C H E C K M A T E III
Checkmate 3: Wanted
Paul Hamilton
Malapit ng mag-alas otso ng gabi nang makarinig ako ng malakas na katok sa pinto ng aming bahay. Daig pa nito ang gigibain ang pinto sa lakas. Buti na lang wala dito ang aking mga magulang dahil pumunta sila sa isang kasalan.
"Paul, buksan mo ang pinto!" utos nang kumakatok.
Teka, boses ni Saiderny 'yon ah.
Nang makilala ko kung kanino ang boses na 'yon ay agad akong pumunta sa may pintuan at binuksan ito. Doon tumambad sa'kin ang putikan niyang katawan, ngunit bago pa man ako makapagsalita ay agad na siyang pumasok sa loob at sinara ulit ang pinto. Ni-lock pa ito at agad nagtungo sa kusina ng wala man lang sinabi.
Tinignan ko sa sahig na kaniyang dinaanan at dismayado akong sumunod sa kaniya sa kusina.
"At paglilinisin mo pa ako ng bahay! Tss!" umiling ako sa kaniya ngunit hindi siya sumagot.
Masusi ko siyang pinagmasdan at takang-taka ako sa hitsura niya, para siyang baboy na naligo sa tae ng baka. Hindi ko siya halos makilala dahil kahit mukha niya ay puno ng putik. Tila nag-lipstick ang manipis niyang labi ng putik, maging ang mapula-pula niya dating pisngi nagyon ay nangingitim. Tanging ang mapupungay ngunit bilugan niyang mata ang nakilala ko sa kaniya. Nanunoot pa sa aking ilong ang masangsang niyang amoy, pero ang mas nakaagaw ng aking pansin ay ang dugo na naghalo sa putik sa kaniyang braso. Nilapitan ko siya habang naghuhugas ng kamay sa lababo.
"Ang pangit mo pala!" biro ko sa kaniya at tumawa pa ako.
"Ito gusto mo?" Ipinakita niya sa'kin ang kamao niya.
Ang yabang talaga nito kahit kailan. Akala mo ang lakas-lakas niya.
"Ikaw naman hindi na mabiro."
"Tss," singhal niya.
"Anong nangyari rito?" kunot-noong tanong ko, sabay hawak sa braso niya ng walang pag-aalinlangan kahit may putik pa iyon.
"May bumaril sa'kin," diretsong sagot niya saka binawi ang kaniyang braso.
"Sino? At saan ka galing?" nag-aalalang tanong. Namatay na nga si Blake tapos uuwi pa siyang may sugat dala ng pagkakabaril. Ano na namam kaya ang sinuot nitong gulo?
"Galing akong Forbidden forest," maikli niyang sagot pero halata ang pagkataranta sa kaniyang boses. Ngayon ko lang siya nakitang balisa na gaya nito. Ilang gulo na ang nasangkutan namin nina Blake noon dahil sa kaniya pero nayon ko lang siya naramdamang natakot ng sobra.
Kadalasan siya ang mas malakas pa ang loob sa aming tatlo. Sugod ng sugod kahit saan basta may naaapi na kapwa Pawn. Minsan iniisip ko talo niya pa kaming mga lalaki sa lakas ng loob, pero iba ang nararamdaman ko ngayon. Hindi kaya may kinalaman ang nangyaring ito sa pagkamatay ni Blake?
"Ano? Sa Forbidden Forest? Anong ginawa mo roon? Mabuti at nakauwi ka pang buhay!" galit kong sabi.
"May sinundan lang akong tao at doon ako napunta, pero hindi ko lubos akalain ang nakita ko roon. . ." sandali niyang sinara ang gripo at tinignan ako ng mata sa mata sabay buntong hininga.
"Paul, hindi lang mass grave ang nasa Forbidden Forest. May death squad na namamalagi doon at ang ibang kriminal ay doon ini-execute ang pagpatay!"
"Ano?"
"Nakita ko mismo. Nakita ng dalawang mata ko!" seryoso niyang wika at muling naghugas ng kamay.
"Eh sinong bumaril sa'yo? At bakit ganiyan ang hitsura mo?" tanong ko pero hindi siya sumagot. Patuloy lang siya sa paghugas ng kaniyang mga kamay. Kitang-kita ko sa mukha niya ang labis na pagkabalisa, bagay na biglang nagpakaba sa'kin.
"Ano bang nangyari? Sagutin mo ako!"
Sandali siyang tumigil sa kaniyang ginagawa at hinarap ako, "May napatay ako, Paul. May napatay ako."
