CHAPTER 34
CHAPTER 34
"Sa ngayon, naisip ko na huwag na munang magperform sa mga susunod natin na Gig para mabawasan ang atensyon patungkol sa nangyari kanina." may pagkadismaya na wika ni Krem bago mapansin ang tahimik na kakambal, "Bakit ang tahimik mo?" pagkuha ni Krem ng atensyon ni Lylia habang nakaupo sila sa labas ng pinto at nakatingala sa madilim na kalangitan.
Hindi sumagot ang kakambal kaya sinulyapan niya ito at nahuling nakatitig sa kan'ya. Nagpantay ang mga kilay ni Krem dahil sa paraan ng pagtingin ni Lylia, tila nang-uusisa.
"Ano naman klaseng tingin iyan, Iya?" naguguluhang tanong ni Krem.
Sa ikalawang pagkakataon ay hindi sumagot si Lylia kaya tumayo na si Krem at hindi na ginambala ang kapatid.
"Katok ka na lang, ila-lock ko ang pinto." huling sinabi ni Krem bago isinara ang pinto.
Nanatiling tahimik si Lylia habang binabalikan ang pag-uusap kasama sina Kino at ang sinasabing kaluluwa ni Andy.
"Mukhang kailangan ko na sabihin ang totoo," may pag-aalangan na sabi ni Kino.
"Anong totoo?" naguguluhang tanong ni Lylia.
Lumakas ang hangin sa tabi ni Lylia kaya nilingon niya ito. Tila may nakatayo sa kan'yang tabi.
"Andy, magpakilala ka nga.." utos ni Kino habang nakatingin sa tabi ni Lylia.
Ilang saglit pa ay may mga letra na naisulat sa alikabok mula sa salamin ng isa sa mga bus hindi kalayuan sa puwesto ni Lylia. Nanginginig ang mga labi na binasa iyon ng dalaga.
"Andy.." basa ni Lylia sa mga letrang nakasulat.
Ilang segundo na tulala si Lylia bago magsalita si Kino.
"I can see any Paranormal creatures but I cannot talk, hear, touch and be like them. Unlike Andy, who can be a ghost whenever ghost is around her one circular perimeter." paliwanag ni Kino.
Pinilit na matawa ni Lylia ngunit napawi ang ngiti ng dalaga nang makita kung gaano kaseryoso ang mukha ni Kino.
"Ay, seryoso ka pala? Akala ko prank lang." medyo sarkastiko na sabi ni Lylia.
Bumalik siya sa reyalidad nang marinig niya ang malakas na hangin na naglalakbay sa mga puno sa kalsada. Tila papunta ito sa iisang direksyon dahil mabilis itong naglalakbay sa bawat puno.
Kumunot ang noo ni Lylia habang pinapanood ang paggalaw ng hangin sa mga puno na palapit sa kinauupuan niya.
"Anak ng tokwa!" kinakabahang sigaw niya bago mabilis na tumayo dahil sa biglaang pagsulpot ng isang nakaitim na babae hindi kalayuan sa harapan niya.
Kitang-kita niya kung paano ito dahan-dahang nawala sa paningin niya habang tinititigan siya. Sa isang iglap ay napunta ito sa harapan niya kaya nakilala niya ang mukha nitong nakangisi at nababalot ng itim ang mga mata.
"Andy?" wala sa sariling tanong niya bago mabilis na pinihit ang doorknob ngunit hindi bumukas dahil mukhang sarado sa loob, "Langhiya! Emir! Mama! Papa! Naka-lock yung pinto! Sinong naglock ng pinto!?"
Natataranta niyang kinatok ang pinto bago sumigaw, "MAMA! EMIR! PAPA! YUNG PINTO!!"
Natigil sa pagsigaw si Lylia nang may maramdaman siyang nakatayo sa likuran niya at ramdam niya ang bigat na parang may dumadagan sa buo niyang katawan.
"Lylia Amediya, ang boses mo ang magpapahamak sa iyo.." mahinang bulong sa tenga ni Lylia kaya nangnginig ang mga labi nito at walang lumalabas na boses.
Mariing pumikit si Lylia.
'Hindi ito totoo, imahinasyon lang.. Hindi totoo.' kinakabahang sabi niya sa kanyang isipan.
Biglang natahimik ang buong lugar kasabay nito ang biglaang pagbukas ng pinto kaya kasabay ng pagdilat ay napaupo si Lylia sa sahig dahil sa matinding gulat. Kunot-noo siyang tinitigan ni Krem.
