8

FELECITY

NANGINGILID NG mga luha ang mga mata niya. Nanginginig naman ang kaniyang kalamnan pero kahit ganoon ay tila napako siya sa kaniyang kinatatayuan. Naging mabigat ang kaniyang katawan at ayaw nitong sumunod sa kaniya. Nanatiling nakatingin at nakikinig siya sa karumaldumal na nagaganap sa likod ng shelf, ang kataksilan ng taong una niyang minahal at ang kataksilan ng taong una niyang pinagkatiwalaan bukod sa kaniyang pamilya.

Bakit ganito? Hindi ko naman puso ito ah? Pero bakit masakit pa rin? Nasasaktan pa rin ako. Daing niya sa kaniyang isipan na punong-puno ng paghihinagpis. At sa unang pagkakataon, ngayon pa kung saan patay na siya, ay nakaramdam siya ng matinding galit. Tama nga siguro ang kasabihang may maliit na nag-uugnay sa pagmamahal at pagkapoot. Tumutulo man ang kaniyang mga luha ay hindi lungkot ang sinasalamin ng kaniyang mga mata kun'di purong pagkasuklam.

Nasa ganito siyang estado nang bigla siyang mahulugan ng isang libro mula sa kaniyang uluhan. Alam niyang hindi masyadong malakas ang impact pero nabuway ang kaniyang pagkakatayo at nanlabo ang kaniyang mga mata. Tila may mga usok siyang nakikita pero wala naman siyang naamoy. Hanggang sa tuluyan nga siyang matumba na lumikha ng ingay na nakapagpagulat hindi lamang sa dalawang taong nasa likod ng shelf kun'di sa buong tao na nasa loob ng library.

"SHIT!" 'YON ang salitang unang narinig ni Xyril kasabay ng tila mga nagmamadaling yabag palayo. Mabilis na napadilat siya nang maramdaman niyang nakahiga siya sa malamig sa konkretong sahig ng library. Hindi niya alam kung bakit siya nakahiga lalo na sa library. Una, hindi niya ugaling matulog kung saan-saan. Ikalawa, hindi niya akalaing malapit nang maggabi base sa dilim na sinasaad ng mga bintana. Mabilis siyang napatayo nang magsidatingan ang mga pamilyar na mukha nina Mila, Ed, Lyndrian, ang guro nilang si Mister Reyes at ang school librarian na si Miss Sheena. Puro mga nagtataka ang mga mukha nito pero alam din niyang tila salamin ang pinapakita ng kaniyang mukha, nagtataka rin siya.

"Anong nangyari?" takang tanong ni Mila na agad lumapit sa kaniya at inilapit pa nito ang mukha nito upang tingnan ang lagay niya. Awtomatiko naman siyang nailang. "Ah.. eh.." Akmang aatras siya palayo rito nang biglaan nitong hinawakan ang kaniyang noo sabay salat sa temperatura niya. Doon siya nanlamig at nanigas.

"Namumutla ka Xy!" punong-puno ng pag-aalala ang boses at mukha ni Mila. Lumingon ito kina Ed at Lyndrian. "Nawalan yata siya ng malay."

Natatawang lumapit si Lyndrian sa kanila ni Mila. "Kaya pala para kang nakasinghot." Isang supalpal ang natamo nito mula kay Mila. "Hindi magandang biro 'yan Lyndrian!"

"Oo na mama bear," nakasimangot na sagot ni Lyndrian. Tahimik lang si Ed na nasa tabi niya at naka-akbay sa kaniya. Kung hindi lang siya magmumukhang bastos, matagal na niyang inalis ang kamay nito sa kaniyang balikat. Xyril is itching to shrug Ed's hand off from his shoulders but refrains himself because of Mr. Reyes.

"Ano ang nangyari Mister Higashino?" tanong ng guro nila. 'Yan din ang gusto kong itanong, sir. Sagot niya sa kaniyang isipan. Mabilis siyang humanap ng dahilan nang mahagip niya ng tingin ang isang libro na nasa sahig malapit lamang sa kinatatayuan niya. "Nahulugan ako ng libro sir," sagot niya sabay turo sa katamtaman lang ang kakapalan na libro.