Halata ko ang takot sa kaniyang boses pero hindi man lang siya umiyak. Nanatili pa siyang matatag at malakas ang loob. Hindi ko naman alam kung anong sasabihin ko, pero kahit ganoon ay alam kong hindi niya naman sinasadya. Posibleng napilitan lang siya para iligtas ang kaniyang sarili sa kapahamakan. May tiwala ako sa kaniya, at alam kong hindi niya 'yon magagawa.
"Si-sino?"
"Isang Knight na nakakita sa'kin sa Forbidden Forest. Aksidente ang nangyari, nagpang-abot kami at ginawa ko ang lahat para hindi niya ako mapatay. Kaso nga lang aksidenteng nahulog siya sa hukay na puno ng patalim. May mga bitag pa kasi sa Forbidden Forest, kamuntik na nga akong matamaan ng mga ligaw na patalim. Pero, Paul, maniwala ka, hindi ko sinasadya ang lahat." Doon ko pa lang siya nakitang naiiyak. Ramdam ko ang takot na kaniyang nararamdaman kahit hindi niya sabihin. Kitang-kita ko iyon sa mukha niya at sa kamay niyang medyo nanginginig.
Gusto ko siyang yakapin para pakalmahin ang takot sa loob niya pero bago pa man ako makalapit ay lumayo siya sa'kin.
"Maputik ako 'oy!" Napangiti naman ako roon at hindi ko na siya nilapitan pa. Kahit na maputik pa siya o anong hitsura niya, tanggap ko pa rin siya at hindi ako mandidiring hawakan siya.
"Alam ko, at naniniwala ako sa'yo. Matalik kitang kaibigan at ikaw ang paniniwalaan ko," tanging nasabi ko kahit sa loob ko ay meron pa akong dapat sabihin. Bagay na dapat matagal ko ng sinabi.
"Salamat, pero natatakot ako. Posibleng may nakakita sa'min at pinaghahanap na ako ng mga Knight," wika niya sa takot pa rin na boses.
"Huwag kang mag-alala. Nandito lang ako para sa'yo."
Hindi na siya sumagot pero ngumiti lang siya sa akin.
"Naaalala mo 'yong lalaki na tumutok sa'kin ng baril sa harap ng Citadel? Siya ang bumaril sa'kin," pag-iiba niya sa usapan saa sumandal sa may lababo.
Naaalala ko naman kung sino ang tinutukoy niya pero hindi ko maalala ang pangalan ng lalaking 'yon. Napailing na lang ako sa pag-iisip sa mga nangyari sa kaniya. Nakakagalit ang katigasan ng ulo niya pero wala na akong magagawa. Nangyari na iyon, ang tanging magagawa ko lang ngayon ay makinig at intindihin ang nararamdaman niya. Pero hindi pa rin siya makakaligtas sa panenermon ko.
"Gago 'yon ah! Ikaw naman kasi bigla-bigla ka na lang gumagawa ng desisyon na hindi mo pinag-iisipan! Paano kung hindi lang sa braso tumama ang bala ng baril niyon? Paano kung tinuluyan ka na no'n? Ano, malalaman ko na lang malamig na bangkay ka na? O baka hindi na makita ang bangkay mo. Hindi ka ba nag-iisip?" galit kong pangaral sa kaniya.
"Okay naman ako eh. Nandito pa ako 'di ba? Kaya huwag kang mag-alala, kayang-kaya ko namang ipagtanggol ang sarili ko."
"Diyan! Diyan ka magaling, sa palusot at pamimilosopo! Pero kapag naiipit ka na, sa'kin ka lang naman tatakbo."
"Tss! Yabang," bulong niya.
"Ano?"
"Wala. Sabi ko, sorry na. Kinakabahan na nga ako eh, nagagalit ka pa. Akala ko ba kakampi kita?" sabi niya sabay nguso.
"Tss." Sinimangutan ko nga. Sino kaya ang mayabang sa'ming dalawa? Pero kahit papaano ay nakikita kong kumakalma na siya sa asaran namin. Kahit papaano ay naibsan na ang kaba niya.
"Makikiligo ako. Pahiram na lang ng damit mo, dalhin mo na lang sa CR," sabi niya bago pumunta sa may banyo. Pero bago siya tuluyang pumasok ay may pahabol pa siya, "Nga pala kapag may naghanap sa'kin sabihin mo hindi mo ako kilala o nakita." Saka niya sinara ang pinto.
"Ang babae talagang ito, ang tigas ng ulo!"