"Anong nangyayari sa 'yo? Nagdadasal ka ba?" puno ng pagtataka na tanong ni Kremir sa kakambal.
Hindi na muli pang kumibo si Lylia at malalim na bumuntong-hininga bago nagmamadaling gumapang papasok sa loob ng bahay na mas ipinagtaka ni Krem.
Napapailing na tumawa si Krem sa inasal ng kakambal.
"Ma! Si Iya, hindi yata nakainom ng gamot." pabirong sabi ni Krem bago muling isinarado ang pinto.
Ngunit bago niya pa iyon maisara ay may pumigil na kamay sa awang nito. Naguguluhang mabilis na binuksang muli ni Krem ang pinto ngunit walang tao bukod sa malakas na hangin mula sa mga puno na nakapaligid sa kanilang bahay.
"Emir, Is there something wrong?" tanong ng kaniyang ama nang mapansin ang paghinto ni Krem.
Mabilis na nilingon ni Krem ang ama bago tipid na ngumiti.
"Bigla lang lumamig ngayon dito sa loob, nakapatay naman po yung aircon 'di ba?" sagot ni Krem sa ama.
Umangat ang magkabilang kilay ng ama ni Krem bago tumingin sa isang gilid kung nasaan ang electric heater na nakabukas at sa kabilang gilid ay ang aircon na nakapatay.
Muling nagkatinginan ang mag-ama bago tumahimik.
TAHIMIK sina Kino at Andy habang nakaupo sa isang mahabang upuan. Isang metro ang layo nila sa isa't-isa habang diretso ang tingin sa kawalan.
Pinipigilan ni Andy ang muling maluha habang inaalala ang mga nakita niyang reaksyon ng mga taong nanood sa Bar. Hindi niya mapigilang madismaya sa sarili habang hindi pa bumabalik sa sariling katawan ang kaniyang kaluluwa.
"Matagal ko nang gusto iyon. Pangarap ko iyon, pangarap namin ng mga magulang ko pero kinalimutan ko nang mawala sila. Ang makapag-perform ako sa isang lugar habang madilim ang kalangitan at puno ng iba't-ibang liwanag ang kapaligiran. Akala ko matatapos ko, akala ko wala ng problema. Pero mali ako, dahil ang problema ay sarili ko mismo," naramdaman ni Andy ang mabilis na pag-agos ng mga malalaking butil ng luha galing sa magkabilang-mata, "Ano bang ginawa kong kasalanan, bakit hinahayaan ng diyos na maging ganito ang buhay ko? Bakit masyado niya akong pinapahirapan? Bakit ako pa? Kahit anong pilit ko magpanggap na normal, abnormal pa rin ako sa paningin ng lahat. Hindi ko na kaya." hindi na niya napigilang humikbi bago itakip ang mga palad sa sariling mukha.
Tahimik na nakamasid si Kino dahil wala itong maintindihan sa mga sinabi ng dalaga. Gusto niyang yakapin ang kaibigan o sabihin na 'ayos lang ang lahat' ngunit paano niya iyon masasabi kung ang sarili niya ay hindi niya maiayos.
Pakiramdam niya ay hindi pa sapat ang kakayahan niya para maprotektahan ang kaibigan. Gusto niyang mag-isip ng paraan para hindi niya maisip na wala siyang kwenta para sa dalaga ngunit sa puntong ito, ang pananahimik lang ang nagawa niya para hindi na makadagdag pa sa mga iniisip ni Andy.
"Gusto ko ng sagot, kaso, nahihiya akong magtanong sa iyo kaya minabuti ko na sabihin ito habang wala pang nakakarinig sa akin, Kino. Habang wala pang nakakaintindi sa akin. Kasi, hindi pala sapat na naiintindihan ka para unawain ka. Magkaiba pala iyon. Hindi lahat ng nakakaintindi ay dadamayan ka, 'yung iba ay nakikinig lang talaga. Kaya natatakot na ako magkwento, nahihirapan na ako. Gusto kong magkwento pero pakiramdam ko, walang makikinig sa akin kahit sumigaw pa ako." humihikbing dagdag ni Andy bago nilingon ang tahimik na si Kino.
Pinilit na ngumiti ni Andy, "Sa ngayon, sapat na sa akin na may kaibigan akong kagaya mo. Sana hindi ka mawala."
