CHAPTER 36
Chapter 36
"No! Baka pwede natin itong mapag-usapan Andy." hindi pagsang-ayon ni Kino sa dalaga habang nagliligpit ito ng mga gamit nito.
"Pinag-usapan na natin 'to kanina." tugon ni Andy.
Habang patuloy sa paglalagay sa bag ng mga damit si Andy ay siya namang pagtanggal ni Kino rito.
"Wala kang mapupuntahan, hindi mo kailangan na umalis dito. Pwede kang mag-stay bilang kaibigan ko, hindi bilang katulong. Wala namang kaso sa mga magulang ko." pamimilit ni Kino.
"Marami akong bus station na mapupuntahan at wala naman talagang kaso sa mga magulang mo dahil hindi ko naman sila kinasuhan." pamimilosopo ni Andy bago ipinagpatuloy ang pagliligpit.
Umawang ang bibig ni Kino dahil sa itinugon ni Andy bago inagaw ang bag na balak sana nitong bitbitin.
Pagod na tiningnan ni Andy ang binata bago bumuntong-hininga at napaupo sa kama. Kanina pa kasi siya nagliligpit ng mga gamit ngunit hanggang ngayon ay hindi siya matapos-tapos dahil sa pangingialam ni Kino.
Kita ni Kino ang pagod sa mukha ng dalaga kaya umupo siya sa harapan nito at hinawakan ang mga kamay ni Andy.
"Andy, please. Huwag mo akong iwan, ikaw lang ang kaibigan ko na nakakaintindi sa akin. Huwag ka nang umalis, hindi na kita papabayaan. Ako na ang bahala sa iyo, hindi na ako magiging isip-bata at magiging seloso. Kahit hindi mo na ako bantayan, basta palagi ka lang sa tabi ko. Alam ko ang pakiramdam na maging kakaiba, ayoko na maramdaman ulit natin iyon." pangako ni Kino.
Nararamdaman ni Andy ang pagiging totoo ng kaibigan kaya hindi niya maiwasang maniwala rito ngunit naiisip niya ang mga posible pang mangyari dahil sa hindi matukoy na pabago-bago ng kilos ng kaibigan.
'Baka mamaya ay bigla na lang niya hayaan ang katawan kung sakali na mawalan ako ng malay.'
Nahalata ni Kino na hindi pa rin niya mapipigilan si Andy kaya humanap siya ng paraan para mapilit ang dalaga. Nang ilibot niya ang kaniyang paningin ay nakakuha ng kaniyang pansin ang human size komasan stuff toy na binigay niya rito bilang regalo sa pagsali nito sa Paranormal Club.
Bigla siyang tumayo at binuhat ang tahimik na stuff toy bago iniupo sa puwesto ni Andy na walang ideya sa ginagawa niya.
"Bakit mo inilapit sa akin si baby Koko? Huwag mo sabihing kukuhain mo na siya." may pagtatakang tanong ni Andy.
Umiling si Kino bago umakbay sa human size stuff toy.
"Kapag umalis ka rito. Hindi mo rin madadala si baby Koko dahil wala kang mapaglalagyan sa kaniya," nag-sad face si Kino bago niyakap ang stuff toy, "Malulungkot din siya dahil maghihiwalay na ang mga magulang niya, gusto mo ba iyon? Wala pa tayong isang taon bilang magulang niya, maghihiwalay na agad tayo?" nagpapa-cute na tanong ng binata.
Napangiwi si Andy at hindi na napigilang matawa dahil sa ginagawa ni Kino sa kaniyang harapan.
"Akala ko ba hindi ka na magiging isip-bata, mukhang nilalabag mo agad ang pangako mo Mr. De Vera." natatawang komento ni Andy bago inagaw kay Kino ang stuff toy, "Tsaka ipapaalala ko lang, tito ka lang ni baby Koko. Kaya huwag mo na ulit sasabihin na maghihiwalay ang mga magulang niya dahil kinikilabutan ako, pakiusap lang." napapailing na sabi ni Andy sa kaharap.
Pinagkrus ni Kino ang mga kamay bago nagkibit-balikat.
"Ako ang bumili sa kaniya kaya ako ang legal niyang ama. Binigay ko lang siya sa iyo kaya ampon mo lang siya, kung ayaw mo na maging magulang niya, edi ibalik mo ulit sa akin o kaya humanap ka ng jowa na papalit sa puwesto ko para maging ama niya. Remember? Hindi kayo ni Krem katulad ng ipinipilit mo noon na siya ang ama nito." palaban na sabi ni Kino.
