I - Gear Up

Ryan

"Tapos na!"

Lumikha ng tunog ang paghampas ng mga kamay ko sa lamesa. Napatingala ako at pumikit.

"Whoo! Sa wakas!" Napasigaw na lamang ako sa magkahalong saya at inis na nadarama ko. Katatapos ko lang kasing gumawa ng reaction paper sa Literature subject namin. Five pages long, at ang masaya? Handwritten.

Napapikit na lang ako nang matagal upang maipahinga ang mata kong babad sa pagsusulat, pero napamulat ako sa biglang pagtunog ng cellphone kong nasa tabi ng desk lamp.

Tinatamad ko itong kinuha at binuksan. Bukas pa pala ang data connection, at flood na sa group chat naming magtotropa.

Angkan nina Dora at Diego: Tropang Gala (Carwash Squad)

Noel's Queen
So, saan tayo ngayong weekend?

Melissa Janeyney
Steve told me sa Brgy. Consi raw?

Noel's Queen
Huh? Where?

Melissa Janeyney
Brgy. Consolacion

Noel's Queen
I mean saang part ng batangay.

Alvin for 3 points!
school diba yung pupuntahan natin?

Alvin for 3 points!
yess naman #batAngay

Alvin for 3 points!
batangay

Alvin for 3 points!
batAngay

Alvin for 3 points!
batAngay

Noel's Queen
sorry, i'm perfectly imperfect

Dyosang Queen Kelly
mga bakla! Anong ganap?

Alvin for 3 points!
ikaw lang bakla rito hoy

Dyosang Queen Kelly
sml

Melissa Janeyney
Apply cold water to the burnt area

Noel's Queen
Back to the topic guys. Saan nga ang trip natin diz weekend?

Melissa Janeyney
I'm not sure. Sina Mark at Steve kasi sa planning right?

Jessica's King
What's this?

Noel's Queen
'Yung plano raw ngayong weekend, sama ka babe?

Melissa Janeyney
Babe? Since babe ang callsign niyo, ibibili ko na kayo ng gatas at diaper. Pa-deliver ko na lang.

Alvin for 3 points!
Corny mo Mehmehlissa

Dyosang Queen Kelly
hoy! Ang cheesy nyo! ka-stress sa bangs!

Melissa Janeyney
INAANO BA KITA ALVINO HA?! CRUSH MO LANG SI KAYNE EH

Noel's Queen
Inggit ka lang Kelvin, HAHA bitter!

Alvin for 3 points!
Kayne who? galet na galet us2 manaket

Melissa Janeyney
Ewan ko sa inyo, nakakatunaw kayo ng braincells!

Sus. Mukhang wala namang mabubuong plano sa ganyang usapan, eh. Pinatay ko na lang ang data connection ko at naglakad palapit sa kama ko. Pabagsak akong humiga rito.

Ang sarap sa pakiramdam ng malambot na mattress. Para bang niyayakap ang katawan kong pagod.

Napabuntong-hininga ako.

Inilibot ko ang mata ko sa kwarto ko. Nakaka-proud na malinis ito. Sabagay, laging inaayos ng kapatid kong si Reese.

Ang bookshelf kong puno ng mga pinaglumaang libro mula pa noong elementary, cabinet na bahagya pa lang nalalagyan ng damit, puting pader na may nakasabit na pictures, bedside table at lamp na may Doraemon design. Inabot ng kamay ko ang lamp at binuksan iyon.

Malinis ang lahat. Buti naman, dahil kung hindi eh aarangkada na naman ang monster mouth ng aking butihing inahing manok.

Ang masakit lang sa mata ay ang study table ko kung saan nakatambak pa ang mga papel. Nakailang ulit kasi ako sa punyetang reflection paper na 'yon.

Hapon na at madilim na sa kwarto ko, pero hindi na muna ako nagbukas ng ilaw. Tanging ang lamp ko ang nagbibigay ng liwanag sa ngayon.

"Meow."

Napalingon ako sa kaliwa at naroon si Dongbin, ang pusa ko. Umakyat siya sa tabi ko at nahiga. Hinimas ko naman ang malambot niyang kulay abong balahibo.

Kapayapaan.

Malapit na akong mapapikit nang umalingawngaw na naman ang ringtone ng cellphone ko. May tumatawag.