Hindi ito narinig ni Kino ngunit nabasa niya ang pagbuka ng mga labi ni Andy at ang emosyon sa mga mata nito. Hindi niya napigilang tumango at mapangiti habang dahan-dahang nawawala sa kaniyang paningin ang kaluluwa ni Andy.
Sa isang iglap ay kaagad na bumalikwas ng upo si Andy habang naghababol ng paghinga. Mahigpit siyang humawak sa dibdib bago tinakpan ang mukha gamit ang mga palad at muling lumuha.
"Hindi ko na kaya.." humihikbing bulong niya sa kan'yang sarili.
Habang nakatakip ang mga kamay sa kanyang mukha ay naramdaman niya na may kumuha ng isa sa mga ito at pinagsiklop iyon gamit ang kamay nito. Nakaramdam ng panlalamig si Andy habang tinitingnan kung sino ang kumuha sa isang kamay niya.
Tahimik itong nakatingin sa ibang lugar habang nakaupo sa maliit na espasyo sa kanang bahagi ni Andy dahil ang kaliwa ay isang pader.
Muling tiningnan ni Andy ang mga kamay nilang dalawa ng lalake na katabi niya sa kama. Magkasiklop pa rin ito at mahigpit ang hawak ng kamay ng kaniyang katabi kaya hindi niya mabawi.
Ibinaba ni Andy ang isa niyang kamay na nakatakip sa kaniyang mukha bago ibinaling sa iba ang atensyon.
"P-pwede na ba akong lumabas?" pag-iiba ng usapan ni Andy habang patuloy sa paghikbi.
Umiling si Denum, "Bawal ka dumaan sa front door." matipid nitong sagot.
Medyo yumuko si Andy habang iniisip ang dahilan kung bakit bawal siyang dumaan sa front door.
"Bakit? Nandoon pa ba 'yung mga nagalit niyong customer?" muling tanong ni Andy.
Umiling si Denum na medyo ipinagtaka ni Andy kaya napatingin siya sa binata.
"Bakit bawal akong lumabas sa front door?" gusto ng paliwanag ni Andy dahil nakaramdam siya ng kaba.
Dahan-dahan siyang tiningnan ni Denum at nakipagsabayan sa tingin niya.
"Kasi sa Exit door lang pwedeng dumaan palabas." seryosong sagot nito.
Ilang segundo na nabalot ng katahimikan hanggang sa hindi na napigilan ni Andy na magpigil ng tawa. Medyo naguluhan naman si Denum sa inasal ni Andy.
"That's not a joke." paglilinaw ni Denum.
Hindi na napigilan na matawa ni Andy bago tumango-tango.
"Yeah, I know. Hahahahaha!" tumatawang saad ni Andy.
Mas nagpantay ang kilay ni Denum.
"Then, why are you laughing?"
Umiling-iling si Andy bago pinigilan ang pagtawa.
"Ngayon ko lang kasi napansin na ang cute mo pala kapag ganito kalapit at tinitigan ka nang mabuti." pag-amin ni Andy.
Hindi nakapagsalita si Denum at kitang-kita ang mabilis na pamumula ng pisnge nito na ikinamilog ng mga mata ni Andy.
"Hala, nagbibiro lang ako! Monggiii! Kinilig ka?" natatawang tanong ni Andy habang tinuturo ang pisnge ni Denum.
"NO." may diin na sagot nito bago mabilis na tumayo sa kinauupuan.
Nakalimutan ni Denum ang magkahawak nilang kamay ni Andy kaya nahila niya ito patayo.
"Monggii, kinikilig ang demonyo." namamangha na asar ni Andy habang sinusundan si Denum dahil sa magkahawak nilang kamay.
Dahil sa pagkairita ay mabilis na hinarap ni Denum si Andy na hindi inaasahan ng dalaga kaya hindi siya nakahinto at sa isang iglap ay parehong huminto ang mundo ng dalawa.
Habang magkatitigan at magkalapat ang mga labi ay nabalot ng isang awitin ang buong Bar mula sa malalaking speaker na nakapaligid sa buong lugar.
Isang romantikong awitin iyon at tila hinehele ang dalawa habang magkalapat ang kanilang mga labi dahilan upang pareho silang mapapikit.
Kahit magkalapat ang mga labi ay ramdam na ramdam nila ang kakaibang pakiramdam sa bawat isa. Pareho silang nablanko ang pag-iisip.
Walang kumilos sa kanila hanggang sa matapos ang kanta. Naramdaman na lang ni Andy na may nakatingin sa kanila kaya nagpanggap siya na napaupo dahil sa nangalay na paa para makaalis sa kahihiyan na nangyari.
