IV - Startle
Ryan
3:48 PM
"Nasaan 'yong van?"
Hindi ko inasahan na ganito ang bubungad sa amin pagkabalik namin sa may kalsada.
"Wala ba talaga?" saad ni Jane na palinga-linga. Tinanaw namin ang kahabaan ng daan pero walang sasakyan o ano man sa paligid.
"Baka naman mali 'yong dinaanan natin kaya sa ibang parte tayo lumabas?" tanong ni Alvin.
"Oo nga. Posible 'yon dahil hindi naman natin kabisado 'tong lugar," pakli ni Catherine.
"Sa tingin niyo ba mali 'yong inilagay kong mga tanda? Sigurado naman akong doon din tayo dumaan sa dinaanan natin kanina. 'Di ba, Ryan?" tugon naman ni Steve at bumaling sa akin. Ha? Anong sinasabi nito?
Inginuso naman niya si Jane, at nakuha ko ang ibig sabihin niya nang maalala ang isang bagay.
"Ah, oo... tanda niyo 'yung pinulot niyong pack ng chichirya kanina? Nahulog niyo 'yon habang papunta tayo at hindi naman namin pinulot kasi baka maging pananda natin. At dahil nadaanan ulit natin kanina, ibig sabihin tama ang dinaanan natin," pahayag ko.
Kakaibang isipin, pero si Steve ang nagsabi na huwag pulutin ang pakete nang mahulog iyon kanina. Wala naman akong nagawa at heto ngayon, nagamit iyon para magpatunay sa sinabi niya. Parang pinlano, ah. Hmm.
"Eh kung nasa tamang lugar tayo, bakit wala 'yung van dito? Saka si Mark?" ani Kelly.
"What is going on?" Bakas ang pagpa-panic sa boses ni Jane na ibinaba na ang bag na dala niya.
"Shocks. I can't believe this is happening. Nasaan na ba si Mark? Is he toying with us or what?" Mukha namang naiinis na si Jessica. Nagiging tensyonado na ang mga kaganapan dito ah.
"Guys, kumalma kayo. Baka naman inilipat lang ni Mark ng pwesto 'yung van, o baka-"
"O baka iniwan niya tayo." Naputol ako sa pagsasalita dahil sa sinabi ni Kayne.
"Ano? Bakit naman niya gagawin 'yon?" sabi ni Alvin.
"Hindi ko alam. Basta umalis siya at iniwan tayo rito."
"Ano 'yon, tumuloy siya mag-isa sa camp at nagpakasaya? O umuwi nang walang paalam?" tugon ko. Hindi ko lang talaga matanggap ang mga sinabi niya kanina.
"Paano mo ipapaliwanag ang bigla nyang pagkawala kasama ang van? Hindi mo kayang patunayan na hindi niya tayo iniwan dito na parang mga ililigaw na kuting," sagot niya na para bang nang-aasar pa dahil sa nakataas nyang kilay.
"Kayne, Ryan, tumigil—" Hindi na nakatapos si Steve dahil sumagot na ako.
"Pero hindi mo rin kayang patunayan na iniwan niya tayo dahil gusto niya. Saka, ganyan ba ang tingin n'yo sa kanya? Basta-bastang nang-iiwan?" Hindi ko na mapigilan ang pagkabwisit ko sa mga sinasabi niya. Dumadali na naman 'tong si Kayne eh. Ang kapal ng mukha na magsalita, eh hindi naman niya lubusang kilala 'yung tao.
"Alam nyo, tumigil na kayo. Walang silbi 'yang pagsasagutan ninyo," awat ni Catherine. Pero hindi pwede 'to eh. Bakit si Mark ang inaakusahan nila?
"Naniniwala ba kayo na-"
"Can all of you just fucking shut up?" Nagulat ako sa biglang pagsigaw ni Jessica. Kitang-kita ko ang pagkuyom ng kamay niya sa hawak niyang cellphone.
"Your words can't move things back to order! You're just desperate to prove your own sentiments! Gosh!" Nabigla ako sa tinuran niyang 'yon. Nahiya naman ako at hindi na nagsalita.
Agad namang hinawakan ni Noel si Jessica at pinakalma.
