IX.
CHAPTER NINE
"BAKIT dito kayo sa kusina kumakain?" tanong ni Gayle nang mapagawi agad ang tingin niya sa nakahandang almusal ni Thyago.
"Gano'n din naman. Malungkot pa rin kumaing mag-isa kung sa dining table," sagot naman nito.
Agad siyang kumuha ng pinggan at inilagay doon ang dala niyang maruya. Si Thyago naman ay bumalik sa upuan nito. Pero sa halip na ituloy ang pagkain ay pinagmasdan lang nito ang mga kilos niya.
Nakakunot ang noong tiningnan niya ito.
Ngumiti naman si Thyago.
"Will you marry me, Gayle?"
Napakurap siya.
Tarantado 'to, a.
Nakasimangot na inisod niya palapit dito ang maruya.
"Huwag n'yo 'kong pinaglololoko nang ganito kaaga, sir, ha. Hindi ko isinakripisyo ang tulog ko para lang dito."
Tumawa nang malakas si Thyago. Nakakahawa man ang tawa nito ay pinigilan pa rin ni Gayle ang sarili. Sinong matinong tao ang mag-aalok sa kanya ng kasal kahit kakikilala pa lang nila?
Tarantado talaga.
"Samahan mo na lang akong kumain kung ayaw mo 'kong pakasalan," sabi pa ni Thyago.
"Sinabi ko na sa inyo na nakakain na 'ko. Anong gusto n'yong ipagawa sa 'kin?"
"Gusto kong umupo ka lang diyan at samahan akong kumain," seryoso pero may bahid ng ngiting tugon naman nito.
Nagkibit-balikat na lang si Gayle bilang pagsuko.
"Gusto mo ng siomai?" alok pa ni Thyago.
"Hindi ako tatanggi."
Masyadong marami ang niluto nito kung si Moymoy lang naman ang kakain. Saka sino ba naman ang makakatanggi sa siomai? Comfort food niya iyon.
Ginamit ni Gayle ang pinggan at mga kubyertos sa harap niya at kumuha sa tray.
"And tell me why would you not marry me," hirit pa nito.
Hindi itinago ni Gayle ang irap niya.
"Bakit n'yo yayayaing magpakasal ang babaeng hindi n'yo nobya at lalong hindi n'yo mahal?"
"Gusto kita."
Tumaas ang isang kilay niya sa isinagot ni Thyago.
"Dahil lang do'n?"
"Hindi pa ba sapat 'yon?"
"Pang-ilan ako sa mga babaeng niyaya mong magpakasal na parang nagtatanong lang kayo kung pwede ko ba kayong samahang kumain?"
"Ikaw pa lang," amused na sagot nito.
"Hindi nga?"
"Gano'n ba 'yon kahirap paniwalaan?"
"Mukha ba 'kong uto-uto sa inyo?"
"Hindi."
Tumusok siya ng siomai gamit ang tinidor at kumagat.
"Gusto n'yo bang mag-resign na lang ako sa trabaho ko at sumunod sa boyfriend ko sa labas ng bansa, sir?"
Biglang sumeryoso ang mukha ni Thyago.
"'Yan ang huwag mong gagawin. Dito ka lang sa 'kin."
"NGAYONG linggo, magbi-brainstorm lang tayo ng design at structure ng mangrove café. At sa Linggo, may date tayong dalawa."
Napatigil sa tangkang pagtitipa sa laptop ni Thyago si Gayle dahil sa huling sinabi nito.
Nasa sala naman sila nang mga sandaling iyon para ilatag nito ang mga gagawin niya bilang bagong executive assistant nito.
"Hindi nga po 'yon date, sir. Ang kulit n'yo," pakli niya sa kunwari ay naiinis na tono.
"Have you been to a lot of cafés around the province?" patay-malisyang tanong ni Thyago. Nakatayo lang ito sa harap niya na parang sinasabing, 'Nandito lang ako. Masdan mo ang kakisigan ko."
"Hindi pa po. Pero pwede naman akong tumingin sa internet."
