Special Chapter 01

#HHFM Special Chapter 01:

Magic Word

* * *

RYO

"'My, tahan na kasi," pang-ilang ulit ko nang pakiusap kay Mommy na hindi na tumitigil ang luha. Magkatabi kami ni Mommy sa backseat at kanina pa siya iyak nang iyak sa balikat ko. Pinatay naman ako ni Daddy sa sama ng tingin mula sa shotgun seat.

Hindi kami sinipot ni Tatay—tatay ni Frankie. Sabi na nga ba't may mangyayaring hindi maganda. Naisip ko na iyon noong ayaw niyang nasa bahay si Frankie kapag pupunta ang parents ko. He probably did not want Frankie to interfere.

Sigurado akong kapag nandoon si Kie, hindi iyon papayag na malamig ang trato sa amin ng tatay niya.

Masyado iyong dinamdam ni Mommy. It was so awkward earlier. Kahit nga si Daddy ay hindi kayang magsimula ng usapan. In-entertain naman kami ni Nanay pero sobrang tahimik pa rin. Nagtanong lang si Nanay kung paano ang nangyari noong nanganak si Kie, pagkatapos ay nagpasalamat sa lahat ng gastos. Pagkatapos, tahimik na ulit. Walang gumalaw sa pagkain.

Ang tagal naming hinintay si Tatay na bumaba para makausap nina Mommy, pero walang ganoong nangyari.

Makalipas ang halos isang oras, si Nanay na ang nagsabi na hindi kami kakausapin ni Tatay. My parents took that as a sign that they should go home.

Siyempre ako ang sinisisi ni Daddy. Hindi ko naman maipaliwanag na wala pa naman akong ginagawang mali mula noong nakarating kami ni Frankie rito. As much as possible, I keep my head low whenever Frankie's father would come around.

Kinakausap naman ako ni Nanay. Kinausap nga ako agad noong makarating kami rito. Masyado nga lang siyang seryoso. She reminded me of how Frankie's like whenever she's in her work mode. Halos mangatal na yata ako sa upuan nang tanungin niya ako kung ano'ng plano ko sa pamilya ko ngayon.

I knew that she was waiting for me to say something about marrying their only daughter, pero hindi ko naman iyon maipangako agad. I have to ask Frankie first, kaya wala akong naisagot. She looked disappointed, but I told her that I have enough savings to buy a house for my family. Ang magic word na kailangan niya ay kasal, pero ang sinabi ko na lang ay hindi ko iiwan si Frankie. She let me off the hook after that.

Mahirap na. Baka mamaya, ayaw pa ni Frankie, e di mas lagot ako dahil baka isipin ni Nanay na nagsinungaling ako sa kaniya. Ayaw ko namang ikasal kami ni Frankie dahil lang gusto ng magulang niya. Dapat gusto niya rin.

Nasanay na lang din ako na ganoon talaga si Nanay. Hindi siya malambing. Mukha siyang masungit. Direkta siya lagi sumagot na parang ayaw akong kausap.

Pero si Tatay, sigurado akong totoong galit sa akin. Bago ako matulog noong dumating kami ni Frankie sa bahay nila, nag-isip na ako kung paano siya i-a-approach—if I should be pushy and confident, at sasalagin ko na lang lahat ng galit niya sa akin; o dapat bang magpakabait at tahimik na lang ako. I told myself that I should do the former, pero noong nakita ko siya, wala na. Hindi ko kaya. Alam ko namang hindi niya ako lalagariin pero ganoon 'yung pakiramdam.

What makes it more difficult is that Frankie's more like her father—alam kung ano ang gusto, at mahirap baguhin ang isip. Parang set na ang utak ni Tatay na hindi ako welcome sa pamilya nila. Ni hindi ako makabati ng 'good morning' at nilulunok ko na lang. Sumusunod na nga lang ako sa lahat ng iuutos niya para hindi siya lalong magalit. Mukha naman kasing mabait siya, sadyang ayaw lang niya sa akin. Hindi ko rin masisi dahil nag-iisang anak niya si Frankie, at alam niyang naghiwalay kami. I would probably act the same if I were in his shoes.

"Ayusin mo 'yan, ha?" sabi ni Daddy nang ilapag ko ang handbag ni Mommy sa table. "Ayaw kong umiiyak ang mommy mo."

Napakamot na lang ako sa batok. Hindi naman ako pasaway e. Ang bait-bait ko na nga. Pero tumango na lang ako imbes na ipaliwanag ang sarili.

