C H E C K M A T E XIII
Checkmate 13: Some Fragments of The Past
•••
Aidan Stephan
“Inaasahan ko na ang pagpunta mo rito, Aidan,” sabi ng isang pamilyar na boses sa aking likuran. Nang bahagya ko siyang lingunin ay hindi nga ako nagkamali sa aking hinala.
“Isang maling galaw mo, sabog ang bungo mo!” banta niya pa pero hindi ako ganoon kadali masindak na katulad ng iniisip niya, bagkos ay bahagya pa akong ngumisi bago nagsalita.
“Hindi ka pa rin nagbabago, sunud-sunuran ka pa rin na parang asong ulol kay Richard, Stac Thompson!” walang emosyong sabi ko.
“At sino sa tingin mo ang susundin ko, ikaw? Matapos ng ginawa mo sa amin sa tingin mo susundin pa kita?” galit niyang sabi habang nakatutok pa rin ang kaniyang baril sa aking ulo.
“Wala akong dapat na ipaliwanag sa'yo, alam mong hindi ko ginusto ang lahat.”
“Hindi mo man ginusto o ginusto mo, wala akong pakialam! Isa lang ang malinaw, hinayaan mong mawala ang pinakamahalagang tao sa amin ni Richard! Para ano? Para ikaw ang tanghaling 2nd lieutenant at next in line bilang leader ng mga Baron!” galit na galit niyang sumbat sa’kin. Alam kong buhay ko lang ang kabayaran sa nagawa ko noon.
Hindi na ako sumagot dahil alam kong kahit anong paliwanag ko sa kaniya na hindi ko naman ginusto ang nangyari ay hindi siya makikinig pa sa’kin. Nasira na ang tiwala nila sa’kin, higit sa lahat. . . ang pagkakaibigan namin noon.
Pinakiramdaman ko ang gagawin niya dahil nakatutok pa rin sa aking ulo ang kaniyang baril. Samantala rinig na rinig ko naman ang putukan ng mga baril sa pagitan nina Micheal, Andrew, Jack, Patrick at ng mga Knight.
“Oras na para pagbayaran mo ang mga kasalanan mo, Aidan! Buhay ang inutang mo, buhay rin ng mahal mo ang kapalit!” galit niyang sabi sabay paputok ng baril na nakatutok sa aking ulo.
Ngunit sa pagitan lang ng ilang segundo bago niya makalabit ang gatilyo ng baril ay nagawa kong iiwas ang aking ulo kasabay ng elbow strike, at saka ko hinawakan ang kamay niya na may hawak ng baril.
Nagmistula kaming nag-aagawan sa iisang baril pero nagawa ko siyang tuhurin sa sikmura. Ngunit nagawa niya ring iumpog ang kaniyang ulo sa aking ulo kasabay ng dalawang suntok at sipa sa sikmura.
Binitawan ko ang baril na pinag-aagawan namin sabay takbo sa likod ng isang pader na sinabayan niya rin ng sunud-sunod na putok ng bala papunta sa’kin.
“Naduduwag ka na ba, Aidan?” nakangising tawa niya habang pasugod sa kinaroroonan ko.
Binunot ko naman ang baril ko saka pinaulanan siya ng putok, dahilan para magtago rin siya sa likod ng mga sasakyan na naka-park sa parking area ng barracks.
“Wala akong oras para sa’yo, Stac!” sagot ko sa kaniya kasabay ng pagsabog ng hindi ko malamang bagay mula sa ‘di kalayuan. Malamang sina Andrew ‘yon at ang mga Knight.
Gamit ang telephatic device ay nakausap ko si Andrew, “Nasaan na kayo?”
“Nakapasok na kami, Sir Aidan. Pinasabog namin ang entry point ng east wing level 2, sumunod ka na lang dito,” sagot niya kasunod ng sunud-sunod na pagsabog at palitan ng bala.