"Aray ko! Nangalay yung paa ko dahil sa paghila mo. Ano ba iyan?" reklamo ni Andy para maisantabi ang nangyari.
Doon lang nakabawi si Denum kaya inilibot niya ang paningin at naabutan si Kino na nakatayo hindi kalayuan sa puwesto nila. Dahil sa nakita niyang reaksyon ni Kino ay nginisian niya ito. Nakita niya kung paano kumuyom ang kamao ni Kino bago tumalikod at naglakad palayo.
Nang masiguro na wala na si Kino ay tsaka niya lang ibinalik ang tingin kay Andy na nakahawak pa rin sa paa.
"Itigil mo na nga 'yang kaartehan mo." seryosong wika ni Denum kay Andy.
Ngumiwi si Andy bago tumingala at sinabayan ang tingin ni Denum.
"Hindi ako umaarte, masakit talaga paa ko." pagmamatigas ni Andy.
Umirap sa kawalan si Denum bago hinila si Andy na labis na ikinabigla nito. Sumasadsad ang mga sapatos ni Andy sa sahig habang hinihila siya ni Denum.
Namimilog ang mga mata ni Andy habang pinipigilan na tumili dahil sa pagkiskis ng mga sapatos niya sa sahig.
'Hala?! Magtatatlong taon palang ito sa akin?!' pag-aalala ni Andy bago sinubukan na mas magpabigat para huminto si Denum ngunit mukhang hindi nauubos ang lakas ng binata dahil nagawa pa nitong hilahin siya patayo.
"Ano? Masakit pa ba paa mo? O baka gusto mo na——" pinutol ni Andy ang sasabihin ni Denum.
"Mongggggiiiiiii!!" sigaw ni Andy bago inunahan si Denum sa paglalakad.
Tahimik na sumunod si Denum hanggang sa makarating sila sa mga nagtataasang puno na medyo malayo sa Bar na pinanggalingan nila.
Umupo sa isa sa mga ilalim ng puno si Andy bago sunod-sunod ang malalim na paghinga. Pilit niyang pinapakalma ang sarili dahil naiisip na naman niya ang mga hindi inaasahang pangyayari nuong mga nakaraang araw.
Umupo si Denum sa tabi ng dalaga bago muling pinagsiklop ang mga kamay nilang dalawa na nakakuha ng atensyon ni Andy.
"Bakit mo ba ito ginagawa? Gusto mo ba ako?" nakangusong tanong ni Andy.
Nagpantay ang mga kilay ni Denum bago nagpipigil na tumawa.
"Seryoso ka? Tingin mo may magkakagusto sa 'yo?" pabalang na tugon ni Denum kaya sumimangot si Andy at tumingin sa ibang direksyon.
"Isang magic 'to,"
Muling ibinaling ni Andy ang tingin kay Denum na nakatingin sa kan'ya.
"Tinuro sa akin ng babaeng baliw na tinuro raw ng Papa niya sa kan'ya. Kapag pakiramdam daw ng kasama mo na nag-iisa siya, ito ang gawin ko." pagpapatuloy ni Denum na labis na ikinatuwa ni Andy.
Sa labis na tuwa ay hindi na napigilan ni Andy na muling maluha habang inaalala ang sariling ama.
"Thank you.." tanging nasabi ni Andy habang umiiyak.
Tumingala si Andy at pinanood ang madilim na kalangitan habang may mga kumikislap na bituin at nagliliwanag na buwan.
Naibaling niya ang atensyon sa magandang tanawin na nakikita kaya gumaan muli ang pakiramdam niya.
"When the brightest star fades away, there's a new star come to shine." muling pagsasalita ni Denum habang nakatingin sa kalangitan, "Darkest day will find a new light—"
"And moods will lighten up to see a new smile." dugtong ni Andy na medyo ikinabigla ni Denum at napasulyap kay Andy.
Ngumiti si Andy, "Sinabi sa akin ni Jonil. Iyon raw ang sinasabi mo para bigyan siya ng pag-asa. Mukhang ako na ang bago mong sasabihan ng mga salitang iyan." paliwanag ni Andy.
Sa gitna ng madilim na gabi, hindi napigilan ni Denum na mapangiti na hindi napansin ni Andy.
——————END OF CHAPTER 34——————
AUTHOR'S NOTE: Special thanks to Kaxé Manunulat for making the new cover photo of this story. Thank you very much!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top