"Kasi naman eh. Sabi ko kumalma kayo. Pag-isipan natin 'to nang maayos," anunsyo ni Steve.
"Eh paano naman tayo kakalma kung wala tayong sasakyan dito sa gitna ng lugar na hindi naman natin kilala? Baka may kung ano-anong eklavush dito 'no," litanya naman ni Kelly.
"Wait nga, masyado kayong kabado eh. Sigurado na ba tayong wala si Mark at 'yung van? Baka may binili lang? Hintayin muna natin," saad ni Catherine.
"Buti sana Catherine kung marami tayong oras, eh. But we are going to a camp. In fact, we should have been there at this point," wika naman ni Jane na hindi maitatangging tama rin.
"Wait. Let's sit here and calm down for the time being. Use your phones to contact Mark. That's it," suhestiyon ni Noel na pakapa-kapa sa bulsa ng short niya.
Sumang-ayon naman ang lahat sa sinabi niya. Bakit nga ba hindi namin 'yon naisip?
"Tara muna dito sa may puno at maupo, kaysa lahat tayo eh nakatayo d'yan. Mangangalay kayo," paanyaya ni Alvin na naglakad papunta sa tabi ng isang puno at doon dinala ang icebox. Sumunod naman kami at nagsiupo sa ugat ng mga puno.
Naglabas sila ng mga cellphone nila. Hindi na ako nagsayang ng enerhiya na kunin ang akin dahil alam ko namang deadbatt 'yon.
"Patay. Nakalimutan natin guys na puro tayo walang load. Sina Noel at Catherine na lang ang mayro'n," turan ni Steve.
"Nasaan ang phone mo, babe?" baling ni Jessica kay Noel. Wala kasi siyang hawak na phone.
"I don't know." Napakurap ako sa sagot niya.
"What do you mean?" nagtatakang tanong ni Jessica.
"I don't know. I lost it. Wala sa bag noong i-check ko. Not anywhere in my body and possessions."
"Sigurado ka ba, Noel? 'Yan na lang ang way para mahanap natin si Mark at 'yung van." Halata naman kay Kelly na nag-aalala na rin siya. May naalala naman akong bagay.
"Ikaw Catherine, nasaan 'yung sa iyo?" wika ko.
"Eto oh," sagot naman niya at ipinakita ang cellphone niya na pinipindot na pala niya.
"Buti naman. Cath, tawagan mo na si Mark," usal ni Alvin.
"Eto na nga, kanina ko pa sinusubukan. Mahina kasi ang signal dito kaya ang hirap maka-connect," eksplanasyon ni Catherine.
"Akin na, susubukan ko," sabi ni Steve at lumapit kay Catherine. Kinuha niya ang cellphone at nag-dial.
"I-speaker mode mo para marinig namin," turan ni Kayne na sinunod naman ni Steve.
Unang subok, cannot be reached. Pangalawa, ganoon ulit.
Nakailang tawag si Steve pero hindi talaga makaabot.
"Kung kailan ba naman kailangan saka pa nagkaganito," dismayadong wika ni Steve.
"Isa pa, huli na-" Napatigil kaming lahat nang marinig ang ring ng receiver.
"Finally! Sagutin mo na Mark, please!" saad ni Jessica.
Ilang segundo ang lumipas pero patuloy lang sa pag-ring. Hindi nagtagal ay...
"Ano? Pinatay niya ang tawag!"
"P*ta naman!" Napahampas pa sa katabing puno si Alvin.
"Ano bang problema niya?" tiim-bagang na wika ni Jessica.
"Subukan mo uling i-dial, Steve!" sabi ko, umaasang sasagot na si Mark sa pagkakataong ito.
Muling nag-dial si Steve pero cannot be reached na ulit.
"Ano ba naman 'to!" Napalunok na lamang ako ng laway dahil pati si Steve ay nagalit na.
Hindi na muna ako nagsalita. Wala ring naglakas-loob na gawin iyon kaya nabalot kami ng nakakailang na katahimikan.
Gusto ko sanang magpaliwanag at ipagtanggol si Mark... tulad ng ginagawa niya sa akin dati. Pero mukhang magkakagulo lang kapag ginawa ko 'yon kaya mananahimik na muna ako sa ngayon.
