Ghost from the Past
“Hindi ako makatulog.”
Paulit-ulit ko itong sinasabi sa sarili ko. Hindi ko na mabilang kung ilang beses na akong nagpalit ng posisyon para lang maging komportable. Pero sa hindi malamang dahilan, gising pa rin ang aking kamalayan.
Gabi-gabi na lang akong ganito. Minsan, umaabot na ako ng umaga dahil madalas akong hindi dinadalaw ng antok. Kahit na anong pampatulog na yata ang gawin ko ay wala pa ring epekto sa akin.
Bakit ka ba ganito, Indigo? Hindi na ikaw 'to. Umayos ka!
Hindi ko na talaga kilala ang sarili ko. May panahon talaga na gusto kong mapag-isa. ‘Yong tipong gusto ko ng katahimikan. Gusto kong magmukmok sa loob ng kwarto. Umiyak ng walang dahilan at palaging nakapatay ang ilaw.
Hindi na rin ako takot sa dilim. Isang hindi maipaliwanag na pangyayari sa buhay ko ang katotohanan na hindi na ako takot sa kung anong masamang elemento ang nakapaloob dito. Basta ang alam ko, nagiging mundo ko na ang kadiliman. Takutin man ako ng mga tao na baka lapitan ako ng multo. Wala na 'kong pakielam.
Akalain mo nga naman. Dati, takot ako sa multo. Pero ngayon, hindi na multo ang kinakatakutan ko—kundi siya.
Tandang-tanda ko pa nung una ko siyang makita. Siya ang bago kong kapitbahay noon. Seventeen years old pa lang ako unang nagtagpo ang landas namin. Nasa loob ako ng bahay at tahimik na nagbabasa ng libro.
Tumigil ako sa pagbabasa at pinanood ko silang lumabas ng sasakyan. Nakita ko siyang bitbit ang malaking bag bago niya sinuri ang magarbo nilang bahay. Nakasuot siya ng itim na t-shirt at pantalon. May suot din siyang gintong kwintas at pilak na relo.
Mapapansin mo talagang lumaki siya sa syudad. Makinis ang kanyang balat, moreno, matangkad, at hapit ang braso niya sa suot na damit. Nakatitig lang ako sa kanya pero kaagad ding naputol nang pumasok sila sa loob ng bahay.
Nang mga panahong 'yon, alam kong nakuha na niya kaagad ang atensyon ko. Hindi man sadya pero pakiramdam ko nahumaling na ako sa kanya.
Napailing na lang ako at nagpatuloy sa pagbabasa. Naaalala ko pa ang binabasa ko na 'A Walk to Remember ni Nicholas Sparks'. Nasa parte na ako ng matinding eksena ng dalawang bida sa kwento—ng may dumapong eroplanong papel sa libro ko. Lumalim ang gatla ng aking noo nang maagaw nito ang atensyon ko. Kaagad kong inangat ang aking ulo upang malaman kung sino ang nagtapon no'n.
Naabutan ko siyang nakatayo sa harap ng bintana at nakatitig siya sa akin. Agad siyang kumaway sa akin at binigyan ako ng matamis na ngiti nang makita ko siya.
Kaagad na nanlaki ang aking mga mata. Hindi ko alam kung anong gagawin ko sa mga oras na 'yon. Dahil siguro sa gulat ay mabilis kong hinawakan ang kurtina at hinawi ito para takpan ang aking sarili.
"Hala! Sorry!" sigaw niya at halatang naaligaga dahil sa ginawa ko.
Oo nga pala, muntik ko nang makalimutan. Magkatabi ang mga bahay namin. Ang masama pa, ilang metro lang ang pagitan ng mga kwarto namin.
Napabuntong-hininga ako sa kaba. Sinapo ko ang aking dibdib dahil ramdam ko ang pag-alpas nito.
Bakit bumibilis ang tibok ng puso ko? Bakit nag-iinit ang pisngi ko? At bakit ang bilis 'kong maapektuhan?
"Hindi ako masamang tao. Ako ang bago niyong kapitbahay. Sorry kung naistorbo ko ang pagbabasa mo. Gusto lang kitang makilala," sabi niya.
Hindi ko alam kung anong sumapi sa akin para hawiin ang kurtina at gumuhit sa aking mukha ang pagtataka. Siguro? Nahihiwagaan lang ako sa kanya.
Mula sa loob ng kwarto ko, pinagmasdan ko ang pagkislap ng kanyang mata at pagkurba ng mapula niyang labi. Tinitigan niya ako ng ilang sandali bago siya nagsalita.
