Chapter Seventeen

Chapter Seventeen

Pilantropo


"Lisa, nakikinig ka ba?" Iwinagayway ni Ma'am Anna ang kaniyang palad sa harapan ko.

Napakurap-kurap ako at nag-angat ng tingin. Nakapamaywang siya habang nakatitig sa akin. Ilang segundo pa bago ko naintindihan ang sinasabi niya.

"Oo. Hindi ko nakakalimutan," sabi ko at muling tumingin sa daanan sa labas.

Pinuntahan niya ako sa classroom ko bago siya umuwi, pinapaalalahanan sa gagawin namin bukas. Magtuturo kami ng estudyante gaya ng ginawa namin no'ng mga nakaraang Sabado.

I remember what happened on that particular Saturday. Halos dalawang linggo na ang nakalilipas nang mangyari ang tagpong 'yon sa pagitan namin ni Sir Genus. Pagkatapos noon ay hindi na siya lumapit sa akin. Umiiwas din siya tuwing narito siya sa paaralan na bihira na ring mangyari.

Sa mga nagdaang araw, lumala rin ang usap-usapan tungkol sa napapabalitang fiance niya na pumupunta sa rest house niya.

"Confirmed! Fiance nga n'ya 'yon."

Isang tanghali habang kumakain kami sa canteen ni Ma'am Anna, pinag-uusapan ng mga co-teachers namin iyon na nasa katabi naming lamesa. Hindi ko alam kung alam nilang nanligaw sa akin si Sir Genus dahil mukhang pinaparinig sa akin ang usapan.

"Hayaan mo na, Lisa. Binasted mo na kaya wala na tayong pakialam," parinig ni Ma'am Anna.

Napangiwi ako. "Huwag mo nang patulan," bulong ko sa kaniya.

Lalo kong napatunayan na tama ang desisyon ko. Pagkatapos ng nangyari, natanong ko sa sarili ko kung tama ba ang ginawa ko. I saw how devastated he was on that day.

"Sino ba ang inaabangan mo at tingin ka nang tingin sa labas?" tanong ni Ma'am Anna na nakataas ang isang kilay habang nililingon ang daanan. Hindi ako mapakali kaya minsan ay hindi na ako nakikinig sa sinasabi niya.

Nanlaki ang mga mata ko nang makita si Sir Genus na paparating. Sa ganitong oras siya pumupunta rito sa paaralan kung narito man siya. Nagmamadali kong inayos ang mga gamit at inaya si Ma'am Anna na umuwi na.

"Let's go!" Napalakas ang boses ko kaya kumunot ang noo niya. Malayo pa si Sir Genus kaya natitiyak kong hindi niya nakita.

"Bakit ka ba nagmamadali?" naguguluhang tanong niya nang hinila ko siya palabas ng pintuan. Dadaan sana ako sa office ni Nanay para makaiwas kay Sir Genus pero mukhang nakita na kami.

Taas noo akong humakbang, bahagyang hinila si Ma'am Anna sa tabi ko. Saglit na nagtama ang aming paningin ni Sir Genus nang magkasalubong kami ngunit ibinaling ko sa daanan ang mga mata. Tumigil siya sa paglalakad ngunit nagtuloy-tuloy ang mga hakbang ko. Hindi ko kayang tingnan ang lungkot na naaaninag ko sa kaniyang mga mata.

Tumahimik naman si Ma'am Anna at sumabay na sa akin.

"Kaya naman pala. 'Di mo kasi sinabi agad," bulong ni Ma'am Anna nang malagpasan namin si Sir Genus.

Hinintay ko munang makasakay si Ma'am Anna ng tricycle bago ko tinahak ang daan pauwi sa amin. Tumawid ako ng kalsada at bumaba sa maliit na hagdan patungo sa dagat. Hindi pa lumulubog ang araw kaya medyo mainit pero hindi ko alintana iyon dahil sa malamig at may katamtamang hangin.

Muli kong naalala ang nangyari sa mismong bahaging ito. Hindi ko makalimutan ang sakit na nakita ko sa kaniyang mukha. Pilit kong inaalo ang sarili ko na ego lang niya ang nasaktan. Ngunit may bahagi sa akin na natatakot.

Paano kung totoo ang sakit na nakita ko sa mga matang iyon?

Nasaktan din ako sa ginawa niya. May fiance siya pero nanliligaw siya sa akin. Ano ang maaari kong isipin kundi niloloko niya ako.

