Chapter 15: If I Hadn't
Year: 1998, Batanes (Past)
Magkatabi sina Noah at Adam sa ilalim ng punong Narra habang nanonood ng paglubog ng araw. Ang langit ay kulay kahel hanggang sa tuluyan nang lamunin ng dilim ang alapaap. Nakatitig lamang si Adam sa malayo at sinusulit ang masayang sandali sa piling ng batang bersyon ng kanyang nobyo. Tanging mga tunog lamang ng alon, ibon at kaluskos ng dahon ang maririnig sa paligid. Humahalo sa mga ito ang huni ng biyulin na matiyagang pinadadaanan ng bow ni Noah.
Nakangiti lang si Adam habang pinakikinggan ang tugtugin mula sa munting instrumento. Ang bibrato ng mga pisi nito na tumatalbog sa katawang yari sa kahoy ay tila mga lambana na naglalaro sa tainga ni Adam. Biglang tumigil sa pagtugtog si Noah at napabuntonghininga.
"Oh, bakit ka tumigil?" tanong ni Adam habang nakatingin pa rin sa malayo. Pinipigilan nito ang kanyang tawa habang nakadantay ang mga kamay sa malalagong damo. "Para kang matanda kung makahinga ka, ah."
Marahang inilapag ni Noah ang istrumentong hawak niya. Inilingkis nito ang kanyang manipis na kamay sa matigas na braso ni Adam.
"Kuya, sa future, will we ever fight? Maghihiwalay ba tayo?" walang reaksyon na tanong ni Noah. Napakakaswal ng tono nito na tila ba ay alam na ang kanyang pinagsasabi.
Napaalis ang pagkapako ng mga mata ni Adam sa mga huling bahid ng dugo ng lumubog na araw. Napatingin ito kay Noah. "What do you mean?"
"Hindi ba, magiging magkasintahan tayo sa future," namumulang bigkas ni Noah. Iniiwas niya ang kanyang tingin dahil nahihiya siya sa nais itanong. Pinuno niya ng hangin ang kanyang baga at nilakasan ang kanyang loob. "Mag-aaway rin po ba tayo?"
Hinawakan ni Adam ang tuktok ng ulo ni Noah at hinaikan ito. May mga bagay na naalala si Adam sa mga tanong ng kanyang munting nobyo. Mga bagay na nais niyang ibahagi kung sakali mang iyon nararapat niyang gawin. Muli niyang pinako ang kanyang tingin sa manipis na linyang pinag-aagawan ng nagdurugong langit at nagluluksang dagat.
"Oo naman," nakangiting sagot ni Adam. "Hindi naman nawawala iyon."
Ang mga sunod na ginawa ni Noah ay nagdala kay Adam ng kakaibang galak. Pinipigilan nito ang kanyang mga tawa habang pinapanood ang kasama niya sa pagkuha ng isang bagay mula sa maliit nitong bulsa. Agad na inilabas ni Noah ang notebook niya. Kumuha siya ng ballpen at akmang may isusulat. "Oh, ano po 'yong mga petsa?"
"Ha?"
"Ano ang mga petsa na mag-aaway tayo para maiwasan ko?"
Kusang lumabas ang mga malalalim na halakhak sa bibig ni Adam. Umalingawngaw ang tawa nito sa ilalim ng puno kasabay ng paghambas ng alon sa ilalim ng bangin. Kulang na lang ay mapahiga ito sa damuhan katatawa.
"Hey! Huwag kang tumawa!" bulyaw ni Noah sa matinis niyang boses. Nagsimulang magsalubong ang munting kilay nito at namula ang kanyang pisngi. Halos kakulay na ng tanso niyang buhok ang mukha niyang namumula sa galit. "Nakakainis ka naman, Kuya Adam!"
Isinara ni Noah ang notebook niya. Pumwesto ito malayo kay Adam dahil sa pagkakapikon nito. Nang mapansin ni Adam na naiinis na ang kasama niya ay tumigil na ito sa pagtawa.