"Kita niyo? Pinatay niya ang tawag. Ibig sabihin ayaw niya talagang makausap tayo, at mukhang tinakasan na nga niya tayo dito."
Napatitig na lang ako at nagpigil ng sarili sa sinabi ni Kayne. Talagang sinisipag siyang magsalita ngayon na minsan niya lang gawin, at lalo lang niyang pinapalala ang sitwasyon sa mga sinasabi niya.
"Hindi pa rin natin sigurado. Paano kung may masamang nangyari kay Mark? Kung na-hijack ang van at dinukot si Mark? Posible 'yon 'di ba?" Isa pa naman 'tong si Steve kung makapagsalita. Iyon ba talaga ang naiisip niyang nangyari?
"Guys, do you realize what you're saying? Come on. Nevertheless, kailangan na talaga nating makaalis dito. Natatakot na ako, it's getting dark na oh," saad naman ni Jane na nakayakap sa sarili. Inilapit naman sya ni Kelly sa sarili at hinimas ang braso bilang pagpapakalma.
"Steve, malapit na ba tayo sa camp? Kaya ba nating lakarin?" tanong ni Catherine na nakayakap sa tuhod niya at nakaupo sa isang ugat.
"Hindi ako sigurado. Kung nasa may gitna pa lang tayo, baka hindi natin kayaning maglakad dahil tingin ko malayo pa," tugon ni Steve. Hindi pa rin sya umuupo at naka-cross arms habang dala pa rin ang backpack niya.
"Anong gagawin natin? Mukhang malayo na rin naman kung babalik tayo," komento naman ni Kelly na mas naging panlalaki ang tono ng pananalita dahil seryoso siya.
"Ano pa ba? We move forward or we go back. Wala naman siguro kayong balak na maghintay lang dito hanggang balikan ni Mark o hanggang may dumaang ibang tao?" Bakas pa rin sa pananalita ni Jessica ang nararamdaman niyang pagkaimbyerna sa sitwasyon namin ngayon.
"Tutuloy tayo sa paglalakad?" ani Alvin na napakamot pa sa siko.
"What do you want, then?" Kita ko namang nasindak ito sa sagot ni Jessica na may kasama pang panlalaki ng mata. Muntik ko nang makalimutan na nanginginig pa siya kanina dahil lumapit sa kanya si Alvin habang hawak 'yung itak. Ewan, madalas ding mag-iba ng personality itong si Jessica.
"Oo na, nagtatanong lang naman. Tara na?" turan ni Alvin na binuhat ang mga gamit niya at akmang maglalakad na.
Nagkilusan na rin kami at kanya-kanyang dala sa mga gamit namin.
Sa mga dala naming supplies ngayon, dapat makarating agad kami sa camp dahil kung hindi ay magugutom kami.
Sa pagkakaalam ko, pulos tira-tirahan na lang mula kanina ang dala namin, at kung meron mang ibang pagkain eh siguradong hindi sasapat sa lahat para sa ilang beses na pagkain.
Wala ako sa mood at tinatamad. Paano ba naman kasi eh nakakagigil 'yung mga pinagsasabi nila kanina. Lalo na si Kayne.
Bakit ka pa kasi sumama?
Palagi ko na iyang iniisip mula noong makilala namin si Kayne. Palagi siyang kasama sa galaan at gimik ng tropa pero ganito ang ginagawa niya. Minsan lang siya kumuda tulad ng ginawa niya kanina, pero kahit walang salita ay nagagawa niyang inisin ang bawat isa sa amin.
Napapahigpit na lang ako ng hawak sa strap ng bag ko na tangi kong nadala. Lahat ng iba naming gamit ay nasa van eh. Mga personal na bag lang ang dala namin at ilang extra tulad ng picnic mat ni Jessica at itak ni Alvin. Buti lahat naman kami ay may gadgets. Maliban nga pala kay Noel.
Pero walang kuwenta rin 'yang mga cellphone ngayon eh. Sobrang layo na siguro namin sa reception tower dahil bahagya nang magka-bar ang network status ng mga sim, at hindi pa magamit miski free data.
Kung bakit ba naman kasi nawala si Mark at 'yung van eh.
Teka nga. Si Mark.
