V.

CHAPTER FIVE

"GAYLE, would it hurt if you'll just be a little friendly with me?" tanong ni Thyago nang lumiko na sila.

"Hindi pa po ba ako friendly sa lagay na 'to, sir?" hindi lumilingong tanong din ni Gayle.

"Tinatawag mo 'kong 'sir,' at lagi kang nagpu-'po.' You treat me like an old man."

Muntik na siyang matawa.

"Sir," may-diing aniya, "boss ko ho kayo kaya natural lang na igalang ko kayo."

"Pwede mo naman akong tawagin sa pangalan ko kung tayong dalawa lang."

Napahinto si Gayle at hinarap ito.

"Sir..." Bahagyang naningkit ang mga mata niya. "Mukhang magkaiba yata tayo ng konsepto ng pagiging 'friendly.'"

Ngumiti si Thyago. Mukhang na-corner niya ito.

"Natatakot ka bang magtaksil ka sa boyfriend mo dahil sa 'kin?"

Nanlaki ang mga mata ni Gayle at bahagyang umawang ang kanyang mga labi. Ibang klase rin ang lakas ng loob ng isang 'to. Pero, kung sa bagay, may karapatan naman ito.

"Mukhang sanay kang nakukuha ang mga babaeng magustuhan mo, sir," sabi niya sa halip na itama ang akala nitong may boyfriend pa rin siya. Umatras siya.

"Hey, be careful. Bulok na raw ang ibang kawayan sa parteng 'to."

"Ayos lang. Kabisado ko ang lugar na 'to," mayabang na sabi niya at umatras uli.

Pero sa ikalawang paghakbang niya ay naramdaman niya ang pagkabiyak ng kawayan sa paanan niya.

"Gayle!"

Mabilis siyang nahablot ni Thyago sa baywang at napasubsob siya sa matipunong katawan nito. Hindi nakakilos si Gayle sa gulat.

Sunod niyang narinig ang pagbagsak ng mga kawayan sa tubig at ang malakas na dagundong ng kanyang puso, maging ang puso ni Thyago.

Yakap-yakap siya nito nang ilang sandali habang habol niya ang kanyang paghinga.

"Ayos ka lang?"

Sumalubong sa kanya ang nag-aalalang mukha nito at gadangkal na lamang ang layo nito mula sa kanya.

"U-um..."

Hindi niya maialis ang tingin dito. Iniligtas siya ni Thyago. Parang gusto niyang matunaw sa mga titig at yakap nito.

"Sabi ko sa 'yo, mag-iingat ka," mariing sabi nito.

Napakurap siya.

Totoong kabisado nga niya ang lugar na 'to, pero hindi ang tibay ng mga kawayan.

"A-ayos lang ako, sir. Pwede n'yo na 'kong bitiwan. S-salamat sa pagligtas n'yo sa 'kin."

Bumuntong-hininga si Thyago bago niluwagan ang pagkakayakap sa kanya. Agad siyang kumawala rito.

Tumikhim naman si Gayle para kalmahin ang dibdib niya. Nang lingunin niya ang tinapakan kanina ay may mga puwang na iyon. Mahihirapan na silang makatawid.

Hindi siya makapaniwala sa bilis ng mga pangyayari. Nahulog na sana siya sa tubig kung hindi lang siya maagap na nahila ni Thyago.

"Mukhang... mukhang hanggang dito na lang muna tayo, sir," sabi niya.

"E, kung ilibot mo na lang ako sa ibang parte nitong mangrove forest? Tutal, nandito na rin naman tayo?" mungkahi nito.

"Kung 'yon po ang gusto n'yo."

SA DULO ng tinahak nilang daan ay lupa na. May mga kubo roon at palikuran. May mga punong-kahoy at matitinik na tanim.

"Sa'n naman papunta ang daang 'yon?" tanong ni Thyago habang nakatinging sa unahan ng kubo.

