C H E C K M A T E VIII

Clark Steven McLaren at multimedia.
Aidan Stephan's brother.
•••

Checkmate 8: Meeting

Saiderny

Matapos akong ihatid ni Aidan ay hindi na ako tinantanan ng tanong ni Mama, samantalang si Paul ay nakaupo lang sa isang tabi.

"Magtapat ka nga sa'kin na bata ka, kailan pa kayo magkarelasyon ng Baron na 'yon? Bakit wala ka man lang sinasabi sa'kin?"

"Ma. . ."

Hindi ko alam ang ipapaliwanag ko sa kaniya. Paano ko ba sasabihin lahat? Sasabihin ko ba ang totoo?

"Ma, kasi. . ."

"Ano?"

Tinignan ko si Paul, tingin na humihingi ng tulong tungkol sa paliwanag ko kay Mama kaso sinimangutan niya lang ako.

Hay! Bahala na nga!

"Hindi pa naman gano'n katagal, Mama. Nagpapanggap lang sana kaming hindi magkakilala para sana walang tsismis dito sa pamayanan natin kaso nga lang, ayun. . ."

"Bakit naglihim ka pa? Hindi naman kami magagalit eh. Proud pa nga kami dahil isang Baron ang boyfriend mo, huwag mong pakakawalan 'yon ah?" Bakas na bakas sa mukha ni Mama ang saya habang nagsasalita, pero si Paul ay nanatiling walang imik sa isang tabi.

Alam kasi ni Mama na p'wedeng mabago ang antas ng katayuan ko sa lipunan kapag nakatuluyan ko ang isang tao na mula sa mataas na antas. Kaso, nakakahiya naman na halos buong pamayanan naming mga Pawn ang nakakaalam sa kasinungalingan namin.

"Kahit hindi ka na pumasok sa Fortress Academy, malaki na ang tsansa mo na makaalis dito bilang Pawn dahil sa kaniya."

"Ma, ang layo na ng narating ng pag-iisip mo. Hindi ko pa nga binabalak mag-asawa. Kamakailan lang nang sabihin ninyong bata pa ako tapos ngayon, kulang na lang ipagtulakan ninyo ako sa kaniya," nakasimangot kong sagot sabay cross-arms.

"Aba s'yempre! Mahirap ng maagawan ka ng iba. G'wapo ang batang iyon at Baron pa. Siguradong maraming nagkakagusto roon. S'werte mo nang ikaw ang nagustuhan niya."

"Mama—"

"Tama nga naman si Tita, Saiderny. Hindi ka na magpapakahirap pa sa training sa Fortress Academy kapag napangasawa mo siya," sabat naman ni Paul. Hindi ko alam kung galit ba siya o natutuwa, o nang aasar. Wala akong mabasa na ekspresyon sa mukha niya ngayon.

"Tss! Hay naku! Pahinga muna ako, Ma. Pagod ako," wika ko sabay tayo.

"Sige, magluluto muna ako ng hapunan. Paul, dito ka na kumain sa'min," anyaya ni Mama sa kaniya.

"Sige po, Tita."

Huli kong narinig na sagot ni Paul bago ako tuluyang makaakyat ng hagdan.

Pagdating ko sa k'warto ay agad akong nahiga sa kama dala ng matinding pagod. Hindi ko pa rin lubos akalain na makakaligtas ako kanina. Buong akala ko katapusan ko na. Salamat na lang sa'yo, Aidan. Pero sino ka nga ba talaga at dalawang beses mo na akong tinulungang huwag mahuli ng kapwa mo taga-Fortress?

Hay! Wala namang nasagot sa katanungan ko. Ang labo niya talagang kausap. Tsk!

Napabalikwas ako ng aking kinahihigaan ng marinig kong bumukas ang pinto ng aking k'warto at pumasok si Paul.

"Nagpaalam ako kay Tita na aakyat dito," bungad niya sa'kin sabay upo sa tabi ng kama ko.