“Copy!” tanging nasagot ko sabay takbo papunta sa east wing, ngunit hindi ganoon kadali ang lahat. Sa bawat hakbang ko ay nakasunod sa’kin ang bala mula kay Scot.
Sinubukan ko rin siyang paputukan ng baril ngunit sadyang mabilis din siya umilag at kumilos. Nagpatuloy ang palitan namin ng putok sa bawat isa habang papunta ako sa entrance ng east wing na pinasabog nina Andrew.
Nang malapit na ako sa entrance ay may biglang sumulpot sa aking harapan na isang Knight na may hawak na espada. Mabuti na lang nang iwasiwas niya ito ay nakaiwas ako, ngunit kamuntik na akong mahiwa sa tiyan.
Muli siyang sumugod papunta sa akin at wala akong ibang ginawa kun'di ang umilag pakaliwa at pakanan. At nang muli niyang iwasiwas ang kaniyang espada sa gitna ay lumiyad ako at nagpadulas sa sahig, saka ko binaril ang kamay niyang may hawak sa espada upang mabitawan ito, saka ko tinuhod ang nasa pagitan ng dalawa niyang hita. Ayun namilipit sa sakit ang loko saka ako tumayo at binaril ang kaniyang binti upang hindi na makasunod sa akin.
Hangga't maaari usapan namin nina Andrew, Micheal, Jack at Patrick na huwag papatay ng kapwa Fortress. Iisa lang ang layunin namin—ang makuha si Saiderny ng walang namamatay. Maliban na lang kung ipilit sa'kin iyon ni Richard.
Nang papasok na ako ay muling nagpaputok ng baril si Stac mula sa aking likuran ngunit ng akmang babawi na ako ay nawala na lang siya na parang bula.
"Saan naman iyon pumunta?" tanong ko sa aking sarili at nagpatuloy sa pagtakbo papasok ng barracks.
Sunud-sunod na putukan at iilang pagsabog ang namutawi sa buong paligid na sinundan nang pagbagsakan ng mga semento. Unti-unting gumuguho ang barracks ng mga Knight na nagdulot sa'kin ng matinding kaba, kaya muli kong kinausap sina Patrick, Micheal, Andrew at Jack sa communication device, “Kahit anong mangyari, huwag na huwag niyong hahayaan na masira ang control unit ng barracks.”
“Yes, Sir!” sagot naman nilang lahat.
Kapag nasira ang control unit ng barracks maaapektuhan din ang floating palace at possibleng gumuho iyon at bumagsak dito sa aming society. Kapag nangyari iyon. . . katapusan ko na rin!
Madilim na ang loob ng barracks, apektado na nga talaga ang electric system nito, pero dahil sa night vission lense na nakalagay sa helmet ko, kitang-kita ko pa rin ang daanan.
Nagdire-diretso lang ako ng lakad pero dahan-dahan hanggang sa makapasok ako sa isang glass hallway na purong puti at napakaliwanag. May ilaw pa sa bahaging ito ng barracks, ngunit walang kahit na sinong kalaban.
Naglakad ako ng dahan-dahan habang nakikiramdam sa buong kapaligiran, dahil baka may patibong dito na bigla na lang lumabas. Ilang hakbang pa ay may naaninag akong imahe ng tao sa kabilang dulo ng hallway at nang tignan ko ito ng mabuti ay saka ko nakilalang si Stac pala ang naghihintay sa’kin.
Natigil ako sa paglalakad at bigla niyang in-activate ang weapon sensor ng hallway. Mga laser beams ang lumabas sa aking daraanan na kayang-kayang humiwa ng kahit ano pati na ang bakal.
Sinubukan kong umilag sa mga laser beams, tumalon, yumuko, dumapa, gumulong, lumundag, lahat ng paraan ginawa ko maiwasan lang ang laser beam at ang dating ngiti na nakikita ko kanina sa mukha niya ay naglaho matapos mailagan ko lahat. Kaya pinaputukan niya na ako ng baril. Mabuti na lang at nakasuot ako ng armour kaya hindi tumagos ang bala sa katawan ko.
