IV.
CHAPTER FOUR
"GALIT KA pa rin ba sa 'kin?"
"Ano sa tingin mo?" ganting-tanong din ni Brix sa kabilang linya.
Malamig pa rin ang tono nito. At sa totoo lang, hindi na 'yon ikinagulat ni Gayle.
Tinawagan niya si Brix kinagabihan. Hindi kasi ito nag-reply sa sinabi niya sa chat na sana ay hindi na siya nito pilitin sa gusto nito dahil buo na ang desisyon niyang hindi iwan ang nanay niya.
"Hindi na kita pipiliting patawarin ako, Brix, kasi napapagod na rin ako. Kung gusto mong hiwalay na tayo, sige, tatanggapin ko para hindi na natin sayangin ang oras ng isa't isa."
"'Yan ba ang gusto mo?"
Napabuga nang wala sa oras si Gayle. Si Brix pa talaga ang may ganang magtanong sa kanya n'on, e, ito nga ang palaging nagbibitiw ng salitang 'hiwalay.' Tumanggi itong makipag-video call sa kanya kaya hindi niya nakikita ang mukha nito.
Sinubukan na lang niya itong intindihin dahil gano'n talaga ito kapag nagtatampo. Pero sa mga sandaling iyon, napupuno na rin siya. Kung hindi lang siya nanghihinayang sa pinagsamahan nila...
"Ikaw naman ang palaging nakikipaghiwalay, 'di ba?" may-diing tanong niya.
"E, di hiwalay. Bahala ka na." Pagkatapos ay pinatayan na siya nito ng tawag.
Hindi makapaniwalang napatitig si Gayle sa cell phone niya. Sa gano'n na naman uli nagtapos ang usapan nila. Nakakapagod na.
Nakuyom na lang niya ang kamao.
"KAIN NA, anak," sabi ni Aling Gracia nang nagpunta siya sa sala.
"Wala po akong gana, 'Nay," matamlay na tugon niya.
"Nag-away na naman kayo ni Brix?"
"Wala na kami. Totoo na 'to."
"'Di ba, palagi naman na ikaw ang hindi nakakatiis? Nagkakabalikan pa rin naman kayo kahit anong away n'yo."
"Iba na 'to, 'Nay. Mukhang totohanan na. Siguro kaya paulit-ulit na ginagawa sa 'kin 'to ni Brix kasi palagi ko siyang tinatanggap. Ang tanga-tanga ko rin, e."
"Huwag mong sabihin 'yan. Siguro nga malungkot ka lang sa ngayon, pero kung hindi talaga kayo ni Brix ang para sa isa't isa, baka may mas higit na nakalaan para sa 'yo." Nginitian siya ni Aling Gracia. "Kaya kumain ka pa rin. Hindi pwedeng hindi ka kumain. Wala naman kay Brix ang sikmura mo."
Natawa nang wala sa oras si Gayle.
"Sige po. Magtitimpla na lang siguro ako ng kape."
"WALA na 'kong boyfriend," sabi ni Gayle kay Berry habang sa cell phone niya siya nakatitig.
Mayro'n pa sana siyang sasabihin kay Brix, pero naka-block na pala siya rito.
Natigil sa paghigop ng arroz caldo si Berry. Nasa restaurant ang kaibigan niya nang umagang 'yon. Doon ito nag-almusal at kailangan niya ng kausap nang mga sandaling 'yon.
"Mabuti naman at natauhan ka na." Ngumiti si Berry. "Binabati kita sa kalayaan mong nakamtan."
Napangiwing napatingin siya sa kaibigan.
"Pinag-uusapan lang natin no'ng isang araw kung tama pa bang ipagpatuloy n'yo ang relasyon n'yo ng Brix na 'yon. Heto na 'yong sign na ibinigay ng tadhana. Huling hiwalayan n'yo na sana 'yan, at huwag na kayong magkakabalikan."
Bumuntong-hininga na lang si Gayle at tumingin sa direksiyon ng dagat.
"Gayle, bitin 'yong itlog, pwedeng makahingi pa?" mayamaya ay hirit ni Berry.
Nanlalaki ang mga matang tiningnan niya ito.