"Halika na dito, Apple" tawag ni Adam. Sa malayo ay nakahalukipkip pa si Noah habang matalim ang mga tingin sa kanya. Nakapahaba ang nguso nito gamit ang labi niyang kasing pula ng mansanas.
"Ayoko nga!" sigaw ni Noah. "'Tsaka hindi nga ako si Apple!"
"Promise hindi na ako tatawa," pagsuyo ni Adam. Sinimulan nitong tapikin ang damuhan sa kanyang kanan pag-anyaya sa batang napipikon na. "May sasabihin akong importante, Noah."
Padabog na naglakad palapit sa kanya ito. Namumula pa rin ang mga pisngi ng batang kausap niya habang nakayuko. Kahit umiiwas ng tingin ay kitang-kita pa rin ang pagsasalubong ng mga kilay nito. Nakatayo na ngayon si Noah sa kanyang tabi ngunit nakatingin sa kanya ito nang masama.
"Umupo ka muna," nakangiting suyo ni Adam.
"No!"
"Hay, ang kulit." Biglang siyang hinila ni Adam at inilapag sa kanlungan nito.
"Kuya-" Hindi pa natatapos ni Noah ang pagtawag niya nang bigla siyang niyakap ni Adam mula sa kanyang likod at hinalikan ang kanyang tainga. Ang mukha ni Noah na kanina pa naiinis ay kulay kamatis pa rin ngunit sa ibang kadahilanan na.
"Itong sasabihin ko, huwag mong ilagay sa notebook mo pero isulat mo sa puso mo, ha?" Nakatitig si Noah sa bughaw na mga mata ni Adam habang pinapakinggan ang mga sinasabi nito. Hindi niya mapigilang iikot ang kanyang paningin papunta sa matangos na ilong ng binatang kanyang kasama. Kumukurba na pataas ang mga labi ni Noah at nagsisimula nang nagsilabasan ang mga dimples nito.
"Opo, kuya."
Napatingin muli sa dagat si Adam. Sinariwa niya lahat ng kanyang natutunan mula sa hinaharap. Iginala niya ang kanyang tingin sa madilim na langit hanggang sa lumabas ang pinaka-unang bituin sa malayo. Muli niyang itinuon ang kanyang tingin sa batang may mga matang mas makinang pa kaisa sa bituing bumati sa kanya.
"Ang mga magiging away natin sa hinaharap, isa ang mga iyon sa dahilan kung bakit tumibay ang relasyon natin. Dahil doon, mas natatanggap natin ang ating mga pagkatao," paliwanag ni Adam.
Nakayuko lang si Noah habang patuloy na nakikinig. Sinimulan ni Adam na balutin ng kanyang matitipunong braso ang manipis na katawan ng batang nakakandong sa kanya.
"Tayong dalawa, hindi tayo perpekto. May mga panahon na magtatalo tayo. Pero hindi mo na muna kailanganing problemahin iyon," dagdag pa ni Adam.
"But Kuya, I don't want us to fight." Inangat ni Noah ang kanyang tingin upang saluhin ang mga titig ng binatilyong nakayakap sa kanya.
Sa pagkakataong ito, nagawa nang halikan ni Adam ng noo ni Noah.
"Kapag binigay ko sa iyo ang mga petsa ng pag-aaway natin at iniwasan mo, para na lang naging scripted ang lahat," paliwanag ni Adam. Nakangiti ito habang nakayuko na tila ba kinakausap ang kasalukuyang berson ng kanyang nobyo. Nakita muli ni Adam ang itsura ng kasalukuyang Noah sa mga kulay kapeng mata ng batang kausap nito. Muli siyang napatitig sa malayo habang binabalot silang dalawa ng maalat na hangin. "Magiging hindi na ito totoo."
Nagsimula nang maintindihan ni Noah ang pinupunto ni Adam. Marahan itong yumuko at tumango.