Nang magpang-abot kami ay doon niya ako pinaputukan ng baril. Hindi niya siguro lubos akalain na malalagpasan ko ang trap niya. Sa pangalawang pagkakataon ay nagpang abot kami ng suntukan. Suot ang aming kaniya-kaniyang armour ay hindi namin basta-basta nararamdaman ang sakit. At wala akong balak patayin siya o sinuman. Kailangan ko lang makuha si Saiderny pabalik.
Tatlong taon na ang nakalipas ng huli kaming magpang-abot ni Stac at ganoon pa rin siya, kasing pantay ng lakas at abilidad ko sa pakikipaglaban. Hindi ko lang lubos akalain na aabot kami sa puntong ito ngayon matapos ang higit sampung taon na aming pinagsamahan.
Tadyak, suntok, sipa ang namagitan sa aming dalawa hanggang sa ma-corner ko siya at nagawang pilipitin ang kamay patalikod saka pinadapa sa sahig. Nagpumiglas siya pero hindi siya nakaalis sa kaniyang puwesto.
“Isa lang ang gusto ko, Stac, makuha si Saiderny at maiuwi ng maayos. Wala akong balak saktan o patayin ang kahit na sino. Makuha ko lang siya aalis ako ng matiwasay dito,” sabi ko sa pagnanasa na magbago ang isip niya at sabihin sa akin kung nasaan si Saiderny.
“Nahihibang ka na, Aidan, kung iniisip mong tutulungan kita! Bakit noon, nagawa mo bang iligtas ang babaeng mahal ko? Nagawa mo ba?” galit na galit niyang tanong na hindi naman ako nakakibo.
Totoo nga naman, wala akong nagawa para sa girlfriend niya na tinuring kong bestfriend noon.
• • •
Three years ago...
Nasa final battle kami kung saan ang matitirang buhay ang siyang makakapagtapos sa Fortress Academy at magiging miyembro ng Fortress.
Isang lugar na hindi namin alam, hindi namin kilala, hindi namin alam ang kalaban at hindi namin alam kung paano kami nakapunta ang kinatatayuan namin ngayon.
Higit dalawang daang estudyante na nasa ika-apat na antas sa Fortress Academy ang narito. Suot namin ang student armour habang naglalakad sa isang malawak na disyerto. Ni isang kahoy wala, puro lang buhangin ang aming nakikita. Mataas ang sikat ng araw at napakahapdi nito sa aming balat. Dahil sa metal armour na suot namin ay mas lalo pang uminit ang aming pakiramdam.
Katabi ko sina Richard, Stac at Dona habang naglalakad sa malawak na disyerto.
“Nasaan tayo at anong lugar ito?” tanong ni Tristan na walang sinuman ang sumagot. Nakiramdam na lang kami sa buong paligid.
“Aidan, kahit anong mangyari, kapag nagkagipitan, iligtas mo si Dona sa abot ng iyong makakaya,” pakiusap ni Richard sa akin, siya ang nakatatandang kapatid ni Dona na boyfriend naman ni Stac.
“Oo naman, hindi ko pababayaan itong bestfriend ko,” sagot ko.
“Shhh!” biglaang sabi ni Micheal at nakiramdam kami sa buong paligid.
Parang alulong o isang hayop na hindi namin masyadong maintindihan ang huni na aming narinig. Palakas ng palakas, palapit ng palapit, parami ng parami. . . hanggang sa may mga halimaw na bumangon mula sa buhangin at humarang sa aming daraanan.