"Red nga pala," pakilala niya at inilahad ang kanyang kamay na parang maabot ko naman. Dahan-dahan kong binitawan ang kurtina at kinawayan ko na lang din siya.
"Indigo," sagot ko. Hindi ako halos makatingin sa kanya dahil sa pinapakita nitong atensyon sa akin.
Kinabukasan, may bumato ulit sa bintana ko. Tulad ng inaasahan ko, siya ulit ang lalaking nang-istorbo sa akin. Kaagad siyang ngumiti ng tingnan ko siya at sinenyasan niya akong buksan iyong nilukot niyang papel.
"You're my friend now."
-Red
Hayun ang nakasulat, kasama ng tatlong kendi na may balot na kulay lila. Noong mga panahong 'yon, pakiramdam ko ay espesyal akong tao. Dahil siya pa lang ang taong nakagawa no'n sa akin. Ako? Gusto niyang maging kaibigan? Nagbibiro ba siya? Hindi ko maiwasang ngumiti. Kaibigan. Isang salita lamang pero kay sarap pakinggan.
Natapos ang gabing iyon na masaya dahil nagkaroon ako ng isang kaibigan. Naging komportable na ‘ko sa kanya at hindi na nagtago sa likod ng kurtina bagkus ay niluwagan ko na ang pagbukas ng bintana—senyales na tinatanggap ko na ang alok niya.
At doon nagsimula ang lahat.
Kung paano ako nahulog sa kanya.
Kahit anong iwas ko.
Kahit na alam kong bawal ay nahulog pa rin ako sa kanya.
"May sasabihin ako sa'yo, Red," seryoso kong sabi sa kanya habang yakap ang dalawa kong tuhod. Nasa loob kami ng closet ko dahil baka makita kami ni Mama. Madalas kasi siyang mahuli ni Mama na umaakyat sa kwarto ko kaya pinagbabawalan niya akong makipagkita sa kanya. Akala niya siguro, masamang kaibigan si Red.
"Ano 'yon?" tanong niya at naintriga sa sasabihin ko.
"Pero natatakot ako."
Kumunot ang kanyang noo, naguguluhan. "Bakit ka naman matatakot sa akin?" tanong niya 'tsaka niya ako inakbayan. "Magkaibigan tayo, diba?"
Mapait akong ngumiti.
Kaibigan.
Hindi ko ba alam kung bakit ayaw ko ng marinig ang salitang 'yan.
"Red," tawag ko.
Nakatingin lang siya sa akin. "Hmm?"
"Mahal kita," walang paligoy-ligoy kong sabi. Hindi na ako nag-isip pa ng kung ano dahil gusto ko ng ilabas itong nararamdaman ko sa kanya. Umawang ang kanyang labi at tila hindi niya inaasahan ang sinabi ko, na parang hindi iyon ang inaasahan niya. Hindi siya kaagad nakasagot o nagbigay ng anumang reaksyon. Nagulat na lang ako nang bigla niyang buksan ang aparador ko.
"Sorry," iyon lang ang nasabi niya at iniwan akong mag-isa.
Kirot. Parang pinipiga ang puso ko dahil sa ginawa niya. Masama ba ang ginawa ko?
Akala ko maiintindihan niya ang nararamdaman ko kasi sabi niya kaibigan ko siya. Peke akong ngumiti at naramdaman ko na lang na basa ang aking pisngi. Hindi ko ginusto na umabot kami rito at hindi ko rin ginustong magkagusto sa isang kaibigan kahit na pareho kami ng kasarian.
Pagkatapos 'non. Hindi na siya nagpakita sa akin. Kung paanong ang takot ko sa multo ay biglang lumala dahil sa kanya. Sabi nga ng character ni Nicholas Sparks na si Landon Carter, love is like a wind. I can't see it, but I can feel it. But I'd like to change it to "ghost." Because for me, he is like a ghost. I can't see it, but I can still feel him.
8 years? Now that I am 25 years old. Hindi ko inaasahang walong taon na pala ang nakalipas. Hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin ako maka-move on. Kahit alam ko naman ang sagot kung bakit iniwan nalang niya ako sa ere ng mga panahong 'yon. Iyong kada maalala ko ang pag amin ko sa kanya ay nasasaktan lang ako dahil kung hindi ko sana sinabi 'yon ay baka magkaibigan pa rin kami hanggang ngayon.
Isang katok ang nagpabalik sa akin sa realidad. Kumunot ang aking noo at inisip kung nakapagbayad ba ako ng renta sa buwang ito. Nag-advance ako ng three months, ah? Walang pasabing napatingin ako sa bintana ng aking kuwarto. Umuulan pala sa labas.