"Bakit?" tanong ko sa kaniya habang nakapangalumbaba at nakadapa na sa aking kama.

"Anong bakit? Ako dapat ang magtatanong sa'yo kung bakit sa dinami-rami ng lalaki dito sa pamayanan natin, ang Baron na 'yon pa ang napili mo? At hindi ka man lang sa'kin nag-k'wento? All this time, you make me believe na hindi mo 'yon kilala?"

"Eh?" Napataas ang aking kilay sa sinabi niya. Hindi ko siya maintindihan. "Ano bang sinasabi mo riyan? Maupo ka nga ng maayos! Sumandal ka doon sa headboard tapos itaas mo ang paa mo rito sa kama. Dali!" utos ko sa kaniya.

"Bakit ba?"

"Sundin mo na lang kasi!" At ginawa niya nga ang sinasabi ko.

Lumapit ako sa kaniya at humiga sa kaniyang hita.

"Na-miss ko 'to!" sabi ko sabay ngiti saka ko ipinikit ang aking mga mata.

"Tss! At bakit naglalambing ka? Para makaiwas sa tanong ko?" tanong niya pero hindi ko sinagot.

Parati ko itong ginagawa sa kaniya mula noong mga bata pa kami nina Blake. Kay Blake na hita nakasandal ang aking paa dahil magaling siya magmasahe. Kapag pagod o nangangalay ang binti ko, siya parati ang nagmamasahe sa'kin. Ako ang prinsesa nilang dalawa kaya walang nagtatangka kahit sinuman na awayin ako kun'di lagot sila sa aking dalawang Knight. Sobrang s'werte ko sa kanila at nagkaroon ako ng dalawang matalik na kaibigan na handa akong ipagtanggol kahit kanino.

Hindi ko maiwasang mapangiti habang inaalala ang mga nakaraan naming tatlong magkakaibigan.

"Pagod na ako, Blake! Pahinga muna tayo," sigaw ko sa kaniya habang hinahabol siya sa likod ng mataas na paaralan naming mga Pawn.

"Pagod ka na naman? Ang bilis mo talagang hingalin! Paano ka niyan magiging Baron kung ang bilis mo mapagod?" wika nito habang kinakamot ang kaniyang ulo at naglalakad pabalik sa'kin.

Kanina pa kami naglalaro pero nakakainis dahil ako ang parating taya. Sa bilis nilang tumakbo, paano naman ako mananalo sa kanila? Tsk!

"Hindi ka pa nasanay diyan, Blake. Gusto lang niyan ng masahe," wika ni Paul na may kalayuan sa'kin sabay tawa.

"Tse! Alangan namang ikaw ang magmasahe sa'kin? Eh ang bigat kaya ng kamay mo!"

"Kita mo? Lumabas din ang gusto. Sigurado sasabihin niyan, nangangawit na ang binti ko kakahabol sa inyo! Ang daya niyo kasi eh!" wika ni Paul sa tono ng babae at nagtawanan pa sila ni Blake.

Mas lalo naman akong naasar sa sinabi niya.

"Kainis ka, Paul!" sabi ko sabay lakad palayo sa kanilang dalawa.

"Hala! Nagtampo na tuloy! Ikaw kasi! Kapag 'di tayo nakakain ng masarap na meryenda kina Tita, kasalanan mo 'to!" narinig kong sisi ni Blake kay Paul.

"Naku, nagtampururot na naman! Joke lang 'yon, Saiderny!" sigaw ni Paul upang marinig ko kahit may kalayuan sila. Pero hindi ko na sila sinagot, nagpatuloy lang ako sa paglalakad hanggang sa narinig ko ang mga yabag nilang papalapit sa'kin, at noong tuluyan na silang nakalapit ay sabay nila akong inakbay. Sa kaliwa si Paul at sa kanan si Blake.

"Alam mo, napakapikon mo talaga!" wika ni Paul sa'kin.

"Oh, eh ano ngayon?"