"You're here." Nagulat ako sa nagsalita sa malayong gilid ko.

Si Sir Genus!

My forehead creased. Hindi ba nagkaliwanagan na kami? Ginawa naman niya ang gusto kong mangyari pero bakit ngayon?

"Why are you here? Hindi ba sinabi ko na—"

"I'll visit Mang Ramon," he cut me off.

Natahimik ako sa sinabi niya. They were friends and I was out of that friendship. He was walking far from me, anyway. Magkasabay kaming naglakad pero malayo siya at hindi siya nagtangkang lumapit sa akin.

Bakit ba ako umiyak nang araw na 'yon? Nasaktan ako, pero nangangahulugan bang may nararamdaman na ako para sa kaniya? Kung mayroon man, pinipili kong kalimutan na lang 'yon.

Walang nangahas na nagsalita hanggang sa makarating kami sa bahay. Naabutan namin si Tatay na nagpapahinga sa sala. Hindi pa siya nakakapagpalit ng damit kaya nasisiguro kong kagagaling niya sa palengke.

"'Tay." Nagmano ako sa kaniya ngunit tumagos sa likod ko ang tingin niya.

"Genus, napabisita ka." Nagkatinginan kami ni Tatay.

Ipinagtapat ko ang nangyari sa kanila ni Nanay dahil ayaw kong magulat sila na hindi na bumibisita si Sir Genus. 'Tsaka halata sa mukha ko ang pag-iyak nang araw na 'yon kaya mas minabuti kong sabihin ang ilang detalye.

Nagkibit ako ng balikat at dumiretso sa kuwarto para magbihis.

"Kumusta, Mang Ramon?" tanong ni Sir Genus bago ko isarado ang pintuan ng kuwarto ko.

Hindi ko sinabi ang tunay na rason kung bakit siya basted. Kahit paano ay ayaw kong madungisan ang pangalan niya kina Nanay at Tatay. Sinabi ko lang na nagkasagutan kami bago ako nakauwi.

Wala si Sir Genus paglabas ko. Tiningnan ko ang balkonahe, baka sakaling nagtagal siya pero wala talaga.

"Umalis na, Lisa," sabi ni Tatay habang nagsasaing ng bigas.

Nagbuntong-hininga ako. Hindi ko alam kung nasiyahan ba ako o nalungkot sa mabilis na pag-alis niya. Nagpatuloy ako sa nakagawian ko tuwing hapon, ang pag-check at pag-record ng mga activity ng mga bata. Naghanda rin ako para sa gagawin bukas sa bahay nina Ma'am Anna.

Sa gabing iyon habang nakahiga sa kama at nakatitig sa kisame ay naalala ko ang mga sinabi ni Sir Nathan. Araw ng Miyerkules ngayong linggo nang sinadya ko siya sa clinic dahil bumisita siya.

"Hindi ko masasagot ang mga tanong mo, Lisa. Kung ano ang sinabi ko no'ng nakaraan, 'yon lang ang dapat mong malaman," sagot niya habang pinapasadahan at nililista ang mga gamot na nasa maliit na cabinet.

"May alam ka bang orphanage na pinupuntahan ko noon?" Hindi ko gustong paniwalaan ang sagot niya.

Malakas ang pakiramdam kong may alam siya tungkol sa 'kin pero pilit niyang inililihim 'yon.

Saglit siyang napatitig sa akin bago umiling.

"Hintayin na lang natin na bumalik ang mga alaala mo, Lisa. Huwag mong pilitin ang sarili mo," mababang saad niya bago muling itinuon ang pansin sa ginagawa.

Mukhang hindi talaga siya magsasalita pero nagpatuloy ako sa pagtatanong. "Kung ganoon, magkaibigan ba tayo noon?"

Humarap siya sa akin at ngumiti. "Oo, magkaibigan tayo."

Kaya pala magaan ang loob ko sa kaniya noong una ko siyang makita kahit hindi ko siya kilala. He was very careful. He didn't say anything that would trigger my memories. I understood but I wanted so bad to answer my unending questions about my past. Pero sa tingin ko, gusto niyang ako mismo ang tumuklas sa mga iyon.

Nakakapagod ding isipin ang mga bagay na tila walang kasagutan. Panahon na siguro para tigilan ang pag-iisip sa mga panaginip na hindi ko maintindihan. I'd come to a point where I would let anything that would happen, to remember or not to remember.

