VIII.

CHAPTER EIGHT

ISA-ISA nang nagsisialisan ang mga katrabaho ni Gayle sa restaurant. Gaya ng kinagawian ay sila na naman nina Mang Teban at Aling Celestina ang naiwan. Sa mag-asawa naiiwan ang mga susi ng restaurant. Bukod kay Gayle, ang mag-asawa rin ang isa sa mga higit na pinagkakatiwalaan ni Aling Dorina noon.

Pasado alas-nuwebe na ng gabi. Nanlalagkit at nanlalata na si Gayle.

"Gayle."

Napatitig si Gayle nang makasalubong niya si Thyago. Halatang nagmadali itong makabalik sa restaurant. Maaga itong umalis kanina dahil makikipag-meet pa ito sa mommy nito online.

"Sir," sambit niya. Parang gumaan bigla ang pakiramdam niya nang masilayan ito. "Ba't pa ho kayo bumalik?" tanong pa niya kahit na ang totoo ay ikinatuwa iyon ng pasaway niyang puso.

"I just wanted to make sure you'll get home safe." Tumingin ito sa likuran niya. "Magandang gabi po sa inyo."

"Magandang gabi naman, Sir Thyago," tugon ng mag-asawa.

"Sinusundo n'yo na ba si Gayle?" tanong ni Aling Celestina.

"Ihahatid ko na ho kayo."

"Hindi na po, sir," sabi naman ni Mang Teban. "Do'n kami sa kabila nakatira. Si Gayle na lang po ang ihatid ninyo para dere-deretso na lang."

"Sigurado po ba kayo?" paniniguro ni Thyago.

"Oo naman, sir. Saka malapit lang ang bahay namin dito."

Nilingon ni Gayle ang mag-asawa.

"Tumuloy na kayo, Gayle. Nasarado naman na natin lahat," sabi ni Aling Celestina. "Kami na lang ang magpapatay ng ilaw rito."

Magalang siyang tumango.

"Kayo po ang bahala. Kita na lang po tayo bukas. Ingat po kayo."

"Kayo rin, hija. Mauna na kayo. Papatayin lang namin ang mga ilaw," sabi naman ni Mang Teban.

"See you tomorrow, Mang Teban, Aling Celestina," ani Thyago. "Thanks for a job well done."

"Maraming salamat din po, sir."

"SIR, bumalik kayo para lang sunduin ako?" hindi napigilang itanong ni Gayle nang makalapit na sila sa sasakyan nito.

"Oo naman," sagot ni Thyago.

"Masyado n'yo naman po yata akong binibigyan ng special treatment." Gustuhin mang matuwa ni Gayle doon, parang hindi yata tamang manggaling iyon sa taong nagkataong boss din niya. "Sanay naman na po akong maglakad pauwi."

"Nang ganitong oras at mag-isa ka lang?" Hindi napigilang kumunot ng noo ni Thyago.

"Marami pa namang taong tumatambay sa seawall ng mga ganitong oras kaya ayos lang."

"Hindi ba nag-aalala ang nanay mo sa 'yo tuwing umuuwi kang gabi na?"

"Nag-aalala rin naman."

Bumuntong-hininga si Thyago. "All right. Call it special treatment. But I don't regret making sure you'll get home safe." Binuksan na nito ang pinto ng kotse. "Get in, please."

Sandali lang ang pag-aalinlangan ni Gayle. Sumakay na rin siya sa passenger seat.

Sa totoo lang, nahihiya siyang katabi ito sa mga sandaling iyon. Halatang kagagaling lang ni Thyago sa shower. Wala itong ibang pabango maliban sa sabong ginamit nito. Habang siya, hayun, amoy-pawis at ulam. Mabuti na lang at bukas ang mga bintana at nakapatay ang aircon ng kotse.

Huminga siya nang malalim at pilit nilabanan ang pamimigat ng mga talukap niya nang umandar na ang kotse.

"Gusto mong umidlip?" tanong ni Thyago at sinulyapan siya. "Go ahead. Gigisingin na lang kita pagdating sa inyo."

Nakangiting umiling si Gayle.

"Ayos lang po. Kaya ko 'to."

Mahinang tumawa si Thyago.

"Naghapunan ka na ba?"

"Opo."

"Mabuti naman."

"Tapos na po ba ang mga inaasikaso n'yo ngayong araw?"

