Prologue
"STOP THE car," utos ng babae sa kaniyang kasama. Hinawi niya ang ilang hibla ng kulay olandes na buhok na humaharang sa kaniyang walang emosyon at kulay abong mga mata. Diretso siyang nakatingin sa daanang kanilang tinatahak kaya hindi mawari ng kaniyang kasama kung anong problema.
"Bakit? May naiwan ka ba sa mall, Yzra? Bibilhan na lang kita ng bago," sagot nito sa kaniya't nagpatuloy sa pagmamaneho. Itinuon ni Yzra ang kaniyang mga titig sa kasama na hindi naman nakaligtas sa periperal na bisyon nito.
"I said stop the car, Arima," maawtoridad niyang pag-uulit sa kaniyang sinabi kaya agad napaapak sa preno si Arima. Mabilis ang pagpapatakbo nito ng sasakyan kaya halos sumalpok ang mukha nito sa manibela dahil sa lakas ng impak.
Hindi mapagtanto ni Arima kung ano ang tumatakbo sa isip ng kapatid. Kung ginagaya ba nito ang kanilang ama o sadyang may hindi lang sinasabi si Yzra sa kaniya. Hindi niya mapigilang kilabutan. Tiyak na maagang mapipigtal ang buhay niya kasama ang kaniyang kapatid.
"Yzra, I already told you. Kung may naiwan ka man, bibilhan na lang kita ng bago. Ang layo-layo na natin sa mall para bumalik pa. Mahaba-haba pa rin ang biyahe natin pauwi ng bayan. Gusto ko nang makapagpahinga-"
"Shut your mouth and examine the surroundings," pagputol ni Yzra sa sinasabi ng kapatid. Agad namang tinikom ni Arima ang bibig at pinakiramdaman ang paligid.
"One... three... four... seven..." pagbibilang ni Arima sa kaniyang isip. Napalibutan at nasundan na pala sila nang hindi niya napapansin.
Labis na lamang ang pagtataka ng magkapatid na Arima at Yzra. Wala itong mga dala na sasakyan ngunit paano sila nasundan nito? Kahit sinong mafia ay hindi makakasabay sa bilis ng takbo ng kanilang kotse.
Bumalot ang katahimikan sa kanilang dalawa. Wala rin namang saysay kung tatanungin nila ang isa't isa dahil malamang sa malamang ay wala namang nakakaalam ng kasagutan para rito.
"Kailangan pa ba natin silang kalabanin? Gusto ko nang makapagpahinga," tanong ni Arima sa kapatid habang iritableng kinakamot ang kaniyang itim na buhok. Halata ang pagod sa boses nito, gayon din sa kaniyang kulay luntiang mga mata. Nang hindi sumagot si Yzra, ibinalik nito ang paa sa pagkakaapak sa gas pedal. Muling huminto ang sasakyan nang buksan ni Yzra ang pintuan.
Mabilis itong bumaba habang inaayos ang pagkakasuot ng itim na gloves sa kaniyang kamay.
"Are you crazy?! Come back here! You're just gonna waste your stamina!" sigaw ni Arima sa kaniya habang nakadungaw sa bintana ng driver's seat.
"Can you hear yourself? We can't let them follow us back. Who's crazy now, huh?" pagbabaliktad ni Yzra rito.
Pinalagutok ni Yzra ang kaniyang mga buto sa daliri't leeg para ihanda ang katawan sa mangyayaring labanan. Marahang napapikit ang kaniyang kapatid sa loob ng sasakyan. Hindi niya na alam ang gagawin sa kapatid. Hindi niya naman ito kayang pigilan dahil katulad ng kanilang ama, si Yzra ay isa sa mga taong kinakatakutan niya.
Wala man siya sa tamang wisyo para makipaglaban, alam ni Arima na kailangan niyang tulungan si Yzra dahil walang sinuman ang dapat makaalam kung nasaan ang kanilang hideout. Kung gusto niyang makauwi na agad, kailangan niyang tapusin nang maaga ang laban.
Napabuntong-hininga ito bago kinuha ang isang mini uzi mula sa dashboard. Habang nasa harapan ng kotse pumuwesto si Yzra, nagtungo naman si Arima sa likuran ng sasakyan.
"Bakit ngayon pa?" Nakabusangot ang mukha ni Arima't walang ganang tiningnan ang kanilang mga kalaban. Unti-unting nagsilapitan ang mga lalaking kanina pa sunod nang sunod sa kanila at sila'y pinalibutan.
Maigi na lang at nasa liblib silang lugar. Puro nagtataasang damo't puno lang ang makikita sa gilid ng sementadong daan. Malapit na ito palabas ng siyudad ng Medallion at dalawampu't limang kilometro ang layo mula sa Area 77. Maliit ang tsansa na may makakita sa kanila dahil wala nang katao-tao rito.
"There are seven of them and two of us. Fair fight," saad ni Arima. Walang halong pagkasarkastiko ang pagkakasabi niya nito dahil para sa kanilang magkapatid, mas nakakalakas sila rito't nararapat lang na mas marami ang kanilang kalaban upang maging pantay ang labanan.
"Go," mahinang bulong ni Yzra. Sa sobrang hina'y halos hangin na lang ang lumabas mula sa kaniyang labi. Gano'n pa man, malinaw at malakas itong narinig ng kaniyang kapatid.
Bilang isang miyembro ng organisasyon, bukod sa paghahasa ng kanilang kakayahan, pinapalakas din nila ang kanilang mga pandama dahil malaki ang maitutulong nito sa kanilang mga misyon. Kaya hindi na nakakapagtaka na kahit gaano pa kahina ang ingay ay maririnig nila ito.
