'Yong kiddie tooth gel na lang sana kung wala siyang brand ng toothpaste na alam. Try niya.
Napairap ang maganda kong mata sa ere. Alam kong maganda ako, inborn na 'yan, e.
Sinamaan ko lang sila ng tingin bago ulit bumalik sa paghahanap ko ng walang hiyang cellphone ko. Ang pangit-pangit naman hindi pa sa 'kin nagpakita, attitude?
"Pre, paano ba iyan, dedma ka?" untag naman ng isang maliit na nilalang sabay tawa ng mga kasamahan niya.
Hala? Bakit may nuno sa punsong naligaw rito sa daan? Baka nag-aalala na ang mga pamilya nito. Kawawa naman siya. Nawawala 'ata bahay niya kaya naligaw rito.
"Uhm kuya. . . bakit parang naligaw ka yata? Na saan na ang punso mo, ha? Bahay mo? Baka hinahanap ka na ng mga kapwa mo nuno?" inosente kong tanong sa kan'ya habang nagtatakang napapaisip pa.
Dahil sa sinabi ko ay biglang naghagalpakan sa tawa ang mga kasamahan niya. Ang iba nama'y nagpipigil upang hindi mapansin ng nunong 'yon.
Bakit? May masama ba sa tanong ko? Parang wala naman? Nagmumukha tuloy silang mga sapatos na sira habang tumatawa.
Tila takoreng umuusok ang mukha ng nunong iyon. Baka manuno pa ako ng wala sa oras. Maghahanap na ako ng gagamot na albularyo sa 'kin mamaya. Mahirap na, dapat magung maagap!
Wrong move yata 'yon? Bakit ba ang tabil ng dila kong 'to? Nakakaasar na, ah!
"Hayop na batang 'to ah!" galit na aniya. Dinuro niya pa ako na tila salarin na nakagawa nang masamang gawain.
Excuse me, tao po ako, 'no! Sa ganda kong 'to? Tatawagin mo lang hayop?
Naikot ko ang mata sa ere at malakas na napabuntong hininga. Hay, heto na naman tayo! Alam ko na ang bawat liko at talon ng kanilang mga lamang loob sa katawan.
Akma na niya akong hahawakan ngunit naunahan kong itulak siya ng napakalakas at tumakbo ng ubod nang bilis. Pinaglihi raw ako sabi ni nanay sa cheetah. Ewan ko nga bakit doon pa, hindi na lang sa dyosa diba?
Walang makakatalo sa 'kin pagdating sa ganito. Mula noon pa man mabilis na akong tumakbo, pwede ng gawing sasakyan.
"Sige habol pa mga mukhang sapatos na hindi nakatikim ng paa!" sigaw ko sabay ngisi sa kanila.
"Lintik na babaeng 'to!"
"Bilisan niyo nga!"
"Ang bagal-bagal mo kasi!"
"Tanga! Mas malaki pa kasi 'yong tiyan mo sa ulo mo!"
Ay nagtalo na silang apat. Pusta ako sa nuno. Maliit pero malakas iyan. Patuloy pa rin ako sa pagtakbo at natatawa na lang ako sa bangayan ng apat.
Sila 'yong mga ulol na tambay riyan sa kanto namin, palaging na lang ganito ang araw ko tuwing papasok sa eskwelahan. Ewan ko ba at bakit ako ang madalas na nakikita ng mga iyan.
Siguro nga ay dahil sa taglay kong kagandahan? Ano ba ang ginawa ko kanila? Hindi ko 'ata maalala?
Tinuhod mo lang naman ang leader nila, girl!
Hay, oo nga pala! 'Yan ang mga dapat sa mga nambabastos. Tikman nila ang sarap ng tuhod ko. Nakakawala ng ulirat. Napaka-heaven.
Malapit-lapit na rin ang eskwelahan mula rito. Muli ko silang nilingon. Ang layo-layo na talaga ng agwat nila sa 'kin. Ang kukupad ng mga matatanda ngayong panahon ano?
"Bilisan ni'yo! Hindi pa nga ako pinagpapawisan, e. Nasa akin pa rin ang una at huling halakhak!" sigaw ko sabay kaway-kaway pa sa kanila.