"Sa mga taniman din ng lawaan, sir. Kapag tinahak mo 'yon, mas malapit ka na sa dagat. Pero kung ako ang tatanungin n'yo, mas magandang pumunta tuwing hapon dahil hindi na masyadong mainit."

"Sounds fair," komento nito. "Pwede mo ba 'kong samahan do'n sa susunod?"

"Kung dadagdagan n'yo ang bayad n'yo sa 'kin," napakibit-balikat na tugon ni Gayle.

Thyago chuckled.

SINUBUKAN ni Gayle na ipikit ang mga mata nang gabing 'yon, pero bumalik sa alaala niya ang pagkakadikit ng mga katawan nila ni Thyago kanina sa mangrove forest. Gulat na napamulat siya.

Hindi ba talaga siya patutulugin ng lalaking 'yon?

Sandali, bakit galit ka? Bakit parang kasalanan ni Thyago? Iniligtas ka lang naman n'ong tao, kontra ng isang bahagi ng utak niya.

Totoo namang mas malala ang mangyayari sa kanya kung hindi siya nito maagap na nahawakan.

Naiinis na bumangon si Gayle sa kama niya. May pasok pa siya bukas. Gusto na niyang matulog!

Dati-rati naman, kahit mag-away sila ni Brix, nakakatulog pa rin siya nang mahimbing. Pero bakit ngayon, buhay na buhay ang dugo niya por que halos nagyakapan lang sila ni Thyago kanina?

"Malala ka na, Gayle," pagalit na sabi niya sa sarili.

"GAYLE? Gayle, anak, gising."

Dahan-dahang nagmulat ng mga mata si Gayle. Tumambad sa kanya ang mukha ng nanay niya.

"Bakit dito ka sa sala natulog?"

Dahan-dahan siyang bumangon mula sa mahabang kawayang upuan. Nahulog pa sa sahig ang pocketbook na binasa niya kagabi para lang makatulog siya.

Umaga na pala.

"'Nay. Hindi po kasi ako makatulog."

"Iniisip mo pa rin ang ayaw n'yo ni Brix?"

"Hindi po."

Nagulat din siya ro'n. Hiniwalayan siya ng boyfriend niya, pero ang laman ng isip niya ay ibang lalaki. Ano na lang ang iisipin ng nanay niya kung iyon ang sabihin niya?

"Nasa indenial stage ka na ba sa lagay na 'yan?" kantiyaw ni Aling Gracia.

Natawa na lang siya.

"'NAK, isukat mo nga 'tong damit. Hindi ka pa naman siguro mala-late sa trabaho, 'di ba?" ani Aling Gracia. Hawak nito ang isang puting bestidang tinatahi nito mula noong isang araw.

"'Yan na ba 'yong gagamitin ng kliyente mo sa civil wedding niya, 'Nay?" tanong niya.

Smock dress iyon na pwedeng gawing off-shoulder.

"Maganda, ano?" nakangiting tanong ni Aling Gracia.

"Isusukat ko na po."

Kinuha niya ang damit at pumasok sa kwarto niya.

Ibang klaseng mananahi talaga ang nanay niya. Pwedeng ihilera sa mga kalidad na mga binebenta sa mall at online.

"Ano po sa tingin n'yo?" tanong niya nang lumabas na siya ng kwarto.

Umabot sa tuhod ni Gayle ang damit.

"Ibaba nga natin dito," anang nanay niya at hinila ang manggas niyon pababa para lumitaw ang mga balikat niya. "Bagay na bagay sa 'yo. Sana sa susunod, ikaw naman ang ikasal sa lalaking mahal mo. Hijo, ano sa palagay mo?"

Hijo? Gano'n na lang ang pagtataka niya.

Napamaang si Gayle nang bigla na lang sumulpot si Thyago sa likuran ng nanay niya.

"Yup. Bagay na bagay." May paghanga sa mga mata nito habang nakatingin sa kanya.

Nag-init ang kanyang mga pisngi.

"Hi, Gayle."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top