Ginawa ko na 'yong pinag-uutos niya at iniwan ko sa labas ng pinto ang damit na napili kong p'wede sa kaniya. Simula pagkabata ay kilala ko na siya. Kung hindi sa amin ay kina Blake siya mahilig tumambay, o kung minsan kami ni Blake ang nakikikain at nakikitulog noon sa kanila. Nagbago lang iyon noong magbinata na kami ni Blake at magdalaga na siya. Nakikikain at tambay pa rin kami sa kanila at ganoon din siya sa bahay namin, pero bawal nang makitulog kung walang pahintulot ng mga magulang namin.
Habang naghihintay sa kaniya ay nilinis ko ang sahig naming may mga bakas ng putik. Mahirap na baka dumating na sina Mama at makita pa ito. Ilang sandali pa'y narinig ko ang mga sasakyan na tumigil sa labas. Alam kong hindi Pawn ang nagmamay-ari niyon dahil wala naman sa amin ang may kotse.
Bigla akong kinabahan dahil sa aking narinig. Ni-lock ko ng maigi ang pinto ng aming bahay at pinatay ang ilaw sa sala at tanging dim light lang ang ilaw sa kusina. Tinapon ko rin agad sa basurahan ang basahan na gamit namin na naputikan ni Saiderny.
Sakto namang nakalabas na si Saiderny ng banyo at nakapagpalit na rin ng damit. Agad ko siyang nilapitan.
"May mga Knight 'ata sa labas."
"Ha? Paano ako ngayon uuwi? Kinakabahan ako, Paul."
"Bukas ka na umuwi, ihahatid na kita sa inyo para makasiguro akong ligtas ka. Baka mamaya kung saan-saan ka na naman magsusu-suot, mahirap na!"
"Tss. Tawagan mo sina Mama, nawala ang cellphone ko sa Forbidden Forest eh. Sana sa mass grave iyon nahulog."
"Ano? Sa mass grave? Bakit doon?" takang tanong ko.
"Doon ako nahulog kanina nang hinahabol ako ng isang Knight. Sana doon talaga nahulog para hindi nila makita," nag-aalala niyang sabi. "Nga pala, pahiram ng medicine kit mo. Gagamutin ko lang itong sugat ko."
"Pasaway talaga! Sige magpahinga ka na sa itaas. Susunod ako dala ang kailangan mo."
"Thanks."
Pinaakyat ko na siya sa isang k'warto sa itaas, ang dating k'warto ni Ate noong hindi pa siya nag-aasawa. Ngunit nang aakyat na rin ako ay may biglang kumatok sa pinto.
"Mga Knight kami. Buksan ninyo 'to!" utos ng boses sa labas. Bigla akong kinabahan pero sinubukan kong pakalmahin ang aking sarili upang hindi nila mahalata kapag hinarap ko na sila.
Dahan-dahan akong lumapit sa may pinto at binuksan ito.
"Ano po 'yon?" magalang kong tanong.
"May hinahanap kami, isang babae na putikan at may sugat sa balikat. May nakita ma ba o may nagawi ba rito?" tanong ng isa sa limang magkakasama.
"Pasensya na po pero walang dumaan na babaeng ganiyan dito," pagsisinungaling ko.
"Ganoon ba? Pero kung sakali na may nakita ka sabihin mo lang agad sa'min. Wanted 'yon dahil nakapatay ng isang Knight sa Forbidden Forest."
"Sige, Sir, makakaasa kayo, pero paano niyo naman po nasabing nandito siya nagawi sa pamayanan namin?"
"Nasabi sa amin ng Knight bago ito mamatay na isang Pawn na babae ang nakapasok sa Forbidden Forest."
"Ganoon po ba? Sige po kapag may nakita ako rito sa'min ipapaalam ko sa inyo," huling sabi ko bago isara ulit 'yong pinto. Tila nabunutan naman ako ng tinik sa dibdib nang marinig na naglakad na sila palayo. Sigurado hahanapin nila si Saiderny sa buong pamayanan.
Lagot, isang malaking gulo ito!
Napabuntong hininga na lang ako saka umakyat sa k'wartong sinabi ko kay Saiderny. Naabutan ko siyang nakahiga sa kama na nakapatong ang kanang braso sa kaniyang noo at nakatingin sa kisame. Halatang malalim ang kaniyang iniisip pero napalingon siya sa may pinto nang buksan ko iyon. Binuksan ko ang switch ng ilaw dahil tanging lamp shade lang sa mini table ang nagbibigay ng liwanag sa buong silid.
"Ang tagal mo naman," bungad niya sa'kin habang naglalakad ako papalapit sa kaniya dala ang medicine kit. Naupo ako sa tabi ng kama na hinihigaan niya upang gamutin ang sugat sa kaniyang braso.