Pinaulanan namin sila ng bala saka unti-unting umatras sa dami nila. Para silang mga zombies pero hindi lang basta-bastang bangkay na naagnas ang kanilang hitsura. May mga galamay pa silang tumutubo sa iba't ibang parte ng katawan na may mga matutulis na ngipin ang dulo. Ang ilan sa kanila ay nakaluwa ang mata at ang iba ay wakwak ang bituka. Duguan, nabubulok, mababaho, at tila natutunaw na ang mga laman. Ang ilan naman ay tila mga bangkay o halimaw na kapag bumuka ang bibig ay lalabas lahat ng ngipin na halos six inches ang tulis. Mabibilis silang kumilos at hindi tulad ng zombies na mababagal.
“Ano ang mga ‘yan?” takot na ng ni Kristof.
“Para silang mutated zombies o monsters,” sagot naman ni Richard.
Pagtingin namin sa aming likuran ay naliligiran na pala kami ng mga halimaw. Wala kaming nagawa kun’di ang magsama-sama sa gitna at walang tigil sa pagpaputok ng baril sa kanila. Ngunit tila hindi man lang sila namamatay kahit saang bahagi ng katawan tirahin, hanggang sa naubusan kami ng bala.
Isang minuto ang hihintayin namin upang ma-recharge ang bala ng aming mga baril. Isa itong fingerprint-locked gun, speciallized para sa sarili mo lang. Kaya kung mabitawan mo at subukang gamitin ang baril ng iba, hindi ito gagana.
Sa loob ng isang minuto ay nakalapit ng mabilis ang ilang halimaw. Sinubukan kaming atakehin nito pero lumaban na lang kami ng suntukan. Ang ilan naman ay nagpasabog ng bomba sa grupo ng mga halimaw at kami nama nina Dona, Kristof, Micheal, Stac, Richard, Patrick at iba pa ay sumugod na para makipaglaban.
Hawak ko sa magkabilang kamay ang dalawang silver double-bladed knife na halos isang ruler ang haba, habang nasa gunholder ko ang aking baril at nagre-recharge.
Sumugod ako at pinagsasaksak at hiwa ang bawat halimaw na madaanan ko, pero hindi ko nakita ang isa sa pinakamalaking halimaw a tumalon papunta sa akin. Nadala ako at nabitawan ko ang double-bladed knife na hawak ko at sa paglingon ko rito ay mayroon itong mahahabang ngipin na papalapit na sa leeg ko. Mabuti na lang at maagap si Dona at nagawa niyang bigyan ng flying kick ito sa mukha dahilan para mabitawan ako.
“Okay ka lang?” tanong niya at tumango lang ako bilang sagot.
Agad akong tumayo at kinuha ang baril ko saka ito pinaputukan ng sunod-dunod, pero hindi man lang ito tinalaban. Muli itong nakatayo at hinabol kami. Wala kaming nagawa kun’di sabay na tumakbo pero bago pa man kami nito maabutan ay ibinato ko ang aking dalawang shuriken bomb papunta sa halimaw at sumabog ito nang tumama sa katawan niya.
Nagpatuloy ang labanan sa pagitan namin at ng mga halimaw. Pagod na pagod na kami sa pakikipaglaban at halos maubos na rin ang mga dala naming bomba pero may kaunti pang halimaw.
Marami na rin sa amin ang duguan, sugatan at ang ilan ay binawian na ng buhay. Karamihan ay nanghihina na at katabi ng mga kaibigan nila. Puno na ng dugo ang paligid, pati sa hangin ay nanonood ang malansang amoy nito. Ang student armour ko naman ay sira-sira na at puro na rin dugo, halatang isang madugong labanan ang aming pinanggalingan pero hindi pa tapos ang laban.
Hindi nagtagal ay naubos na namin silang lahat kaya maging ako ay naupo sa buhanginan dala nv matinding pagod. Tagaktak ang aming mga pawis at dugo sa naganap na sagupaan.
Kitang-kita ko naman sa mata ng karamihan ang kalungkutan dulot ng pagkawala ng kanilang mga kaibigan, pero ang inaakala naming katapusan na ng laban ay nagsisimula pa lang pala.