"Good. At kung mayro'ng malapit na pwede nating puntahan, sabihin mo sa 'kin. Mas maganda kung makikita natin mismo nang personal. Hindi 'yon date, ha."
"Sayang naman," pasakalye ni Gayle.
Thyago arched an eyebrow.
"Alam mo, ikaw..."
Nagkibit-balikat lang siya.
Back to you.
"Sige. Iiwan na muna kita saglit. I'll just tend to my plants."
Tinungo na ni Thyago ang pinto. Pasimple naman itong sinundan ng tingin ni Gayle. Bago ito makalabas ay bigla itong lumingon.
Lumukso ang puso ni Gayle, pero hindi siya nagpahalata.
"Tawagin mo lang ako sakaling ma-miss mo 'ko kaagad."
"Alis na po kayo, sir. Utang-na-loob."
"PROMOTED ka talaga? Ibig sabihin, lagi na kayong magkasama?" Impit na tumili si Berry. "Gusto kitang sabunutan sa inggit!"
Pinanlakihan ito ng mga mata ni Gayle. Kahit nasa loob sila ng kwarto ng kaibigan niya ay hindi siya kampante. Day-off niya. Nang lumubog ang araw ay pumunta na naman siya sa bahay ng kaibigan dahil mayro'n siyang naka-book na klase.
"Anong nakakainggit do'n? Pasaway 'yong lalaking 'yon," pakli niya. "Niyaya ba naman kong magpakasal?"
Impit na tumili uli si Berry at lumundag-lundag sa kama nito.
"Sana hindi na lang ako nagkwento."
"Hindi ba dapat magpasalamat ka dahil nadi-distract ka kay Thyago? Dapat nagmumukmok ka ngayon kasi kahihiwalay n'yo pa lang ni Brix. Pero, hindi. Tuloy ang buhay mo. Hindi ko sinasabing masaya ako para sa 'yo, pero parang gano'n na nga. E, anong sagot mo sa marriage proposal niya?"
"Wala."
"Tama lang 'yan. Mas sira-ulo ka kung tinanggap mo ang alok niyang kasal nang hindi ka man lang nagpapaligaw."
"Estranghero pa rin si Sir Thyago sa paningin ko. Malay ko ba kung dapat ko siyang pagkatiwalaan o hindi?"
"Kung ako siguro ang nasa posisyon mo, unang araw pa lang mamahalin ko na si Thyago. Bakit naman kasi mukha siyang hinugot sa pocketbook? Argh!" Kinuha ni Berry ang unan niya at pinanggigilan iyon.
Natawa naman si Gayle.
"Berrybebs, magkape na lang tayo."
"Hays, nautusan pa 'ko." Pero tumayo na rin ito sa kama nito. Bago ito lumabas ay ginulo-gulo ni Berry ang buhok nito. "Tatakutin ko si Tatay."
"Hoy!" pigil ang bungisngis na saway niya.
Namayani ang katahimikan nang mapag-isa na si Gayle sa kwarto ni Berry.
Napabuntonghininga siya. Mahirap ang hindi magkagusto kay Thyago Falcon, aaminin niya. Pero magkaiba sila ng mundo nito. Hindi ang katulad niya ang nababagay rito. Ayaw niya sa mundo nito.
NASA labas pa lang siya ng bahay nila ay naririnig na niya ang boses ni Aling Gracia. Mukhang may kausap ito.
Kasama nito ang mga kaibigan nito sa labas buong maghapon. Mukhang hindi pa sawang magkwentuhan ang mga ito.
"Tiyak na gutom na gutom si Gayle pag-uwi n'on," sabi pa ng nanay niya pagpasok na pagpasok niya.
"Narinig ko 'yon, 'Nay," pagbibigay-alam naman niya.
"Gayle, anak! Nandito si Thyago," nakangiting salubong ni Aling Gracia.
"Po?"
Natigilan si Gayle nang lumabas si Thyago mula sa kusina. Tinutulungan nitong maghanda ng hapunan ang nanay niya.
"Hi, Gayle." Ngumiti si Thyago.
At home na at home 'yan?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top