"Ilang beses kang kumain ng itlog sa isang araw? Tama na 'yang isa," sabi niya.
"E, gusto ko pa nga."
"Tama na sabi." Muli siyang bumaling sa dagat.
"Ito ang itlog na gusto ko."
Nang sulyapan niya ang kaibigan ay nakatingin ito sa entrance ng restaurant. Biglang sumulpot doon si Thyago. Nakasuot lang ito ng itim na T-shirt, ripped jeans at rubber shoes.
"Hoy," mariin niyang bulong sa kaibigan.
Ngisi naman ang ganti ni Berry. Siya ang nahihiya sa pinagsasasabi nito.
"Gayle," tawag sa kanya ni Thyago.
Parang hinehele siya sa paraan ng pagtawag nito. Napilitan siyang tumayo mula sa mesa.
"A-ano po 'yon, sir?"
"Pwede mo ba 'kong samahan sa mangrove forest? I need to check a spot for the expansion."
"Sige po, sir." Tumingin siya kay Berry. "Magtatrabaho muna 'ko."
"Kung pagod ka na sa trabaho mo, pwede namang ako ang pumalit." Bumungisngis pa ang mamaw na Berry.
"Are you Gayle's friend?" naaaliw na tanong ni Thyago rito.
Mukhang hindi inasahan ni Berry ang atensiyong ibinigay rito ni Thyago. Kuminang nang husto ang mga mata nito.
"Hi. Y-yes, I'm Berry. Ikaw ang bagong boss ni Gayle? 'Nice to meet you, sir." Tumayo ito at hinaplos-haplos ang buhok nito.
"Hi, Berry. I'm Thyago. 'Nice to meet you, too." Inilahad ni Thyago ang kamay nito.
Mariing naglapat ang mga labi ni Berry bago tinanggap ang pakikipagkamay nito.
"Ang bango mo naman, sir."
Hindi napigilang mapangiwi na naman ni Gayle.
"Thank you," tugon ni Thyago. "See you around. Let's go, Gayle." Nauna na itong tumalikod.
Bago sumunod kay Thyago ay pinandilatan niya ang kaibigan.
"Yummy," bigkas ni Berry nang walang tunog.
PINAGBUKSAN siya ni Thyago ng pinto ng kotse nito. Bahagya siya nitong nginitian. Nagkunwari naman siyang hindi ito napansin at sumakay na.
"T-hank you, sir," tipid na sabi niya.
"Ayos ka lang, Gayle? Mukhang wala ka sa sarili mo," pansin ni Thyago habang nagmamaneho na ito.
Sa dagat lang ang tingin ni Gayle hanggang sa lumiko na ang sasakyan nito.
"Ayos lang naman ako, sir," patay-malisyang sabi niya.
"I'm sorry. Kung ano man ang pinagdadaanan mo, sana hindi 'yon makasagabal sa trabaho mo." Seryoso ang tono ni Thyago.
"Wala kayong dapat ipag-alala."
Ipinarada ni Thyago ang kotse nito sa isang bakanteng lote dahil hindi na kasya ang sasakyan nito sa nag-iisang daanan papunta sa mangrove forest. Mayro'n silang nadaanang maliit na kapilya. Paglampas nila sa mga kabahayan ay sumalubong naman sa kanila ang malawak na fish pond. Makitid lang din ang daanan doon.
Huminga nang malalim si Gayle pagtuntong niya sa kawayang tulay. Paborito niyang tambayan ang mangrove forest tuwing gusto niyang mapag-isa o kung mayro'n siyang problema. Huwag lang siyang abutin ng gabi dahil sobrang dilim doon.
"I think it's that part over there," turo ni Thyago sa unang likuan sa kanan.
Mayro'ng tore sa gitna ng mangrove forest, pero bulok na iyon ngayon. Hindi niya alam kung kailan na naman maiisipang ipaayos ng lokal na pamahalaan nila.
Pero nalaman niyang balak iyong ipa-rehabilitate ni Thyago. Pumayag ang local government sa partnership dahil ibig lang sabihin n'on, may mga kabarangay siyang mabibigyan ng trabaho.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top