Saan kaya siya nagpunta? At bakit hindi niya sinagot nang maayos 'yung tawag kanina?
Hindi ko rin sila talaga masisi na mainis kay Mark, pero hello? Hindi ba nila kilala si Mark? Seryoso ba sila sa ideyang bigla kaming iniwan ni Mark dito?
Nakakadismaya sila. Hindi ko lubusang maisip kung bakit ganoon ang sinabi nila. Kabobohan naman kung basta kaming iiwan ni Mark eh hindi naman 'yun 'yung tipong nang-iiwan—
Hindi pala. Napatunayan ko na kaya niyang iwan ang isang kaibigan.
Matagal na rin kaming magkakilala ni Mark. Sa totoo lang, kaming tatlo ni Catherine ang tingin kong pinakamatagal nang magkasama sa tropa.
Nagsimula kaming tatlo noong lumipat kami ng bahay ng pamilya ko. Bata pa ako noon, mga Grade 1 o 2 siguro. Sina Catherine at Mark ang mga kapitbahay namin noon.
Ano nga ba ang nangyari? Naalala ko pa 'yung unang beses nila akong kinausap.
"O Ryan, bakit nakasilip ka lang d'yan? Sumali ka kung gusto mo," sabi ni Mama habang naghihiwa ng mga gulay para sa tanghalian.
Tumingin lang ako sa kanya. Umalis na ako sa may pintuan at lumapit sa mga laruan ko sa lamesa.
"Sumama ka kay Reese para makilala mo naman 'yung mga kapitbahay."
"Ayaw ko." Naupo na lang ako sa sofa.
"Hay nako. Minsan na lang kita payagang lumabas at makipaglaro oh. Dali na. Reese, isama mo nga 'tong kuya mo!"
Mahiyain ako noong bata. Medyo strikto rin kasi sina Mama sa akin dati eh. 'Di tuloy ako sanay makihalubilo sa iba noon. Ngayon naman, ay ewan. Makakarating ata ako sa ibang bansa nang hindi nagpapaalam.
"Ikaw si Ryan 'di ba?"
"Ilang taon ka na?"
Hindi ako makatingin nang diretso sa kanya. Sa batang lalaki na unang lumapit sa akin.
Nakasuot siya ng blue na shirt at dilaw na short habang naka-tsinelas. Mas matangkad din siya kaysa sa akin.
"E-eight. Eight y-years old."
Kinakabahan ako kaya nautal ako sa pagsasalita.
Bakit ba kasi ako iniwan ni Reese dito? Porke may kilala na siyang iba kaya sila na agad ang sinamahan niya.
"Oy! Nataya na tayong lahat! Magvi-viva sit na!"
Napatingin naman ako sa batang babaeng may dalang Stick-O na tumatakbo papalapit sa amin. Marungis ang mukha niya at marumi rin ang dress niyang kulay pink.
"Saglit lang, eto may bago tayong kalaro oh," sagot ng batang lalaki. Napatingin tuloy sa akin ang batang babae.
"Hi! Gusto mong Stick-O?" masiglang bati niya sa akin at ipinakita ang plastic ng durog na Stick-O galing sa bulsa niya pero hindi ako makasagot.
"Siya si Catherine.." Muling nagsalita ang batang lalaki.
".. at ako naman si Mark. Nice meeting you!"
Unti-unti ay nakapalagayang loob ko na sila. Si Catherine ang food supplier namin na talaga namang tabachoy noon, at si Mark ang umaaktong kuya kahit magkakasing-edad lang kami.
Sila ang lagi kong kasama. Hindi na ako nahirapang mag-adjust noon dahil sa kanila. Kahit sa school, madalas kami pa rin ang magkakagrupo sa projects at magkakasabay umuwi.
Sumagi naman sa isip ko 'yung isang beses na gumawa kami ng project sa bahay nina Catherine.
"Sige, ingat kayo pauwi!" saad ni Catherine at pinanood kaming maglakad palayo sa bahay nila.
"Grabe, napakagastos naman ng project natin sa Science. Puro na nga tapong tapos gabi pa tayo nakakauwi," reklamo ko kay Mark habang patuloy sa paglalakad.