"The next time, be careful. Nakakadisturbo ka ng dahil sa katangahan mo," istriktong saad ng librarian bago tumalikod sa kanila. Silang lahat ay nakatingin lamang dito hanggang sa maglaho ang pigura nito.

"Ayos ka lang? Baka may bukol ka?" tanong ng guro nila sa kaniya. Hindi siya komportable na siya ang sentro ng paksa kaya kahit medyo mabigat pa ang kaniyang ulo ay ngumiti lamang siya ng matipid. "Ayos lang ako sir. I think I should go. Medyo hindi maganda ang pakiramdam ko."

Ngumiti ito sa kanilang lahat. "Salamat sa pagtulong niyo ha. Bigla ko tuloy naalala si Felecity, sumalangit nawa ang batang 'yon. Bueno, salamat sa tulong niyo. Mag-ingat kayo sa pag-uwi lalo ka na Higashino." Magaan ang boses nito bago tumalikod sa kanila. Sila na lamang apat ang naiwan sa bahaging iyon ng library.Gusto na niyang umuwi pero nakalingkis si Mila sa kaniya at si Ed.

"Umuwi na rin tayo?" aya ni Mila sa kanila. Kaniya-kaniyang sang-ayon sina Ed at Lyndrian. Hindi maubusan ng pinag-uusapan sina Mila at Lyndrian habang tahimik lamang sila ni Ed sa likuran. Nang nasa gate na sila ay doon sila nagpaalam sa isa't-isa. Buti naman.

Mag-isa na lamang si Xyril habang naglalakad siya pauwi sa apartment. Nagkaroon siya ng oras upang mag-isip ng malalim. Napakagulo ng kaniyang utak. Marami rin siyang mga katanungan. Pero iisa lang ang nasisiguro niya, ang huli niyang natatandaan ay umalis siya sa canteen upang pumunta sa CR. Nang nasa loob na siya ng CR, may naamoy siya, hindi niya matandaan basta may naamoy siya at biglang nagdilim ang lahat. Pagkabukas niya ng kaniyang mga mata ay nasa sahig na siya ng library. Pero bakit tila kumilos sila na nakasama nila ako bago ang insidenteng iyon? Bakit wala akong maalala?

Napasabunot siya sa kaniyang buhok habang naglalakad. May sakit ba ako? Sa kaisipang ito ay doon siya napangiti ng mapait. Kung oo ang sagot sa kaniyang katanungan ay kinakarma na siguro siya. Sa mga kasalanang nagawa ko noon.

Paliko na siya nang bilang may naamoy siya. Ito iyon! Ang amoy na nakalimutan niya! Ang amoy ng isang kandila! Akmang lilingon na sana siya nang may kung anong hangin ang umihip at doon sa ikalawang pagkakataon ay nagdilim ang kaniyang paningin.

"KUYA, OKAY ka lang? Kuya?"

Ang mukha ng isang nag-aalalang batang babae na naka-pigtails ang buhok ang bumungod sa paningin ni Felecity. Ramdam niya ang kaniyang katawan sa sementadong kalsada. Nagtagumpay siya. Nakapasok ulit siya sa katawan ni Xyril matapos ang hindi mabilang na pagsubok niyang pumasok. Ngumiti siya sa bata at dahan-dahang bumangon. Nakangiting ginulo niya ang buhok nito. "Salamat, little miss. Okay na ako."

"Bakit po kayo dito natutulog?" Puno ng pagtataka ang walang kamuwang-muwang na mga mata nito. Yumuko siya upang magkapantay sila. "Nagsa-sunbathing ako kasi ako."

"Po? 'Di po ba ay gabi na?" Mas nagtaka yata ito sa sagot niya. "Edi night bathing." Nakangiti pa rin siya. Ganito rin siya noon. Walang kamuwang-muwang. Sa totoo lang, namatay siyang walang kamuwang-muwang. "Umuwi ka na, little miss. Gabi na oh," saad niya rito na siyang sinunod naman nito. Basta na lamang siya nitong tinalikuran. "Bye!"

