Prologue

[A/N: You are about to read the previous version of Forest Feuds. The final and most updated version can only be read in the published novel. I highly recommend purchasing a copy! See more details in the "Notice #1" part. Thank you!]

“Ahh! Maawa ka! Tama na!”

Saksak…

Hiyaw…

Isa pang saksak…

Isa na namang hiyaw…

Paulit-ulit nang mga saksak na bawat pagbaon ay siguradong napakasakit. Walang katapusan ang mga panaghoy upang mailigtas ang sariling buhay.

Naririndi na ako. Hindi na ba ito matatapos?

Ang akala ko’y walang katapusan ay biglang naputol. Napasinghap ako.

Sa akin. Sa akin siya nakatitig. Sa akin nakatuon ang nanlalaki niyang mga mata na hindi nagtagal ay pumikit na. Kitang-kita ko ang hilakbot sa mga matang iyon.

Lumaylay ang ulo ng lalaki at tila napaigik pa nang mahina kasabay ng paghugot ng kutsilyong nakatarak sa kaniyang leeg.

Pula.

Pumulandit ang pulang likido mula sa warak niyang lalamunan bago lumagpak sa sahig ang bangkay niyang punong-puno ng malalalim na hiwa at sugat. Umagos ang kulay pulang likidong iyon mula sa katawan niya at kumalat sa sahig na hindi na makikilala ang totoong kulay, dahil sa hindi mabilang na lawa ng dugong natuyo na roon.

Nakarinig ako ng buntonghininga pagkatapos ay ang pag-alingawngaw ng isang baritonong boses.

“Ayos na ‘yan.”

Isang maiksing tunog ng pag-klik ang aking narinig kasabay ng pagpindot ko sa hawak kong bagay. Saksi ito. Saksi ako. Kaming dalawa ang tanging mga saksi sa naganap na karima-rimarim na krimen sa loob ng maliit na silid na kinalalagyan namin.

Lumapit sa akin ang matangkad na bulto ng lalaking bitbit ang isang malaking kutsilyo.

Ang kutsilyong iyon... na tumapos na naman ng isang buhay. Kumikislap pa ang talim noon sa maningning na ilaw ng silid na ito.

Umupo siya sa harap koat tumitig sa akin. Gumuhit ang isang tipid na ngiti sa mukha niyang may mga talsik pa ng dugo. Ipinahid niya ang duguan niyang daliri sa aking kaliwang pisngi at naramdaman ko ang init at lagkit noon.

“Hindi lahat ng tao sa mundo ay karapat-dapat mabuhay… Kaya huwag kang mag-aalinlangang tapusin ang sinumang mang-aapi sa iyo. Kung hindi mo sila buburahin sa mundo, ikaw ang buburahin nila."

“P-pero, Papa…”

“Lahat ng kasalanan ay may kabayaran. Tandaan mo iyan, anak.”

Ngumiti ako nang mapait at nagmulat ng mga mata.

Ang nakaraang pilit kong ibinaon at tinakbuhan ang siya pa palang magpapatibay ng loob ko sa kasalukuyan.

“Pagkatapos ng lahat ay tama pala talaga ang sinabi mo, Papa.”

Tama. Totoo nga ang mga binigkas niya nang gabing iyon. Hindi lahat ay karapat-dapat sa buhay na tinatamasa nila. Lalo na kung ginagamit naman ito sa paninira ng iba.

Upang maparusahan ang mga demonyo, kailangang maging mas demonyo ako sa kanila.

Wala nang pag-aalinlangan.

Puwersahan kong ibinagsak ang talim ng itak sa leeg ng taong nakahandusay sa harapan ko.

《×××××》

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top