"Wooh! Joke nga lang, huwag ka ng magtampo sa'min ni Blake. Ikaw ang prinsesa namin 'di ba, Blake?"

"Oo naman, basta may masarap na meryenda kay Tita. . . susundin ka namin," pang-aasar naman ni Blake at nagtawanan sila ni Paul.

"Ewan ko sa inyong dalawa!"

Pero nauwi rin kami sa bahay namin, at doon na kumain ang dalawa ng hapunan. Gaya nga ng ni-request ko, habang nanonood kami ng TV ay minamasahe ni Blake ang aking binti.

"Alam mo, kung hindi lang talaga kita kaibigan, hindi ko ito gagawin. Reserve lang dapat ang skills kong ito sa future girlfriend ko," pabirong sabi ni Blake.

"Girlfriend mo naman ako ah?"

"Hindi naman kita mahal as kasintahan. Kapatid lang."

"Tsk! Huwag ka ng kakain dito sa'min ah?"

"Joke lang," wika niya sabay ngiti.

Sa sobrang close namin tatlo, para na kaming magkakapatid, sabay kaming lumaki at nagkaisip. Kung ano ang problema ng isa, tinutulungan ng isa. Kung nasaan ang isa, nandoon ang isa. Kulang na lang magkapalit kaming tatlo ng mukha.

Madalas pa nga akong mapagkamalang tomboy sa bayan dahil sa kanila eh. Sila lang kasi ang tinuturing kong mga kaibigan dito sa'min. Pero lahat ng iyon ay ala-ala na lang ni Blake.

Hindi na namin siya kasama, ang laki ng kulang sa araw namin nang mawala siya, parang kalahati ng buhay ko ang nawala. Kaibigan, kasangga, kapatid ang taong pinatay nila ng walang paliwanag.

Napakuyom na lang ako ng aking kamao habang inaalala lahat ng nangyari, hindi ko pa rin maitatanggi ang sakit ng pagkawala niya. Hanggang ngayon, sariwa pa rin sa'kin lahat ng nangyari sa kaniya noong isang araw.

Naramdaman ko na lang ang kamay ni Paul na parang may pinunas sa kaliwa kong pisngi. Naluha na pala ako sa pagbabalik-tanaw sa aming mga nakaraan.

Pagdilat ng aking mga mata, nakangiting mukha ni Paul ang tumambad sa'kin.

"Si Blake?" tanong niya.

Pilit lang akong ngumiti bilang tugon.

"Huwag kang mag-alala. Balang araw mabibigyan din natin ng hustisya ang pagkamatay niya."

"Alam ko, at hindi ako titigil hanggang 'di dumarating ang araw na 'yon."

"Pero balik tayo sa tanong ko kanina. . . totoo bang boyfriend mo ang Baron na 'yon?" pag-iiba niya sa usapan.

Napangiti ako kaniya. Nagseselos ba siya?

"Hindi 'no! Hindi ko nga inaasahan na gagawin niya 'yon eh. Akala ko talaga kanina katapusan ko na."

"Sigurado ka?"

"Oo sabi, kulit mo! Nagseselos ka ba?" biglaang sabi ko. Hindi mo namang maiwasang mahiya sa tanong ko. Baka isipin nito na iniisip kong type niya ako. Ang kapal ko, diyos ko!

Tapos nakita ko siyang ngumiti ng nakakaloko.

Sabi na nga ba eh.

"Asa ka, Saiderny! Pino-protektahan lang kita sa mga estranghero. Sa panahon natin ngayon, hindi ko alam kung sino ang kakampi natin at kalaban. Gusto lang kitang ilayo sa kapahamakan. Alam mo naman, ikaw 'ata ang reyna ng kaguluhan," nakangisi niyang wika habang patuloy sa paghimas ng aking buhok na nakalaylay sa kaniyang mga hita. Hindi ko naman maiwasang mapahiya sa kaniya.