"Tigilan niyo naman muna ako, please!" Tinatamad kong inabot ang cellphone at sinagot ang tawag. Napatikhim naman ako at lumunok nang mabasa ang pangalang nakarehistro sa screen.

"Oh, napatawag ka, Cath?" bungad ko sa tumawag na si Catherine, isa sa mga katropa ko.

"Alam mo na ba 'yong plano bukas?"

"Ha? Meron ba tayong gimik ngayon? Huling basa ko sa GC wala pang plano, eh."

"Oo, meron. Katatawag lang sa 'kin ni Steve, sa Graciano raw tayo."

"Gano'n ba? 'Di ba napakalayo noon? Doon pa 'yon sa dulo ng probinsya 'di ba?"

"'Yon na nga, malayo. Makakasama ka ba?"

"Ikaw ba? Kasi pag 'di ka kasama, baka tamarin na rin ako."

"Sasama ako. Kaya nga lang kailangan na nating umalis mamayang alas-tres."

Alas-tres? Nabigla ako roon, ah. Ang aga naman yata.

"Alas-tres? Saan naman tayo sasakay? Saka hindi ako papayagang umalis nang ganoong oras."

"Sa van daw nina Jessica tayo sasakay. At tungkol sa oras, wala na raw baguhan 'yon kasi kailangan by daybreak nandoon na tayo. Camp daw ang pupuntahan natin, pero mas maganda kasi by the sea."

"Ah, okay. Edi 'yong paboritong plan B na naman ang gagamitin ko para makaalis," saad ko at napatawa.

"Nako, hindi lang ikaw, ako rin kaya. So sasama ka na?"

"Malamang. Magpapaiwan ba naman ako." Narinig ko ang boses ng tatay ni Catherine sa kabilang linya. Tinatawag yata siya.

"O sige, kitakits na lang mamaya kina Jessica, ah. Bye!"

"Sige, sige. Bye rin," wika ko at pinatay na ang tawag.

Sa halip na matulog ay bumangon na ako. Binuksan ko na ang ilaw at pinatay ang desk lamp.

"Hoy Dongbin, lalayas uli ako, ha? Tulungan mo naman akong mag-impake."

《×××××》

Third Person

Nakaupo lamang siya sa kanyang kama. Tulala, na para bang may malalim na iniisip.

"Paano kung gawin ko 'to sa inyo? Masaya kaya?" wika niya at pinulot ang dart sa lamesang nasa tabi niya at ibinato sa pader na may nakadikit na litrato. Litrato ng walong kabataang magkakaibigan.

Tumayo siya at nilapitan ang litrato. Inalis niya ang dart at tinanggal sa pagkakadikit sa pader.

Isang pamilyar na mukha ang tinamaan ng dart, na ikinainis niya.

"Bakit ikaw pa? Dapat sila. Dapat sila ang masira!"

Parang baliw niyang sinigawan ang litrato. Kumuha siya ng pulang cutter sa drawer at pinagsasaksak ang mga mukha ng pitong natitira. Bawat saksak ay puno ng pagkamuhi at lubos na panggigigil.

Matapos ang ilang sandali ay tumigil siya sa pagwasak sa litrato. Kinuha niya ito at mariing tinitigan.

"Mamatay na kayo." Malamig pa sa yelo ang kanyang boses nang bigkasin niya ang mga katagang iyon.

Halos mabitawan niya naman ang hawak na litrato nang biglang tumunog ang cellphone niya. Agad niya naman itong inilabas sa bulsa at sinagot ang tawag.

"Hello?"

Napangiti siya nang makilala ang kausap.

"Oo naman. Bakit, gagawin mo?"

Matagal siyang nakinig sa sinasabi ng kausap. Halata sa reaksyon ng kanyang mukha na gusto niya ang sinasabi nito.

"Sige ba. Aatrasan ko pa ba 'yan, eh, alam kong pareho natin 'tong gusto."

Saglit na nagsalita ang kausap niya bago siya muling tumugon.

"Sige."

Napangiti naman ang nasa kabilang linya bago putulin ang tawag.

"Lahat ng kasalanan... ay may katapat na kaparusahan."

《×××××》

Ryan

2:21 AM

Iyan ang naka-flash sa screen ng cellphone ko nang buksan ko ito upang tingnan ang oras.

