Chapter 14

#FATWRFourteen

"Gustung-gusto na kitang makita. Sobrang nag-alala ako sa'yo..."

Nabato ako sa kinatatayuan ko habang yakap yakap niya ako ng napakahigpit. Hindi ko alam kung yayakapin ko siya pabalik o hahayaan lamang siya na manatili sa ganoong sitwasyon habang nakabalot ang kanyang braso sa akin.

"E-Earl, ano bang ginagawa mo? Nasa labas tayo..." bulong ko at paulit-ulit at malakas na tinapik ang kanyang likuran.

Mas lalo niyang hinigpitan ang pagkakayakap sa'kin at hinaplos ang aking buhok.

"Wala akong pakialam. Sobrang na-miss kita, ilang araw kitang hindi nakita na kailangan ko pang magmakaawa..."

Biglaan siyang humiwalay sa akin at napaatras.

"A-Ah, h'wag mo na lang intindihin ang sinabi ko. B-Basta na-miss kita! 'Yun 'yon!"

Kumunot ang noo ko, "Bakit mo naman ako mami-miss?" naguguluhan kong tanong sa kanya. Parang ilang araw lamang naman ako 'di pumasok, kung si Vaughn nga ay 'di nagsabi na na-miss niya ako.

Napakamot siya sa kanyang batok at bumuntong hininga, "Mahal nga kita, hindi ba?" nahihiyang tumingin siya sa akin at tipid na ngumiti.

Pakiramdam ko ay namula ang pisngi ko at nagkulay kamatis na ito dahil sa kanyang sinabi. Napatungo ako at nang mag-angat ako ng tingin ay umiwas na lamang ako.

"A-Alis ako eh. Tsaka bakit ka ba nandito? Umuwi ka na nga..." pagtutulak ko palayo sa kanya at inayos ang pagkakahawak ko sa aking mga bitbitin.

"May sakit daw ang mama mo..." 'di yun patanong kung hindi sinabi niya talaga na para bang alam na alam niya. Hindi ako tumingin sa kanya at nagpatuloy ako sa paglalakad pauna sa kanya.

"Kamusta na si tita?"

Nagpantig ang tainga ko dahil sa narinig at bahagya akong napatigil sa paglalakad ko pero agad din akong nagpatuloy.

"P-Pwede ba akong sumama sa'yo sa pagpunta sa ospital kung nasaan siya?" tuluy-tuloy lamang sa pagsasalita si Earl at ako naman ay pinipilit ang sarili ko na 'di sumagot, na para bang wala akong kasama sa paligid.

"Alexia..."

Kumunot ang noo ko at kinagat ko ang pang-ibaba kong labi para mapigilan ang sarili kong kausapin siya. Kahit na medyo naiinis ako ay 'di ko pa rin kayang itago ang saya na mayroon ako dahil nagpunta siya sa bahay para lamang makita ako sa dahilang nag-aalala siya sa'kin.

"Xia, kausapin mo naman ako..." hinawakan niya ako sa braso at mabilis kong iwinaksi 'yon.

"Ano ba naman 'yan Earl! Nagmamadali ako oh!" singhal ko sa kanya at mas binilisan ang paglalakad ko. Para na nga akong si Rita Ora na nagpakita noon ng 'angry walk' habang kasama si Hyuna.

"Sasamahan na nga lang kasi kita, Xia. Kung gusto mo ako na lang ang magdala ng mga 'yan. Mukhang mabigat eh..." pag-aalok pa niya ng tulong sa akin.

Kung iisipin ay hindi naman masyadong mabigat ang bag na dala-dala ko dahil puro kagamitan at damit lang naman ito ni mama. Hindi ko pa rin pinansin si Earl kahit na wala siyang tigil sa kadadakdak. Nabibingi na nga ako dahil minsan kung magsalita siya ay halos pasigaw na, marahil ay naiinis na rin.

"Earl!"

Napasigaw ako ng 'di sinasadya nang biglaan niyang kuhanin ang bag na dala ko. Seryoso siyang tumingin sa akin at mabilis akong tinaasan ng kilay.

"H'wag mo nang subukang kuhanin sa akin ang bag na 'to. Kanina ko pa sinasabi na tutulungan na kita at sasamahan kitang magpunta ng ospital. Bakit ba ang tigas tigas ng ulo mo?"

Napasimangot ako, "Eh ikaw? Bakit ba ang kulit mo din? Sinabi na kasing kaya ko!"

