2. A foolish deal
|| Kid ||
Lahat sila ay nakatingin sa akin, hindi ko malaman ang mga iniisip nila dahil hindi ko naman kayang magbasa ng ekspresyon. Ngayon, alam kong inis ang nararamdaman ko.
Alam kong mali, pero paninindigan ko 'tong ginagawa ko... dahil 'yon lang naman ang magagawa ko sa ngayon.
Magkatingin pa rin kami ni Jin. Kapag nakikita ko siya ay nagdidilim kaagad ang paningin ko. Agad kong naalala ang ate ko na may pasa na pilit niyang tinatago sa 'kin kapag nagkikita kami, kung ilang beses ko siyang nahuhuling umiiyak, at mga sakit na nararamdaman niya dahil sa gagong 'to.
Hindi ko siya nagawang protektahan noon... kaya ngayon, hindi na hahayaang maulit pa 'yon.
Pati sa mga kasama ko...
̵-̷-̷-̸-̶-̵-̸-̶
Literal na parang kumikislap ang mga mata ko, nakaawang ang bibig.
Dito... NAKATIRA SI WOODY!
"Old western town," ani ni Sage na nakatingin sa paligid.
Manghang-mangha ako sa lugar. Ang dami kong nakikitang mga woody! Pero bakit wala si Buzz?-
Ay oo nga pala, ang bobo ko talaga. Natural sa space nakatira si Buzz, hindi rito.
Muli kong nilibot ang tingin ko sa paligid. Para maghanap pa ng mga laruan— tao pala. Baka nandito rin si Jessie.
Ang ngiti at kumikislap kong mga mata ay naglaho bigla. Sa isang iglap, nandilim ang paningin ko. Napako ang tingin ko sa tatlong mga lalaki na nag-uusap, para maging eksakto, sa lalaking nasa gitna.
Anong... ginagawa niya rito?
Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa kinatatayuan ko. Nabingi ako bigla, bumagal ang takbo ng oras. Sinisikmura ako, gusto kong masuka.
Hindi ko alam ang gagawin ko, walang salita ang lumalabas sa bibig ko. Dahan-dahan akong napaatras, nauuna pa rin sa paglalakad sina Eivel at Sage.
Paanong-
Namilog ang mga mata ko nang magtama ang tingin namin ng lalaking nasa gitna, napansin na niya 'ko. Nahinto sila sa pag-uusap at pare-parehong napunta ang mga tingin nila sa 'kin.
Nanlabo kaagad ang paningin ko. Pero malinaw kong nakita ang pagkurba ng labi ng lalaking nasa gitna sa isang ngisi, bago ako senyasan na lumapit sa kanila.
Humigpit ang pagkasasara ng kamao ko, mariin akong napakagat sa ibabang labi.
Anong... ginagawa mo ritong gago ka, Jin?
Kahit gusto kong masuka, kahit sunod-sunod na bumalik sa isip ko ang mga alaala na ayoko ng maalala pa, kusang gumalaw ang mga paa ko. Lumapit ako sa kanila ng hindi nagpapaalam, nawala na sa isip ko na magsabi pa sa mga kasama ko na aalis ako.
Naglakad ako papalapit sa kanila, sinalubong kaagad ako ni Jin ng masiglang pag-akbay.
"Bayaw! Nandito ka pala!" masayang aniya.
Hindi ako nakasagot kaagad. Parang natuyo ang lalamunan ko.
"A-Anong, ginagawa mo rito, Jin?" malalim ang boses kong nagsalita.
Napasimangot siya. "Sus, hindi ka ba masaya na makita ako, Kid?" Inalis niya ang pagkaakbay sa 'kin.
"Wala eh, minalas ako eh," sagot niya. Tinignan niya ang dalawang kasama niya na kilala ko rin. Ang dalawang kupal na kasama niya sa mga bisyo niya.
"Iyong ate mo, Kid, pinalayas ako."
Natigilan ako sa sinabi ni Jin, mabilis na umangat ang dalawa kong kilay. Si... ate?