Nakangiting kumaway siya sa bata kahit nakatalikod ito. Nang nawala sa kaniyang paningin ang pigura nito ay awtomatikong napahinto siya sa pagkaway. Ang nakangiting mukha ay napalitan ng isang mukha na puno ng galit.

Alam na niya kung ano ang dahilan kung bakit hindi pa siya maaaring umalis sa mundong ito. Iyon ay dahil dapat niyang pagbayarin ang mga taong lumapastangan sa kaniya kahit noong nabubuhay siya. At alam kong, silang dalawa ay ang simula ng mga rebelasyon.

KAHIT ANONG pikit ni Felecity sa kaniyang mga mata ay hindi talaga siya makatulog. Ilang oras na simula nang humiga siya at nag-off ng lamp shade. Pabiling-biling lamang siya sa kaniyang higaan. Gustong matulog ng utak niya, sa kung anong dahilan ay pagod siya. Siguro dahil dalawang beses siyang nawalay sa katawan ni Xyril ngayong araw. Subalit sa bawat pikit ng kaniyang mga mata ay tila sirang plaka na nare-rewind sa kaniyang gunita ang imahe kung saan sina Simmone at Rex, ang dalawang taong dati niyang pinagkakatiwalaan, ay naghahalikan. Halo-halo ang kaniyang nararamdaman.

Una ang pagkagulat. Dahil sa lahat ng tao na inaasahan niyang papalit sa kaniyang pwesto kay Rex ay si Simmone. Pangalawa ay ang pagkadismaya. Dahil hindi pa naman gaano katagal simula nang inilibang ang katawan niya. Alam niyang dapat nang mag-move on si Rex pero tama ba na ganito kaaga? At sa matalik pa niyang kaibigan. Hindi niya alam pero nadidismaya siya. Siguro nga ay nagiging makasarili siya. Siguro ay nasanay siyang siya ang nasa pwesto ni Simmone. At panghuli ay ang galit. Ito ang una niyang naramdaman matapos siyang mahimasmasan sa nasaksihan niya kanina. Purong galit na nakasentro sa dalawa. Galit na kung saan ay nasugatan niya kanina ang kaniyang labi sa pagpipigil na huwag bulyawan ang mga taong iyon. Hindi niya alam at wala siyang solidong ebidensya pero pakiramdam niya ay matagal nang may relasyon ang dalawa. "Sana mali ako."

Sa kadiliman ng kaniyang silid ay sa munting ilaw na nagmumula sa bintana ng kaniyang silid siya napatingin sabay hinga ng malalim. Na tila ba sa pamamagitan nito ay maiibsan ang bigat na kaniyang nadarama. Pero wala pa rin. Inulit niya ang pagpikit ng kaniyang mga mata at lihim siyang napahiling na mawala ang imaheng iyon. Ngunit wala pa rin, sa pagpikit niya ng kaniyang mga mata ay sumalubong sa kaniyang gunita ang eksaktong imahe nina Simmone at Rex kaya mabilis niyang naidilat ang kaniyang mga mata. Sinalubong siya ng madilim na kisame. Gusto ko ng matulog. Naiiritang itinabon niya ang unan sa kaniyang mukha. "Let me sleep!" Nasa ganoon siyang posisyon nang hilahin siya ng antok.

ANG MAHINANG beep ang nakapagpagising sa puyat na Felecity. Nakapikit ang mga matang hinanap ng kaniyang kaliwang kamay ang alarm clock. Ilang beses siyang walang nahawakan bago mapahinto ang pagtunog nito. Kadalasan ay mas maaga siya sa alarm clock o hindi siya pagod tuwing paggising pero dahil malapit nang maghating gabi nang makatulog siya ay napakabigat ng mga talukap ng kaniyang mga mata. Gusto niya pang matulog pero hindi pwede.