Bumuntong hininga siya at umiling, "Bahala ka. Basta ako ay hindi aalis, tara na nga..." hinila niya ako gamit sa paghawak sa aking palapulsuhan.

Kahit gusto ko siyang iwasan ay 'di ko na magagawa dahil kapag umalis ako ay nasa kanya naman ang bag at ang mga gamit ni mama. Kahit naman anong ipilit ko din na rason para kanyang ibigay 'yon ay alam kong paiiralin niya pa rin ang kagustuhan niya.

Nang makarating kaming dalawa sa hospital ay sumalubong sa amin si Tita Joy upang may makasama kaming guardian. Tinignan akong mabuti ni Tita Joy, marahil ay nagtataka kung sino na nga ba ang kasama ko.

"Tita Joy. Si Earl po, kaibigan ko..." pagpapakilala ko sa kanya.

Tipid na ngumiti si tita sa aming dalawa at tumango, "Gusto mo rin bang kamustahin ang nanay ni Alexia kaya ka sumama?"

Mabilis na tumango si Earl at agad na ngumiti, "Opo. Nag-alala din po ako kay Alexia dahil ilang araw na din na absent..."

Ngumiwi si tita at bumuntong hininga, "Pagpasensyahan na ha? Sana ay pagbigyan siya ng mga teachers sa mga gawain niyo ng mga nakaraang araw kapag siya'y pumasok na..."

Tumango si Earl, "Alam na po ng mga teachers namin dahil bukod po sa akin ay sinabi na din ni Angeline ang nangyari..."

Ngumiti si tita, "Salamat. Sige pumasok muna kayo sa loob. Tulog pa ang mama mo, Alexia. Nagpapahinga siya..."

Tumango na lamang ako at mabilis na pumasok sa kuwarto kung saan nananatili si mama. Bumuntong hininga ako at humila ng isang upuan para makaupo malapit sa kanyang kama.

"Mama, andito na ulit ako. Kumuha lang po ako ng mga gamit ninyo..." bulong ko bago hinalikan ang kanyang noo.

Narinig ko ang mabibigat na paghinga ni Earl kaya naman tumingin ako sa kanya at nadatnan siyang nakatayo sa aking likuran.

"Pwede ka namang umupo doon, Earl..." pagtu-turo ko sa kanya nung maliit na sofa sa isang gilid ng kwarto na wala namang nakaupo.

Umiling si Earl, "Hindi na. Ayos na ako na laging nasa likod mo..."

Parang may kumiliti sa aking puso dahil sa kanyang sinabi at hindi ko alam kung ako lamang 'yon o talagang may meaning ang sinabi niya sa akin.

Dahil sa totoo lang ay ayokong mag-assume. Lagi ko namang naaalala at alam na alam ko naman na naandyan si Christine para lamang sa kanya.

Matapos naminh bumisita ay kailangan na rin na umalis ni Earl. Sinabihan ako ni tita na pwede na rin daw ako umuwi dahil baka hinahanap na ako ni Chantal kaya naman sumunod na lamang din ako dahil ayokong mapagalitan.

"Salamat pala sa pagsama sa'kin..." mahina kong bulong pero sapat na ang lakas para marinig ni Earl ang aking sinabi.

Tipid siyang ngumiti sa akin at tumango, "Wala namang problema doon eh. Basta ikaw..."

Dere-deretsyo lamang kaming naglalakad habang magkatabi. Wala na ni isa ang nagsalita sa aming dalawa matapos nang maikling pag-uusap na 'yon. Ni hindi ko nga masasabing pag-uusap 'yon.

Naisip ko na medyo matagal ko na rin palang iniiwasan si Earl dahil sa nangyari doon sa rooftop. Hindi ko siya kinausap, hindi kami nag-pansinsan kahit magkasama naman kami sa iisang classroom at madalas kaming magkita dahil sa canteen at sa ibang lugar sa school. Ni hindi ko siya pinagtuunan ng atensyon noon pero alam naman ni Angeline at alam niya na... talagang may nararamdaman ako para sa kanya.

Hindi ako umiimik kahit naiilang ako sa sitwasyon naming dalawa ngayon. Kami lang dalawa, parehas at sabay na naglalakad pauwi.

"Gusto mo bang ihatid na kita?" biglaan niyang tanong sa akin dahilan para mapatigil ako at mapatingin sa kanya.

"Ha? H-Hindi na kailangan. Kaya ko na naman ang sarili ko..." tugon ko sa kanya.