Umirap sa kawalan si Andy bago huminga nang malalim upang pigilan ang sarili.
'Okay, ayan na naman siya sa pagiging legal na ama ng stuff toy ko. Fine.'
Hindi na kumibo pang muli si Andy kaya napanatag ang loob ni Kino.
"Hindi mo na ba kami iiwan? Hindi ka na ba galit?" pagtatanong ni Kino sa dalaga bago ininguso si Komasan, "Magagalit ang baby natin kung iiwan mo kaming dalawa." muling nagpacute si Kino kaya kinikilabutan na tinulak ni Andy ang mukha nito gamit ang kamay niya.
"Oo na, basta tuparin mo yung mga sinabi mo ngayon at kanina."
Kumunot ang noo ni Kino, "Na alin?"
Sinamaan ni Andy ng tingin si Kino.
"Hindi mo na ako papabayaan ulit, iiwasan mo na ang pagiging isip-bata at hindi ka na magseselos.." natigilan si Andy sa huli niyang sinabi, "Wait, saan ka naman magseselos? At bakit? Anong karapatan mo?" sunod-sunod na tanong ni Andy habang naniningkit ang mga mata.
Umubo si Kino dahil sa hindi niya inaasahang pagtatanong ni Andy.
"W-wait, mukhang nasamid ako. Kukuha lang ako ng tubig sa baba, goodnight." paalam nito at mabilis na nilisan ang kwarto ni Andy.
"What is the story 'Cupid and Psyche' all about?" isang tanong mula sa guro ang nagpagising sa mga tulog pang diwa ng mga estudyante.
Ngunit hindi natinag si Lylia at nanatili sa pagkakayuko at hindi man lang nagsayang ng isang segundo para tingnan ang guro.
Marami ang nagtaas ng kamay maging ang kakambal nito na si Krem ngunit si Lylia ang nakaagaw ng pansin sa guro na mabilis siyang nilapitan.
"Miss Regino. Hindi kita pinapasok sa klase ko para matulog lang." komento ng guro.
Umirap sa kawalan si Lylia bago tamad na inayos ang pagkakaupo at buong tapang na nakipagsabayan ng tingin sa guro.
"Hindi niyo naman po talaga ako pinapasok, mas nauna pa ako sa inyo pumunta rito." pamimilosopo ni Lylia habang sinusuklay ang buhok niya gamit ang mga daliri sa kamay.
Kakakulay lang ulit ng highlight na violet na mas nagpaganda rito.
Namimilog ang mga mata ni Krem na binalingan ang kakambal at sinutsutan ito para sawayin. Tumaas ang isang sulok ng labi ng guro at pilit nagpapasensya sa dalaga.
"Ganiyan ka ba pinalaki ng magulang mo, sayang ang binabayad nila para pag-aralin ka." hindi makapaniwalang wika ng guro.
Tumaas ang isang kilay ni Lylia na mukhang hindi nagustuhan ang winika ng guro.
Nakaramdam ng panlalamig si Krem at pinandilatan si Lylia na lumingon sa puwesto niya bago ito umirap muli at isinantabi ang senyas ng kakambal. Naisapo ni Krem ang mga palad sa noo dahil alam niyang hindi maganda ang kahihinatnan kapag tumugon muli ang kakambal.
"Ikaw po, ganiyan ka ba magturo. Sayang ang binabayad sa iyo ng Paaralan dahil pakialamera ka po."
Namula ang guro at dinuro ang nakasimangot na mukha ni Lylia.
"GO TO DETENTION ROOM NOW! MAGLILINIS KA PA NG BUONG SCHOOL GROUND MAMAYANG UWIAN!" galit na galit na sigaw ng guro na halos lahat ng room sa buong building ng third year ang nakarinig.
Nagising ang natutulog na diwa ni Andy dahil sa lakas ng sigaw. Sakto na wala ang kanilang subject teacher kaya umingay ang klase na kanina lang ay tahimik.
"Abangan natin kung sino yung lalabas sa section two tapos asarin natin!" sigawan ng mga kamag-aral ni Andy at nagsitakbuhan sa bintana.
Sa kabilang dulo naman na kwarto, si Denum na kumunot ang noo at kaagad na tumingin sa bintana dahil natigil din ang pagtuturo ng kanilang guro.
"Oy, tingnan natin kung sino yung pinalabas nung Filipino teacher sa kabilang room. Pagkalabas, asarin natin!" sigaw ng isa sa mga estudyante.
