II.
CHAPTER TWO
"SABI KO NA, may nakalimutan akong ilista," sabi ni Aling Tessie nang mailagay na lahat ni Thyago ang pinamili niyang grocery sa counter ng kusina.
Ito ang katiwala ng mama niya sa bahay habang wala pang tumatao.
"Ano ho 'yon, Aling Tessie?"
"Itlog. Kanina ko lang napansin nang gumawa ako ng sandwich." Alanganin siyang nginitian ni Aling Tessie. "Tumatanda na talaga ako, hijo."
"Ayos lang ho. Bibili na lang ako bukas."
"Hindi na. Tatawagan ko na lang si Gayle. Nagpapautang 'yon ng itlog tuwing Linggo. Ipapahatid ko na lang dito." Kinuha nito ang cell phone sa bulsa ng pantalon nito.
"Sige po. Kayong bahala."
PASADO alas-kwatro na natapos ang klase ni Gayle. Agad niyang tiningnan ang cell phone niyang iniwan niya kaninang naka-charge. Puno na iyon. Mayro'n siyang text galing kay Aling Tessie. O-order daw ito ng isang tray ng itlog at ipapahatid na lang sa bahay ng amo nito.
"'Nay, may natira pa tayong itlog?" tanong niya kay Aling Gracia na nananahi sa portable na sewing machine habang nanonood ng TV sa sala.
"Bakit? Magde-deliver ka na naman? Magpahinga ka na kaya?"
Lumapit si Gayle sa ref nila at binuksan iyon. Isang tray na lang na pwedeng ibenta ang natitira. Saktong-sakto ang order ni Aling Tessie.
Tinawagan muna niya ito.
"Aling Tessie, saan ko po ihahatid ang order n'yo?"
"Ah, Gayle, buti at tumawag ka. Nakauwi na kasi ako. Pwede bang ihatid mo na lang sa magarang bahay malapit sa amin ang itlog? Nando'n naman ang amo ko. Siya na lang ang bahala sa 'yo."
"Gano'n ho ba? Sige po. Walang problema."
"Salamat, Gayle. Buti na lang nandiyan ka."
"'Nay, magde-deliver po muna ako. Huli na lang naman 'to," sabi niya nang matapos ang tawag.
"Sige. Umuwi ka kaagad," tugon naman ni Aling Gracia.
NAKILALA lang ni Gayle ang supplier niya sa tindahan. Sinubukan lang niyang magpautang nang paunti-unti sa mga kapitbahay niya hanggang sa dumami ang mga suki niya. Kung abala siya sa restaurant, ang nanay niya ang bahala kung hindi ito nananahi.
Napapahid ng pawis sa noo niya si Gayle nang makarating sa labas ng gate ng bahay ng amo ni Aling Tessie. Hindi siya makanipaniwala. Napakaganda na ng bahay. Malayong-malayo sa kung ano ito dati.
Dalawang palapag iyon. Mayro'n pang veranda sa itaas. Salamin ang isang bahagi ng dingding kung saan naroon ang sliding door. Sa ibaba naman ay nakaparada ang isang pamilyar na itim na kotse. Kamukha iyon ng sasakyang pinara niya kanina nang pinatawid niya ang mga bibe ng kapitbahay.
Punong-puno ng namumulaklak na makukulay na orchids ang hardin. Sa gitna n'on ay ang mga garden rack na pinagdikit para maging hugis-parihaba para naman sa mga cactus at succulent.
Nagtatalo pa ang isip niya kung paano tatawagin ang may-ari ng bahay nang mapansin niyang bahagyang nakaawang ang gate.
"Wala naman sigurong asong nangangagat dito," sabi niya at saka dahan-dahang itinulak ang gate gamit ang libreng kamay.
Tumuloy siya at huminto sa garahe. Hinawakan niya ang tray ng itlog sa dalawang kamay. Bago pa man siya makapagsalita ay mayro'ng nagsalita sa likuran niya.