Nanlaki ang mata ni Arima nang makita ang isang lalaking lumitaw sa kaniyang harapan. Napakabilis! Nakakasigurado siyang wala pa ito sa kaniyang paningin kanina. Hindi niya maiwasang mamangha sa taglay nitong bilis.
Mabilis niyang sinalag ang suntok na ibibigay nito't binigyan ang lalaki ng isang tadyak sa sikmura. Tumalsik ang lalaki dahil sa lakas ngunit katulad ng kaniyang kapatid na si Yzra, walang makikitang kahit anong bahid ng sakit o emosyon sa mukha nito.
"Arima, sniper," bulong ulit ni Yzra. Bagot na itinutok ni Arima ang hawak na baril sa puno ng narra na sampung metro ang layo mula sa kaniyang puwesto. Nagpakawala siya ng dalawang bala at isang lalaki ang nalaglag mula sa puno.
"I'm just a support. Bakit parang ako lahat ang gumagawa?" reklamo ni Arima bago hinarap ang lalaking nagbabalak na sugurin siya habang nakatalikod at binigyan ito ng isang malakas na suntok sa mukha.
Mabilis na umupo si Arima at ginamit ang kaniya kanang paa't binti upang patumbahin ang lalaking unang nanugod sa kaniya kanina. Gamit ang ilang segundo, hinugot niya ang isang dagger mula sa kaniyang bulsa habang hawak-hawak niya naman sa kabilang kamay ang baril. Mas madadalian siya kung sasaksakin niya ang tuhod ng mga ito sapagkat hindi na ito gaanong makakakilos.
Kinagat ni Arima ang ibabang bahagi ng kaniyang labi. Sobrang bilis gumalaw ng kanilang mga kalaban. Lalong napapatagal ang trabaho niya dahil sa abilidad ng mga ito at ayaw niya no'n. Nang makakuha siya ng tsansa, hindi na siya nag-abala pang sugatan ang kanilang mga tuhod. Pagkatapos niya itong tisurin ay agad siyang dumagan sa kanila upang hindi na ito makawala pa. Walang pakundangan niyang ginilitan ang mga ito sa leeg.
Nagsimulang umagos ang dugo mula sa sugat na kaniyang ginawa. Napangiti na lang siya dahil sa pagkakuntento. Wala pa rin mas hihigit sa kaniyang galing pagdating sa pakikipaglaban.
"How brutal," saad ni Yzra habang nakatingin sa tatlong lalaking nakahandusay at naliligo sa kanilang sariling dugo. Miyembro man siya ng organisasyon, hindi gusto ni Yzra ang ganitong pamamaraan ng pagpatay.
"Coming from you," sagot ni Arima pabalik at tiningnan ang tatlong lalaking nakahiga't bali-bali ang leeg.
Agad napatingin ang magkapatid sa puno ng narra kung saan nakapuwesto ang sniper kanina nang makarinig sila ng mabibigat na paghinga.
"Ooh.. He's still alive," pakantang saad ni Arima habang pinupunasan ang dugo mula sa dagger na kaniyang ginamit. Dahan-dahan siyang naglakad papunta sa posisyon nito.
"Stay right where you are. Don't move," utos ni Yzra, dahilan para matigalan si Arima sa kaniyang kinatatayuan. Agad na nagtaka si Arima nang lapitan ng kapatid ang mga lalaking nagtapos ang buhay sa kaniyang kamay. Masuring pinagmasdan ni Yzra ito bago kinuha ang kaniyang phone at kinuhanan ng litrato ang kanilang mga labi.
Habang abala si Arima sa pagpupunas ng kaniyang dagger, may napansing kakaiba si Yzra sa mga lalaking pinatay ng kaniyang kapatid. May maliliit na mga kulay dilaw na butil sa dugo ng mga ito. Do'n niya napag-alaman na parang may kakaiba.
"We'll need him for interrogation and researches," ani Yzra para bigyang liwanag ang kaniyang kapatid na nagtataka. Tinungo niya ang kotseng sinasakyan at kinuha ang tranquilizer mula sa dashboard. Naglakad siya patungo sa kinaroroonan ng lalaking sniper at yumuko upang pantayan ang mga mata nito.
"Sleep for now, sweetie." Walang pakundangan niyang itinurok ang tranquilizer sa leeg ng lalaki bago tinungo ang direksyon ni Arima.
"Put him in the compartment."
"What?! Why don't you do it yourself?!" reklamo ni Arima nang marinig ang utos sa kaniya ni Yzra. Halatang-halata ang pagkairita sa kaniyang mukha. Nilapit naman ni Yzra ang kaniyang bibig sa tainga ng kapatid.
"Because you're stronger," bulong niya sa tainga ni Arima na agad na nagdulot ng kilabot sa buong sistema ng kapatid. Damang-dama niya ang mainit na hininga ng kapatid hanggang sa kaniyang leeg.
Natutuwa man si Yzra sa naging reaksyon ni Arima ay nagawa niyang huwag ngumiti. Marahan niyang tinapik sa kanang balikat ang kapatid bago unang sumakay sa kotse at doon maghintay.
Mabigat ang mga paa, padabog na naglakad si Arima patungo sa lalaking ngayon ay walang malay. Binuhat niya ito't ipinasan sa kaniyang kaliwang balikat na parang nagbubuhat ng isang kaban ng bigas.
Pabalibag niyang inilagay ang lalaki sa compartment na sapat ang laki upang magkasya ang isang tao. Nang maiayos ang lalaki, malakas niyang isinarado ang compartment at umikot papuntang driver's seat.
Ni hindi niya alam kung bakit siya nasunod sa utos ng kapatid kahit na siya ang mas matanda at may karapatan. Napailing na lang si Arima.
Nang kumportable nang makaupo, agad niyang nilingon si Yzra at binigyan ng seryosong tingin.
"Now, you call the organization to clean the mess."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top