Kumunot ang kanyang noo bago itinago ang kamay sa bulsa ng kanyang shorts, "Kahit na. Anong oras na din naman oh. Gusto kong ihatid ka..."

Napanguso ako, "Nagtanong ka pa kung ipipilit mo rin naman pala."

Maya-maya ay narinig ko na lamang siyang humahalakhak. Lito at nakakunot ang noo kong napatingin sa kanya, "Ano na naman bang problema mo?" tanong ko.

Umiling siya at kinagat ang pang-ibabang labi, "Ang cute mo mag-sungit, miss!" sabay pisil sa aking kanang pisngi.

Nang makarating kami sa tapat ng isang parke ay tumigil siya doon. Napasimangot ako, "Akala ko ba ihahatid mo ako? Sinabi mo din kanina na anong oras na para umuwi pa ako mag-isa tapos eto ikaw, tatambay pa ata sa park." pagre-reklamo ko sa kanya.

Malapad siyang ngumiti sa akin, "Dito muna tayo..." sabay tapik niya sa bench at mabilis siyang umupo doon. "Ang ganda ng mga bituin oh, sayang kapag 'di natin pinagmasdan..."

Umupo na lang rin lamang ako at masama ang tingin na ipinukol sa kanya, "Alam mo din naman palang mawawala, bakit mo pa tititigan? Masasayang lang ang oras natin..." pamimilit ko sa kanya na umuwi na kami.

Seryoso siyang tumingin sa akin at nagsalita. "Mawawala 'yan, Alexia. Kaya nga dapat tignan na nating mabuti para 'di masayang kasi baka pagdilat natin muli wala na sila..."

Napairap ako, "Malamang. Sa gabi lang naman merong mga bituin hindi ba? Makakakita ka pa naman niyan sa mga susunod na gabi!"

Bumuntong hininga siya at umayos ng upo.

"Special 'tong gabi na 'to sa'kin kasi kasama kita habang titignan ko yung mga bituin ng maigi kaya naman ayoko pang umuwi. Kahit saglit lang, Alexia..."

Tipid siyang ngumiti sa akin at ang kasunod non ay ang paghawak niya sa kamay ko, "Kahit saglit lang na kasama kita..."

Para akong nahirapan sa pag-hinga dahil biglaan kong hinabol ang aking hininga. Nag-init ang aking pisngi at agad akong umiwas ng tingin.

"Mayroon ka namang Christine. Bakit ako pa?" seryoso kong tanong sa kanya ngunit hindi ako tumitig sa kanyang mga mata.

Hindi ko kaya.

Pinisil niya ang aking kamay at pinilit na tumingin ako sa kanyang mga mata, "Mahal kasi kita..."

"Pero mahal mo din siya, hindi ba?"

Doon siya natigilan at muli siyang ngumiti sa akin.

"Mas mahal kita, Alexia. Kung pwede nga lang na makipaghiwalay ako sa kanya para ligawan ka at sa'kin na lang ang bagsak mo at ganun din ako sa'yo ay ganoon na lamang ang gagawin ko..."

"Bakit hindi mo gawin?"

Bahagyang nanlaki ang kanyang mga mata, halatang nagulat sa aking sinabi. Kahit naman ako ay nagulat din sa mga salitang lumabas sa aking bibig ngunit hindi ko na rin 'yon binawi at 'di na lamang ako nagsalita.

"May balak akong gawin 'yon, Alexia. Sobrang tagal at ilang beses ko nang pinag-isipan..."

Hinila niya ako sa isang mahigpit na yakap.

"Mahal mo na ba ako, Alexia?" sinsero niyang tanong habang hinahaplos ang aking buhok.

Kinagat ko ang aking pang-ibabang labi bago tumango, "Oo..."

"Mahal din kita."

Mas lalong humigpit ang pagkakayakap niya sa akin. Tinapik ko ang kanyang likod at nagtanong, "Paano si Christine?"

Ang sunod na narinig ko na lamang ay ang pagbuntong hininga niya at ang hindi niya pagbitaw sa pagkakahawak at pagkakayakap sa akin.

"Bigyan mo lang ako ng oras. Mahal na mahal kita, Alexia..."

***
a/n: too young for love. lololol. anyways, this chapter is dedicated to ate kaye! nami-miss ko na siya. ate ako po yung nagsulat ng THE EQUATION OF US and i miss talking to you! mwa! labyu! <3  justkayealyssa ArissaDasa

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top