VI.
CHAPTER SIX
"A-ANONG ginagawa n'yo rito... sir?"
"May kailangan ako sa 'yo. Hindi naman kita matawagan kasi hindi ko alam kung anong numero mo."
"Nagbibihis ka pa kasi nang dumating siya kaya pinapasok ko na lang siya, anak," sabi ni Aling Gracia at bumaling kay Thyago. "Ikaw rin pala ang bago niyang boss, hijo."
"Mukhang alam ko na kung kanino nagmana ng ganda si Gayle," sabi naman ni Thyago at sumulyap sa kanya.
Nag-iwas ng tingin si Gayle.
"M-magpapalit lang muna ako." Agad siyang tumalikod at bumalik sa kwarto niya.
Bwisit na lalaking 'to. Matapos akong hindi patulugin, susulpot bigla sa bahay namin!
Nagpalit na ulit ng polo shirt at pantalon si Gayle. Nang lumabas siya ay nadatnan niya si Thyago at ang nanay niya sa hapag-kainan.
"Sana magustuhan mo. Paborito ni Gayle 'yang inihaw na talong na may itlog na maalat, e."
"Talaga po? Isang karangalan ang masabayan kayong mag-almusal," narinig naman niyang tugon ni Thyago. Pagkatapos ay napabaling ito sa direksiyon niya. "I'm sorry. Hindi naman na dapat ako magtatagal. Pero masyadong mabait ang nanay mo at niyaya akong mag-almusal."
"Huwag na ho kayong magpaliwanag, sir," sabi naman ni Gayle at naupo na. "Kaya lang, baka hindi n'yo magustuhan ang pagkain namin."
"I don't think so." Nakangiti itong sumulyap sa mesa. "Mukhang masarap ang mga iniluto n'yo, Aling Gracia."
Napahagikhik ang nanay niya.
"Hindi naman. Sakto lang."
HINDI napigilang manlaki ng mga mata ni Gayle nang masimot ni Thyago ang pinggan nito. Nakailang sandok ito ng kanin. At kahit naiilang siya sa presensiya nito sa una ay hindi niya maitangging nakakatuwang panoorin ang magana nitong pagkain. Ang nanay naman niya ay halatang masaya.
"Mahilig ka rin pala sa matamis at maasim, hijo," komento nito.
"My favorite combination, Aling Gracia. Pasensiya na at naubos ko ang pagkain n'yo."
"Ano ka ba? Wala 'yon. Bihira lang may sumabay sa amin ni Gayle kumain. Madalas, mga aso at pusang palaboy pa. Kung may oras ka uli sa susunod, sumabay ka uling kumain sa 'min, ha?"
"'Nay," ani Gayle. "Baka ma-pressure si Sir Thyago niyan."
"I would love to," mabilis na sagot naman ni Thyago. "Hayaan n'yo po sa susunod, Aling Gracia."
"O, wala raw problema, Gayle."
Nang tumingin siya kay Thyago ay kinindatan naman siya nito. Mabilis siyang nag-iwas ng tingin.
"SABI ni Aling Tessie, kilala mo raw ang kapitan. Nagbabaka-sakali lang ako na baka pwede mo 'kong samahan," sabi ni Thyago nang magpaalam na sila sa nanay niya.
"Oo naman," tugon niya. "'Yon lang pala, e."
Pangatlong termino na yata ni Mang Berting sa pagiging kapitan ng barangay nila. Marami ngang nanghihikayat dito na tumakbo bilang konsehal sa siyudad dahil kilala itong madaling lapitan. Walang kapartido at kontra-partido rito pagdating sa tulong.
Kaya lang, aminado itong madumi ang politika kaya hindi na nito naghangad pa ng mas mataas na posisyon.
"Thank you, Gayle. Dumaan muna tayo sa bahay, ha?"
Tumango na lang siya.
Kailangan daw uli nitong magsepilyo at magdilig ng mga halaman. Bakit kaya hindi na lang nito iyon ipagawa kay Aling Tessie?