Kumatok ulit kaya wala akong choice kundi ang tumayo. Binagsak ko ang tingin ko sa aking pagjama na may ternong spongebob na t-shirt. Inayos ko ang t-shirt ko bago tumulak sa pintuan para buksan iyon. Kung kanina, wala pa ako sa tamang huwisyo, ngayon tuluyan nang nabuhay dahil sa nakita.
Red is behind my door, standing handsomely. Basang-basa siya dahil sa ulan. Nagulat yata siya sa pagbukas ko ng pinto.
"Sorry. Did I disturb you?" sabi niya sa mababang boses.
Bakit siya nandito?
"Ah! Hindi. Uh. . . nanonood lang ako ng TV?" palusot ko kahit na nasa isip ko siya kanina.
Tumango siya at sinuri ang loob ng kwarto ko. Bahagya akong napatingin sa loob at nakitang nagkalat ang mga damit ko sa kama. Tumigil ang bughaw niyang mata sa akin. Kinakabahan, halos bahagya kong isarado ang pintuan ko.
"Can we talk?"
Nagulat ako sa tanong niya. Gusto ko sanang sabihin sa kanya na, '8 years na ang nakalipas tapos ngayon mo lang naisip 'yan.' Pero alam kong hahaba pa ang usapan kapag ginawa ko iyon.
"Okay," sabay nilakhan ko ang siwang ng aking pinto. "Pasok ka."
Pumasok naman siya sa loob. Mabilis kong sinarado ang pintuan at kaagad na pumunta sa kama ko para ayusin ang maruming damit ko. "Pasensya ka na. Busy kasi ako sa trabaho kaya wala na'kong time na mag linis."
Sinuri pa rin niya ang kabuoan ng apartment ko bago siya tumingin sa akin. "Okay lang."
"Anong gusto mo? Coffee, water, juice or tea?" sunod-sunod na offer ko sa kanya.
"Water," sagot niya.
Kaagad naman akong pumunta sa kusina at nagsalin ng tubig sa baso. Pagkatapos, pumunta ako sa sala kung saan siya naghihintay. Kung babasahin ang kinikilos ko ngayon. Hindi ako mapakali dahil sa presensya niya. Hindi ko alam kung anong inaakto ko dahil parang nablanko ang isip ko dahil sa kanya.
Nilapag ko sa maliit na lamesa ang tubig niya at umupo sa harap niya. Seryoso lang niya akong tinignan at tulad ko ay mukhang hindi rin siya mapakali.
Bakit ba kasi siya pumunta dito na wala man lang paabiso!?
"Napadalaw ka?" hindi ko mapigilang magtanong.
Sandaling naghari ang katahimikan. Tanging paghinga lang namin ang naririnig. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko sa kanya kasi natatakot ako. Masyado akong na-troma sa padalos-dalos kong pag-amin sa kanya noon at umabot na ako sa puntong iniisip ko muna ang mga sasabihin ko bago ako magsalita. Sa sitwasyon naming dalawa ngayon, hindi ko alam kung paano ko ba pakisamahan ng lalaking katabi ko. Nasa isip ko na umalis na pero ayokong umuwi kaagad sa apartment ko dahil alam kong hindi rin lang ako makakatulog.
"Mahal mo pa rin ako?" biglang tanong niya sa akin pagkatapos niyang ubusin ang saging na binili niya.
Parang kakapusin ako ng hininga sa tanong niyang iyon. Oo, Jared. Mahal pa rin kita. Laman ka pa rin ng puso't isip ko. Sa sobrang pag-iisip ko sa'yo, hindi na ako makatulog sa gabi.
"Hindi," pagsisinungaling ko.
Seryoso naman siyang tumango. "I see..."
"Bakit? Iiwan mo na naman ba ako kapag sinabi kong mahal kita?" hindi ko mapigilang magtanong.
Umayos siya ng upo at umiwas ng tingin. Gumuhit ang kaba sa kanyang mukha, nangangahulugan na may gusto siyang sabihin.
Bumalik ang tingin niya sa akin at kaagad din na umiwas dahil nakita niya akong nakatingin sa kanya.
"Gusto ko lang humingi ng tawad," seryoso niyang sabi na may kasamang malungkot na ngiti. "Alam kong umalis ako ng walang paalam noon, at nandito ako para bumawi sa 'yo. Noong umamin ka sa akin na mahal mo ako, parang na-blanko ang isip ko. Alam ko na noon pa. . . na may lihim kang pagtingin sa akin. Pero binalewala ko lang lahat ng 'yon dahil ang nasa isip ko nang mga panahong 'yon . . . gawain lang 'yun ng magkaibigan. O baka guni-guni ko lang lahat. Pero n’ong nagtapat ka sa akin sa loob ng aparador mo, hindi na ako nakapag-isip nang maayos. Kaya bago ko pa masabing hindi ko kayang suklian ang nararamdaman mo sa akin. Umalis na lang ako dahil baka masabi kong mahal din kita. . ."