"Class, may klase pa tayo. Itigil niyo iyan." saway ng subject teacher ngunit tila bingi ang mga estudyante sa star section dahil mas inuna pa nilang maghintay kaysa makinig sa lesson.
Dahil sa alam niya na may mga tsimoso na estudyante na naghihintay sa labas ay nahihiyang tumayo si Lylia at nakayukong lumabas ng kwarto. Nasa tapat palang siya ng pinto ay nilingon na niya ang kambal at nagpaawa rito upang samahan siya sa kahihiyan ngunit isang malungkot na pag-iling lang ang isinagot ni Krem hanggang sa isinarado na ng guro ang pinto.
Kumuyom ang mga kamao ni Lylia at huminga nang malakas bago kinausap ang sarili.
"Huwag mong ipakita sa kanila na mahina ka. Remember? Hindi ka binasted ni Kino De Vera, ikaw ang nang-iwan sa kaniya. Dapat iyon ang itatak mo, huwag kang iiyak." buo ang isip na paalala niya sa kaniyang sarili bago dahan-dahang humakbang para salubungin ang mga estudyante na nakasilip sa magkabilang kwarto ng room nila.
Namamangha ang mga estudyante habang tinitingnan si Lylia na mabagal na naglalakad sa corridor. Sa mga mata ng kalalakihan, isa siyang anghel na may violet na buhok na siyang mas nagpapalakas ng karisma niya.
"Si Lylia pala, first time ko lang narinig na pinalabas siya ng klase. Ano kayang nangyari sa kaniya?"
Iyan ang bulong-bulungan sa magkabilang section nina Andy at Denum. Si Denum ay kaagad na inalis ang tingin sa bintana nang masiguro na mali ang kaniyang inaakala at hinayaan ang mga kaklase na makiisyuso.
"Grabe, anong nangyari kay Lylia ng Music Club?"
"Ang sabi, heartbroken daw iyan dahil binasted nung fourth year na palaging may sumbrero."
"Masyado kasing ambisyosa, hindi naman kagandahan."
Mabilis na tumayo si Andy sa kinauupuan at tinabig ang mga babaeng gumagawa ng kwento kay Lylia kahit alam ni Andy na medyo totoo iyon.
"Aray! Bakit mo kami tinabig?" inis na tanong ng isa sa dalawang babae.
Ngumiti si Andy bago muling sumeryoso ang mukha.
"Inililigtas ko lang kayo sa pwedeng mangyari sa inyo kung si Lylia mismo ang makakarinig ng mga sinasabi niyo." may diin na sagot niya bago umakyat sa upuan upang matanaw ang mabagal na paglalakad ni Lylia.
Maraming mga lalake ang naghihiyawan at sinusutsutan si Lylia na nagpipigil ng galit. Gusto na niyang manakbo pero namamanhid ang mga paa niya at parang gusto na umupo dahil sa nerbiyos na baka makita siya ni Kino sa ganitong kalagayan o kahit mamaya kung maglilinis siya ng school ground.
"Lylia! Ako na lang i-date mo!"
"Hindi kita babastedin dahil crush kita, Lylia! Akin ka na lang!"
"Sino ba yung nambasted sa iyo? Ang tanga naman niya para sayangin ang ganda mo!"
Hindi na nakapagtimpi si Lylia at kaagad na binalingan ng tingin ang mga estudyante na kanina pa siya binabastos. Balak niya sanang itaas ang gitnang daliri ngunit alam niyang mali na gawin iyon sa harapan ng mga kalalakihan kaya nginisian niya ang mga ito bago mabilis na kumuha ng mga bato at ihahagis iyon sa kwarto kung nasaan si Andy.
"T*ng*n*! Hindi kayo titigil!!!" gigil na sigaw niya sa mga ito.
Mabilis pa sa kidlat na nagsialisan sa may bintana at mga pinto ang mga kaklase ni Andy. Tanging si Andy lang ang natira na malapit sa bintana ngunit nakaupo na ito kaya kaagad na natigilan si Lylia at pinakatitigan ang babaeng dahilan kung bakit hindi niya na-enjoy ang date nila ni Kino.
"Ano bang maganda sa iyo bukod sa pagiging weirdo? Walang-wala ka sa akin pero nagawa niya akong iwan para sa iyo." tanong ni Lylia na hindi inaalis ang tingin kay Andy, "Kaibigan? Haha, may kaibigan bang laging priority?" may pangungutya na tanong ni Lylia na hindi sinagot ni Andy.
Ang lahat ng nanonood kay Lylia ay hindi sigurado kung sino ang pinatutungkulan ng dalaga dahil wala silang ideya sa mga sinasabi nito. Tanging si Denum lang na nakapangalumbaba ang may ideya.