Ilang sandali makatapos tumawag si Leonard ng tulong mula sa base ay biglang lumindol ang buong kapaligiran. Nagulat ang lahat sa nangyari at nagmatyag sa paligid. Naghanda rin ang karamihan sa mga posibleng mangyari.
Ilang sandali pa ay biglang may lumabas sa aming kinatatayuan na napakalaking halimaw dahilan para tumalsik at lumipad sa ere ang ilan naming kasamahan. Nagsisigaw ang karamihan at ang ilan ay lumayo rito upang paghandaan pa ang napipintong laban.
Para itong octopus ang hitsura, may malaking ulo pero parang ulo ng tao. Ang malaking mata naman nito ay mata rin ng tao pero imbes na kamay at paa ay mistulang galamay ito na humahaba. At imbes na sucker ang nasa galamay nito ay hindi mabilang bilang na dami ng matutulis na ngipin na halos 3-6 inches ang haba ng bawat isa.
Nanindig ang balahibo ng karamihan nang makita ito at hindi namin maipaliwanag kung anong klaseng halimaw o tao o mutated zombies ba ito.
“Shit! Akala ko tapos na!” wika ni Richard saka ni-recharge ang armas.
Si Dona naman ay ni-ready ang mga shureken bomb na natitira at ako na nasira na ang baril sa pakikipaglaban kanina ay hinanda ang double-bladed knife na halos isang ruler ang haba sa magkabilang kamay.
Sina Stac naman ay pinaulanan na ng bala ang halimaw at nang bumaling ito ng tingin banda sa amin at suminghal, doon namin naamoy ang halos nabubulok nitong hininga. Sa sobrang baho nito ay hindi mo maiwasang makaramdam ng hilo.
Gahigante ang taas nito, halos lima hanggang anim na metro. Ang balat ay tila kaliskis na makakapal kung saan nagba-bounce ang bala na pinapaputok nila kaya walang talab ang pinaggagagawa ng aming mga kasama. Hindi ko rin lubos maisip kung paano ito lalabanan gayong hindi naman ito tinatalaban ng kahit anong armas.
Sa pagwasiwas din ng galamay nito ay maraming kasamahan ko ang natamaan at hindi namin lubos akalain na matulis ang dulo ng kaniyang galamay na kayang humiwa ng katawan ng tao. Ang iba namang nakua ng tentacles nito ay nagkadurog-durog ang katawan bago kinain.
Kitang-kita ko ang kapwa ko estudyante habang nalalagutan ng hininga at nagsisitalsikan ang mga dugo mula sa kanilang mga katawan. Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman, pinaghalong takot, awa, at galit. Ang iba dahil sa pagkabigla, pagod at takot ay hindi na nagtangka pang lumaban. Kanya-kanya ng takbo palayo ang karamihan na kaya pang makatayo, pero alam naming hindi kami lahat pwedeng umatras sa laban. Panigurado susunod lang ito sa amin at baka maubos pa kaming tuluyan.
Unang sumugod si Dona gamit ang mga shureken bomb, at kasunod ang sunod-sunod na putok ng baril mula kina Richard at Stac, pero gaya ng inaasahan ay tumalbog lang lahat ng iyon at sumabog ang shureken bomb sa buhangin.
Binalingan ng tingin ng halimaw si Dona at sinugod, saka sinubukang sakmalin pero bago pa man nito makuha si Dona ay naihagis ko na parang bumerang ang aking double-bladed knife dahilan para maiwas ang galamay ng halimaw sa direksyon ni Dona.
Agad na pumunta si Stac papunta sa kaniya upang tulungan siya makatayo at nginitian ako na parang nagpapasalamat. Sabay kaming sumugod ni Richard papunta rito. Pareho naming in-activate ang gravity orbs upang tumalon papalapit sa kaniyang mukha at doon ito patamaan dahil halos kulang ang kaliskis na meron ito roon.