Kailangan talaga naming mag-usap ni Tatay. Mukhang wala naman siyang problema kay Raiko, sa akin lang talaga mayroon. Hindi ko alam kung ano ba ang gagawin para lang mabigyan ko siyang assurance na hindi ko iiwan ang mag-ina ko.

At good morning naman sa akin dahil wala si Frankie sa hapag kinabukasan. Sasabihin ko sanang hindi muna ako kakain dahil mukhang masama ang gising ni Tatay na nakaupo sa tapat ko, pero napaghain na ako ni Nanay. Parang ayaw nga akong pakainin ni Tatay dahil ginigisa niya ako sa sama ng tingin niya.

Hindi ko na alam kung saan ako lulugar. Kung hindi ko sinabi kay Frankie ang nangyari kahapon, magagalit siya sa akin. At kapag nagalit siya sa akin at nalaman ni Tatay na hindi kami okay, e di lalo akong bad shot.

At dahil sinabi ko nga kay Frankie para hindi 'yung huli ang mangyari, baka isipin naman ni Tatay na sumbungero ako sa anak niya.

Kahit tuloy habang nagliligpit ako ng pinagkainan, hindi ako mapakali. Ang bagal ko dahil pakiramdam ko mabibitiwan ko ang plato sa sobrang kaba. Ayaw ko namang mag-away ang mag-ama dahil sa akin.

Mabibiyak na yata ang bungo ko kaiisip kung paano ko ba mapalalambot ang Tatay ni Frankie.

Pag-akyat ko para sana masilip man lang si Raiko habang hindi pa ako inaalila ni Tatay, naabutan ko sila ni Frankie na magkausap sa kuwarto. Napatakbo tuloy ako papunta sa kuwartong pinagamit sa akin at nagpalakad-lakad doon. Hindi ko maalala kung kailan ba ang huling beses na kinabahan ako nang ganito. Parehas lang si Frankie at si Tatay e, nakakapanghina ng tuhod.

Malakas ang kabog ng dibdib ko habang umiinom ng kape si Tatay. Inutusan na naman niya akong ipagtimpla siya ng kape, e hindi ko naman alam kung paano ba ang gusto niyang timpla ng instant coffee at asukal. Mabuti naman at wala siyang reklamo dahil kumbinsido na akong kapag nilait-lait niya iyong timpla ko, iiyak na ako sa frustration.

Noong unang araw ko nga rito at nagkamali ako ng pagbaon ng pako roon sa kahoy, kung tingan niya ako, parang hinuhusgahan ang buong pagkatao ko. Marunong naman ako n'on e. Sadyang kinakabahan lang ako dahil nanonood siya.

Wala nga sigurong sweet sa pamilya ni Frankie. Ito na yata ang mabait na version ni Tatay—hindi halatang mabait. Hindi naman na niya ako ginigisa masyado. Tahimik na lang din siya at kinakausap ako kapag may kailangan, na parang hindi ako gustong palayasin noong mga nakaraang araw.

"Hawakan mo nang ayos," mariing sabi niya. Imbes na sabihing hawak ko naman nang ayos at siya itong nakadanggil sa akin kaya medyo tumabingi, nanahimik na lang ako.

"Okay na," aniya pagkatapos isulat sa maliit niyang notebook ang sukat ng isang panel ng kahoy. Nananakit yata ang balakang niya kapag sa sahig gagawa, kaya ako ang ginawang tagabuhat at tagahawak ng kung ano-ano para hindi na siya yuyuko.

Nakatayo lang ako roon at naghihintay ng susunod na utos. Nilapag niya ang pulang ballpen at notebook sa monobloc chair bago ako harapin ulit. Napaayos ako ng tindig.

"Ano'ng height mo?" tanong niya. Sasagot na sana ako nang hagipin niya ang balikat ko at sinukat ang lapad ko gamit ang metro. Hindi ko nga alam kung bakit bigla niya akong sinusukat.

Umangat ang dalawang kilay niya bago ako pakawalan. Dinampot niya ulit ang ballpen at notebook mula sa monobloc bago itala ang sukat na nakuha.

"Ang taas mo, sayang ka sa kahoy," aniya at biglang natawa.

Hindi ako sigurado kung paano magre-react. Dapat bang makisabay ako sa tawa niya? E paano kung bigla niya akong tanungin kung bakit ako tumatawa tapos hindi ko siya masagot?