"Well, hindi pa. Nagsisimula pa lang ang lahat. Things will get busier in the coming days."

"Kaya n'yo 'yan, sir. Ginusto n'yo 'yan."

"Kakayanin natin. You're my executive assistant now, remember?" Tumaas-baba ang mga kilay ni Thyago nang lingunin siya nito.

Oo nga pala. Hindi alam ni Gayle kung ikatutuwa niya 'yon. Alanganin na lang siyang tumawa.

NAPAPISIK si Gayle dahil sa malakas na tunog ng cell phone niya. Napaungol siya at kinapa iyon mula sa nightstand niya. Sa nanlalabong mga mata ay pinakatitigan niya kung sino ang tumatawag.

Sir Thyago.

Nanlaki ang mga mata niya. Kagabi lang ay hiningi nito ang phone number niya. Ang aga naman nitong tumawag! Anong oras pa lang?

"S-sir? Magandang umaga po," bati niya sa namamalat pang boses.

"Hi, Gayle," ang swabeng-swabeng boses ni Thyago sa kabilang linya. "Sorry, naistorbo ko yata ang tulog mo."

Gustuhin mang magalit ni Gayle, natutunaw naman ang puso niya sa tono ng boses nito.

"Mabuti naman at alam n'yong naistorbo n'yo ang tulog ko," tugon niya.

Tumawa si Thyago.

"Pasensiya na. Nakalimutan ko lang sabihin sa 'yo kagabi na sa bahay ka magre-report ngayong umaga. Mayro'n akong ipapagawa sa 'yo. When is the earliest time possible for you?"

"Eight a.m. po, sir. Ayos lang po ba 'yon?" Hindi pwedeng hindi niya sabayang mag-almusal ang nanay niya.

"All right. Eight a.m. is good. I'll see you later, then."

"'NAY, pupunta po muna ako kay Sir Thyago ngayon," sabi ni Gayle nang patapos na silang mag-agahan. "P-in-romote niya po akong executive assistant niya kaya magre-report ako kung sa'n niya gusto."

"Talaga?" manghang usal ni Aling Gracia. "Executive assistant? Parang ang sosyal namang pakinggan n'on, anak."

"Opo. Pinasosyal na alalay."

Napahagikhik ang nanay niya.

"Dalhin mo sa kanya 'tong maruya, kung gano'n. Baka hindi pa siya nag-aalmusal." Mabilis na tumayo ang nanay niya. "Sandali, ipagbabalot ko siya."

Napapakunot-noo na lang si Gayle habang sinusundan ng tingin ang nanay niya. Hindi naman halatang tuwang-tuwa ito kay Thyago. Wala siyang maalalang ganito ito katuwa pagdating kay Brix no'ng nandito pa sa Pilipinas ang boyfriend niya.

Ex-boyfriend.

Ex-boyfriend na nga pala.

ANG akala ni Gayle ay madadatnan pa niya sa bahay ni Thyago si Aling Tessie. Pero nagulat siya nang ang sumalubong sa kanya sa sala ay si Moymoy.

"Moymoy?"

Tumakbo papunta sa kanya si Moymoy. Agad niya itong kinarga sa isang kamay.

"Himala, hindi ka mukhang mabantot ngayon," pabirong sabi niya.

"Meow," ani Moymoy na parang nagpoprotesta.

Napahagikhik naman si Gayle. Tinotoo nga ni Thyago ang sinabi nitong aalagaan nito ang palaboy na pusang ito.

"Kumain ka na?"

"Yup. Paborito niya ang siomai," sagot naman ni Thyago mula sa kusina.

Nakatayo ito roon. Nakasando lang ito at itim na track pants. Hello raw, sabi ng mga muscle nito sa braso.

"Naninibago siya sa cat food, pero naubos naman niya," sabi pa nito. "Kumain ka na ba, Gayle?"

Tumango siya at pinakawalan si Moymoy.

"Katatapos lang po namin ni Nanay," sabi naman ni Gayle. "Pinadalhan niya kayo ng maruya sakaling hindi pa kayo kumakain." Iminuwestra niya ang dalang nakabalot pa sa dahon ng saging.

Naging malapad naman ang ngiti ni Thyago.

"Really? Halika, samahan mo 'ko rito," nakangiting yaya nito.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top