Antok na antok na umupo siya mula sa pagkakahiga. Gulong-gulo ang kaniyang higaan na resulta ng kaniyang pabiling-biling kagabi. Mabilis niyang inabot ang phone ni Xyril mula sa side table upang tingnan kung may mensahe. Baka nag-text si Simmone! Kakabukas pa lamang niya ng Messages nang mapahinto siya. Ah oo nga pala patay na ako at may nakita ako kahapon.

Akmang ibababa na sana niya ang kaniyang cellphone nang mahagip niya ang isang unread message. Invasion of privacy man kung tawagin ang kaniyang ginagawa ay hindi na siya nabahala tutal ay may mas mabigat pa siyang kasalanan kay Xyril. Ang manghiram ng katawan na walang paalam, saad niya sa kaniyang isipan. Isang unknown number ang nag-iwan ng mensahe para kay Xyril.

Ryz pinapatawag ka ni dad. Don't forget the annual dinner party this 6 pm.

-Erni :)

"Huh?" Takang saad ko habang nakatitig sa screen ng cellphone. Sa paglipas ng minuto ay doon lumilinaw ang lahat at doon niya lang napagtanto kung gaano kalalim ang problemang kaniyang hinaharap sa katauhan ng isang estrangherong nagngangalang Erni. Kapatid ba ito ni Xyril? Nobya? Hindi naman siguro magulang dahil hindi naman yata ganito mag-iwan ng mensahe ang mga magulang.

Kung ganino ay inaantok pa siya ngayon naman ay dilat na dilat na siya. May kung anong kabog sa kaniyang dibdib. Sa pagsanib niya kay Xyril ay hindi niya masyado napagtuonan ng pansin ang posibilidad na magkakaroon ng ganitong enkwentro.

"Paano na ito?" Nababahalang tanong niya sa kaniyang sarili. Sa mga panahong ganito, gusto niyang mahiwalay agad sa katawan ni Xyril upang makatakas sa nagbabadyang problema. Pero hindi niya alam kung papaano. Kontrolada man ang pagpasok niya sa katawan ni Xyril ay kabaliktaran naman ito sa paghihiwalay niya sa katawan nito. Nababahala rin siya dahil may posibilidad na mahiwalay siya sa katawan ni Xyril sa gitna ng usapan niya sa iba. Sa napansin niya noong sumusunod siya rito nang biglaan siyang nahiwalay sa katawan nito ay hindi ito palakibo at ayaw nito ng direct contact. May pagka-introvert si Xyril.

Dahil palagi siyang nakasunod dito matapos niya mahiwalay mula sa katawan nito ay naririnig niya ang mga nanghihinayang na mga bulong ng mga babaeng estudyante sa kanilag paaralan. Maraming nagwagwapuhan dito 'yon nga lang ay masyadong gloomy ang aura nito to the point na nakakatakot lapitan. Snob kumbaga.

Sino ba si Xyril kasama ang kaniyang pamilya? Ang paulit-ulit na tanong ni Felecity sa kaniyang isipan hanggang sa dumating na siya sa paaralan nila. Kahit nasa klase ay ito pa rin ang kaniyang iniisip. Kung paano si Xyril Higashino sa harap ng kaniyang pamilya. Baka katulad niya ito. Sa harap ng mga kaibigan at kakilala niya ay mahiyain siya pero sa harap ng kaniyang pamilya at ng mga taong malapit sa kaniya ay napakakalog niya. Baka ganito rin si Xyril, iba ang persona sa harap ng kaniyang pamilya. Kung ganito nga si Xyril ay mas problema 'yon sa kaniya. Ibig sabihin hindi tatalab ang plano niyang huwag masyadong magsalita sa buong durasyon ng dinner party.

Ah tama!

May naalala siya, may isa pa pala siyang problema. Isang mas malaking problema na nangangailangan ng agarang solusyon. Bakit ko nga ba ito nakalimutan?

Hindi niya alam kung saan ang bahay ng mga magulang ni Xyril Higashino. May mas sasama pa ba sa araw na ito? Daing niya sa kaniyang isipan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top