Chapter 01
#FATWROne
"Alexia, alam mo ba kung anong sagot dito?" tanong sa'kin ng kaklase kong si Randell nang minsang magkatabi kami sa klase para sa Araling Panlipunan. Lumipat kasi ng classroom kaya naman kahit saan na lamang umupo ay okay na para sa ibang guro.
"Hindi ka na naman ba nag-review?" kunot noo kong tanong sa kanya bago nilapag ang panyo ko sa ibabaw ng one fourth para takpan ang aking mga sagot.
Umiling ito at bahagyang natawa, "Tinamad kasi ako kagabi eh. Anong sagot sa number ten?" bulong nito at pasimpleng lumapit sa akin.
"Mr. Mendez and Ms. De Rama!"
Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ko ang boses ni Ma'am Rowena. Patay!
"Nagko- kopyahan ba kayong dalawa?" tanong nito habang nagpapalipat- lipat ang masasama nitong titig sa aming dalawa.
"Hind-" bago pa maituloy ni Randell ang kanyang sasabihin ay sumigaw na naman si Ma'am Rowena.
"Dalawang mata ko ang nakakita sa inyong dalawa! Akin na ang papel ninyo!"
"Ma'am, hindi naman po kasi kami talaga-"
"Nakita ko ang nakita ko!" at hindi ko man lang natapos ang paliwanag ko.
Kinuha ni ma'am ang papel naming dalawa ni Randell bago iyon minarkahan ng isang malaki at dumadagundong na itlog. Zero in short.
"Lumabas kayong dalawa at magpatong ng libro sa dalawa ninyong braso habang naka- squat!"
Napanganga ako at napatingin lalo sa kanya, "Eh ma'am, hindi naman po talaga kami nagkokopyahan!" paliwanag ko na medyo naiiirita na dahil wala naman talaga akong kasalanan kaya naman bahagya ko na rin nataasan ng boses si ma'am.
"Pinagtataasan mo ba ako ng boses, Alexia De Rama?" masungit nitong tanong sa akin habang nakataas ang kanyang kanang kilay.
"Ma'am, hindi po..." mahinang sambit ko na halos pabulong na lamang.
"Lumabas kayong dalawa ni Randell at gawin ang parusa ninyo. Ang titigas ng ulo! Mga second year high school ba talaga kayo?" pagsusungit lalo ni ma'am.
Kumuha ako ng anim na libro sa bag at yon ang dinala ko sa labas. Sa tapat pa kami ng classroom at sa may tapat ng terrace, kita ko pa tuloy yung kabilang dako ng high school department kung saan katapat ng section ko ang first section sa kabilang side.
Lumabas si ma'am para tignan ang ginagawa namin ni Randell sa labas ng klase. Pinag- squat niya kaming dalawa bago inilagay ang tig- tatlong libro sa dalawa naming braso.
"Sana'y magtanda kayo. Lalo na ikaw Randell! Halos araw araw na lamang ay nags- squat ka pagdating sa asignatura ko dahil sa katigasan niyang ulo mo!" panenermon pa nito.
"Opo ma'am..."
Nagawa pang tumango ni Randell pero lalabas lang naman sa kabilang tainga niya ang mga sinabi ni Ma'am Rowena. Ganyan naman si Randell. Eh kung nakikinig siya sa mga sermon ni ma'am, e di sana ay wala kami sa ganitong sitwasyon ngayon.
Dinamay pa talaga ako. Ano ba naman yan kasi!
"Dinamay mo pa ako, Randell. Kahit kailan ka talaga..." pabulong kong sabi pero may diin para kahit papaano naman ay maramdaman niya ang inis ko.
Ngumuso ito at tinignan ako habang nakakunot ang kanyang noo, "Eh bakit mo kasi sinagot ang tanong ko ng isa pang tanong diba? Mukha tuloy tayong nag- uusap kanina at nagpa- planong magkopyahan..."
Umirap ako, "Wow ha? Eh sa ating dalawa, ikaw naman talaga ang may planong mangopya. Nandadamay ka pa lagi!" panenermon ko sa kanya.