Hindi ko alam kung paano ako nakatulog nang gabing 'yon sa dami ng gumugulo sa isipan ko pero nagising ako kinaumagahan na magaan ang pakiramdam.

Dala ang bag na naglalaman ng mga gagamitin sa pagtuturo ay nagtungo ako kina Ma'am Anna. Sa main road ako sumakay ng tricycle papunta sa kanila. Quarter to eight A.M. nang makarating ako, eksakto lamang sa usapan namin kahapon.

Itinulak ko ang kahoy at may kalakihang tarangkahan. Bumungad sa akin ang malawak at luntiang bakuran, sa magkabilang gilid makikita ang mga halaman na hindi pa naisasaayos.

May mga kalakihang lamesa rin ang hiwalay na nakahanda sa magkabilang bahagi ng bakuran para sa gagawing remedial class.

"Lisa, pasok ka." Si Nanay Selda, ang mama ni Ma'am Anna ang sumalubong sa akin. Nagmano ako at sumunod na sa kaniya sa loob ng bahay.

Gawa sa kahoy ang kanilang dalawang palapag na bahay at kasalukuyang nire-renovate kaya medyo magulo ang ilang kasangkapan sa loob. Namana pa raw ng kaniyang papa ang bahay na ito mula sa kaniyang lolo at lola kaya may kalumaan na ngunit matibay pa rin, halatang de-kalidad na materyales ang ginamit.

"Si Ma'am Anna po?" tanong ko nang hindi ko makita.

"Nasa kuwarto pa, Lisa. Pababa na rin 'yon. Nag-almusal ka na ba?" nakangiting tanong ni Nanay Selda.

Kahit may edad na si Nanay Selda ay halata pa rin ang masayang disposisyon sa buhay.

"Opo, tapos na po," sagot ko.

Mayamaya pa ay bumaba na si Ma'am Anna sa kahoy na hagdanan, dala ang mga instructional materials na gagamitin sa pagtuturo.

Nagsimula na ring dumating ang mga estudyante kaya malawak naming binuksan ang tarangkahan. Anim ang estudyanteng tuturuan ko ngayon dahil may dumagdag, apat lamang sila noong nakaraan.

Mas marami ang tinuturuan ni Ma'am Anna dahil mas maraming pasaway sa klase niya pero mabuti na lamang at sinisipag na pumunta at mag-aral.

Pinili naming isagawa ito rito sa bahay nila dahil mas malapit sa bahay ng mga bata. Malawak din ang kanilang bakuran at tahimik ang kinatatayuan ng bahay kaya perpekto sa ginagawa naming pag-aaral.

Natigil din ang renovation ngayong buwan, gusto raw kasi ng kuya niya na ito mismo ang magtuloy sa susunod na buwan kaya walang ingay na maririnig galing doon.

Inilatag ko ang mga ipapagawa sa mga bata at nagsimula na akong magturo sa bawat isa. Kailangan kasi nila ng patnubay sa kanilang ginagawa, hindi katulad ng mga estudyante ni Ma'am Anna na pagkatapos mag-discuss, hinahayaan niya ang mga estudyante sa ano mang ibinibigay na activity.

When nine-thirty hits, Nanay Selda brought us food. Isa rin sa gustong-gusto ko rito ay ang pagkain. Mahilig magluto ang Mama niya at talaga namang napakasarap.

"Magmerienda muna kayo," masayang inilapag ni Nanay Selda ang tray ng turon at juice sa ibabaw ng lamesa.

"Salamat po!"

Napangiti ako nang umingay ang mga bata at isa-isang kumuha ng kakainin. Kumuha na rin ako ng pagkain ko.

"The best talaga ang luto n'yo, 'Nay Selda," puri ko sa kaniya pagkatapos pangalahatian ang turon.

"Kaya natutuwa ako sa 'yo, Lisa. Lagi mo akong pinupuri." Nagtawanan kami ni Nanay Selda. Hindi na ako magtataka kung kanino nakuha ni Ma'am Anna ang ugali.

Lumapit kami sa lamesa ni Ma'am Anna, inaayos niya ang mga ginamit na manila paper.

"Tapos ka nang magturo, Anna?" tanong ni Nanay Selda.