"And don't worry if we'll have any disputes, quarrels or kung ano man iyon. Naging makulay ang pagsasama natin dahil na rin sa mga konting pagtatalo pero ito ang tatandaan mo, magiging okay ang lahat dahil-" napatigil si Adam dahil tila binubutas na ang madilim na langit ng libo-libong bituin sa ibabaw ng malupit na dagat. Muli siyang humarap kay Noah bago siya nagpatuloy. "Dahil ako ang soulmate mo at ikaw ang soulmate ko."
Napalingon sa kanya si Noah. "Kuya, what's a soulmate?"
Nakatitig sa kanya ang bughaw na mga mata ni Adam. Napagtanto muli ni Noah na mas makulay pa ito higit sa lahat ng bughaw na krayolang kanyang nahawakan.
"It's someone who will treasure your heart like no other."
Unti-unti nang dumidikit ang puwet ni Noah sa damuhan senyales na tuluyan nang naglaho ang binatang kumakalong sa kanya. Napahiga si Noah sa mga damo habang inaalala ang mga huling sinabi ng kasintahan niya mula sa hinaharap. "So that's a soulmate, huh?"
***
Year: 2006, Metro Manila (Present)
Matiyagang nag-aabang si Adam sa kanyang unit at hinihintay na dumating si Noah sa kabila. Ilang araw na itong hindi mapakali at nauuhaw na para sa tinig ng kanyang kasintahan. Nang marinig niyang may nagbukas na ng pinto ng kabilang unit ay agad siyang napatakbo palabas.
"Noah-" Ngunit pagdating niya sa pinto ni Noah ay nakasara na ito. Nagdalawang isip muna si Adam bago siya nagsimulang kumatok. "Noah, why aren't you answering my calls and texts since I left Batanes? Buksan mo ito, please. Usap tayo."
May mahinang mga yapak siyang narinig papunta sa pinto. Pagbukas nito ay nakayuko lamang si Noah. Tila namamaga pa ang mga mata nito kakaiyak. Nakasuot ito ng maong na jacket at pantalon na halatang kagagaling lang niya sa airport.
"Adam, can we talk tomorrow? I am really tired."
Biglang isinara ni Noah ang pinto. Kakatok muli sana si Adam ngunit inintindi na lamang niya ang kanyang kasintahan. Inalog niya ang kanyang ulo at pinilit na ngumiti. "Sige, bukas, ha. See you at school."
Tanging tunog lamang ng makina ng mga aircon sa pasilyo ang narinig na sagot ni Adam.
"Good night. I love you." Naghihintay si Adam ng sagot ni Noah mula sa loob ngunit tumalbog lamang sa mga pader ang boses niyang puno ng lungkot.
***
Kinabukasan ay ang unang araw ng klase ng taon. Nahuli sa pagpasok si Adam at nagsisimula nang magturo si Sir. Daquil sa unang klase nila. Pagpasok niya ay natulala siya sa kanyang nakita. Para siyang biglang itinulak sa bangin na tila hindi pa rin alam kung kailan niya mararating ang lupa. Nakipagpalitan ng upuan si Noah kay Jade.
"Oh, Adam. Pasalamat ka at ako ang first subject mo," bulalas ni Sir Daquil. Nakataas na ang mga kilay nito habang nalilisik ang mga tingin mula sa likod ng kanyang salamin. "Why are you late?"
Umikot lahat ng ulo sa loob ng kwarto papunta kay Adam maliban sa isa. Nakapako lang mga mata ni Noah sa pisara na tila ba hindi niya kilala ang taong dumating.
"Sorry, Sir. Nasarapan lang po sa tulog," pagtatapat ni Adam. Nasanay na kasi itong kinakatok ni Noah upang sabay na silang magkape tuwing umaga. Ngunit sa araw na iyon, maging pagpaalam sa kanya bago pumasok ay hindi nagawa ng kanyang kasintahan.
"Eh, ano pang hinihintay mo riyan? Bakit ka nakatulala? Pasok na," utos ni Sir Daquil habang binubulatlat ang mga index card nito.
Pagpasok ni Adam ay agad siyang umupo. Matapos niyang ayusin ang kanyang mga gamit ay binulungan niya si Jade. "Jade, bakit kayo nagpalit ng upuan ni Noah?"