"Hayaan mo na. Sigurado namang mataas ang grade natin d'yan eh. Ang ganda kaya ng gawa natin," sagot niya.
Nagpatuloy na lang kami sa paglalakad.
"Si Bochog 'yun 'di ba? Kasama sina Natnat at Ransel?" turan ko naman nang matanaw sa malayo ang tatlong kapitbahay namin na mga bully. Mga rebelde kasi sa magulang, kung ano-ano ang mga ginagawang kabulastugan.
"Hayaan mo lang sila. Subukan lang nilang man-trip." Medyo nabigla naman ako sa seryosong sagot ni Mark. Sabagay, ilang beses na rin kaming pinuntirya ng mga 'yan. Lalo na ako, kapag natitiyempuhan nila akong mag-isa.
Naunang maglakad si Mark sa akin. Hindi nagtagal ay nakasalubong na namin ang tatlo.
"Uy! Gabi na ah. Bakit nasa labas pa kayo? Baka makuha kayo ng manunupot ha, ingat mga bading!" bumubungisngis na kantiyaw ni Bochog sa amin. Hindi iyon pinansin ni Mark at nilampasan lang sila kaya sumunod na lang ako.
Hindi pa kami nakakalayo sa kanila ay tumigil si Mark at pumulot ng isang plastic. Pagtingin ko ay may laman iyong mga tira-tirang pagkain.
"Anong gagawin mo d'yan?" usisa ko.
"Watch and learn," tugon niya. Nagulat ako nang ibato nya ang plastic sa kinaroroonan nina Bochog, at boom! Sapul sa ulo si Bochog at natapunan din ng pagkain sina Natnat at Ransel.
"Ang galing-" Hindi na ako nakatapos magsalita dahil nakita kong humarap sina Bochog sa amin at galit na galit na tumakbo!
"Takbo, dali!" natatawang wika ni Mark at tinapik na ako upang tumakbo.
"Nadali niyo!" tuwang-tuwa ko ring sabi at nagtawanan kami ni Mark habang kumakaripas pauwi.
Nadapa pa ako noong gabing iyon kaya napagalitan. Pero hindi naman kami inabutan nung tatlo. Hapit ang takbo namin noon at talagang masaya.
Dumating ang high school. Lumipat ng bahay sina Mark, pero siyempre hindi kami nagkalimutan. Magkaklase pa rin naman kami kasama si Catherine.
Noong Grade 7...
"Oy, hindi ka nagsasabi ha," bungad ko kay Catherine na galing sa canteen.
"Ng ano?" nagtataka niyang tanong habang ngumunguya ng biscuit.
"Kanino galing 'to ha? May ka-MU ka na ano?" Sumulpot naman si Mark mula sa likuran ko habang hawak ang love letter na nakita namin sa bag ni Catherine.
"Ha? Kanino 'yan?"
"Nagmamaang-maangan ka pa ha! Nahuli na namin 'to sa bag mo! Sinong nagbigay?" ngiting-ngiti kong panunukso sa kanya.
"Hala, seryoso, hindi ko alam! Baka may naglagay nang hindi ko alam, wala naman 'yan kanina eh." Itinatanggi niya man, kita namin ang pamumula ng tenga niya.
"Naku, itinatago mo lang sa'min 'yang boyfriend mo! Sino ba? Si Paul? O baka- Oy Simon! Sa'yo ba galing 'to?" pagbaling naman ni Mark sa kaklase naming si Simon na naglalakad palabas.
"Napakaano niyo talaga!"
Nagkantiyawan at nagtawanan lang kami habang kumakain ng mga baon namin.
"Pero paglaki kaya natin, sino ang unang mag-aasawa?" bigla kong naitanong sa gitna ng pag-aasaran namin.
"Ay siya, sigurado na! Sino ba ang ngayon pa lang ay may love
life na?" nakangising tugon ni Mark sabay tingin kay Catherine.
"Ewan ko sa inyo! Basta hindi kayo imbitado sa kasal ko!" naaasar namang pahayag ni Catherine.
"'Di ba sa kasal may ano, 'yung best man saka ano yung sa babae?" sabi ko.
"Maid of honor?" ani Mark.