Naglalakad na ako ngayon papunta kina Jessica. Nakasuot ako ng itim na jacket na may puting sando sa loob at brown na shorts. Ginamit ko ang plan B upang makaalis, ang pagtakas sa gabi dahil hindi naman ako papayagan ng mga magulang ko.

Sa totoo lang, 'yon naman palagi ang ginagamit ko eh. Walang pag-asang payagan ako nina Mama kapag nagpaalam pa ako. At isa pa, mukhang sanay na rin naman silang nawawala ako bigla kapag weekends.

Maya-maya pa ay may natanaw na ako. Nasa may kalsada na ang van na gagamitin namin at ang tropa.

Nga pala, ang mga ito kasama na rin ako ay ang mga apo sa ilalim ng talampakan- Oo, talampakan na, ilalim pa- nina Dora at Diego, ang magpinsang gala. Tulad nila, hindi pwedeng hindi kami gagala sa isang linggo. Natural adventurers, sa madaling salita.

Lahat kami ay nasa third year college na, maliban kay Noel na fourth year na at kay Kayne na fourth year din daw pero minsan lang namin nakikitang pumapasok. Ewan ko ro'n.

Ngayon ay semestral break namin. May pahabol pang activities ang ibang professor kagaya ng ginawa ko kanina, at pakiramdam ko hindi nagsigawa ang mga 'to. School is life pero tropa is lifer kasi.

"Yo! Ang aga niyo, ah," bati ko nang makalapit sa kanila.

"Early worm catches the bird kasi. Alam mo naman." Napakunot ang noo ko sa tugon ni Alvin na nakipag-fist bump sa akin.

Nakasuot siya ng isang red and white-striped sando at beige na shorts. Suot pa rin niya ang paborito niyang Adidas rubber shoes na gamit niya rin sa paglalaro ng basketball, at ang kulay asul na scarf na nakatali sa ulo niya.

"Early bird catches the worm kasi 'yon! Sige, singhot pa ng pentel pen!" pagtatama sa kanya ni Jane na may kasama pang paghagikhik. Ang cute niyang tingnan sa naka-ponytail niyang buhok.

Nakasuot naman si Jane ng isang checkered na blue off-shoulder na tinernohan ng isang pares ng maong na shorts. Tulad ng nakasanayan ay may nakaguhut na ngiti sa mala-anghel niyang mukha. Katabi niya ang best friend niyang si Kelly.

Inilibot ko ang paningin sa mga naririto at napako ang mata ko kay Kelly. Speaking of him/her, siya ang bisexual na bestfriend ni Jane. Kelvin Lastimosa siya sa umaga, Kelly Lastidyosa (ayon na rin sa kanya) sa gabi.

Nakadilaw na t-shirt siya at naka-leggings na black, pero ang pinakaagaw-pansin sa kanya ay ang suot niyang feather scarf na nasobrahan naman yata sa kapal dahil halos masinghot na niya ang balahibo.

"Ilang manok naman ang pinatay mo para makuha 'yang mga balahibong 'yan, Vin?" natatawa kong wika. At iyong Vin, pang-asar namin sa kanya dahil Vin ang tawag sa kanya noong bata (at lalaki) pa siya.

"Hoy, sino si Vin? Saka ang mahal ng bili ko dito ano! Totoong feathers pa kaya ng peacock itetch!" Napangiwi naman ako sa pagtugon niya na hinaluan ng exaggerated facial expressions na akala mo'y nagfe-facial exercise.

"Peacock? 'Di ba 'yan 'yong gusto mong isu-" banat ni Alvin na naging dahilan kung bakit tinampal siya ni Jane sa braso. Gaganti pa sana siya kaso nasaktan yata kaya hindi itinuloy.

"Anong ibig mong sabihin? Put-" Nagulat naman ako nang magmura si Kelly na pinigilan ng 'Shhh' ni Jessica.

"Shut your mouth, you are in our village at hindi puwede rito ang ill-mannered people," dagdag ni Jessica at hinarap ulit ang cellphone niya.

Napairap naman si Kelly at talagang sumagot pa ulit. Dahil sa buhok niyang pinilit i-pony na nakatusok pataas at sa feather scarf niya, nagmumukha tuloy siyang manok.

