Simula

Hindi noong unang panahon, sa bansang nakikita ang nagagawang kamalian ng isang tao at hindi kailanman ang tama, isinilang ang isang babaeng nagngangalang Sachi Barney Ibarra. Bunso siya sa limang babaeng anak ng dalawang mapupusok, masisipag sa kama at naghaharutang menor de edad noong araw ng mga puso, taong 2027.

Hindi siya ipinanganak na may ginto o tansong kutsara sa bibig, pero masasabing komportable at payak ang buhay niya. May nanay na guro sa isang pampublikong paaralan, kung saan sumusweldo ng disi-otso hanggang bente mil kinsenas-katapusan, sapat para matustusan ang pangangailangan ng buong angkan. May tatay na karpentero sa Saudi, kung saan sumusweldo ng trenta hanggang kwarenta mil kabuwanan, sapat para maghanap ng ibang asawa, gumawa ng bagong mga anak, bumuo ng bagong pamilya, at iwanan ang nauna. Sumakabilang bahay nawa ang kalandian ng ama.

Ang kanyang apat na nakatatandang kapatid naman ay may kani-kaniya nang buhay. Panganay na nagtatrabaho bilang DH sa Hong Kong, may dalawang anak na binubuhay, iniwanan ang asawa dahil nakipagtalik sa iba. Pangalawa na nagtatrabaho bilang guro sa España, may isang anak na binubuhay, iniwanan ng asawa na hindi niya asawa na asawa ng iba. Pangatlo na nagtatrabaho bilang nars sa Germany, walang anak na binubuhay, wala ring asawang nang-iwan o iniwanan, dahil wala naman sa kanya'ng nanliligaw. Pang-apat na nagtatrabaho bilang doktor sa Japan, may anak sanang binubuhay kung tinulungan lang siyang gumawa ng asawa niyang sana'y meron din siya ngayon kung hindi lang mas pinili ang lalaki bilang katipan.

Simula't sapul, napaliligiran na si Barney ng mga taong pinana ni kupido sa maling tao, mga taong iniwan at nang-iwan sa iba't ibang kadahilanan, mga taong hindi sinwerte sa larangan ng pag-ibig, at mga taong umuwing talunan, luhaan, at nasagasaan lang ng kumakawalang jun-jun pero 'di napanagutan.

Hindi niya masabi kung sadyang malas lang ba ang buhay na sinapit ng mga kapatid at nanay niya, o baka naman sumpa na 'tong maituturing dahil mula sa kanuno-nunuan niya ay gayo'n din ang kapalarang kanilang sinapit. Dahil do'n, hindi niya maiwasang hindi matakot sa bawat lalaking lalapit para makipagkilala, makipagkaibigan, at makipagka-ibigan sa kanya.

Hello, Barney! Ako 'yong nasa likuran mo kanina sa CAT natin. Nakuha ko itong number mo sa kaklase mo. Pwede ka ba bukas? Punta ka sa bahay, tulungan kitang gumawa ng project mo.

Project? O bata? Sagot agad, para 'di na tayo maggaguhan pa rito.

Matapos niyang ipadala ang mensahe na 'yon sa binata, hindi na siya nakatanggap kailanman ng sagot mula rito. Ni lapitan o kawayan siya sa eskwelahan, hindi na rin nito ginawa.

Wala namang masama sa panliligaw o sa pagpapaligaw, basta hindi gagawing daan 'yon para sa pansariling kagustuhan o tawag ng laman. Hindi hinihitaan ang kalalakihan. At hindi rin ikinakama lang ang kababaihan.

"Bakit ba ayaw mo 'kong sagutin? Ilang buwan na akong nagpaparamdam sa 'yo, pero hanggang ngayon hindi pa rin tayo. Ni hindi kita mahawakan man lang. Mga tropa ko sinagot na ng mga nililigawan nila, ako na lang hindi."

"Sinabi ko bang ligawan mo 'ko? Namilit ka 'di ba? Tapos ako sisisihin mo ngayon, eh, pinagbigyan lang naman kita dahil paladesisyon ka. Aba sana 'di ka na lang nagtanong, tutal ikaw lang din naman ang nasusunod."

Kung lalaki ka, magtanong ka kung pwede bang manligaw, 'pag hindi, respetuhin mo. 'Pag oo, magpasalamat ka. 'Pag 'di ka sinagot, humanap ka ng iba, 'wag kang manumbat. 'Pag sinagot ka, edi wow.

Gayun pa man, lahat tayo, mapa ano mang biyolohikal na kasarian nang iluwal sa mundo--babae o lalaki, may kinakasama, may kinakama, at mapa ano mang pansarili o panlipunang perspektibo sa kasarian--bakla, tomboy, transekswal o baysekswal--ay may karapatang magdesisyon para sa kabaligtaran ng ikasasama natin.

"Pasensya ka na....noon ko pa kasi gustong manligaw sa 'yo...ngayon lang hindi dinaga..."

"Sayang, sana noon ka pa hindi dinaga."

"Talaga? Bakit? Gusto mo rin--"

"Para noon pa lang binasted na kita. 'Di ako nagpapaligaw, kaya ngayon pa lang tumigil ka na kasi wala kang mapapala sa 'kin."

Hindi masamang maging prangka minsan sa buhay mo, dahil minsan ang mga desisyong itinago mo na lang sa sarili mo ay mag-uugat sa isang sana, sinabi ko.

"Pwede ba 'kong manligaw? Kahit ano'ng gusto mo, sabihin mo lang, ibibigay ko."

"Actually, medyo maliit ang bahay namin. Kulang na rin ng dalawang takal ang sampung takal ng bigas na isasaing ko mamayang gabi. Na-short din ako sa allowance ko ng mga limang daan. Baka may extra ka. Pa g-cash naman."

"Mauna na 'ko. Ka-te-text lang ni Mama, magdidildil pa raw kami ng asin para sa hapunan."

Walang masama sa pagiging mayabang, basta kaya mong panindigan dahil may ipagyayabang ka talaga. Pero kung nasa harapan mo ay isang taong tulad niyang kulang na lang samsamin lahat ng yaman mo, 'wag ka nang magyabang.

"Ang daming bituin, 'no? Pero alam mo kung ano'ng pinakamagandang bituin?"

"'Yan tayo, eh. Eh 'di ako, sino--"

"Sirius. Kasi 'yon ang brightest star. Kapal naman ng apog mo."

"Tangina mo, ha?"

Kahit gaano siya kaligawin, hindi ibig sabihin n'on na lahat gusto na siyang angkinin. Minsan masyado lang talagang mataas ang tingin niya sa sarili, na akala lahat mahuhumaling sa malaanimal na alindog niya. Hindi naman kasi talaga maipagkakakila ang ganda niya. Matangos na ilong, pumipilantik na mga pilik-mata, kulay tsokolateng mga mata, mahaba at maisin na buhok, may taas na 5'8" at makurba ang pangangatawan. Mapa personal o larawan, talagang walang itulak kabigin sa hitsura niya.

Pero sino ang mag-aakala na ang lahat ng takot niya pagdating sa pag-ibig, ay magbabago dahil sa Neargroup. Isang app na kinababaliwan ng mga kabataang naghahanap ng jowang makakausap 24/7 para sabihan sila ng mga salitang matatamis pero sa dulo magiging kasing alat ng asin.

Isang social media site na pinuntahan lang naman niya sa kadahilanang wala siyang magawa.

Wala siyang magawa, na nauwi sa hindi mabigkas na...

SoHlOhMoHn HuHdAhS AhLEhJaHnDrOh (No OnE's PrOpErTy) wants to connect with you on messenger.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top