Unti-unting nanubig ang mga mata ko sa rebelasyong nalaman ko sa kanya. Walong taon na ang lumipas pero bakit ngayon lang niya ito sinabi sa akin? Ngayong tanggap ko na wala na akong pag-asa sa kanya at unti-unti ko nang makumbinsi ang sarili kong kalimutan siya. Tapos ito ang sasabihin niya sa akin?
"No'ng nahuli kitang nakatingin sa akin. Doon ako nagsimulang magkagusto sa 'yo. Corny man pakinggan, pero nakyutan ako sa'yo. Seryoso ka kasing nagbabasa ng libro at hindi mo man lang nararamdaman na pinapanood kita mula sa bintana ng kwarto ko. Gumawa pa nga ako ng eroplanong papel para mapansin mo ako..."
Pagak siyang tumawa at pinunasan ang luhang tumulo sa kanyang pisngi.
"Ba't ngayon mo lang sinabi lahat ng 'yan? Alam mo bang huli ka na? Walong taon na ang nakalipas. Marami nang nagbago!" pagalit kong sabi sa kanya.
Napayuko siya. “Alam ko."
"Pero, bakit ngayon mo lang iyan sinasabi kung kailan maayos na ang buhay ko?" bulalas ko.
Tinignan niya ulit ako.
“Gusto kong ayusin ang lahat," sabi niya na may malungkot na tono.
Tumango ako sabay sabing. “Kung gusto mo talagang maayos 'to... sige. Alam ko namang straight ka at kaya mo ginawa ang bagay na 'yon dahil alam kong hindi ka sanay. Kaya huwag kang ma-guilty sa akin. Ako ang may problema dahil nahulog ako sa'yo. Sorry, sobrang martyr ko ba?" tuloy-tuloy na sabi ko at tumingin sa kanya.
Hindi siya sumagot sa akin. Seryoso lang siyang tumingin at dumaan ang lungkot sa kanyang mata.
Kaagad akong umiwas ng tingin, ayokong ma-distract sa pinapakita niyang emosyon ngayon.
"Pero aaminin ko, nasaktan ako sa ginawa mo. Ilang taon din akong 'di maka-move on!" dagdag na sabi ko at mapait ko ulit siyang tinignan.
"Patawad," muli niyang sinabi ang salitang iyon.
Siguro nga nagsisisi na siya sa ginawa niya. Bagama't may kirot pa rin, pero nangingibabaw ang pag-unawa ko sa sitwasyon naming dalawa. Ito na siguro ‘yong closure na kailangan ko. Ang marinig ang dahilan niya kung bakit niya ako iniwan noon.
Napabuga ako ng hangin. “Pero nandito pa rin ako. Binabawi ko lahat ng mga bagay na nawala sa akin at salamat dahil kung hindi tayo umabot dito ay baka hindi ko na magawang mahalin ang sarili ko," marahang sabi ko bago ako tumayo.
"I'm really sorry. Kung maibabalik ko lang ang nakaraan ginawa ko na. Hindi ko na uulitin ang pagkakamaling ‘yon."
"Hindi na kailangan. Alam nating dalawa na mangyayari ito," nahihirapang sabi ko sa kanya. "Pangako, magiging makulay muli ang mundo ko."
Ngumiti siya sa akin at sinabing, "Tatanungin ulit kita. Mahal mo pa rin ba ako?"
Tumango ako. "O-oo. . . m-mahal pa rin kita."
Nagulat ako nang bigla siyang tumayo at hinila ang katawan ko. Mahigpit niya akong niyapos at kinalong niya ako sa kanyang braso. Naramdaman ko ang init ng kanyang katawan na dumikit sa akin. Sa pagkakataong ito, hindi ko mapigilan ang aking sarili na yakapin siya pabalik
Walong taon. Walong taon ko ring inisip na mangyari ang kaganapang ito at gusto kong sulitin ang sandaling binigay sa amin ng tadhana.
"Mahal din kita, Indigo. Higit pa sa sobra."
At nang mga oras na 'yon, biglang gumaan ang mabigat kong pasan sa puso ko.
Ako si Indigo at ito ang kwento kung paano ko hinarap ang multo mula sa aking nakaraan.
END
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top