"Tse!" Tapos tumawa siya. Kaasar lang! Kaya inuuntog ko ang ulo ko sa kaniyang hita upang masaktan siya.

"Aray tumigil ka!" saway niya.

"Tumigil ka rin sa katatawa!"

"Oo na." Sinunod niya nga ang sinabi ko.

"Sinabi ko lang 'yon kay Mama upang hindi siya mag-alala sa'kin. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa kaniyang pumunta ako ng Forbidden Forest at may napatay na Knight. Kapag sinabi ko 'yon, siguradong hinding-hindi na nila ako papayagang makapsok sa Fortress."

"Kung sa bagay, tama ka nga."

"May nalaman pala ako kanina," pag-iiba ko ng usapan at kitang-kita ko sa mukha niya ang kyuryusidad.

"Ano?" tanong niya.

"Buhay pa ang King." Bagay na ikinagulat niya rin. Doon ko ikinuwento ang lahat ng sinabi sa'kin ni Aidan, maging ang pagtatanong niya sa'kin kung ano ang koneksyon ko kay Shenderly, at ang hindi niya naman pagsagot ang ilan kong tanong.

"Sabi na nga ba eh, may motibo ang Aidan na 'yan sa paglapit sa'yo," wika niya.

"Pero napaisip ako. . ."

"Kahit na, lumayo ka muna sa kaniya. Kung maaari, huwag kang masyadong didikit doon. Nakita mo naman siguro kung gaano kagalit si Knight Richard nang pahiyain niya ito sa harap nating maga Pawn. Malakas ang kutob ko, may nangyayari sa loob ng Palasyo na lingid sa'ting kaalaman."

"Naisip ko rin 'yan. Bakit nila kailangang itago ang Hari? Anong masama kung sasabihin sa lahat na may sakit ito at buhay pa? Bakit tinatago?" sabi ko.

"Hmm. . . isipin mo na lang human Chess tayo. They will do everything to protect the King."

"Kanino? Saan? Sa Erudite? Alam naman nating kahit sila ay hindi kayang pabagsakin ang Reyna. 'Di hamak na mas marami ang matapat sa Reyna kaysa sa pinuno ng Erudite," sagot ko.

"Malabo ngang sila, pero kung hindi sila, sino? Ano ang dahilan nila?"

"Iyan ang dapat nating alamin! Kaya kahit sa anong paraan, papasukin ko ang Fortress Academy."

"Para kang nagpapatiwakal sa balak mo. Sigurado hanggang ngayon ay hinahanap pa rin nila ang nakapatay sa isang Knight."

"Ah basta! Walang makakapigil sa'kin! Nandiyan ka naman para pagtakpan ako 'di ba?" nakangiti kong sagot.

"Gago! Lahat talagang katigasan ng ulo nasa sa iyo na!"

Nginitian ko na lang siya bilang sagot.

•   •   •

Nang sumunod na araw, narinig ko sa pamunuan ng mga Pawn na magkakaroon daw ng pagpupulong sa pagitan nila ng mga Fortress, dahil ito sa paghingi ng tulong ng mga magulang ni Blake sa pamunuan namin, na bigyan ng sapat na dahilan ang pagpatay dito ng walang pagpupulong na naganap.

Bawat pangkat dito sa Divine Society ay may kinikilalang pinuno. Sa'ming mga Pawn, ang pinuno ay ang mga magulang ni Paul. Iba naman sa Bishops, Erudite at Fortress.

Anumang anumalya o 'di pagkakasundo sa pagitan ng bawat antas ay sinusubukang ayusin muna ng mga pinuno. Kapag hindi ito nila naayos ay aakyatin na ang usapan sa Citadel. Ang Citadel ang lugar ng pinagpupulungan ng lahat. Lahat ng nagkasala ay nililitis doon at ito'y pinamumunuan ng Punong Ministro kasama ang mga Bishops. Kung ang Erudite ay kanang kamay ng Reyna, sila naman ang gabay nito. P'wera sa kasalanang balak patayin ang Reyna. Walang paglilitis na magaganap kapag 'yon ang iyong ginawa, agad-agad papatawan ka na ng parusang kamatayan.