"I'm gonna say putanesca kasi. You know that? Carbonara putanesca?" Sinubukan niya talagang maglagay ng accent sa pagsasabi noon pero wala, ang sagwa lang pakinggan.

"Enough na besh, nakakahiya ka na," saad naman ni Jane na hindi ko alam kung sincere na nananaway o nang-aaway.

Napatingin naman ako kay Jessica. Rich kid na rich kid pa rin ang damitan natin ah?

Si Jessica ang Miss Prim and Proper namin. Ilang years na rin sila ni Noel. Sa kanilang tatlo- siguro apat na pala- na babae sa tropa, masasabing siya ang pinakamaarye. Pero disiplinado siya, as in sobrang disiplinado, at maaasahan din namang kaibigan. Galante rin kasi nga mayaman naman sila.

At base sa itsura ng mukha niya, nagse-selfie siya. Oo, selfie kahit hindi pa sumisikat ang araw. Nakasuot siya ng pink na tube dress na may kasama pang violet-colored scarf na nakapatong sa balikat niya.

Binilang ko kung ilan na kami ngayon. Isa, dalawa... walo. Kulang pa kami ng dalawa.

"Ang tagal naman yata ni Catherine," pahayag ni Noel habang nakakapit sa braso niya si Jessica.

Si Noel, o Kuya Noel kung tutuusin, ang pinakamatanda sa amin, twenty-three na siya at sabi ko nga, magtatapos na sa college. Nakasuot siya ngayon ng isang blue Hawaiian shirt na pinarisan ng maroon na shorts. As always, ayos na ayos ang buhok niya at nakasuot ng spectacles.

Medyo suplado siya at tahimik, pero nakikita naming malambing siya kay Jessica. Ganoon ba talaga kapag may jowa? Pahingi naman.

"Si Catherine lang ba? Pupunta rin si Kayne, 'di ba?" turan ni Alvin.

"As if naman gusto nating kasama si Kayne. Pwede namang 'wag na nating isama 'yong weirdo na 'yon, eh," litanya naman ni Jane na napa-pout pa.

"Sino ba kasing nag-imbita ro'n?" dugtong ni Kelly.

Ang sama ng mga 'to, ah. Pero totoo naman, eh. Napatawa na lang ako nang pasikreto.

"Tama na nga 'yan. Maghintay na lang tayo. Maaga pa naman, eh," wika naman ni Steve matapos tumingin sa relo niya.

Blue-green na jacket naman ang suot ni Steve na may puting shirt sa loob, at black jogging pants. Nakasandal siya ngayon sa pinto ng van at katabi ang nakaupong si Mark na naglalaro sa cellphone niya.

Si Steve ang tinaguriang campus heartthrob sa grupo namin. Sabi nila, nasa kanya na ang lahat: gwapo, matalino, talented, mayaman, mabait, basta 'yon. Ewan ko lang kung talaga nga. 'Di umano'y habulin ng chicks, pero sa totoo lang medyo nayayabangan ako sa kanya. Si Steve rin ang kadalasang naghahanap ng pupuntahan namin kagaya ngayon.

"Oh, here's Kayne," wika ni Jessica na nagpalingon sa amin sa babaeng naglalakad papalapit. Nagkatinginan naman kami dahil kanina lang ay pinag-uusapan namin siya.

"Aalis na?" pagbungad niya sa amin.

Kayne Salazar. Hindi ko siya maintindihan. Minsan mabait, palaging mataray. Paborito niyang magtaas ng kilay, at medyo matalas din ang dila niya.

Isa pa, isa siyang dakilang killjoy.

Nakasuot siya ngayon ng maong na pants at light blue turtleneck sweater. Hindi rin nawawala ang purple niyang eyeglasses at green na hairclip sa maiksi niyang buhok.

Madalas na magkainisan dahil sa kanya pero lagi pa rin namin siyang kasama. At lagi pa rin naman siyang sumasama sa amin. Basta, ang weird. 'Di ko malaman kung kaaway o kaibigan ba talaga namin ang isang ito.

"Hindi pa naman. Wala pa si Catherine," simpleng sagot ni Alvin dito. Miski si Alvin na maloko, tiklop pagdating kay Kayne dahil natatakot at naiinis siya. Kahit naman ako.

"Teka, paano mo pala napa-reserve yung camp na sinasabi mo Steve? How much is the rental fee? Is it exclusive to us?" tanong naman ni Jane kay Steve. Oo nga pala, wala pa akong alam sa contribution. Grabe, lalayas kami na basta-basta na. Nice.