"Hindi pa po, Ma. Activity na lang, kaya hindi ko na kailangan ang mga 'to."

Tinulungan ko siyang mag-ayos at sinamahan sa sala habang si Nanay Selda ay naiwan kasama ang isang kasambahay, inaasikaso ang mga bata.

"Malapit na ang exam, sana naman magbunga nang maganda ang mga ginagawa natin," saad niya habang inilalapag sa kahoy na lamesa ang dala.

"Sigurado naman akong may magandang maidudulot 'to." Umupo ako sa kanilang sofa.

"Nakakapagod pero masaya akong nakikitang natututo sila," nakangiting sabi ko.

"Noon, parang ayaw na ayaw mo ang pagtuturo, ah. Pero ngayon mukhang ito na ang buhay mo," she said casually.

Namilog ang mga mata ko. "Talaga? Hindi ba ako masaya sa pagtuturo noon?"

"Hindi ko alam, pero parang napipilitan ka lang. Tapos lagi mo akong inaaway," natatawang saad niya at umupo na rin sa tabi ko.

Natawa rin ako, hindi dahil naalala ko kundi nakakatuwang isipin na kung magkaaway kami noon, 'di ko aakalain na magkaibigan na kami ngayon. Lumabas din kami pagkaraan ng ilang sandali upang magpatuloy sa ginagawa.

Pagsapit ng alas-dose, inilabas ni Nanay Selda kasama ang isang kasambahay ang mga pagkain para sa tanghalian. Kalahating araw lang ang ginagawa naming pagtuturo ngunit hindi pumapayag si Nanay Selda na hindi pakainin ang mga bata bago umuwi sa kani-kanilang tahanan.

Inasikaso ko ang mga estudyante ko sa pagkain lalo na ang mga batang babae. Hindi pa kasi sanay na wala ang mga magulang kaya ako na ang nagkukusa.

"Kainin mo lahat ang ilalagay ko Naomi, okay?" marahan kong nilagyan ng kanin, sabaw at karne ang plato ng bata.

Nakakalimutan ko ang mga alalahanin tuwing nakakasalamuha ko sila at iyon ang pinakamagandang pakiramdam sa lahat.

"Thank you, Teacher," malawak ang ngiting sabi niya.

"Teacher, ako mauubos ko lahat 'to," mayabang na turan ng katabi niyang si Baste.

Ngumiti ako at ginulo ang buhok niya. Masaya naming pinagsaluhan ang masarap na tanghalian. Kuwentuhan at tawanan ang pumuno sa hapag sa mga sumunod na sandali.

Pagsapit ng ala-una ng hapon, sinundo ng mga magulang ang mga anak. Ang ilang batang walang sundo ay inihatid namin sa kani-kanilang bahay. Pag-uwi namin ay nagpahinga kami habang nagkukuwentuhan sa anu-anong mga bagay na nakikita na palabas sa telebisyon.

Ngunit pagkaraan ng ilang sandali, humikab ako at 'di na nakikinig sa mga kuwento ni Ma'am Anna. Sinusubukan kong pakinggan ang sinasabi niya ngunit hindi ko namalayan na hinila na ako ng antok.

Nagising lamang ako nang hapon. Inunat ko ang mga kamay at tumingin sa buong paligid. Nahagip ng tingin ko ang mga larawan ni Ma'am Anna sa bedside table. Napamulagat ako at biglaang tumayo. Tiningnan ko ang relo, alas-singko na ng hapon!

Lumabas ako at sinundan ang pasilyo kung saan ko nakita ang hagdanan. Bumaba ako at nakita si Ma'am Anna sa sala, may kausap na lalaki. Kapagkuwan ay tumingin sa akin ang lalaki at bigla siyang napatayo.

"Liah?!" gulat na gulat na bulalas niya.

Liah? Bakit parang pamilyar ang pangalang 'yon?

"Huh? Anong Liah, Kuya? Si Lisa 'yan. Lisa, si Kuya Leo," pakilala ni Ma'am Anna sa akin.

Nagliwanag ang mukha ko, siya pala ang kapatid ni Ma'am Anna. Mukhang nasa late twenties lamang siya o 'di kaya'y early-thirties. Minsan na rin siyang nabanggit ni Ma'am Anna. Ayon sa kaniya, sa Maynila nag-aral ng kolehiyo si Kuya Leo at mula nang magtrabaho bilang Arkitekto, bihira nang umuwi.