Pinagbabaril ni Richard ang mukha nito pero parang wala man lang sa kaniya ang lahat. Bumaon lang ang mga bala sa mukha pero hindi naman namatay. Nagawa pa nitong tabigin si Richard dahilan para bumagsak siya sa buhangin.
Inasinta ko naman saksakin ang kaniyang mata at nagawa ko ngang tusukin ito, pero dahil doon ay mas lalong nagwala ang halimaw. Nagawa niya akong itabig gamit ang isa niyang galamay at ramdam ko ang puwersa at bigat nito sa pag-ipit niya sa aking katawan.
Napasigaw ako sa sobrang sakit at pakiramdam ko ay madudurog at magkandalasog-lasog ang mga buto ko sa ginagawa niya. Sinubukan kong makawala pero sobrang lakas niya.
Nakita ko naman ang iba kong kaklase na hindi pa tumakas na buhay pa at may lakas pang lumaban ay pinagtulung-tulungan ang halimaw upang mabitawan ako nito. Pinaulanan nila ito ng bomba at bala para bitawan ako pero muli nitong winasiwas ang kaniyang galamay na tumama sa buhanginan kaya halos nagsiliparan lahat buhangin sa paligid nila.
Marami ang napaatras sa kanila dahil sa hindi nila makita ang nangyayari. Ako naman ay patuloy pa rin sa pagpupumiglas sa pag-asang mabibitawan niya ako. Sobrang sakit na ng buong katawan ko dahil sa ginagawa niya. Para akong pinipiga ng buhay. Ramdam ko ang lahat kong dugo na umakyat sa ulo at para ng sasabog. Pati mga internal organs ko nagpo-protesta na sa sakit. Alam ko na baka ilang minuto pa na hindi ako nito nabitawan ay ikamatay ko na.
Hindi nagtagal ay dumating na ang rescue team na tinawagan nina Andrew mula pa kanina. Isa itong fighter plane at nakita niya ang nangyayari sa amin kaya pinaulanan nila ito ng missle.
Unti-unting napaatras ang halimaw at sa kabutihang palad ay nabitawan ako nito. Halos hindi ako makatayo sa sobrang sakit ng katawan ko. Sumuka din ako ng dugo at ramdam na ramdam ko ang panghihina ng kalamnan ko.
Sa galit ng halimaw ay sinubukan niyang abutin ang fighter plane gamit ang ilang galamay pero nabigo siya. Sa lakas ng mga missle na pinapatama nito sa kaniya, kahit na matigas ang kaliskis na bumabalot sa buong katawan nito ay napatumba pa rin siya nito.
Iyon ang naging hudyat upang makatakbo ang karamihan sa amin palayo sa halimaw at papunta sa fighter plane na tumigil na matapos halos maubos ang missle.
Tingin namin tinalaban din ang halimaw kaya dali-dali kaming lumapit papunta sa fighter plane na halos lumapag sa buhanginan para saklolohan kami.
Tinulungan ako nina Stac at Richard tumayo at nasa bandang unahan namin si Dona kasabayan ang ilan pang estudyante na buhay pero puro sugatan.
Hindi pa kami nakakalapit sa fighter plane nang muli kong lingunin ang halimaw na nakadapa na. Doon ko nakita na dumilat pa ang isang mata nito na hindi sugatan at nakatitig diretso sa akin.
Muli itong umungol at dahan-dahan tumayo. Dali-dali naman kaming lahat tumakbo papunta sa fighter plane pero nakahabol ang halimaw.
“Bilisan niyo!” sigaw ng captain at ilang Baron na sa loob ng plane.
Kami naman nina Richard at Stac na nasa bandang hulihan ay muli niyang sinubukang sakmalin. Mabilis kong itinulak ang dalawa upang hindi sila madamay at makuha ng halimaw. Nagiging pabigat lang ako sa kanila kaya mabuting ako na lang ang makuha nito.