"Lumang camp na 'yong pupuntahan natin, hindi na nga nagagamit, eh. Pero maayos pa ang facilities. Wala na akong binayaran kasi pinahiram na lang 'yon sa atin nung mga may-ari na caretakers na rin doon," paliwanag naman ni Steve.

"So for the first time, we'll be having a free trip," segunda naman ni Noel. Sanay na kaming hindi siya tinatawag na kuya kasi magiging awkward, tropa naman kami, eh.

"Tama. Kaya magpasalamat kayo sa 'kin, ang magaling ninyong researcher!" pagyayabang naman ni Steve. Aba, lumabas ang pagkahambog ng mokong na 'to, ah.

"Excuse me, baka nakakalimutan mong ako talaga ang nakahanap ng lugar na 'yon, inunahan mo lang akong kausapin 'yong mga caretakers," singit ni Mark na nakatutok pa rin sa cellphone niya.

Si Mark.

Ito namang si Mark ang pinaka-high tech at ma-gadget sa amin. Gamer siya, at magaling sa mga technical at mechanical na gawain gaya ng pagkukumpuni ng appliances, cellphones, at dati naturuan niya pa ako kung paano mang-hack ng accounts at wifi, noong mga panahong...

Basta, ayos 'yan.

Ngayon ay nakaupo siya sa may nakabukas na pintuan ng van, habang suot ang isang puting three-fourths na poloshirt with matching black vest. Leather black pants naman ang pang-ibaba niya.

"Don't forget na libre rin ang sakay natin dahil sa'kin," wika naman ni Jessica.

"Jusmiyo naman, dahil gustong-gusto niyo yata ng credits, eto oh," ani Kelly at pumuwesto sa kalsada. Nagulat kami sa sunod niyang ginawa.

"This trip is brought to you by... Lumang Camp sa Graciano! I would like to thank my sponsors! Stevenson De Villa for the reservation, pak! Mark Patrick Ezperanza for the discovery of venue, uh huh! And Vianne Jessica Fortejo for the vehicle, yezzer! This is your Diyosang Fabulous na Bonggang Bonggang Queen, Kelly Lastidyosa, reporting!"

Natawa naman kaming lahat sa ginawa niyang 'yon, paano ba naman ay may pasayaw-sayaw pa siyang nalalaman at nag-split pa sa huli.

Wait, hindi ko sigurado kung natawa si Kayne. Panira 'yon, 'di ba.

"Hoy bakla! Shut up ka na lang at baka mahuli pa tayo ng neighborhood!" saad ni Jane na tawang-tawa rin naman.

"Aminin niyo, ang bongga ng performance ko! Effort na effort ako ro'n mga besh!" sabi naman ni Kelly nang makalapit ulit sa amin. Ipinaypay niya ang mga kamay sa sarili dahil pinawisan siya sa katarantaduhang pinaggagawa niya.

"And here comes the bride!" ani Alvin kaya napatingin kami sa direksyong tinitignan niya. Nandoon si Catherine na tumatakbo papunta sa amin.

"Sorry guys, medyo na-late ako," hinihingal pa niyang sabi. Nakasuot sya ng blue na t-shirt at skinny jeans.

"Hmm, slight lang," tugon ni Jane na hindi ko alam kung matinong komento o pang-aasar.

"O, kumpleto na tayo, tara na!" wika ni Steve at nagsakayan na kami. Inilagay na ang mga malalaking gamit namin sa likuran.

Isang bag lang ang dala ko, pero sila, parang lumayas na yata ng bahay. May water dispenser, folding chair, kawali, rice cooker, speaker, icebox, banig, duyan, electric fan, electric lamp, butane stove, at kung ano-ano pa.

"Hindi na yata tayo uuwi, ah? Wala bang gamit doon sa camp?" natatawa kong saad.

"Medyo luma na kasi 'yong camp, malinis naman doon pero hindi natin alam kung marami pa bang laman 'yung LPG do'n at kung ano-ano pa. Maganda nang handa tayo," sagot ni- Mark. Nagkatinginan pa kami nang saglit.

Biglang sumikip ang dibdib ko. Punyeta. Napalunok na lamang ako at tumingin sa ibang direksyon.