"Para daw mas makita niya ang buong board. Naghahabol daw ng notes."
Nakatitig lamang si Adam kay Noah habang abala ito sa pagkopya ng mga aralin sa pisara. Buong klase siyang hindi inimik nito at halos maubos na ang tinta ng kanyang ballpen kakasulat. Pinalipas ni Adam ang ilang subject at naghintay ng lunch break. Nagsimula nang magtayuan ang mga estudyante papunta sa canteen. Nauna si Adam na lumabas. Hinnintay ni Noah na maubos ang mga estudyante bago siya sumunod. Masaya ang mga kaklase nila na naglalakad sa pasilyo ngunit paikot-ikot ang mga mata ni Noah sa quadrangle na halatang maraming iniisip ito. Hindi niya namalayan na napag-iiwanan na siya ng mga kasama niya. Bago pa siya makababa ng hagdan papuntang canteen ay may mga kamay na humila sa kanya patungo sa malapit na locker room.
Gigil na gigil pa si Adam habang hinahatak siya. Bigla siyang isinandal sa tapat ng hilera ng mga lagayan ng gamit. Dinantay ni Adam ang kanyang kamay sa locker sa likod ni Noah. Ang tainga nito ay namumula na sa inis. "Okay, spill it. What is wrong with you?"
Nakayuko lamang si Noah. Mabilis itong nagsinungaling. "Wala. Marami lang akong iniisip."
"Like ano? Sabihin mo. I'm here to listen," pakiusap ni Adam habang unti-unting isinusuko ang kanyang kamay.
"Iniisip ko lang ang sinabi ni Dad about us. Na masyado pa tayong bata para sa ganito," muling pagsisinungaling ni Noah. Ibang-iba ang mga sinasabi niya sa tono ng kanyang boses at mga mata niyang ayaw saluhin ang mga nangunguliang tingin ni Adam.
Hindi ito nakatakas sa intuwisyon ni Adam. Binigyan niya ng isang sapak ang locker sa likod ni Noah. "Don't bring Tito Dan into this. Is this about what Tito Leon told you on their veranda?"
Tahimik lang si Noah. Pinilit nitong huwag sumagot.
"Bakit ka ba nakikinig doon? Buhay mo 'to! Ano bang sinabi niya sa 'yo?" bulyaw ni Adam.
Nanginginig pa ang labi ni Noah dahil hindi ito sumagot. Kinuha niya ang kamay ni Adam. Magkadampi na ang mga palad nila. Marahan niya itong pinisil. Napangiti naman si Adam sa ginawa nito. Akala niya ay ayos na ang lahat. Ngunit marahang napunta sa kanyang pulsuhan ang kamay ni Noah hanggang mapadpad ito sa likod ng kanyang palad. Gamit ang isang kamay ay may kinuha si Noah sa bulsa niya. Inilabas niya ang notebook na laging niyang dala at ibinigay ito kay Adam.
"Why are you giving me this?"
"So you'll know when you'll time travel. Para alam mo anong mga mangyayari sa iyo sa mga pupuntahan mo. So you can prep-"
"Bakit mo nga sakin binibigay iyan? Sayo iyan!"
Medyo napalakas ang boses ni Adam. Umikot sa madilim na locker room ang naghihimutok niyang tinig. Matagal bago umimik si Noah. Inangat niya ang kanyang mga mata upang pagmasdan ang bughaw na mga mata ni Adam na mas makulay pa kaysa sa mga bughaw na gelpen na kanyang nahawakan. Napalunok siya ng laway at binasa ang kanyang mga labi. Pinakawalan ni Noah ang mga salitang ayaw din niyang sabihin ngunit ilang araw na niyang pinag-iisipan mula pa sa Batanes.
"Adam, kalimutan mo na ako. Ako na isang taong hindi ka kayang ipaglaban sa mundo." Sa blankong tingin ni Noah ay nagtatago ang unos na tila winawasak ang isang magandang hardin. "Itapon mo na ang nararamdaman mo para sa akin. Balang araw ay matatagpuan mo rin ang taong itininadhana sa iyo."