"Kinausap nila ako at hinahanap ka na nila," sagot ko sa kaniya, at nahalata ko ang takot sa kaniyang mukha nang marinig ang sinabi ko.
Bumangon siya sa pagkakahiga at naupo sa tabi ko. Malungkot siyang tumingin sa'kin sabay buntong-hininga. Hindi niya man sabihin ay ramdam kong namomroblema siya ngayon sa kaniyang sitwasyon.
"Hay! Anong gagawin ko? Kinakabahan ako, Paul."
"Don't be. Hindi ka nila kilala. Hindi nga nila ma-describe ang hitsura mo kaya wala kang dapat ikatakot. Hmm?" sabi ko sabay akbay sa kaniya at marahan siyang tinapik sa balikat.
"Pero 'yong bumaril sa'kin mamumukhaan ako."
"Relax lang, hanggang wala pang nakakapaskil diyan sa labas o nagkalat sa internet na mukha mo, ibig sabihin di pa siya nagsusumbong. Siya ang dapat mong problemahin ngayon, kung paano mo siya mapapatahimik."
"Haist! Isa siyang Baron, anong kapangyarihan ko bilang Pawn laban sa kaniya?" kunot-noo niyang tanong.
"Oh bakit ganyan ka. Akala ko ba palaban ka? Lahat ng gusot nalulusutan mo? Anong nangyayari ngayon?" sabi ko sabay baba sa aking kamay na nakaakbay sa kaniya.
Sinimulan ko na ring linisin ang kaniyang sugat at bahagya pa siyang napapagalaw tuwing nilalagyan ko ito ng betadine.
"Sa sunod na araw ko na lang ito ila-laser nang mawala ang peklat. Sa ngayon kasi masyado pang sariwa ang sugat," sabi ko.
"Hay! Oo na. Sana makita ko siyang muli bago siya magsumbong," malungkot niyang sabi.
"Dapat nga, pero dapat nandoon ako kasi baka kung anong gawin niya sa'yo," sagot ko habang ginagamot siya. "Kaya huwag na huwag kang hihiwalay sa'kin kapag nasa labas tayo."
"Oo na."
"Mabuti at daplis lang 'to," pag-iiba ko sa usapan.
"Tinuturuan niya lang daw ako ng leksyon."
"Dapat nga 'yan sa'yo! Ang tigas kasi ng ulo mo eh."
"Shut up, Paul! Kaibigan kita 'di ba? Dapat kampi ka sa akin."
"Huh! Kaya namimihasa ka eh. Lalo na noong nandito pa si Blake."
Natahimik siya bigla nang banggitin ko ang pangalan ni Blake. Alam kong sariwa pa rin 'yon sa ala-ala namin, at hindi pa namin matanggap ng husto ang sinapit niya. Ang sinapit ng matalik naming kaibigan. Pero alam ko rin na mas nasasaktan siya sa pagkawala nito kaysa sa'kin. Hindi niya man aminin, ay ramdam kong mas matimbang si Blake sa puso niya kaysa sa'kin.
Kahit may gusto ako sabihin sa kaniya noon pa, ay hindi ko iyon magawa dahil kay Blake. At ngayon, hindi pa rin tama ang oras at pagkakataon. Sariwa pa lahat ng nangyari. Kailangan muna naming magkaisa sa ngayon na alamin ang mga nangyayari dito sa lipunan.
"Kaya nga kahit anong mangyari ay dapat makapasok tayo sa Fortress Academy at maging bahagi ng higher society. Hindi ako papayag na hindi ko malaman ang tunay na dahilan kung bakit pinatay si Blake. Lalo na kapag tama tayo at mali sila. Dahil sa oras na mangyari 'yon, gagawin ko ang lahat upang mapagsak ang Reyna!" seryoso niyang sambit at tinitigan ko siya ng mata sa mata.
Hindi talaga siya titigil hanggang walang linaw ang lahat, hanggang walang katapusan ang isang bagay. Iyan ang isang bagay na nakakatakot sa kaniya, lahat ng salitang kaniyang binibitawan ay pinangangatawanan niya. Mahirap man 'yon panindigan o madali. Ganiyan talaga siya, palaban, walang inuurungan, matapang pero mapagmahal na kaibigan. Iyan ang kaibigan ko, ang babaeng pinakamahalaga sa'kin, si Saiderny Campbell.
At bilang kaibigan niya, hindi ako papayag na masaktan siya ng kahit na sino. Sadyang minsan talaga matigas ang ulo niya at parati kaming tinatakasan ni Blake dati. Kaya siya parating napapahamak at nasusugatan.
To be continued...
~ Partially Edited and Reconstructed
10/02/2017
8:02pm
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top