Hindi na lamang siya sumagot bagkus ay parehas na lamang kaming tumahimik dahil lumabas si ma'am para tignan kami at pagalitan.
Naririnig daw sa loob ng klase ang pag- uusap naming dalawa ni Randell. Eh di sana sinara niya na lang yung pinto, nakakainis talaga!
"H'wag ka nang tatabi sa akin kapag lilipat tayo ng classroom sa kahit anong subject ha, layuan mo talaga ako." inirapan ko siya at ngumuso ako dahilan para bahagya siyang mapatawa.
"Wala na kasi akong choice. Wala na kayang upuan kanina, pasalamat nga ako at absent yung tropa mong si Sheena, ayan tuloy tatlo lang kayo kanina at may bakante pang upuan!" malapad na ngiti na salita nito.
"Ewan ko sa'yo..." sabi ko at umayos ng pagkaka- squat. Sobrang sakit na ng mga hita ko at nangangalay na talaga ang aking mga braso.
"Tsaka nakakopya ako sa'yo ng numbers one to four. Akala ko magkaka- four points na ako yun pala balik itlog ako..." natatawa nitong sabi bago bahagyang umiling.
Marahas akong nagbuga ng isang malalim na hininga bago siya matalim na tinignan - mata sa mata. "Eh kung nagre- review ka kasi diba? 'Di yung namemerwisyo ka ng iba. Nako!"
Muli kong inayos ang pagkaka- squat ko at mariing pumikit. Grabe, pangalawang beses ko pa lang gagawin 'to. Wala naman kasi talaga akong kasalanan, hindi naman kami nagko- kopyahan ni Randell eh!
Wala nga akong balak pakopyahin siya. Bwiset naman!
Alas diyes ang recess namin at nakita ko sa relos ni Randell na nine thirty pa lamang. Ang tagal pa naming gagawin 'to.
Pakiusap naman, sobrang ngalay na ngalay na talaga ang mga hita at braso ko. Malapit na akong bumigay.
Nang lumipas ang trenta minutos pa m ay natapos din kami. Kinuha ko yung anim na libro bago ko ipinatong sa mga libro na dala- dala ni Randell.
"Aba, ano 'to?" tanong niya habang may ekspresyon na para bang hindi makapaniwala sa kanyang mukha.
"Dalhin mo at ilagay sa bag ko, pagsisihan mo nga kasalanan mo sa'kin. Na- zero pa tuloy ako." saka ko siya mabilis na tinalikuran at dumeretsyo na ako sa cafeteria.
"Hoy Alexia!" sigaw pa niya pero umirap na lamang ako sa kawalan at 'di na siya nilingon pa.
Nang makarating ako sa cafeteria ay bumungad sa'kin ang naghalo- halong grade eight at grade seven students. May mga CAT officer din na nakaduty upang magbantay dahil bawal umakyat at kumain sa classroom kapag break time.
Dapat daw sa cafeteria talaga. Sus, 'di rin naman natutupad yang sinasabi nilang yan pagdating ng second to fourth quarter. First quarter pa lang kasi ngayon kaya ganadong ganado sila na sundin ang rules.
"Ate, carbonara nga po..." sabi ko kay Ate Ruby na nagbibigay ng pagkain at kumukuha ng bayad galing sa ibang estudyante. Tumingin siya sa akin bago ngumiti.
"Sige, sandali lang..."
Pagpapaalam niya dahil may mga limang estudyante na bumibili ng spaghetti at burger sa kanya. Noong ako na ay kaaga niyang ibinigay sa akin ang carbonara. Ibinigay ko naman ang bayad bago ako humanap ng lamesa at upuan na mapagpwe- pwestuhan.
"Xia!" narinig ko ang isang boses na tinawag ang pangalan ko. Kumunot ang aking noo nang ma- realize kung kaninong boses nga ba 'yon.
