Five, Six, Thirty
"Five, Six, Thirty... Five, Six, Thir-ty... Five—"
"Mia!"
Isang malakas na pag-alog sa balikat ni Mia ang gigising sa kaniya. Mapapabalikwas siya sa kama, saglit na mapapahawak sa dibdib, at pupunasan ang butil-butil na pawis sa noo. Kabisado na ng katawan niya ang mga gagawin kahit hindi na siya mag-isip. Isang linggo na kasi siyang ganito—isang linggo nang binabangungot at isang linggo na ring ginigising ni Claire, ang roommate niya.
"T-Thanks, Claire." Mapapasulyap si Mia sa orasang nakapako sa kulay rosas na dingding. "Tapos na ang class mo?"
Ibabagsak ni Claire ang puwitan sa gilid ng malambot na kutson saka malalim na mapapabuntong-hininga. "Yup, wala si Ma'am Agnes... nasa ospital daw... bali raw ang kanang braso... nabangga kagabi sa Balete Drive." Sa bawat mahabang puwang sa pagitan ng mga salitang binanggit ni Claire, palaki nang palaki ang mga singkit na mata ni Mia.
"Si Ma'am Agnes? Noong Lunes lang na-interview ko pa siya tungkol sa—"
"White lady?" pagpapatuloy ni Claire.
Mapapalunok si Mia at wala sa sariling mapapahawak sa sentido niya. Isang buwan na niyang pinagkakaabalahan ang dokumentaryo tungkol sa makapanindig-balahibong aparisyon sa Balete Drive, ngunit wala pa rin siyang pruweba kung totoo nga ito. Wala pa, maliban sa sunod-sunod na aksidenteng nagaganap sa mga taong kinapanayam niya tungkol doon.
"Mia! Nakikinig ka pa ba?" Kinaway-kaway ni Claire ang palad niya sa harap ng kaibigan.
Napakurap-kurap si Mia at muling napalunok ng laway. "Yes. Of course."
"So, ano? Titigilan mo na 'yang documentary mo?"
"H-Huh? No way—"
"Pero nag-agree ka sa akin kanina!"
Lalong maniningkit ang mga mata ni Mia. Hindi niya maalala ang sinasabi ni Claire. Sa totoo lang, marami siyang hindi maalala simula noong dalawin siya ng aparisyon sa panaginip niya. Nakangisi iyon sa kaniya, nakaangat ang mga paa sa sementadong kalsada, ngunit ilang pulgada lang, kaya halos magkasingtangkad lang sila. Paulit-ulit iyong inuusisa ni Mia, tinatanong kung ano'ng pangalan niya o ano'ng nangyari sa kaniya. Ngunit paulit-ulit lang din ang isasagot ng babae—"five, six, thirty."
***
Nakasabit sa balikat ni Mia ang strap ng DSLR camera niya habang lakad-takbong sinusundan ang propesor niya sa History noong nakaraang taon. Pero nagbibingi-bingihan lang ito sa mga tawag at sa mga nagmamadali niyang yabag sa pasilyo sa labas ng library.
"Sir Anton! Sir! Sir... wait, Anton!"
Napaigtad si Mia nang biglang humarap ang lalaki. In-adjust nito ang salaming malapit nang madulas dahil sa mabilis niyang paglalakad kanina at saka malakas na bumuga ng hangin.
"Ms. Lopez, I already said 'No.' So, please... stop following me." Nakalabas ang mga linya sa noo ng propesor at mabigat na nakatingin kay Mia. Halatang ayaw niyang magpaistorbo kahit pa sa paborito niyang estudyante.
Hinigit niya ang braso ni Mia kasabay ng pag-igting ng kaniyang panga. "And stop calling me 'Anton' here!"
Napayuko si Mia. Bumigat ang mga mata niya at ang kanang braso niya dahil mahigpit pa rin ang kapit doon ng propesor. "T-Ten minutes interview lang po, Sir. P-Para lang sa documentary ko. 'Di ba sa Balete Drive ka dumadaan kapag umuuwi sa isa mong bahay?" Tila sa hangin lang ibinubulong ni Mia ang mga iyon. Hindi niya kayang salubungin ang mga matatalim na tingin ng propesor.
Marahas na binitawan ng propesor ang braso ni Mia, dahilan para madulas ang strap ng camera niya. Mabuti na lang at nahabol niya iyon bago tuluyang mahulog sa sahig.
"Wala na akong bahay doon, Mia. Ibinenta ko na! Mahirap na, baka malaman pa ng misis ko. Kaya puwede ba? Huwag mo na akong idamay pa sa nonsense na documentary na 'yan!" Halos hindi naghihiwalay ang mga labi niya habang binibitawan ang mga salitang iyon kay Mia. Halos lumuwa rin ang mga mata niya at halos pumutok na ang mga ugat sa leeg.
"Sorry, Sir Anton." Iyon lang ang naisagot ni Mia kahit napakaraming mura ang gustong kumawala sa bibig niya. Sampung minuto lang ang hinihingi niyang kapalit ng sampung buwang lihim nilang pinagsaluhan noon, pero hindi siya pinagbigyan.
***
Malamig ang simoy ng hangin na sumisiksik sa mahabang manggas ng uniporme ni Mia. Madilim ang paligid. Ang nag-iisang poste ay kumikisap-kisap pa. Walang mga bituin at kalahati lang ang buwan sa langit. Wala ring mga sasakyang dumadaan sa sementadong kalsadang napagigitnaan ng mga nagtataasang talahib.
Tumayo si Mia sa gitna ng kalsada. Binuksan niya ang kaniyang camera at nagsimulang kunan ng video ang lahat ng natatanaw ng paningin niya. Walang kakaiba. Walang kahindik-hindik.