"Oo, 'yon. Pag kinasal tayo ha, tayo-tayo rin ang best man at maid of honor ha," wika ko.
"Eh 'yung bride ata ang pipili ng maid of honor eh, tapos groom sa best man. Paano kung iba ang piliin ng mga magiging asawa natin?" usisa ni Catherine.
"Wag kayong mag-alala, gagawa tayo ng paraan para maging ganoon," turan ni Mark at umakbay sa akin.
"Siguraduhin mo, ako ang magiging best man mo. Ikaw rin dapat ang best man ko ha!" dugtong niya.
"Siyempre naman! Solid ata tayo!"
Solid. Akala ko noon solid kami. Akala ko hanggang paglaki kasama ko siya.
Pero dahil lang sa isang pangyayari, nag-iba ang lahat.
Tandang-tanda ko pa iyon. Sabado ng gabi, October 4.
"Bakit magkasama na naman kayo ni Steve?"
"Nagpasama lang sa akin na magpa-print ng Chapter 3," sagot ni Mark at naupo sa sofa at hinarap ang laptop nya. Nandito kami ngayon kina Jessica, nakikitambay dahil malapit na ang pasahan ng Chapter 4 ng thesis.
"Bakit hindi niyo ako tinawag? Nandoon lang ako sa may kusina oh," nagmamaktol kong tanong.
"Kailangan ba? Makakapagpa-print naman kami kahit wala ka ah." Napatiim-bagang ako sa tugon niyang iyon.
"O sige, ganyan pala eh. Hindi mo naman sinabing hindi mo na ako kailangan. Palibhasa mas angat si Steve pagdating sa yaman, kasikatan, sa lahat. 'Yon lang naman ang habol mo 'di ba? Social climber ka! Magsama kayo!" madiin kong litanya at umalis.
Bwisit. Kung bakit ko ba naman kasi sinabi ang mga salitang 'yon!
Hindi ko nakontrol ang galit ko noon at nakagawa ng bagay na pinagsisihan ko. Binura ko ang thesis ni Mark na naka-save sa akin at hinack ang social media account niya at nag-post ng kung ano-ano.
Nagpalipas ako ng inis kinabukasan at hindi nagpakita sa tropa. Kahit kay Catherine ay nagtago ako.
Napag-isip-isip ko na sobra naman yata ang nasabi at nagawa ko. Nasabi ko lang naman 'yon dahil mas madalas na silang magkasama ni Steve mula nang maging kaklase namin ito noong Grade 12, at naramdaman kong para bang iniitsa-puwera niya ako, na isa sa mga pinakaayaw ko. Matagal na akong nagkikimkim kaya grabe ang mga ginawa ko.
Pagdating ng sunod na araw sa school, lumapit agad ako sa kanya at humingi ng tawad, pero sa gulat ko ay hindi niya ako pinapansin. Para akong hangin na hindi niya nakikita, at miski paglapit sa akin ay hindi niya magawa.
Pinalampas ko muna ang ilang araw, hanggang sa naging linggo, at buwan.
Kinausap ko siya nang matiyempuhan ko siyang mag-isa.
"Sorry."
Nakakabinging katahimikan ang nangibabaw sa aming dalawa. Hindi naman siya sumasagot at nakatingin lang sa ibang direksyon.
"Alam ko namang sobra 'yung ginawa ko. Sorry, kasi... nasabi ko lang naman 'yon kasi naiinggit na ako sa inyo ni Steve. Sanay kasi ako na lagi kang kasama, pero noong dumating si Steve... Saka hindi ko alam na wala ka palang back-up noong thesis mo kaya binura ko. Ang tanga ko lang nung araw na 'yon. S-Sorry talaga."
Mababakas sa boses ko ang kadesperaduhan, pero wala akong pakialam. Ang gusto ko lang ay magkaayos kami.
Hindi pa rin siya sumasagot.
"Hoy." Malapit na akong maluha dahil hindi pa rin siya nagsasalita.
Sa unang pagkakataon naman ay tumingin siya nang diretso sa akin.
"Huwag kang iiyak," seryoso niyang wika.
"Aayusin ko 'to. A-ako na ang bahala.."
Pagkasabi niya noon ay tumalikod na siya at naglakad palayo sa akin.