Kasalukuyan akong nasa bahay namin at naglilinis ng bahay nang makita ko sina Mama at Papa na nakabihis.

"Ma, Pa, saan kayo pupunta?" tanong ko sa kanila kahit alam ko na kung saan sila pupunta.

"Sa Citadel, kasama namin ang mga Page at Hamilton sa pulong," sagot ni Mama.

"Sasama po ako, Ma!" Gusto kong malaman ang dahilan nila para patayin si Blake ng gano'n.

"Hindi p'wede, anak. Sa pagitan lang namin itong mga pinuno. Hindi ka p'wedeng makisali roon," sagot ni Papa.

"Pero, Pa, kaibigan ko si Blake," karapatan ko ring malaman kung anong nangyari sa kaniya," giit ko.

"Pasensya na, anak. Sasabihin na lang namin sa'yo pagbalik namin, pangako," sagot ni Mama.

Tila nawalan naman ako ng pag-asa na makumbinsi sila kaya pumayag na lang ako. Hindi nagtagal umalis na sila ng bahay. Lalakarin lang nila ang layo nito sa Citadel sapagkat wala naman kaming karapatang sumakay sa mga sasakyan dito. Baka abutin sila ng dalawang oras nang paglalakad marating lang iyon at dadaan pa sila sa mga shortcut.

Pagkaalis na pagkaalis nila ay umalis din ako ng bahay at pumunta kina Paul. Agad niya naman akong pinagbuksan ng pinto kahit wala pa siyang saplot na damit pang taas. Kitang-kita ko tuloy ang magandang hubog ng mga muscles niya katawan.

"Oh, napadaan ka rito?" bungad niya sa'kin saka pinapasok ako ng kanilang bahay.

"Magpupulong daw sila sa Citadel tungkol kay Blake," agarang sabi ko.

"Oo alam ko nga."

"Hindi ka ba pupunta?"

"Hindi tayo p'wede roon. Mga pinuno lang ng bawat antas ang p'wede," sagot niya.

"Pero kaibigan natin siya. Maraming hindi sa'kin sinasabi sina Mama, alam ko 'yon. Ramdam ko, at tingin ko hindi rin nila sasabihin sa'kin ang tunay na kalalabasan ng pulong na ito!" giit ko.

"Ngayon?" tanong niya sa'kin.

"Kailangan kong makapasok sa Citadel!"

"Ano?" Kitang-kita ko ang paglaki ng kaniyang mga mata tanda ng pagkagulat. "Nababaliw ka na ba?"

"Hindi! Seryoso ako! Ngayon kung hindi mo ako sasamahan. . . ako na lang ang pupuntang mag-isa!" agad kong wika sabay bukas ng pinto at umalis.

"Teka sandali! Magbibihis pa ako!" sigaw niya nang makalabas ako ng kanilang bahay.

Hindi ko na nga lang siya pinansin at nagpatuloy ako sa pagtakbo.

Kailangan kong makapasok sa Citadel at marinig ang kanilang usapan sa kahit na anong paraan.







To be continued...
•••

Sorry kung medyo lame. Bawi ako next update. 😊

Ps: Alam niyo nakakatawang isipin na ang mundong ginagalawan ngayon ng author ay halos pareho sa book na sinusulat niya. At ang sitwasyon ng bida rito ay pareho sa kaniya ngayon.
Sad to say, ang hirap ipaglaban ang tama sa mundong kasinungalingan ang naghahari.

°°°

Na-pressure ako magsulat at mag-update nang makita kong nakasali pala ito sa wattys official long list.
Hindi ko naman inaashan iyon lalo pa't nawalan akong gana magsulat at oras. Pero dahil doon, nagkaroon ako ulit ng spark para ipublished ito.
😊😊😊

7/15/17
11:10pm

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top