Sumuko na sila sa kakahabol dahil sa pagod at alam naman nilang hinding-hindi nila ako maaabutan. Napaupo na lang ang ilan sa kanila sa daan dala nang pagod sa paghabol sa akin. Bahala kayo riyan. Hindi tayo friends ngayon!
Tatalikod na sana ako, ngunit, hindi ko namang inasahang may babangga sa akin, o sabihin na lang nating nabangga ko.
May iilang tumalsik na likido sa mukha ko kaya agad akong napapikit. Akala ko pa no'ng una ay laway pero nagkamali ako. Kape lang pala. Dinilaan ko ang tumalsik sa gilid ng labi ko. Sarap!
Pagmulat ko ng mata ay ganoon na lang ang panlalaki ng mata ko noong masilayan ang mala-adonis na lalaking nabangga ng sexy kong katawan. Alam niyo 'yong sa telebisyon na kapag may nakikitang gwapo tapos biglang magliliwanag ng todo-todo kasabay ng pag-awit ng sintunadong mga nilalang na may pakpak? Ganoon 'yon.
"What the fuck is your problem?" galit na galit na sigaw nito sa 'kin.
Inaano ko siya? Kasama niya 'yong nabangga ko hindi siya.
Napapikit ako at napaatras sa mala-microphone na boses nito. Napapahid ako sa mukha sa mga tumalsik na laway mula sa lalaking iyon.
Kadiri naman ng isang 'to. P'wedeng sumigaw, huwag lang magsaboy ng laway sa maganda kong mukha.
Nangunot ang noo ko dahil pwersahan niyang tinapon ang hawak na kape sa pagitan namin. Tumalsik tuloy sa uniform ko at biglang nagkaroon ng brown na polca dots doon.
Ano 'to, design? Nanginang lalaking 'to. Ang attitude. Sa inis ay hindi ko na talaga mapigilan ang sarili. "Hindi ito ang tamang tapunan ng basura, tanga ka ba? Tingnan mo ang ginawa mo sa uniform ko! Ngina mo!"
"It's not my fault. May mata ka, hindi mo ginagamit," asik nito.
May mata naman siya, ah? E 'di sana kung nakita niya akong paparating, e, umiwas siya! Mahirap ba iyon?
"Ikaw naman may utak ka nga pero wala sa bungo mo!"
"You—"
"Ano kakasa ka, ha?" Gigil akong lumapit sa kan'ya ngunit agad na may pumagitna sa aming dalawa.
E-nin-glish lang ako at tinalsikan na ng laway tapos akala mo kung sino. Inarkelahan ba niya ang buong daan sa Pilipinas at ganito siya makaasta? Aba! Baka nakakalimutan niya na kahit simple at maganda lang akong mamamayan ng Pilipinas ay dapat pa ring bigyan ng respeto.
"Both of you, calm down. Stop yelling at each other, will you? Nasa gitna kayo ng daan, pumunta nga kayo rito." Hinila niya kami sa gilid at nagpapalit-palit ng tingin sa amin.
Napaawang ako nang matitigang mabuti ang lalaking iyon. Ang gwapo niya!
"Dude, what you did was wrong. You need to apologize to her," dagdag pa niya.
"What? I'm saying sorry to her? Are you nuts? Ako pa? Siya ang nakabangga sa 'kin, can't you see, Liam? Pinapaboran mo pa 'yan, hindi mo naman kilala!" Tinapunan ako ng tingin ng lalaking mukhang kulangot na 'yon kaya inirapan ko lang.
Ang arte-arte ng lalaking 'to! Pwe! Magso-sorry lang naman ang dami nang dinada sa buhay. Inaapi ka, boy? Sadboy ka?
Napabuntong hinanga na lang ako at labas sa ilong na humingi ng tawad. Kahiya naman sa kaniya.
"Look, I'm just saying you need to apologize because you're shouting at her. It doesn't mean who's on fault here, okay?" giit ng kasama niya.
Para wala ng diskusyon at makaalis na ako ay pinili ko na lang na magsalita.
"Sorry ha? Bulag kasi 'yong paa ko," sarkastiko kong saad sa masungit na lalaking iyon.
Naniningkit ang mata nito sa 'kin at papatulan sana ako pero pinigilan lang siya ng kasama niyang pogi. Kita ni'yo na! Aping-aping ka, boy?