Nagkibit balikat siya. "Mukhang napuno na sa 'kin at ayaw na ng pabigat sa bahay," natatawang dagdag niya.
Naguguluhan akong napatingin sa kaniya. Pabigat? Pero... ang sabi ni ate, si Jin ang bumubuhay sa kaniya? Sa amin? Kaya hindi niya 'to maiwan?
Nagtataka akong tinignan ng kausap ko, mukhang napansin ang ekspresyon ko.
"Oh? Iba na naman sinabi sa 'yo ng ate mo 'noh?" Mas lalo siyang natawa, sinabayan pa ng dalawang kasama niya. "Alam mo namang mahal na mahal ako n'on, tanga eh."
Mariin akong napakagat sa ngipin, pinigilan ko ang sarili kong magsalita.
"Pero 'yon nga, natauhan. Iniwan ako. Kaya walang-wala ako ngayon..." Nagtama ulit ang mga mata namin. "Baka naman, Kid... tulungan mo naman ako oh."
Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. "At bakit naman-"
"Dali na oh, minsan lang naman 'to. Kailangan daw namin no'ng chess piece ba 'yon? Sabi ng programmer na nagdala sa 'min dito, kailangan namin 'yon para manalo." Nagdikit ang dalawang kamay niya. "Pero hindi namin alam kung paano eh, kaya ano... baka naman..." Lumapit si Jin sa akin.
"Tulungan mo naman kami... meron naman kayo no'n, 'di ba?"
Napaismid ako at napaatras. "Bakit ko naman gagawin 'yon?!" Magkasalubong ang kilay ko nang sagutin ko siya. "Wala na tayong koneksyon! Wala na kayo ng ate ko!"
Tinignan nila akong tatlo. Hindi nakuntento si Jin sa sinabi ko at malalim na napagbuntong-hininga.
"Hay nako, hirap naman nito makaintindi, tsk." Tinuro niya 'ko. "Kapag wala akong makuhaan ng pera, saan ako pupunta? Natural, babalik ako sa ate mo." Diniinan niya ang hintuturo niya sa dibdib ko.
Naguguluhan ko siyang tinignan. "B-Baliw ka ba?! Pinaalis ka niya 'di ba?! 'Di ka na pababalikin ng ate ko-"
Nahinto ako nang makita ang ekspresyon niya— ekspresyon nila. Pare-parehong lumawak ang mga ngisi nila sa labi... parang nanliit ako sa mga tingin nila.
"At ano naman? May karapatan ako para bumalik."
"H-Ha?"
Lumapit ang mukha ni Jin sa akin. Pabilis nang pabilis ang pagtibok ng puso ko sa kaba.
"Ang hilig talaga magtago sa 'yo ng ate mo 'no, Kid?" Nakangisi siyang lumapit sa tenga ko. "Hindi man lang sinabi sa 'yo na magiging tito ka na."
Literal na huminto ang mundo ko. Nanlumo kaagad ako sa binulong niya, hindi ko alam ang mararamdaman o magiging reaksyon ko.
Madiing kinapkap ni Jin ang balikat ko, pumalakpak ang dalawa niya pang kasama.
"Congrats sa 'tin, Kid!" Tumawa sila.
Hindi ako makakibo, hinayaan ko ang pinaggawa nila. Tinatawanan nila 'ko.
Tito?
Buntis... ang ate ko?
At ang... gagong 'to ang ama?
Tuluyang nandilim ang paningin ko. Wala akong ibang makita kung hindi ang ate ko... ang nag-iisa, at pinakamamahal na ate ko...
At ang magiging pamangkin ko...
Kailangan nilang mabuhay, kasama ang lalaking 'to?
"Ano, Kid? Dali na-"
Tinapik ko ang kamay ni Jin na nasa balikat ko. Mababa ang tingin ko.
"H-Hindi... hindi mo pwedeng lapitan ang ate ko." Nanginginig ang mga kamay ko. "K-Kahit kailan, hindi kita hahayaang makalapit sa kaniya— sa kanila."