Pagkatapos noon, naging sibil na ang pakikitungo niya sa akin. Magkakausap lang kami kapag tungkol sa mga project sa school, at kapag kasama naman namin ang tropa, kahit nagtatawanan at nag-aasaran ay hindi kami nagkakaroon ng koneksyon.
Ilang taon na rin kaming ganoon. Hanggang ngayon, may kaunti pa rin akong pag-asa na magkakaayos kami, dahil sa mga huli niyang sinabi na siya na ang mag-aayos.
Kung iisipin, ang babaw, 'di ba? Ang babaw ng dahilan ko para magalit at ang babaw ng problemang iyon para tratuhin niya ako nang ganoon.
Pero wala, eh. Alam ko sa sarili kong napaka-immature namin noon. Pagka-immature na hanggang ngayon ay hindi namin maalis kaya hindi pa rin nagkakaayos. Pero bakit ko nga ba pinipilit?
Si Mark kasi 'yung nagsilbing kuya, kaklase, bestfriend, tagapagtanggol, kaasaran, kasangga, lahat na para sa akin. Bilang panganay at nag-iisang anak na lalaki, sobrang taas ng naging tingin ko sa kanya at napalapit talaga ang loob ko. Kaya hindi ko matanggap na dahil sa biglaang galit ko na hindi ko inisip ang gagawin ko, nawala siya. Nasira lahat.
Kahit ganoon, kilala ko pa rin naman si Mark. Alam kong hindi niya magagawa ang sinasabi ni Kayne na pag-iwan sa amin dahil wala naman siyang problema sa iba. Ewan ko ba sa kanila.
"Okay na? Tapos na ang muni-muni?"
Nagulat naman ako nang makita ang kamay na kumakaway sa tapat ng mukha ko. Napalingon ako at nalamang si Catherine iyon.
"Ha?" tangi kong nasabi.
"Hatdog! Kanina ka pa kaya tulala habang naglalakad d'yan. Nakalayo na tayo oh," aniya at humalukipkip.
"May Stick-O ka?"
Kahit ako ay nagulat sa nasabi kong iyon.
"Baki- Ay nako.." reaksyon naman ni Catherine at binigyan ako ng nang-aasar na ngiti.
"Inaalala mo na naman 'yung away niyo ano? Okay lang 'yan," dugtong niya at pabiro pang tinapik ang likod ko.
"Ewan ko sa'yo," natatawa kong turan. Itinuon ko ang tingin ko sa harap. Kulay kahel na ang langit at wala pa rin kaming van na natatanaw.
Napasulyap ako kay Catherine na diretso lang ang tingin sa harapan habang naglalakad. Nakatali ngayon ang itim na buhok niya at kita ko ang mahahaba niyang pilikmata at matangos na ilong.
"Catherine..."
"Ano?"
Napalunok naman ako bago magpatuloy.
"'Wag na 'wag mo akong iiwan ha? Pagkatapos nito..."
"Pagkatapos ano?"
"Ang atat mo naman eh, basta pagkatapos nitong trip, may sasabihin ako sa'yo."
"Luh, okay." Sinubukan man niyang itago, napansin ko pa rin ang palihim niyang pagngiti. Napangiti na lang rin ako.
"Ah guys, payag ba kayong tumigil muna at magpalipas ng gabi dito sa gubat?" Nagsalita na naman ang 'leader' naming si Steve.
Teka, seryoso?
"Why? Is the camp still too far?" tanong ni Noel na tinanguan ni Steve.
"Pero hindi ba delikado 'yon? Hindi naman natin alam kung anong meron dito. Baka may mangyaring masama," saad naman ni Catherine.
"At saka hello? We don't even have a tent or something na hihigaan. 'Yung picnic mat pang three persons lang, so sa lupa tayo matutulog gano'n?" dagdag pa ni Jessica.
"Oo, alam ko naman. Pero hindi ba kayo napapagod? Kaya niyo bang maglakad magdamag?" Napaisip ako sa tugon na iyon ni Steve. Tama nga naman, kahit ako ay medyo nanlalambot na ang tuhod.
"So matutulog talaga tayo rito?" tanong naman ni Kelly.