"May maitutulong ba 'ko?" tanong nang buong-buong boses ng lalaki.
"Ay, itlog mo!" bulalas ni Gayle at humarap sa pinanggalingan ng boses.
Kamuntikan na niyang mabitiwan ang tray kung hindi lang maagap na napigilan ng lalaki ang mga kamay niya. May suot itong makapal na gwantes na may-bahid ng lupa.
Nanlalaki ang mga matang napatingin si Gayle sa mga kamay niyang hawak nito.
"Ano 'yon?" may-bahid ng pilyong ngiting muling tanong ng lalaki.
Matangkad ito, matipuno, at may manipis na balbas. Kulay-kape ang mga mata ng lalaki at ang mga labi nito ay tila nangangako ng matatamis na halik.
Nag-iinit ang mga pisnging napalunok si Gayle nang mapagtanto kung ano ang tumatakbo sa isip niya.
"A-ah..." Napatingin siya sa mga kamay nila. "Ikaw ba ang amo ni Aling Tessie? Sabi kasi niya, ihatid ko na lang dito."
"Nadumihan ko ang mga kamay mo," sabi naman ng lalaki.
Ipinaubaya na niya rito ang tray.
"Ayos lang."
"Nagga-garden ako riyan. Hindi mo yata ako napansin."
"Hindi nga."
"Pasensiya na. Ginulat kita."
"Ayos lang." Nasobrahan din naman kasi siya sa kape.
"Pumasok ka muna. Maghugas ka ng kamay mo."
"Ayos lang naman."
"I insist." Ikiniling nito ang ulo sa direksiyon ng bahay nito.
Tila nahipnotismong napasunod si Gayle dito.
Dinala siya nito sa kusina. Bawat sulok ng bahay ay maaliwalas. Malamig doon. Nakaramdam siya ng ginhawa dahil galing siya initan.
"I'll be right back," sabi ng lalaki nang ilagay nito sa mesa ang tray at saka hinubad ang maduming gwantes. "Gamitin mo lang ang gripo riyan."
"S-salamat."
Nang umalis saglit ang lalaki ay malakas na napabuntong-hininga si Gayle. Ang lakas ng tibok ng puso niya. Dahil pa ba 'yon sa kape o malakas lang talaga ang dating ng lalaki?
Napailing-iling siya.
"Umayos ka, Gayle," saway niya sa sarili at naghugas na ng kamay sa gripo.
Nang matapos siyang maghugas ay lumabas siya sa sala. Nakita niyang pababa ng hagdan ang lalaki.
"Okay na ba 'to?" tanong nito nang iabot sa kanya ang buong limangdaan.
"Wala akong dalang panukli, e," sabi niya.
"It's all right. You can keep the change."
Bahgyang kumunot ang noo niya.
"Mister, naghahanap-buhay ako, hindi namamalimos," sabi niya sa malumanay pa ring boses.
"It's 'Thyago.'"
Napakurap siya.
"Ha?"
"I'm Thyago. You are?"
"G-Gayle."
"Ikaw 'yong babaeng pumara sa 'kin kanina para patawirin 'yong mga bibe. 'Nice to meet you." Nakangiting iniabot nito ang kamay sa kanya.
Saglit lang ang gulat na rumehistro sa mukha ni Gayle.
Kung gano'n, si Thyago nga ang driver ng kotseng pinara niya kanina?
"Salamat pala uli sa paghinto."
Tumikhim siya at tinanggap ang kamay nito. At napagtanto niyang isa 'yong pagkakamali. Dahil pinisil ni Thyago ang palad niya. Muling lumukso ang puso niya.
Hindi pa ito nakontento at dinala nito ang palad niya sa mga labi nito at hinalikan ang likuran n'on habang hindi inaalis ang tingin sa kanyang mga mata.
Napatulala siya sa gwapong mukha nito. Wala pang sino man ang gumagawa n'on sa kanya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top