Tinuro niya 'yung nasimulan na niyang nakahigang aparador. Wala pa iyong pinto. "Kapag sinaktan mo ulit ang anak ko, ako na ang gagawa ng kabaong mo."

Nagtindigan yata lahat ng balahibo ko roon. Mas creepy kasi nakangiti pa siya. "Hindi kita ipalilibing. Lalagay kita riyan tapos palulutangin ko na lang sa dagat."

Napalunok ako. Puta. Ano ba dapat ang response sa ganoong comment? Thank you? Noted? Okay po?

"Kaya ni Ceskang itaguyod mag-isa ang anak niya," aniya, seryoso na ngayon. Tumango ako dahil alam ko namang tama siya. "Pinaalam niya sa 'yo dahil 'yon ang tama, pero hindi ka niyan binalikan dahil sa bata. Binalikan ka niyan dahil mahal ka niya."

Lalo lang akong natahimik. Sinalo ko ang bungkos ng tali na pinulot niya sa sahig at binato niya papunta sa direksiyon ko. Hinanap ko ang nilalagyan niya ng mga tools para ilagay iyon doon. Hindi niya inutos pero alam ko nang iyon ang gusto niyang gawin ko.

"Kaya sinasabi ko sa 'yo, 'wag kang padalos-dalos. Tatay ka na. Hindi na lang para sa 'yo lahat ng desisyong gagawin mo, para sa anak at apo ko na rin." Lumapit ulit siya papunta sa akin. Tumango ako dahil baka sabihan na naman niya akong mukhang tuod—na sinabi niya noong unang beses niya akong pinatulong dito at wala akong ginawa sa simula kundi manood.

Bumaba ang tingin ko sa martilyong hawak niya at napalunok. Ang tindig kasi ng tatay ni Kie, laging mukhang naghahamon ng away. Mas nakatatakot siya kapag may hawak na kung anumang bagay na puwedeng makapanakit.

"Ano kayang nakita ng anak ko sa 'yo?" Nanliliit ang mata niya habang sinisipat ang mukha ko. "Hindi ka naman kaguwapuhan. Matangkad ka lang."

Hindi na talaga ako tumugon. Hinayaan ko na lang siyang magsalita at hinanda ang sarili kung may insulto pang darating. Baka ganito lang talagang magpakita ng affection si Tatay—sa panlalait.

"Pakakasalan mo ba ang anak ko?" tanong niya.

"Kung kailan niya po gusto."

Nagtagal ang tingin sa akin ni Tatay. Hindi ko talaga kayang um-oo dahil hindi lang naman dapat ako ang tinatanong nila.

Ako, siyemre gusto ko. Pero kung ayaw pa ni Frankie, wala naman akong magagawa. Frankie and I had planned to get married before, but she could have changed her mind, kaya hindi ako makasagot nang kongkreto ngayon. Basta kung kailan niya gusto, okay ako. Iyon ang masusunod.

Kung gusto niya ngayon na e.

"Huli mo na 'yan, ha?" Sinundan ko siya ng tingin. Kinuha niya ang walis tambo sa sulok at dali-dali akong nagpunta sa tabihan niya para hingin sa kaniya iyon. Pinanliitan niya ulit ako ng mata bago iabot sa akin ang walis. Baka kasi mamaya manakit pa ang balakang niya e. Tapos ako ang mapagbuntunan niya.

"Wala nang pangatlong tsansa. Kung maghihiwalay kayo, hiwalay na talaga. Ayaw ko ng ganiyang paiba-iba ang isip."

Tumango ako. "Hindi ko po iiwanan si Frankie." Masyadong mabigat kung sasabihin kong hindi kami maghihiwalay. It's not like I'm wishing for that to happen, but if ever things go downhill in the near future and Frankie would choose to break up with me again, then I would let her go.

Pero siyempre hindi ko naman hahayaang mauwi ulit kami sa ganoon.

"Siguraduhin mo." Tumango ako. "Bilisan mo riyan at kakain na tayo," aniya bago ako iwan doon mag-isa.

Hindi na niya kailangang mag-alala kung iiwan ko ba ang mag-ina ko. There's no way that I would let Frankie slip away from me again.

Napalingon ako sa ginagawa niyang aparador. Saka sa takot ko na lang na isiksik sa ganiyan ang bangkay ko at ipatpon sa dagat . . . hindi ko talaga iiwan si Frankie.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top