"Wala na tayong pagpipilian. Kung ayaw niyo edi sige, maglakad kayo hanggang mahimatay kayo sa daan." Napatingin ako nang mariin sa nagsalitang si Kayne. Ayan na naman ang pagiging prangka niya. Akala ba niya wala kaming utak at nararamdaman? Tatadyakan ko 'to eh.
"O siya, edi tara nang maghanap ng pupuwestuhan," pahayag ni Alvin at nauna na namang lumapit sa may kakahuyan. Kita ko namang nagmamaktol si Jessica pero wala na rin siyang nagawa kundi sumunod.
Ewan ko kung bakit hindi pa kami sa mismong kalsada pumuwesto, pero dahil dito na sila naglatag sa patag na lupa ilang metro ang layo roon, wala akong magagawa. Sabagay, baka masagasaan kami kung may dumaan.
Napapalibutan na ulit kami ng iba't ibang puno. Nakalatag na ang picnic mat sa lupa.
"Ganito, para hindi na kayo mag-alala, mag-aassign tayo ng tagabantay. Mula ngayon hanggang sa susunod na tatlong oras, kami muna ni Noel ang gising at matulog na muna lahat. Okay lang ba, Noel?" wika ni Steve na tinanguan naman ni Noel.
"Tapos, ang matutulog sa picnic mat ay ang mga babae, bale 'yung isa pala ay hindi kasya kaya-"
"Hindi na ako mahihiga." Sumabat na naman si Kayne.
"O sige. Magpapalitan naman tayo sa pagbabantay, pwede bang sunod kayo sa amin, Alvin at Ryan?" baling naman sa amin ni Steve.
"Sige," magkasabay pa naming sagot ni Alvin.
Pagkatapos ng iba pang instructions ni Steve ay nagsitulog na kami. Naupo na lang ako sa lupa at sumandal sa isang puno.
Hay, paano ba umabot sa ganito? Ang gulo na ng lahat.
Mabilis na rin akong inantok dahil sa pagod.
《×××××》
Third Person
Lumalalim na ang gabi. Sina Alvin at Ryan na ang kasalukuyang nagbabantay. Mahirap makaaninag sa paligid dahil sinag lang ng buwan ang tanglaw nila at nababalot pa ng hamog ang kagubatan.
Nakasandal lang si Ryan sa puno at pinipilit labanan ang antok.
"Ry, iihi lang ako ha. Ikaw na munang bahala," pakli ni Alvin at lumakad na. Hindi niya alam na hindi na iyon narinig ni Ryan dahil tuluyan na itong nakatulog.
Ilang sandali pa ay bumalik na si Alvin sa mga kasamahan.
"Aba, bakit naman tulog ka na? Hoy Ryan," reaksyon niya nang makita ang tulog na si Ryan at nilapitan ito.
Akmang gigisingin niya ito nang makarinig siya ng kaluskos mula sa bandang kanan, kung nasaan ang kalsada.
Napatingin siya rito. Sa gitna ng maputing hamog ay unti-unting nabuo ang pigura ng isang taong naglalakad palapit sa kanila.
"S-sino ka?!"
Agad na hiniyawan ni Alvin ang taong iyon pero sa halip na sumagot, nagpatuloy lang ito sa paglalakad hanggang bumungad na nang tuluyan kay Alvin ang itsura nito.
Isang taong nakaitim na coat, itim na sumbrero, face mask, at may dala-dalang itak sa kaliwang kamay.
"H-Hoy g*go, wag kang l-lalapit!" Tila nagising naman ang buong kaisipan ni Alvin sa nakita. Unti-unti siyang napaatras hanggang sa matalisod siya kay Ryan.
"Ano bang..." sambit ng pupungas-pungas na si Ryan pero naputol siya ng malakas na sigaw ni Alvin na nagmamadaling tumalilis palayo.
Nanlaki naman ang mata niya nang masilayan ang isang taong nakataas ang itak at akmang tatagain siya.
"Anong-" Mabilis siyang gumulong palayo nang akmang tatagain na siya ng taong iyon. Agad siyang tumayo at hindi na nag-aksaya ng panahon. Gigisingin niya ang mga kasama.
"Hoy! Gumising kayo! Papatayin niya tayo!"
《×××××》
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top