Ngayon lang ata siya direktang sumagot sa tanong ko, ah.

"Baka naman may washing machine pa kayo r'yan o kaya refrigerator? Itodo niyo na!" tanong naman ni Alvin na kabubuhat lang ng mga gamit.

"Loko talaga 'to. Tara na nga, wala bang naiwan d'yan?" tugon ni Catherine.

"Ako, iniwan." Napatingin naman kami kay Kelly na nag-peace sign pagkatapos.

"Wala pang nagkakamaling jowain ka, 'no!" banat naman ni Alvin kaya binatukan siya ni Kelly.

Matapos naming siguraduhin na kumpleto na ay nagsakayan na kami sa van.

Nag-start na ang makina nito. Unti-unti nang umabante ang sasakyan hanggang sa mabilis na ang pag-andar.

Ang driver ay si Steve at katabi niya si Mark. Sa middle seats ako, si Catherine, si Kayne, at si Alvin habang nasa likuran naman sina Jane, Kelly, Noel, at Jessica.

Nagdadaldalan pa rin hanggang sa loob sina Jane at Kelly. Nakasandig naman si Jessica sa balikat ni Noel at share sila sa earphones. Si Alvin naka-earphones din, at si Mark tanaw kong naglalaro ng Mobile Legends.

Hindi nagtagal ay nakalabas na kami ng village nina Jessica. Muntik pa nga kaming kuwestiyunin ng guard sa may gate, buti na lang kasama namin si Jessica kaya matagumpay ang operation takas.

Inilibot ko ang paningin ko sa loob. Ito pa rin naman ang van na madalas naming hiramin (o itakas) tuwing gagala kami. Kulay abo ang mga cover ng upuan at yellowish ang ilaw ng maliit na bumbilya.

Sa may dashboard naman ay may ilang pang-display gaya ng miniature ng isang naka-two piece na babae at maliit na bronseng sculpture na mukhang antigo.

Wait, may naamoy ako. Kakaiba. Pabango ata 'yon na matapang. Nagpalit ata ng car freshener sina Jessica. Mas gusto ko 'yung dati.

"Mark, pa-soundtrip ka naman oh," rinig kong usal ni Jane mula sa likuran. Agad namang tumalima si Mark at inilabas ang bluetooth speaker niya.

"Ano bang gusto n'yong music?"

"Rakrakan!"

"K-pop!"

Ay siya. Sabay na nagsalita sina Alvin at Jane na nagkatitigan na naman.

"Oo na, ikaw na panalo. 'Yong sa Twice, ha."

"'Yan ang gusto ko sa 'yo, good doggie!"

Kaunting palitan pa ng pang-aasar ay natahimik na rin ang dalawa dahil nagpatugtog na si Mark. Namayani sa loob ang tugtog na hindi ko naiintindihan ang ibug sabihin, pero masarap naman sa pandinig kaya okay lang.

Napaaray ako nang mahina dahil sa pagsiko ng katabi kong si Catherine.

"Ano ba at hindi ka mapakali sa upuan mo?" wika ko.

"Ay, sorry ha, hinahanap ko lang 'yong gamot ko sa hilo. Baka gusto mong sukahan kita kapag nahilo ako, eh." Aba, nagbanta pa ang baliw. Talaga nga naman.

"Eh, bakit naman ang tagal mo? Parang ngayon ka lang nahuli sa oras, ah," mahinang tanong ko.

"Maaga naman akong gumising, eh. Kaso nung palabas na ako ng pinto gising pa pala si Tita Kolin at may katawagan sa terrace. Kaya 'yon, napilitan akong sumiksik sa likod ng cabinet ng sapatos. Jusko, amoy patay na daga!" paliwanag niya.

"Bakit, nag-expect kang simbango ng bulaklak ang mga sapatos n'yo?" hirit ko sa kanya.

"Sus, siyempre hindi! Buti na lang natapos din ang tawag at pumasok na siya. Edi siyempre, lumabas na ako. At sa kamalas-malasang pagkakataon naman, hinabol pa ako ng aso sa kalsada! Agang-aga nanti-trip ng tao!" dugtong niya.

"Oh, chill. Buti nga 'di ka naabutan, eh. Siguro gutay-gutay ka na ngayon kung nagkataon," tugon ko naman na sanhi upang tampalin niya ako sa braso. Napatawa na lang ako.