"Ikaw pala ang laging nakukuwento ni Anna. Nice to meet you, Lisa." Naglahad siya ng kamay pero may bakas pa rin ng gulat ang mga mata.

Inabot ko naman ang kamay niya. "Sana puro magaganda ang mga kuwento niya?"

Tumawa si Kuya Leo. "Magkaibigan nga kayo."

"Anna buksan mo ang telebisyon at manonood ako ng balita," singit ni Nanay Selda na sumungaw mula sa kusina.

"Ma'am Anna, pasensiya na. Nakatulog ako," saad ko at hinagilap na ang mga gamit ko.

"Gigisingin sana kita pero mahimbing ang tulog mo kaya inilipat ka na lang namin sa kuwarto." Tinulungan niya ako sa pagliligpit pagkatapos buksan ang telebisyon.

"She's in a critical condition and I asked for your cooperation. Please, excuse us."

Dagli akong napatingin sa telebisyon nang marinig ang pamilyar na boses na 'yon. Gulat na gulat akong tumutok sa taong nasa balita. Malinaw kong nakita ang mukha ng isang may katandaang lalaki. His hair was salt and pepper but he looked strict and formal with his suit.

Muling ibinalik sa tagabalita ang focus ng camera.

"Matatandaang si Ginang Antonio ang isa sa mga pilantropong tumulong sa muling pagbangon ng kabuhayan ng mga taga-Leyte, ngunit ngayon ay malubha ang karamdaman."

Ipinakita sa screen ang mga larawan ng isang ginang at ang mga nagawang tulong.

My eyes widened in shock. Siya ang tinawag kong Mommy sa panaginip! Totoong tao ang mga napapanaginipan ko!

"Lisa, kilala mo ba sila?" untag sa akin ni Kuya Leo.

Napatingin ako sa kaniya at kumunot ang noo ko. Nabanggit niya kanina ang pangalang 'yon, ang pangalang nasa panaginip ko.

"Liah... Sino si Liah?" naguguluhang tanong ko sa kaniya.

"Kuya, anong pinag-uusapan n'yo?" singit ni Ma'am Anna pero nakatuon ang atensyon ko kay Kuya Leo.

"Siya ang anak ng boss ko," sagot niya, titig na titig sa mukha ko.

"Nasaan siya ngayon?" kinakabahang tanong ko.

"Idineklarang patay na pero hindi natagpuan ang katawan." Tumingin siya sa akin nang diretso. "Kamukhang-kamukha mo siya, Lisa."

"Ano ang pangalan ng mga taong 'yon?" bulong ko, ang nakita sa telebisyon ang tinutukoy.

"Liandell Antonio at Carolina Antonio."

"Hindi ba sa Esquivel Group ka nagtatrabaho, Kuya?" tanong ni Ma'am Anna.

Nabaling ang atensyon ni Kuya Leo sa tanong ng kapatid kaya hindi na nila ako napansin.

Nanghihinang napaupo ako sa malapit na sofa, hindi alam ang iisipin. Bakit ko sila napapanaginipan?

"Hindi na. Sa Antonio Builders na ako ngayon. Hindi ko nasabi dahil naging busy na. Kailan lang no'ng lumipat ako."

Hindi na pumasok sa isipan ko ang usapan nila dahil gumulo sa utak ko ang mga taong nakita ko sa telebisyon.

"Liandell Antonio... Carolina Antonio..." paulit-ulit kong bulong.

"Namumutla ka, Lisa. May naalala ka ba?" Umupo si Ma'am Anna sa tabi ko at nag-aalalang tumingin sa akin.

Umiling-iling ako at sumandal sa sofa. Mariin kong ipinikit ang mga mata.

Bakit sila ang mga napapanaginipan ko? Akin ba ang mga alaalang iyon?

"Lisa, sabihin mo kung dadalhin ka namin sa ospital!" natatarantang saad ni Ma'am Anna.

Naramdaman kong tumayo siya. "Tatawagin ko si Mama."

Dumilat ako at hinawakan ang kamay niya. "Hindi, ayos lang ako."

Tiningnan niya ako nang mabuti. Sinikap kong kalmahin ang sarili para hindi siya mabahala.

Lumipat ang paningin ko kay Kuya Leo. Tahimik at seryoso itong nakatitig sa akin.

May alam ba ito sa mga bumabagabag sa akin?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top