"Sorry? That's all? Look what you've done? Idiot!" Sinamaan niya ako ng tingin.
Anong pa bang gusto niya? Maglupasay ako kaso-sorry? Lakas ng amats nito, ah?
Nakakainis na ang taong 'to. Hindi lang naman siya ang natapunan ng kapeng hawak niya! Papasok ako ng eskwelahan na ganito ang uniform! Ano bang inuungot ng kalooban niya?
Pumagitnang muli si pogi sa aming dalawa bago magsiklaban ang pangmalawakang digmaan.
Isang-isa na lang talaga at sisillaban ko ang masungit na lalaking ito. Pakainin ko siya ng kulangot diyan, e.
"Dude, okay, it's my fault, don't blame this girl. Ako na ang may kasalanan. Stop shouting," awat sa kaniya ng kaibigan niya.
"Tsk!" asik ng masungit na kulangot na 'yon. Agad niyang kaming tinalikuran at nauna nang maglakad.
Ang bastos talaga. Hindi man lang inaya ang kasamang umalis! Hindi pa nga sa 'kin nakakapag-sorry!
Pero, infairnes gwapo rin siya kahit nakatalikod, kaso ang sungit-sungit. Lahat yata ng sama ng loob sa mundo ay pinapapak niya. Kaembyerna ng lalaking iyon.
Naudlot ang pagto-torture ko sa isip sa taong masungit na 'yon nang magsalita ang isa pang gwapong nilalang na nahulog sa langit sa tabi ko. Mabuti pa siya.
"I'm sorry about that, ganiyan lang talaga 'yang si Dave," paumanhin nito sa 'kin "I'm William, just call me Liam and you are?" Sabay lahad nito ng kamay sa 'kin.
Nginitian ako nito at kitang-kita ang mga pantay-pantay niyang mga ngipin. Walang halong biro pero ang puputi talaga! Ano bang gamit na toothpaste nito? Mighty bond ba? O Volca seal?
Napakagwapo naman nito! Papable! Mayroon itong chokolateng mata na parang tutunawin ka habang ikaw ay nakatitig, ang ilong niya'y sobrang tangos na parang inukit talaga para lang sa kanya, ang mukha niyang sobrang kinis-
"Uh. . . .Miss?" kuha nito sa atensyon ko, nagtataka.
Hindi ko man lang napansin na nakatulala na pala ako sa kan'ya, nakakahiya naman. Dahil maganda ako at ipinamganak para magkalapit kaming dalawa ay hindi ako nagdalawang-isip na kunin ang kamay nitong kanina pang nakalahad sa ere.
"A-ah D-Diane, Diane Jyle Fernandez," utal kunwari kong sabi sabay abot sa kamay nito.
S'yempre pabebe tayo. Inapi kasi tayo ng kulangot na lalaking iyon. Ayoko pa sanang alisin ang kamay ko sa kamay niya dahil sobrang lambot no'n kaso binawi niya na, e. Sayang! Pero papable pa rin itong si William, ah!
"Sorry ulit sa inasal ng kaibigan ko, Diane, I'm really sorry and I need to go!" mabilis na sabi nito sabay habol sa kaibigan niyang nauna na pala sa kanya sa loob ng isang cafe shop.
Ang lambot ng kamay parang naka-downy!
Nakangiti kong hinawakan ang kamay na ginamit sa pakikipagkamay. Sana iba na lang ang nahawakan kong malambot!
Tumambol bigla ang puso kong nananahimik. Napahawak pa ako sa dibdib ko para damhin ang pagbilis ng tibok no'n. Heart ang landi mo naman. Kamay pa lang 'yong hinawakan mo sa papable na iyon, e, hindi pa ano! Behave!
Nasa kalagitnaan ako ng pagde-day dream ng manumbalik ang mukha ng bwisit na masungit na 'yon. Panira!
Napapadyak ako sa inis. Bakit ko ba nakita ang mukha no'n sa utak ko!
Gwapo sana ang sungit-sungit naman. Mukhang kapeng hinalo sa kulangot!
Nanginang lalaking iyon! Parusahan sana ni Kupido at ma-inlove sa pinakapangit na babae sa mundo!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top