"Francesca..." sambit ko sa kanyang pangalan nang tumigil na siya sa harap ko habang hawak- hawak ang kanyang pagkain at kulang na lamang ay kuminang ang kanyang braces dahil sa sobrang lapad ng kanyang ngiti.
"Kanina pa kita hinahanap eh, buti na lang ngayon nandito ka na. Ano bang nangyari kanina?" tanong nito saka hinila ang isang upuan at umupo sa aking tapat.
Napasimangot ako, "Si Randell kasi nagtanong ng sagot. Tinanong ko lang naman kung hindi na naman siya nakapag- review. 'Yun lang naman, 'di naman talaga kami nagko- kopyahan eh." paliwanag ko at sumubo ng carbonara.
"Ah..." tumango tango si Francesca at ngumuso. "Sabi ko naman kasi sa'yo ay sa akin ka tumabi kanina! Tumabi ka pa talaga doon sa bakanteng upuan. Tignan mo kami ng Angeline, 'di napagalitan..." panenermon pa nito sa akin.
"Oo na, oo na..." sabi ko saka tumango. "Sa susunod na araw na lilipat tayo ng section ay isusumbong ko na talaga si Randell..."
Tahimik lamang kaming kumaing dalawa at most of the time ay si Francesca na lamang ang nagsasalita. Gusto ko kasi nauubos muna ang pagkain bago makipagkwentuhan sa kasabay na kumain.
"Xia. May nalaman ako..." sambit nito bago lumapit sa'kin.
Taka akong napatingin sa kanya bago itinapon ang kinainan ko sa basurahan at nagpatuloy kaming dalawa sa paglalakad, "Ano na naman 'yon?"
"Kilala mo si Jon Earl?" bulong nito saka ako inakbayan para mas lalong malapit sa kanya.
Umiling ako, "Hindi. Sino ba siya?" kunot- noo kong tanong sa kanya.
Biglang tinanggal ni Francesca ang pagkaka- akbay sa akin at nagpapapadyak habang palabas kami ng cafeteria. "Ano ba naman 'yan? Hindi mo talaga kilala ang lalakeng 'yon?"
Umiling akong muli, "Hindi nga. Eh di sana kung kilala ko ay sinabi kong oo."
"May issue kasi lagi yung lalakeng 'yon!"
Nagtaas ako ng isang kilay, "Sino?"
Naningkit ang kanyang mga mata bago ako sinimangutan, "Malamang ay yung Earl!" ani Francesca habang nagpapapadyak.
Matipid akong tumango, "Ah, 'yun ba 'yung sinasabi mo?" tanong ko.
"Hay nako Xia! Hindi mo naman kasi kilala kaya baka 'di mo rin maintindihan ang kwento..."
Napairap ako, "I-kwento mo na lang sa'kin tutal ay naging curious na din naman ako eh..."
Lumunok muna siya at saka hinawi ang kanyang buhok, "Ganito kasi 'yan..."
At tahimik lamang akong nakinig sa kanyang mga ike-kwento patungkol doon sa lalake na nagngangalang Jon Earl.
"Pinagmumura na naman yata niya yung girlfriend niya kanina sa may quadrangle kaya marami ang nakakita. Si babae naman ay tahimik lamang at nakatungo lang daw."
Napasimangot ako, "Talaga? Anong klaseng boyfriend naman pala siya kung ganoon? Walang modo..." naiinis kong sambit saka ipinagkrus ang dalawang braso sa ibabaw ng aking dibdib.
Tumango- tango si Francesca, "Ilang beses niya nang ginaganon ang girlfriend niya. Kahit nga daw sa classroom ay nag-aaway sila. Nakakaawa yung babae..."
Napairap ako, "Hindi siya kawawa. Tanga siya para hindi pa makipaghiwalay sa ganoong klase ng lalake. Kahit ba mahal niya eh kung ganoon naman pala ang ginagawa dapat ay iwanan na niya..."
Napatawa siya, "Hindi ka pa kasi nai-in love Xia kaya hindi mo alam ang pakiramdam ng lubos na magpakatanga..."