“Aidan!” sigaw ni Richard at Stac na pilit nang hinihila ng ilang estudyante na malapit sa fighter plane dahil nagmamadali na rin itong umalis.
Kitang-kita ko sa mukha nila ang pag-aalala pero mas gugustuhin ko pang mamatay ako kaysa madamay ang mga kaibigan ko. Muli kong hinarap ang halimaw at hinanda ang ilang natitira kong bomba upang pasabugin ito kapag nahuli niya ako.
Kitang-kita ko ang galamay nito na may mahahabang ngipin habang papalapit sa akin. Hinanda ko na ang sarili kong mamatay kasama ng halimaw. Ngunit bago pa man mangyari ang inaasahan ko ay isang pigura ng tao ang tumalon sa ere upang harangin ang mga galamay nito.
Labis ang gulat naming lahat nang makilala kung sino siya. Sinalubong niya ang mga galamay ng halimaw na sasakmal sana sa’kin at sunud-sunod itong pinaputukan ng baril, ngunit ang isa rito ay nahuli siya at kitang-kita namin paano bumaon ang mga ngipin nito sa kaniyang katawan.
“Dona!” sigaw naming lahat.
Huli na nang maihagis ko ang mga bomba na hawak ko. Nasakmal na siya ng halimaw at rinig na rinig namin ang daing niya dala ng matinding sakit.
Kahit pilit nagpupumiglas sina Stac at Richard makawala sa mga estudyante na humahawak sa kanila ay hindi na sila nanalo at in-start na rin muli ng captain ang fighter plane. Naiwan kami ni Dona sa halimaw at sa hindi inaasahang pangyayari ay binabalak kainin ng halimaw si Dona.
Gamit ang natitira kong lakas kahit na damang-dama ko ang sakit ng aking buong katawan, ay pinilit ko pa ring i-activate ang balancing orbs at tumalon dala ang nag-iisa at huling bomba na meron ako papunta sa bibig ng ng halimaw na nakanganga at handang kainin ang aking kaibigan.
Nang maramdaman niyang nauna ako bago sa kaniyang pagkain ay bigla niyang isinara ang kanyang bibig na puno ng matutulis na ngipin. Sa pagbaon nito sa aking braso ay hindi ko mapigilang mapahiyaw sa sakit. Damang-dama at rinig na rinig ko ang pagdurog nito kaliwa kong braso mula sa siko papuntang kamay, dhilan para maputol ito at saka sumabog ang bomba sa loob ng bibig niya.
Bumagsak ako sa lupa kasama ng katawan nitong tila nawalan na rin ng buhay at ang mga galamay nito na ang isa ay may hawak pa kay Dona na parang hindi na rin humihinga.
Gusto ko siyang lapitan pero hindi ko na rin kaya pang gumalaw dagdag pa ang mabilis na pagkawala ng aking dugo dulot ng naputol kong braso.
Unti-unting lumalabo ang paningin ko at ang huli kong nakita ay pagtigil ng fighter plane at tumakbo ang karamihang estudyante papunta sa amin para tulungan kami ni Dona.
Dahil sa pangyayaring iyon ginawa akong 2nd lieutenant ng mga Baron na sunod sa posisyon ng aking ama na Lieutenant General ng Fortress.
Hind na rin nailigtas pa ang buhay ni Dona at dahil doon ay labis na poot ang naghari sa dibdib nina Richard at Stac. Ako ang sinisisi nila sa pagkamatay nito kahit hindi ko naman ginusto ang lahat.
Dahil din sa pangyayaring iyon ay nawala ang kaliwa kong braso mula sa siko hanggang sa kamay at dinutungan na lang ito ng robotic arms na gawa sa synthetic materials sa labas para pareho lang sa aking balat at hindi halatang hindi na iyon tunay na kamay. Pero ang nagsisilbing buto at mga ugat sa loob nito ay metal at wirings na konektado sa aking utak para synchonized pa rin ang galaw nito sa aking katawan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top