"Uy, pero eto ha. May narinig ako sa pinag-uusapan nina Tita Kolin," muli niyang pagbubukas ng topic. Ang Tita Kolin na sinasabi niya ay ang second wife ni Tito Carson na tatay niya.

Hindi na ako nagsalita at hinintay siyang magpatuloy. Madaldal din talaga 'tong si Catherine, eh.

"Grabe, medyo naghihinala na ako kay Tita ha. May sinabi ba namang 'You can do it' at 'I love you' sa kausap n'ya? Eh wala naman siyang pamilya dahil galing siya sa orphanage at single na single bago sila nagpakasal ni Papa. Sino naman kaya ang kausap niya?"

"Sino?" tanong ko.

"Tinatanong ko-"

"Tocino!" tumatawang sagot ko na nagpairap lang sa mga mata niya.

"Bahala ka nga," wika niya at nagsuot na lamang ng neck pillow.

Hay. Pikon talaga 'tong babaeng 'to, eh.

"Guys, mabuti pa matulog muna kayo para pagdating natin doon ay hindi agad kayo aantukin," sabi naman ni Steve habang patuloy na nagmamaneho.

"Noted, boss," sagot ni Alvin.

Nagpatuloy lamang ang biyahe namin. Hindi nagtagal ay pinatay na rin ni Mark ang tugtog dahil baka tinitipid niya ang baterya ng speaker para sa mismong camp.

Lumingon ako sa kanila. Nakasandal pa rin ang ulo nina Noel at Jessica sa isa't isa, na talaga namang nakakatimping pag-untugin. Napatawa na lang ako sa isip ko.

Naka-earphones at neck pillow naman si Jane at nanahimik na. Nakadantay sa kanya si Kelly na tulala habang nakasandal naman ang ulo ni Alvin sa bintana at nakapikit.

Naka-neck pillow rin si Kayne at yakap ni Catherine ang bag niya. At ako, nag-headphones at neck pillow. Naks, is this neck pillow squad?

Walang music 'yung headphones ko, pang-alis lang naman ng ingay. Si Mark naman nagce-cellphone at si Steve ay dire-diretso lang sa pagmamaneho.

Nakakaantok. Minabuti kong sundin ang sinabi ni Steve at pumikit na.

Sa pagpikit kong iyon, nagulat ako sa senaryong lumitaw sa isip ko.

Paikot-ikot.

Paikot-ikot ang pakiramdam ko. Wala akong makita maliban sa dilim.

Biglang nagpalit ang eksena, nakakapit ako sa isang bagay na... hindi ko alam kung ano.

Ramdam kong nakalutang ako sa hangin. Mabigat, ang bigat ng katawan ko na para bang hinihila ako pababa.

Nagbago ulit ang pangyayari. Kulay kahel ang nakikita ko, na para bang kulay ng kalangitan kapag hapon. Kasabay nito ang pakiramdam na nahuhulog...

Naramdaman ko ang paglapat ng likod ko sa isang malapad na bagay.

Napakislot ako at nalaman kong ang malapad na bagay na iyon ay ang sandalan ng upuan sa van, matapos kong imulat ang mga mata ko.

Ano bang nangyayari?

Anong klaseng panaginip ba 'yon? Matatawag ba 'yong panaginip kahit hindi pa naman ako talagang tulog?

Napabuntong-hininga na lang ako.

Kalikutan na naman siguro iyon ng utak ko. Kalikutan o kakulitan, ewan. Bahala na.

Muli na akong pumikit at sa pagkakataong ito, humikab na ako at unti-unting nakatulog.

.

.

.

"Blag!"

Napadilat agad ako sa malakas na pag-uga ng van kasabay ng tunog na iyon. Napatigil ang van sa pag-andar.

Mukhang nadisgrasya pa nga. Pupungas-pungas akong tumingin sa kanila at napahikab.

"Aray! Nauntog ako ro'n ah! Ano bang nangyari?" wika ni Catherine na hinihimas ang noo. Nakita ko namang nagising na ang lahat.

Agad namang lumabas si Steve upang alamin ang nangyari. Umikot siya sa paligid ng van.

"Ano?" tanong ni Mark.

"Guys, flat 'yong gulong natin."

《×××××》

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top