Tila tumigil ang oras. Natulala si Adam sa narinig niya. Narating na niya ang lupa sa ilalim ng bangin na kaninang umaga pa niya kinahuhulugan. Masakit. Mahapdi. Makirot. Tila nakalupaypay siya sa mabatong lupa habang nakatitig sa kanya si Noah mula sa itaas. "Anong sinasabi mo? Nagbibiro ka ba? Hindi na ito nakatutuwa, Apple!"
Dahan-dahang iniangat ni Noah ang mukha niya. Walang emosyon sa mga mata nito. Tila mga linyang matagal na niyang kinabisado ang kusang naglitana sa mapupula niyang labi. "I need to focus on my studies. I need my family to be proud of me. Pagod na ako sa mga pangungutya nila. I excel in school, tanggap ko na rin na I'm adopted and wala akong magagawa doon. Isang bagay na lang ang ikinukutya nila sa akin. Isang bagay na baka puwede ko pang mabago."
"Noah." Maluha-luha na si Adam habang nakikinig sa kanya.
Nagpatuloy lamang si Noah na tila ba ayaw niyang bigyang ng pagkakataong magsalita ang kausap niya. "Panahon na siguro para magpakalalaki ako, para wala na rin silang maipintas sa akin. Kung magiging normal lang akong lalaki--"
Muling sinapak ni Adam ang locker na sinasandigan ni Noah. Ngunit sa pagkakataong ito, nakasandal na sa balikat ni Noah mukha ni Adam. Tila ulan ang pagpatak ng kanyang luha na bumabasa sa puting polo ng binatilyong kausap niya. "F*ck it! What's not normal with you? With me? Bakit mo iniisip ang sinasabi ng ibang tao? Wala naman tayong tinatapakan na iba! Noah, you grew up like this. You never had the choice to be gay or not-"
"Actually, I had."
Natigilan si Adam sa sagot nito. "What do you mean?"
Dahan-dahang inabot muli ni Noah ang notebook niya kay Adam. Gaya ng patay na oras sa alas tres ng madaling araw, gaya ng katahimikan sa silid-aklatan, gaya ng walang ingay na tunog ng mga punong walang dahon, hinayaan ni Noah lumabas ang mga salitang mas dudurog sa puso ng binatang umiiyak sa kanyang balikat. "If I hadn't known the future version of you when I was little, I would never fall in love with a man."
Mula sa ilalim ng bangin ay bumulusok ang malakas na alon ng dagat papunta sa walang buhay na katawan ni Adam. Sunod-sunod pa siyang tinamaad ng kidlat habang lalong bumabaon ang matulis na mga bato sa kanyang katawan. Hindi pa natapos doon. Tila sunud-sunod na kalamidad ang inabot niya sa bawat salitang pinakawalan ni Noah. Nakatulala lang siya habang unti-unting umaalis si Noah mula sa kanyang harapan.
Tuluyan nang inabot Noah ang notebook niya kay Adam. Dahan-dahan itong tinignan ni Adam habang patuloy lamangng siya sa pag-iyak. Mula sa notebook ay inilipat niya ang kanyang mga tingin kay Noah na naglalakad na palayo.
"But I don't need this. I need you!" sigaw ni Adam habang nilalatigo ng mga alon ang baldado niyang katawan.
"I'm sorry," paalam ni Noah bago ito tuluyang makalabas ng locker room. Ang hindi alam ni Adam ay magang-maga na rin ang mga mata ni Noah habang nakatitig sa binatang nais niyang sagipin mula sa ilalim ng bangin.
"Ang daya-daya mo. Paano naman ako?" Tuluyan nang napaupo si Adam sa sahig habang patuloy ang pagbuhos ng unos sa basag niyang puso.
"I'm sorry," bulong ni Noah sa kaniyang sarili. "For always bringing the flood in your Eden."
*************
From author: "This is the polished version po."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top