Hindi iyon ang unang beses na nagtungo siya sa Balete Drive at hindi iyon ang unang beses na nadismaya siya. Walang laman ang dokumentaryong isang buwan niya nang tinatrabaho, maliban sa mga panayam ng mga taong lahat ay naospital matapos niyang makausap. Walang aparisyon. Walang multo. Walang white lady.
Nanlambot ang mga tuhod ni Mia. Nahulog ang camera niya at hindi niya na iyon hinabol pa. Napasalampak na lang siya sa kalsada at kusang bumagsak ang mga luha niya. Napatakip siya ng mukha habang humihikbi. Mahinang paghikbi lang noong una, hanggang sa unti-unting lumakas ang mga iyon.
May sumasabay sa pagtangis niya.
Bumilis ang tibok ng puso ni Mia. Nanuyo ang lalamunan niya. Dahan-dahan niyang ibinaba ang mga palad na nakatakip sa mukha niya. Dahan-dahan din siyang nagmulat ng mga mata.
Paa.
Katapat ng mga mata niya ang mga mapuputlang paa. Nag-aagaw na kulay-abo at kulay-ube ang mga kuko nito.
Gumapang ang malamig na pawis sa likod niya. Napatid ang mga mainit na luhang dumudulas kanina sa pisngi niya. Kahit na huminto na siya sa pag-iyak, naririnig pa rin niya ang hagulgol ng babaeng nakalutang sa harapan niya. Gamit ang mga nanginginig niyang daliri, pilit niyang inabot ang camera.
Beep.
Lumuwag ang paghinga niya nang marinig ang tunog na iyon. Hudyat na nag-uumpisa nang mag-record ang camera. Hindi pa ito sira.
Inangat niya iyon. Sinundan ang hubog ng aparisyon. Mula sa paa nito, paakyat sa puting damit nitong may bahid ng dugo, hanggang sa mukha nitong itinatago ng mahaba at tuwid na buhok.
Umihip ang hangin at humalo doon ang masangsang na amoy. Gumusot ang ilong ni Mia, ngunit hindi niya inalis ang tingin sa babae. Hinawi ng nakapangingilabot na hangin ang buhok ng babae palayo sa mukha nito.
Wala.
Walang mukha. Walang mata. Walang ilong. Walang tainga. Walang kahit ano maliban sa maputla nitong mga labing nakangisi sa kaniya. Nakangisi ito habang tumatangis.
"Sh-Sh-Shit!" nanginginig ang tinig ni Mia. Nakaupo pa rin siya sa kalsada. Nakatingala lang sa babae. Hindi na niya pinapansin ang screen ng camera na hawak ng namamawis niyang kanang kamay.
"A-Ano'ng pangalan mo?... A-Ano'ng nangyari sa 'yo?"
Pumalahaw ng iyak ang babae. Nabitawan ni Mia ang camera. Napayakap siya sa sarili, hindi dahil sa lakas ng panaghoy ng babae kundi dahil sa kakaibang takot na bumalot sa kaniya. Para siyang pinapaso ng malamig na hangin.
Bumuka ang bibig ng babae kasabay ng paghinto nito sa pagtangis. Ngunit walang boses na lumalabas sa kaniya.
"Five..." Iyon ang pagkakabasa ni Mia sa buka ng mga labi nito.
"Six..." Usal ni Mia kasabay ng muling pagbuka ng bibig ng babae. Alam na niya ang kasunod ng numerong iyon.
"THIRTY!" Bulalas ni Mia. Ngumiti ang babae habang unti-unti nitong itinataas ang hintuturo.
Napalingon si Mia sa likuran niya. Nasilaw siya sa ilaw na galing sa humaharurot na sasakyan. Parang wala iyong balak huminto. Mabilis na napatayo si Mia at agad na kumaripas ng takbo papunta sa tabi ng kalsada. Napahawak siya sa dibdib niya, parang huminto ang tibok ng puso niya.
Muntik na siyang masagasaan kundi dahil sa babala ng babae.
Huminto ang sasakyan sa gitna ng kalsada. Hindi pa man nakakababa ang driver ay kung anu-anong mura na ang lumabas sa bibig ni Mia. Lalapitan niya pa sana ang sasakyan, ngunit isang malamig na pagdampi sa braso niya ang nagpahinto sa kaniya.
Marahan siyang lumingon kahit parang may puwersang pumipigil sa kaniya.
Naestatwa si Mia sa nakita. Para siyang nanalamin. Hindi siya makapaniwalang ang babaeng lumulutang sa harapan niya kanina ay kawangis niya. Singkit at malamlam na mga mata. Matangos na ilong. Manipis na mga labi. Pantay na ang mukha nila ngayon dahil nakaangat na rin ang mga paa niya sa lupa.
Bumaba ng sasakyan si Anton.
"Claire, dali! Tulungan mo ako sa katawan!"
Mabagal na lumapit si Claire at agad na yumapos sa bisig ng propesor. Ngunit mabilis na naagaw ng duguang katawan sa kalsada ang pansin niya. Tumakbo siya papalapit doon.
"Five, Six, Thirty," bulong ni Mia sa sariling tainga habang nakatitig sa numero ng plaka ng sasakyan. Pilit kinakabisado iyon.
"Five, Six, Thirty... Five, Six, Thir-ty... Five—"
"Mia!"
Isang malakas na pag-alog sa balikat ni Mia ang gigising sa kaniya. Mapapabalikwas siya sa kama, saglit na mapapahawak sa dibdib, at pupunasan ang butil-butil na pawis sa noo. Kabisado na ng katawan niya ang mga gagawin kahit hindi na siya mag-isip.
***
MsLynLuna ☽
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top