Hindi sila natinag sa sinabi ko. Bagkus, mas natawa pa sila lalo.
"Eh paano ba 'yan, hindi pwede 'yon."
Kunot noong umangat ang tingin ko sa kanila. Hindi... pwede?
Muli akong inakbayan ng lalaking kausap ko. "Alam mo ba, na bawal sa batas 'yon? Syempre hindi, hindi ka naman nag-aaral eh," kaswal at natatawang aniya.
"Ang sabi sa batas, dapat magkasama ang nanay at tatay ng bata... kung hindi, makukulong ang nanay. Pwera na lang, pumayag ang tatay na umalis."
Tumatak sa isipan ko ang mga sinabi ni Jin. Naguguluhan ko silang tinignan, pero ang dalawang kasama niya ay tumatango at sumasang-ayon.
Nasa... batas 'yon?
Hindi... hindi ko alam...
"Oh, alam mo ba 'yon, Kid?" tanong ni Jin.
Muli akong napayuko. "Hindi..."
Rinig ko ang pagpigil ng tawa ng dalawa pa niyang kasama.
"Pft... oh, 'di ba? Gusto mo bang makulong 'yong ate-"
"Hindi ko alam 'yon..." Umalis ako sa pagkakaakbay niya sa 'kin, nag-aakmang umalis. "K-Kaya itatanong ko muna sa mga kasama ko."
Tama... wala akong alam sa mga gano'n, wala akong alam sa mga batas. Pero, si Sage, si Eivel! Alam nila 'yon! Kaya kailangan kong magtanong-
"Kid, 'yong mga kasama mo ba 'yong babae at lalaki? Pati 'yong hamster?"
Nahinto kaagad ako sa paglalakad.
"Out of place na out of place ka ah," kumento ng kasama niya, si Nate.
"Halatang ikaw lang 'yong ano eh..." dagdag ng isa, si Fred.
Nilingon ko sila. Seryoso ng nakatingin sa akin si Jin.
"Kid... nasa kanila ba 'yong Chess Piece?"
Nag-igting ang bagang ko. "Hindi sila kasama sa usapan dito, Jin!"
"Oh, 'di ba? 'Di nga sila kasama eh... pero sinasama mo."
Nanginginig ang labi ko na mariin kong kinakagat. Lalo akong nanghihina. Magtatanong... lang ako.
"Kid, ano bang paki nila sa'yo? Sinasama mo pa sila— dinadamay mo pa sa problema mo. Lagi ka na lang ganiyan, kaya sinosolo lagi ng ate mo 'yong lahat eh. 'Di ka marunong magdesisyon mag-isa... pinanindigan mo 'yong pagiging bobo mo."
Hindi ako nakasagot.
"Ano ba? Tutulungan mo ba kami, o hindi? Pwede naman humanap na lang kami ng ibang paraan... hindi ko nga lang sigurado kung hindi damay mga kasama mo, o pati 'yong ate mo na nasa labas."
Ramdam ko ang pamamasa ng palad ko. Dahil siguro sa higpit ng pagkakadiin ng kuko ko rito sa higpit ng pagkasasara ng kamao ko.
"Win-win na oh. Tulungan mo kami, hindi madadamay mga kasama mo, tapos, tatantanan ko pa ate mo pati 'yong magiging pamangkin mo, 'di ba?" ani ni Jin.
"Tama, tama," pagsulsol ng dalawa.
"Ano?"
Malalim akong nag-isip, nahihirapan akong magdesisyon.
Hindi nila pwedeng harapin sina Sage at Eivel... kargo ko 'to. Ayoko rin lumaki ang pamangkin ko at mamuhay ang ate ko kasama ang gagong 'to...
Lagi niya na lang akong pinoprotektahan... hindi ko siya pwedeng talikuran ngayon.
"Ayaw ata, 'wag na lang-"
"Gagawin ko..." pagputol ko sa sasabihin ni Jin.
Masakit ang dibdib ko, nahihirapan akong huminga.
"Bibigyan ko kayo ng chess piece..."
✘✘✘
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top