Galit na ibinato ni Lylia sa ibang lugar ang mga bato bago malungkot na muling tiningnan si Andy. Hindi na napigilan ni Lylia ang nangingilid na luha sa mga mata niya.
"Lylia.." pagtawag ni Andy at balak sana itong lapitan ngunit kaagad na tumakbo si Lylia palayo sa lugar.
Walang nakakaalam kung saan siya nagtungo dahil hindi na siya nagpakita hanggang sa magtapos ang klase.
Tahimik na lumabas sina Andy, Krem at Denum ng kani-kanilang kwarto at mga nagkatinginan. Pilit na ngumiti si Krem kay Andy bago naunang maglakad.
Hindi na nagawang kausapin ni Andy si Krem dahil nahalata niya ang pagod sa mga mata nito. Dumako ang tingin niya sa walang emosyon na mga mata ni Denum, kaagad niya itong sinamaan ng tingin nang maalala ang nangyari nung nakaraang araw.
Napaatras naman si Denum dahil sa sama ng tingin ni Andy bago umiling at ipinamulsa ang isang kamay habang ang isa naman ay hawak ang bag.
Napangiwi si Andy sa tinuran ng binata. Hindi siya makapaniwala habang pinapanood ang naglalakad na si Denum na dinaanan lang siya.
"Aba, hindi ka man lang ba hihingi ng tawad?" pahabol niya na ikinahinto nito sa paglalakad bago siya lingunin.
"Para saan? Hindi ba dapat ikaw ang humingi ng tawad dahil sa pagkakalat mo na bakla ako?" tugon ni Denum.
Mas namula sa inis si Andy at kaagad na lumakad papunta sa harapan ni Denum. Kunot-noo niyang dinuro ito.
"Alam mo, hindi mo na kailangan magpanggap na parang walang nangyari. Alam kong alam mo ang tinutukoy ko. Kung ayaw mong mag-sorry, sabihin mo na lang kung paano mo nagawa iyon?" pangungulit ni Andy ngunit tinabig lang siya ni Denum kaya muling tumama sa pader ang likuran niya na kumikirot pa rin.
"Ouch," daing ni Andy habang nakahawak sa likurang bahagi ng katawan nito.
Saglit na nahinto si Denum bago may kinuha sa bag at hinagis ang isang maliit na plastic sa mukha ni Andy. Gulat na kinuha iyon ni Andy at balak sanang itanong kung ano iyon ngunit wala na si Denum sa kaniyang harapan.
"Hala, saan napunta iyon?" nakaramdam ng kaba si Andy bago tiningnan kung ano ang laman ng plastic.
Limang pain relief patches na may design ng mukha ni Komasan.
Medyo gumaan ang pakiramdam ni Andy habang tinitingnan ang ibinigay ni Denum.
"Bakit nandiyan ka? Tsaka ano iyang hawak mo?" mabilis na itinaas ni Andy ang mga laman ng plastic na ibinigay ni Denum at ipinakita kay Kino.
"Pain relief patches na may mukha ni Komasan. Inihagis ni Denum sa mukha ko." sagot ni Andy bago inayos ang pagkakabitbit ng bag niya.
Ngumuso si Kino bago tumango-tango, "Ah, o-okay."
Nagsimula na silang lumakad nang may maalala si Andy.
"Kanina, may nangyari.." nagdadalawang-isip pa siya kung ikukwento niya ang nangyari kay Lylia ngunit pinutol na ni Kino ang pagsasalita niya.
"Alam ko ang nangyari. Nandoon ako nuong sinigawan ka niya at nakasalubong niya ako habang nananakbo siya." pag-amin ni Kino na ikinatahimik ni Andy, "Huwag kang mag-alala sa kaniya, nandoon siya sa Clubroom. Kinakantahan niya yung multo na dapat ipapakausap ko sa iyo bago kayo magperform sa school ground. Naalala mo?"
Napaisip si Andy bago tumango.
"Ay oo, medyo matagal na iyon ah. Tsaka bakit hinayaan mo na si Lylia ang maiwan sa Clubroom?" pag-uusisa ni Andy.
Napamulsa si Kino bago ngumiti, "Dahil official member na siya ng Club natin. Remember the reason why I forced you to join the band Maze? Here, finally. Nagawa na natin ang mission natin na mapasali siya."
Parang binuhusan ng malamig na tubig si Andy bago hinampas si Kino.
"Monggggggiiiii!!"
#FIVESENSES
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top