"Dito na lang kita hihintayin, sir," sabi niya nang mapasulyap siya sa garden.
"Are you sure?"
Tumango siya. "Titingnan ko lang ang mga halaman mo."
Ngumiti si Thyago.
"All right."
Patakbong pumasok si Thyago sa loob ng bahay nito. Nilapitan ni Gayle ang mga halaman at ilang sandali pa ay natagpuan na niya ang sariling nagbubunot ng mga damo sa paso at nagpuputol ng mga tuyong dahon.
Nang mapansin niya ang sprinkler can sa paanan niya ay inigiban niya iyon sa gripo na nasa hardin lang din.
"Bakit ikaw na ang gumawa niyan?" tanong ni Thyago nang bumalik na ito.
"A-ah." Painosente siyang ngumiti. "Hindi ko rin alam. Nalibang na ako. Pasensiya na, sir. Hindi naman tayo nagmamadali, 'di ba? Maaga pa naman. Tapusin ko na lang 'to."
Humalukipkip si Thyago at nagkibit-balikat bilang tugon.
"Bakit hindi mo na lang 'to ipagawa kay Aling Tessie?" tanong pa niya.
"Ayoko. Stress-reliever ko ang pag-aalaga ng mga halaman. Nagagalit ako kapag may nakikialam sa hardin ko."
Natigilan at napaharap si Gayle dito.
Tumawa si Thyago. "Exemption ka, siyempre."
"Sabihan mo lang ako kung gusto mong magdagdag ng mga halaman, sir. May alam akong nagbebenta sa tindahan tuwing Linggo."
"I was just about to ask you that. Thank you, Gayle. Siguradong magugustuhan ni Mama kapag nadatnan niyang marami nang halaman ang garden niya." Pagkatapos ay pumalatak ito. "Akala ko talaga, malabo mo na akong magustuhan."
"A-ano?" gulat na tanong niya.
Thyago chuckled.
"Wala. May date tayo sa Linggo, ha?"
"Hindi 'yon date. Nagmamagandang-loob lang ako," pakli naman ni Gayle.
NADATNAN nila si Mang Berting na nasa labas ng barangay hall at nagkakape kasama ang ilang mga tricycle driver na hindi pa bumibiyahe.
"Magandang umaga, Mang Berting," bati ni Gayle habang papalapit.
"O, Gayle, anak. Kailangan na ba ng barangay clearance ngayon para magpakasal?" sabi naman nito at humalakhak.
Nasapo tuloy niya ang noo.
"Kayo talaga," sabi na lang niya. "Si Sir Thyago po. Kailangan daw niya ng tulong n'yo."
"Magandang umaga po, Kapitan," bati naman ni Thyago rito.
"Akala ko, nandito ka para magpaalam na kukunin mo 'kong ninong."
"Ewan ko sa inyo," pabirong pakli niya.
"Sandali lang, mga tsong, ha," sabi naman ni Mang Berting sa mga kausap nito.
"Balik na lang kami mamaya, Kap," sabi naman ng mga kausap nito.
"Halikayo, mga bata. Dito tayo sa opisina ko."
"MAHIRAP pala ang gagawin n'yo, sir. Bakit hindi kayo nagsama ng assistant pagpunta n'yo rito?" tanong ni Gayle nang pauwi na sila galing barangay hall.
Nangako si Mang Berting na ito ang magpapadala ng mga kilala nitong magagaling na karpintero sa expansion at renovation sa mangrove forest.
"Sabi ni Mama, I'll figure things out when I get here," nakangiting sagot ni Thyago. Isang kamay lang ang gamit nito sa manibela. "She was right." Nakangiti siya nitong sinulyapan. "Nandiyan ka na."
Hindi napigilang mapakunot ng noo ni Gayle.
"Huwag kang mag-alala. Dadagdagan ko naman ang sweldo mo dahil sa mga pagsama mo sa 'kin," dagdag pa nito.
"'Yan ang gusto kong marinig," ani Gayle.
Thyago chuckled.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top