Tinitigan ko siya ng masama, "Second year high school pa lang tayo, Francesca. Hindi naman ata mandatory para sa'tin ang ma-in love sa ganitong edad..." saka ko hinawi ang aking buhok at bumuntong hininga.
"Lagi talaga akong talo sa'yo pagdating sa sagutan eh..." bahagya siyang tumawa pero ibinalik na rin naman agad ang topic patungkol ulit kay Jon Earl.
"Gwapo sana 'yun eh. Masama lang ang ugali..."
Nagkibit balikat na lamang ako at saglit na pinagpag ang bench para maayos akong makaupo nang biglang suminghap si Francesca kaya naman napatingin ako sa kanya.
"Oh bakit? Anong nangyari sa'yo?" tanong ko sa kanya habang nakakunot ang aking noo.
"S-Si Jon Earl..." sabay turo niya sa lalakeng nakatalikod at naglalakad palayo.
Kamalas- malasan nga naman na 'di ko nakita ang kanyang mukha. Gwapo daw? Baka 'di rin naman.
Nagkibit balikat na lamang ako, "Hayaan mo siya kung narinig niyang pinag-uusapan natin siya. Sigurado naman akong sanay na rin siya sa ganoon..." bago ako tuluyang umupo sa bench at tumingin sa kalangitan.
Ilang oras na lamang, uwian na.
"Goodbye Class!" sigaw ni Ma'am Angee saka namin kinuha ang aming mga gamit at mabilis na dumeretsyo sa labas ng classroom.
"Alexia, 'di muna ako makakasabay. Dederetsyo kasi ako sa mall para bilhan ng regalo si mommy..." ani Angeline at ngumiti sa akin.
Tumango ako, "Pakisabi kay Tita Marifer na happy birthday at sorry na 'di rin ako makakapunta. Ingat ka, Ange..." sabi ko sabay talikod at nagpaalam na.
Nang makarating ako sa waiting shed ay tahimik na lamang akong umupo doon habang naghihintay sa jeep na hindi puno ng pasahero. Maarte man pero ayoko talaga sa jeep na punuan. Sino ba naman ang gusto hindi ba?
Tahimik lamang akong naghintay hanggang sa maningkit ang aking mga mata nang may nakita akong kung ano sa kabilang kalsada. Isang matanda na tinutulungan ng isang lalake na parang kasing- edad ko lamang.
Dahan- dahan siya nitong tinulungan na tumawid hanggang makarating na sila sa tapat ng waiting shed.
"Salamat, hijo..." ani ng matandang babae bago niya nginitian yung batang lalake na tumulong sa kanya upang makatawid.
"Walang anuman ho 'yon, ingat ho kayo..." sabi nung lalake bago pumunta sa waiting shed at umupo sa 'di kalayuan sa akin.
Napatingin ako doon sa lalake at laking gulat ko nang makita siyang nakatitig na sa akin. Hindi ko alam ang gagawin ko kaya naman umiwas na lamang ako ng tingin at kinagat ang aking pang- ibabang labi.
Huminga ako ng malalim at pasimpleng tinampal ang aking kaliwang pisngi. "Ano ba naman 'to..." bulong ko sa aking sarili bago dahan- dahan na lamang na iniling ang aking ulo.
Umayos ako ng upo at dahil sa pagiging curious ko ay muli akong tumingin sa aking tagiliran kung saan siya nakaupo.
Nakita ko siyang nakapikit habang nakapatong ang magka-krus niyang braso sa ibabaw ng kanyang dibdib. Napanguso ako at matagal pa siyang tinitigan.
Parehas lamang pala kami ng school. Mukhang kasing- edad ko lang siya, ibig sabihin ay second year high school rin lamang siya?
"Hindi ko alam na hilig mo pala ang tumitig sa mga taong tulog."
Nanlaki ang mga mata ko dahil sa aking narinig. Bumilis ang tibok ng puso ko saka ko iniangat ang aking tingin.
Upang makita lamang na nakangiti siya at nakatitig na pabalik sa akin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top